Mga Bituin Sa Tubig (25)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Efren Abueg

(IKA-25 NA LABAS)

INAKALA ni Armand na naibaling na niya ang pansin ni Zaida kay Sig. Sumikad naman sa ibabaw ng salbabida nito si Normi kaya natalsikan siya ng tubig sa mukha. “’Ayan, Uncle, inaapura ka na ni Normi!” Nagtatawang si Bart. “Apurado kayo!” gumanting-saboy ng tubig si Normi. Tinawagang-pansin ni Armand ang dalawa na magmasid sa demonstrasyon niya ng pagsisid sa ilog. “Irelaks ang inyong mga baga, saka punuin ng oxygen. Aabot kayo sa lalim na gusto ninyo sa ganyang paraan!” Sumagid sa tabi niya si Bart. “Uncle, tinuruan ko na si Normi sa pagsisid. Lalo siyang naniwala sa akin sa demonstration mo!”

Nakatingin nga nang may paghanga si Normi sa pamangkin niya.

“At lalong magaling kung malalapit ang loob ni Zaida kay Sig!” Iniisip niyang makukuhanan ng impormasyon ang dalaga tungkol sa Papang nito.

Tumanaw muna siya sa patuloy na nag-uusap na sina Zaida at Sig bago siya sumigaw. “Ready…relax your chests, breathe in deeply…and dive!”

Sumunod sa kaniya nang de numero sina Bart at Normi. Ramdam niyang nakaagapay agad ang dalawa sa pagkabulusok nila.

Nagbigay ng puwang si Armand para makaalalay sa dalawa sakaling hindi ganap ang paghigop ng hangin ng mga ito. At ilang lipat-saglit, sinalubong sila sa ilalim ng ilog ng kikislap-kislap na mga bituin.

Pagkaraan, sinagi ni Armand ang tulalang dalawa bilang senyas na kailangang pumaibabaw na sila. Bago siya sumunod, pinauna muna niya ang mga ito.

Nakita ni Armand na halos yakapin ni Normi si Bart sa tuwa. Luminga-linga ito sa gawi nina Zaida at Sig.

“Ate, mas maliwanag pa sa mga bituin sa langit ang kumikislap-kislap sa ilalim!” sigaw ni Normi sa kapatid.

“Isinama sana n’yo kami sa ilalim?” ani Zaida na sinundan ni Sig sa paglapit sa gilid ng puting batuhan.

“E, di sumisid din kayo. Tinuruan kami ni Tito Armand ng maayos na pagsisid!”

Nagitla si Armand. Tinawag siyang Tito ni Normi! Naalangan siguro na tawagin siyang Armand ng tin-edyer dahil sa agwat-edad nila.

“Ako na lang ang guide ni Zaida sa pagsisid,” salo naman agad ni Sig. “Pag-sorry ko ‘yon dahil sa paliligo namin dito nang walang permiso!” “Nag-sorry na si Bart noon pa!” Hindi nagsalita si Zaida. Bumaba na ito sa tubig at lumangoy para kunin ang dalawang salbabidang palayo sa batuhan. Inunahan ito ni Sig.

“Kami na lang ni Sig ang sisisid,” sabi ni Zaida.

Ngayon, pinanonood ni Armand si Zaida na nakikinig kay Sig tungkol sa pagsisid.

“Parang iniisnab ako ni Zaida!” pagdidili-dili ni Armand kaya nawaglit sa kaniya ang pagsisid ng dalawa. Labusaw at tilamsik ng tubig sa liwanag ng gabi ang inabot ng tingin niya.

BABALIK sa ilog sina Zaida at Normi kinabukasan ng gabi. Iyon ang pinag-uusapan nila ni Sig sa ilalim ng punong mangga sa may tarangkahan ng bahay ni Nancy. Natulog agad si Bart na ang may pasok sa umaga.

“Nasabi ni Zaida kailangang bumalik sila sa ilog,” ani Sig. “Sayang daw ang ilang araw na itatagal nila sa gubat. Baka maghintay daw sila ng sampung buwan bago makabalik sa lugar na ito.”

