Agrikultura
“MAGTANIM ay hindi biro… Maghapon nakayuko.” Ito ang unang bahagi ng awit tungkol sa pagtatanim ng palay noong mga nakaraang taon.
Ngayon, bago na ang tono, ayon sa mga magsasakang nakapanayam namin noong dumalo kami sa Piyestang Syngenta sa Cabanatuan City noong Hulyo 11. Eto na ang bagong tono. “Pagtanim ay maginhawa ‘pag gamit ay bagong teknolohiya…at malaki pa ang kita.”
Ang Piyestang Syngenta ay tuwi-tuwi nang ginaganap ng Syngenta na siyang namamahagi ng mataas na uri ng binhi at mga pamuksang sakit at peste ng palay at mais. Sa ganitong kaganapan, ipinapakita nila ang mga makabagong pamamaraan upang tumaas ang ani. Sa nakaraang Piyesta, mahigit na 150 magsasakang kalalakihan at kababaihan ang dumalo mula sa iba’t ibang bayan at siyudad ng Nueva Ecija at karatig lalawigan.
Tatlo ang aming nakakuwentuhan na magsasakang umunlad sa pagtatanim ng palay na taga-San Leonardo at Sta. Rosa, Nueva Ecija. Maliliit lamang ang kanilang sinasakang lupain, pero mataas ang inaani na nakapagbibigay ng sapat na kita. Isa sa kanila si Rustico Guansing, 60 anyos ng Sta. Rosa. Ayon sa kanya, iba na ngayon ang buhay ng magsasakang nagtatanim ng palay kung siya ay gumagamit ng makabagong binhi at mga tamang pagmamaneho tungkol sa pagpuksa ng damo, insekto at sakit ng tanim. Dalawa at kalahating ektarya lamang ang kanyang sinasaka na may irigasyon kaya dalawang beses siyang nakapagtatanim sa loob ng isang taon.
Ayon sa kanya, hindi na siya nagbabanat ng buto sa kanyang pagsasaka. Siya ay may-ari ng maliit na traktora at inuupahan na
lang niya ang isang operator at isang katulong ng P800 para araruhin at ihanda ang pagtatamnan. Wala rin siyang pagod sa pagtatanim ng mga punla sa lupa. Bakit? Sapagkat siya ay miyembro ng isang kooperatiba na nabigyan ng Department of Agriculture ng rice
transplanter. Inuupahan na lang niya ito ng P1,000 upang matamnan ang isang ektarya. Kung magpapatanim siya ng mga trabahador, malamang gagastos siya ng P5,000 bawat ektarya.
Sa paggapas, hindi na rin siya nagbabanat ng buto, sapagkat may mga may-ari ng rice harvester na siyang nag-aani ng kanyang palay. Bawat 100 kaban na ani, babayaran na lang niya ng 10 kaban.
Noong nakaraang tag-araw, nakaani si Guansing ng 19,604 kilo ng palay mula sa kanyang 2.5 ektaryang palayan. Naibenta niya ito ng tig-P21 bawat kilo kaya nabayaran siya ng P411,684 sa kabuuan. At magkano naman ang gastos? Mahigit lamang ng P100,000 ang kabuuang ginastos kaya mataas ang kita.
Bukod sa paggamit niya ng hybrid barayti mula sa Syngenta, gumamit din siya ng Armure, isang uri ng fungicide na pumoprotekta sa mga palay kontra sakit. Bukod diyan, pinaparami ng Armure ang ugat at mga suwi ng palay kaya marami ang bunga. At ang mga butil ay mabintog kaya mabigat ang ani.
Sa nakaraang tag-ulan, NSIC-222 ang itinanim ni Rustico. Ito ay hindi hybrid pero mataas din ang ani. Nakakuha siya ng 180 kaban bawat ektarya. Malaki rin ang kita niya kasi mura ang binhi – P1,200 lamang kada ektarya imbes na P4,800 hanggang P5,000 kung
hybrid ang binhing itinanim. Ang dalawa pang magsasakang nainterbyu namin ay ganoon din ang karanasan. Si Montano Ramos ng Brgy. Mallorca, San Leonardo, ay umani ng 29,532 kilong palay mula sa 2.7 ektaryang palayan. Naibenta niya ito ng mahigit P500,000 at ang kanyang gastos ay mahigit sa P100,000 lamang. Halos ganoon din ang karanasan ni Pastor Nieto, dating taksi
driver na nagsasaka ngayon sa Brgy. Mallorca sa San Leonardo. Noong nakaraang tag-araw, umani siya ng 27,900 kilong palay mula sa tatlong ektarya. Ang kabuuang ginastos ay P165,000. Malaki rin ang kanyang kinita.
Kaya tama sila. Mas maginhawa at mas malaki ngayon ang kita sa pagpapalayan kung ang gamit at mga makabagong teknolohiya.