Sibuyas At Bawang (18)

Liwayway - - Mga Nilalaman - Neri Jedeliz

SA minsang pag-uwi ni Rowena sa kanila sa lalawigan ay naulinigan niya ang isang pag-uusap ng kanyang mga magulang na lubha niyang ikinabahala. Naglalakad siya sa kanilang bakuran at napatapat sa silid ng mga ito sa paghabol niya sa alagang pusa. Napahinto siya nang marinig ang Teresa, ang pangalan ng Nanay ni Sergio.

Tinig ng kanyang Nanay:

Nagkita kami ni Teresa.

Tatay niya: Ano’ng balita? Magtatapos na raw sa kolehiyo si Sergio at ang balak ng ama ay papuntahin sa Nueva Ecija para ito ang mag-asikaso ng manggahan nila at tingnan iyong pasaka doon.

Kanyang Tatay: Daming kabuhayan ng mag-asawang iyan. May kono pa yata. S’werte’ng magiging asawa ng kanilang anak.

Iyan nga ang ikinuk’wento ni Teresa. Kinausap na raw nila si Sergio at sinabi iyong balak. Kaso, parang atubili ‘yung bata. Hindi naman tutol, kaya lang, hindi raw excited.

Ako man, kabinatang tao, parang mapapatapon sa kung saang lupalop, hindi magiging excited, sagot ng Tatay niya.

Kaya tinanong daw niya, sabi ni Teresa. Bakit, may maiiwan ka bang girlfriend? May girlfriend ka na ba?

Sa bahaging ito ng usapan sa loob ng silid ay nakinig na siya nang todo kahit noong una ay wala siyang balak na ganoon. Nagkataon lamang na roon niya inabutan ang kanyang pusa. Ano’ng sabi? Hindi na kaharap iyong ama nang tanungin daw niya. Sabi raw ni Sergio mayroon na itong nagugustuhan. Tinanong agad niya, kaisk’wela mo ba? Taga saan? Kilala ba nila? Ano raw? Ang sagot daw ni Sergio ay kilalang-kilala mo, Nanay. Tagarito sa atin. Naku, naexcited na raw siya. Sino, sino? Tanong daw niya. Tinig ng Tatay niya: Si

Rowena! Napatirik ang kanyang (IKA-6 NA LABAS)

mga mata sa narinig. Tatay ba niya iyong nagsalita? Halata ba ng lahat na may gusto sa kanya si Sergio? Naku, niyakap ako ni Teresa at ang sabi, balae na tayo, Anita. Balae na tayo.

Natutop ni Rowena ang kanyang dibdib. Diyos ko! Nagtawa ang kanyang Tatay. Ano’ng sabi mo? Wala, wala akong nasabi. Natawa na lang din ako. Noon pa man ay halatang-halata na si Teresa na haling na haling sa anak mo. E, si Armando? Aba, e mula raw nang marinig ang duweto noong dalawa nang kanyang kaarawan, bukambibig na si Rowena. Baka naman inulutan lang nila ‘yung si Sergio. Palagay ko’y hindi. Kung natatandaan mo nang una nilang makita si Rowena ay nang magkatagpu-tagpo lamang tayo sa simbahan? Kilala na ni Sergio si Rowena dahil magkasama sa Glee Club. Noon pa man, halata na namin ni Teresa, may gusto si Sergio. E, nanligaw na ba? Iyon nga raw ang itinanong niya, kung nanligaw na. E, ang sagot daw ay pinalalaki pa at ngayon lamang nagdadalaga si Rowena. Ayaw raw nitong biglain. Napaka-considerate namang bata iyang si Sergio.

May kasama pang buntunghininga sa huli ang sinabi ng kanyang Nanay. At napabuntunghininga rin siya sa takbo ng usapan ng mga magulang. Lumakad na siyang palayo nang marinig ang sinabi ng kanyang Tatay. S’werte ni Rowena kung gano’n. Gusto ng bibiyenanin. Wala na tayong problema.

Nasa Maynila na siya, nasa kasera na, nakaupo na sa tabing bintana at tinatanaw ang apartment nina Joey ay ito pa rin ang naglalaro sa kanyang isipan. Ang totoo ay hindi na naalis, waring nanikit na sa kanyang utak ito mula nang kanyang maulinigan.