Sina Sig at Bart ang nauuna nang inihatid nila sina Zaida at Normi sa daan papasok sa gubat. Nasa hulihan siya sa paglalakad dahil nagmamasid-masid siya sa paligid na napasok na niya noon pa.

Tumitig si Armand kay Sig sa liwanag na bigay ng siwang ng suson ng mga dahon ng punongkahoy. “Bakit di halos ako kibuin ni Zaida?” kaswal niyang usisa. “Ngayon ko lang siya naka-meet. Di naman suplada, ha?” Wala siyang nasabi kay Sig ng tungkol kay Zaida. “Ano ba ang mga tanong tungkol sa atin?” “Sa iyo, meron. Bakit nandoon pa raw si Sister Honorata nang paharapin sila sa inyo? Binabantayan ba sila? Bakit daw puro si Ms. Arago ang nagsalita? Iniiwas ba sila sa iba?” Sino pa ba ang iba na kaharap ng mga estudyante kundi siya? “May iba pang itinanong?” “Ano ka raw ba sa computer store ni Ms. Virmin?” “Sinabi mong magkaibigan kami?” “Oo, pero mukhang di naniniwala?” Nangangantiyaw ba si Sig? “Ikaw?”

“Sabi ko, working student ako na nirekomend mo kay Ms. Arago. Masuwerte siya, sabi ko. May mayaman siyang Papang!” Naghintay si Armand. “Superb daw sa bait ang Papang nila. Kahit adopted lang sila, binigay nito sa kanila ang lahat ng luxuries …basta mag-aral daw silang mabuti!” “Masaya daw ba sila sa buhay nila?” si Armand. “Oo daw naman. Kaya lang, limited daw ang mga kakilala sa

schools kung may programs at parties na parents-students lang!” Naisip ni Armand na sabik sa mga kakilala sina Zaida at Normi, ngunit pinag-iingat ng kanilang Papang. “Kawawa nga sila…,” narinig ni Armand kay Sig. Umiba sila ng paksa. Palapit na ang hatinggabi sa oras na nasulyapan niya sa kaniyang cellphone.

“Positive na tayo ngayon na iisang tao si Mr. Kikuryo sa Pangasinan at si Mr. Francisco Ciquiryo sa gubat na ito,” ani Armand na nasa malayo ang isip.

“Pero sila rin ba ang patunay na hard evidence na buhay si Discarel? Paano ang findings mo na nakalibing na siya?”

“Hindi nga ako naniniwalang he is dead. Maraming tanong sa kaniyang pagkamatay!”

“Kaya patuloy tayong manghahawak na sina Zaida at Normi na adopted lang ng sinasabi nilang Papang ang mga pamangkin ni Ms. Virmin!”

Napatingin siya kay Sig. “Bilang imbestigador, hindi nasasaktan ang ego ko kung may magsabing namamali ako sa teorya o basehan ko tungkol sa isang kaso…”

Parang hinaplit ng hapdi ang lumamlam na mukha ni Sig dahil sa sinabi nito.

“Sorry, Armand. Alam kong nagmamadali ka sa paglutas ng kasong ito dahil kay Ms. Virmin.”

Totoo uli ang sinabi ni Sig. Hindi niya maiiwasang umayon sa sinabi nito.

“Desperate na siya, halata ko sa mga biro niya sa akin!” “Kaya nag-iisip ka

ng drastic solution sa kaso natin? Mag-ingat ka, Armand. Payong kapatid!”

Umusad na ba ang kaisipan ni Sig bilang imbestigador sa ilang buwang pagtutulungan nila sa kaso ng mga pamangkin ni Virmin? Binabasa na ba siya nito at may nakikita nang depekto sa pagsusuri niya sa mga impormasyong pinagtulungan nilang tipunin?

Hindi agad niya sinagot si Sig. Nakatagilid na ito na parang titindig at papasok na sa bahay. Ngunit mayamaya, humarap uli ito sa kaniya at nagkamot ng ulo.

“Ano ba naman ako at pinabigat pa ang iyong dalahin? Tanong ko lang: ano ba ang iniisip mo kangina at tingin ko’y itinutulak mo ako para laging kausapin si Zaida? Gusto mo ba na pormahan ko siya?”

