Kung Ika'y Mawawala
Kung ika’y mawawala, Magmomotorsiklo ako papunta sa Aurora, Maglalakad-lakad ako sa tabing-dagat nang mag-isa. Titikman kong lahat ng mga eksótikóng pagkain, Susubukan kong ang ekstrémong isports— Tatalon ako sa bangin At aakyat sa bundok.
Kung ika’y mawawala, Magpapa-tattoo ako sa likod— Isang pares ng pakpak na malalapad. At baka sakaling ako’y makalipad Papunta sa iyong kinaroroonan Dahil siguradong hahanapin mo ako Kung nasaan ka man.
Kung ika’y mawawala, Bibilangin ko Ang mga bagay na di mo naibigay At ang mga pagsuyong di nagawa. Hindi ko iisipin Ang matatamis na salita Kundi ang mapapait na gunita.
Kung ika’y mawawala, Marami akong maisusulat na tula At iba’t iba pang akda. Ito ang aking pagpupuyatan At hindi na ang pag-aalala kung ika’y nasaan, Kung kumakain ka ba nang tama, O nag-eehersisyo nang regular.
Hindi na ako mag-iisip ng uulamin Pag Sabado’t Linggo Kung kailan kumpleto tayo Noon tayo nagkakasabay-sabay Sa hapag at nagkukuwentuhan Ng kani-kaniyang buhay Sa buong linggong nagdaan.
Kung ika’y mawawala,
Mag-aasawa uli ako.
Ito ang sinabi ko sa iyo Noong una kang nagkaramdam. Natakot ka marahil kaya ika’y lumaban. Kaya muli ko itong sasambitin At uulit-ulitin. Uulit-ulitin.
Kung ika’y mawawala, May magmamaneho na ng awto Dahil si Kuya ay naturuan mo. Si Diko naman, Sanay nang magmotorsiklo. Kay Bunso ay walang problema— Kahit saan siya isakay ay di nahihilo Basta’t ako ang kasama.
Kung ika’y mawawala, Iisipin ko na lamang na ika’y nasa Maynila— Nagtatrabaho para sa mga bata.