Inihilamos ni Armand ang isang palad niya sa kaniyang mukha. “’Yan siguro ang hugot na isinasama ng loob mo sa iyong mother agency. Confidence. ‘Yan siguro ang hindi makita sa iyo ng mga nakatataas sa iyo!” Tumagilid uli ito, iniiwas ang mukha sa kaniya. “Nakorner mo yata ako, bossing. Tama ka. I need to change. Masaya ka na?” “May change na sa iyo, Sig!” Isinaloob na lamang niya iyon. Saka sinaluduhan niya si Sig. Totoo ang gusto niya para rito, ang lumalim ang pag-aaral nito sa mga babae. Kailangang umusad sa mga unang karanasan nito sa babae.

Napangiti rin si Armand sa sarili nang pumasok na sa bahay si Sid para magpahinga. Kailangan din niyang umusad

Makakaharap na kaya niya ang Papang nina Zaida at Normi? Ito na ba si Discarel na napuntahan niya ang libingan?

at talikuran na ang mga karanasan niyang binunsol ng pagkaunawa sa kalagayan ng relasyon ng kaniyang ina sa kaniyang ama. “I-text ko kaya si Virmin.” Pumasok na rin siya sa maliit na kuwartong inilaan niya kay Sig, ngunit pinili nitong makitulog sa kuwarto ni Bart. Ibig din iyon ng kaniyang pamangkin.

The night is deep asleep in Baryo Kalesa. But somebody is wide awake who is thinking of you as serenely refreshing for another hectic day ahead… Corny, sabi niya sa sarili. Binura niya ang text. Pinalitan. We are returning to the city within two days from tomorrow. I’ll pick up the DNA sample in your store in Parañaque. See you and regards.

Sukat na rin niya ang kaniyang damdamin kay Virmin. Lalo’t inaalaala niyang baka bumalik ang Amerikano mula sa Silicon Valley at igiit ang naunsiyaming nasa sa dalaga.

Iyon ang laman ng panaginip ni Armand nang gabing iyon.

“NANDOON na sina Normi at Zaida,” bulalas agad ni Bart na halos magasgasan ng mga tuhod sa pagmamadali sa paghugos sa hinawan nitong landas pababa sa dako ng putol na ilog.

Sa ibaba, tanaw na nila ang dalawang babae na nakahiga sa kanilang salbabida na waring hinahabol ang init ng huling mga hibla ng liwanag ng lumulubog na araw. Hindi magkakarinigan ang mga mag-uusap sa agwat ng pagkakalayo ng dalawa.

Tanaw ni Armand sa pagkakaupo sa makinis na puting bato ang paglangoy ni Bart patungo sa salbabida ni Normi. Halata agad ang sigla nito nang ilinsad ni Bart sa kinadadapaan ang kasibulang babae para maihulog sa tubig. Malayo-layo naman ang nilangoy ni Sig para makaabot kay Zaida na waring hindi nito pinansin ang lumalapit na binata.

Nanonood lamang si Armand. Nakita niya mayamaya na tinuturuan ni Bart na lumutang sa tabang na tubig si Normi nang hindi gumagamit ng salbabida. Magkaharap naman sina Zaida at Sig na tinatanaw siya nang ilang ulit na parang siya ang pinag-uusapan ng mga ito.

May nakita si Armand na basket na nakakubli sa likod ng isang tipak na puting bato. Nagbaon ng makakain sina Zaida at Normi.

Mayamaya, nakita na lamang niyang lumalangoy si Zaida patungo sa batuhan na kinauupuan niya. Lumalangoy namang pagawi kina Bart at Normi si Sig. “Siguro’y bubuksan niya’ng baon nila.” Nasa gilid na nang batuhan si Zaida nang tawagan siya nito ng pansin.

“Tumaba na ba ako at hindi na inisip ng ‘santao d’yan na mahirap sumampa sa batuhang ito?” Seryoso ang mukha ni Zaida.

Mangha, ngunit maliksing kumilos si Armand. Nasa gilid siya ng batuhan at inialok ang kanang kamay sa dalaga. Saka sabay igpaw ng dalaga, sinalo niya ang katawan nito kahit matatag namang nakatapak ito sa batuhan. “Thank you.”

Lumapit si Zaida sa basket, dinampot iyon at bumalik sa gilid ng tubig na may malapad na batong mauupuan. Lumapit doon si Armand

“Mauna na tayong mag-snack kahit marami naman ito. Gutom yata ako…di kami nakameryenda ni Normi.”

Inabutan ng sandwitch at isang tetrapack na inumin si Armand. Mabilis nakakain si Zaida at binalingan siya. “Ba’t ba parang iniiwasan mo ako kahapon?” Nakaramdam siya ng pag-iinit ng mukha bago siya nakatugon kay Zaida.

“Ibig kong maging kaibigan mo rin si Sig. Ayokong danasin niya’ng unang engkwentro natin!” Tumawa siya.

“Mabuti’t mahusay at masaya naman siyang kausap. Kundi, iiwan ko siya’t yayakagin ko na si Normi na bumalik na kami sa gubat!”

“Hindi n’yo isinama si Ms. Arago?” Nagulat siya sa tanong ni Zaida. “Ibig mo siyang maging kaibigan?” “Masyadong ma-Ingles siyang magsalita. Fil-Am ba siya?” “Hindi. Nagkataong naging immigrant ang kaniyang parents na namatay sa 9/11 sa New York.”

“Hindi pa namin masyadong alam ang istorya ng fallen World Trade Center buildings.”

“Kung gusto mo siyang makatagpo uli…iimbitahan ko siya sa bahay ng pinsan ko d’yan sa Daang Kalesa. Nancy Abeza Magday ang ngalan niya. Maliligo kami uli dito.”

“Some other time na lang. Di namin alam ang plans ni Papang pagkaraan ng ilang araw namin sa gubat na ito.”

“Nandyan pala’ng Papang mo. Ba’t hindi siya naliligo sa putol na ilog?”

“Saka na lang natin siya pag-usapan. Langoy uli tayo. Sabihan natin sila na magmeryenda na rin!”

Inantabayan ni Armand si Zaida sa paglangoy sa kinaroroonan nina Bart, Sig at Normi. Nagkakatuwaan ang tatlo sa paglangoy patungo sa batuhan. Ilang sandali pa, nagbalik na ang mga ito at nagkarerahan ang tatlo sa paglangoy. Naiwan sila sa mga salbabida.

“Nagwo-work ka kay Ms. Arago?” mayamaya’y pagbubukas uli ni Zaida. “Kaibigan ko lang siya!” Sumimangot si Zaida at halata ni Armand na sadya iyong ipinakita sa kaniya. Pagbalik ng tatlong nagkakarera sa paglangoy, nakarinig sila ng mahabang sipol. “Ibon ‘yon,” sabi ni Bart, nakatingin kay Normi. Namutla si Zaida nang bumaling kay Normi. “Pinababalik na tayo!” “May nangyari kay Papang?” usal naman ni Normi. Nakalangoy sila pabalik sa batuhan. “Bukas uli?” tanong ni Bart. Hindi ito sinagot ng dalawa. Mabilis ang hakbang ng mga ito na tinunton ang daan papasok sa gubat. Dumidilim na at nagsisimula nang kumislap ang mga bituin sa ilalim ng tubig.

“Teka, naiwan nila ang basket,” sabi ni Armand at dinampot iyon. “Ihahabol ko.”

Malayo na ang dalawa, naisip ni Armand. May lumikot sa kaniyang imahinasyon at nilingon ang dalawang kasama. “Mauna na kayo. Saglit lang ako. Hintayin n’yo ako sa itaas!”

Hindi nakahuma ang dalawa sa mabilis niyang pagtakbo sa gawi ng gubat. Hindi niya tinawagang pansin ang dalawang umalis. May naipasiya na siya. Kahit nakamiseta lang siya at naka-short, nakapagsanay siya para ligtas na makapagtago sa gubat.

Paliko siya sa isa pang landas na kinaringgan niya ng mga nababaling siit at tuyong mga halaman nang may sumulpot na tatlong sandatahang lalaki at isang kuba.

(ITUTULOY)

Paliko siya sa isa pang landas na kinaringgan niya ng mga nababaling siit at tuyong mga halaman nang may sumulpot na tatlong sandatahang lalaki at isang kuba.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.