Maliwanag na ngayon ang lahat. Aminado na si Sergio. At sa mga magulang pa inamin. Sa Nanay. At ayun, nakarating na sa kaalaman ng kanilang pamilya. Mabuti na lamang at hindi pa nanliligaw. Kailangang sa simula pa lamang ay maputol na, masugpo na ang lahat. Nip in the bud! Iyon ang terminology roon. Ngunit paano? Si Joey, ang kanyang soulmate, bakit mula nang magkita ito at si Sergio ay waring naging mailap na sa kanya? Hindi na niya narinig ang sipol nito sa hatinggabi. Dati, kahit hatinggabi na dumating ay dumudungaw pa rin, sumusulyap sa gawi nila. Kung nagkataong nasa may bintana rin siya, at lagi naman siyang naroroon na, nagkakatanawan sila. Hindi agad iniaalis ang mga paninging nagtama. Waring naghahamon ang isa’t isa kung sino ang unang aalis, susuko. At siya ang karaniwang nagbababa ng paningin kasi naman, naaalimpungatan si Thelma at sasabihin nito, hoy, sino’ng tinatanaw mo diyan, at dagli pa itong babangon at kapag nakita si Joey ay kakaway pa. Boyfriend

mo pala, saka siya kikindatan. Iyon ang gusto niyang linawin. Ang tsismis ng mga ito na may crush sa kanya si Joey. Kung may gusto, bakit ganoon ang asta. Ngunit nahihiya naman siyang magtanong. Hanggang minsan, si Cely ang nagbukas ng usapan.

“Kailan ka ba ulit dadalawin nu’ng kababayan mong manliligaw, Rowena? Sana, magdala ulit ng buko pie, miss ko na ito.”

“Di ko manliligaw iyon,” sagot niya. At hindi siya nagsisinungaling.

“Aba,” at napatingin sa kanya si Cely, “good news iyan kay Joey.”

Doon na sana niya tatanungin ito kung bakit magandang balita iyon kay Joey nang sumingit si Thelma. “Hindi pa nanliligaw, pero malapit na,” at tinapunan siya nito ng tingin.

Ito ngayon ang hinarap niya. “Saan mo naman nahagip ang balitang iyan?”

Kinindatan lamang siya ni Thelma, naisip pa niya, palakindat talaga ito, “Body

language, pinsan. Nasa mga kilos, maliwanag pa sa sikat ng buwan.”

Napatango rin si Cely. “Sabagay. Kitang-kita nga. Sabi rin ng Kuya ko nang tanungin ni Joey noon.”

“Nagtanong si Joey? Bakit? Hindi siya sumama, tapos, nakikibalita siya,” may parunggit niyang sambot.

“Iyan na nga rin ang sinabi ko nang marinig ko ang pag-uusap nila ni Kuya,” ani Cely.

“Ano ka ba naman, Cely, masakit sa isang lalaking

in love iyong makitang ang mahal mo ay may kasamang parang nakahihigit sa iyo ang katangian,” sambot ni Thelma.

Nilingap niya si Thelma. “Sino’ng in love? At sino’ng nakahihigit ang katangian.”

Itinuro ni Thelma si Cely. “O, Cely, sabihin mo na.”

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Cely sa kanilang dalawa ni Thelma. Mayamaya, “Sige na nga. Alam mo, Rowena, si Joey ay in love na in love na in love sa iyo.” “Saan mo naman nabalitaan iyan?” “Siya mismo ang nagsabi kay Kuya Nestor. Narinig ko, maliit lamang iyong apartment namin. Lahat ng usapan, dinig. Kaya lang daw…” “Ano?” Tinanong ni Cely si Thelma, “Sabihin ko ba?” “Inumpisahan mo na, e, di tapusin mo,” sagot nito. “May kailangan muna raw siyang gawin bago siya lumapit sa iyo. Para maging karapat-dapat naman siya. Ito ay sinabi niya noong hindi pa niya nakikilala si Sergio. At nang magkita na sila, naku…” “Ituloy mo,” susog ni Thelma. “Parang nasiraan ng loob. Pero…” Naroon na, kaya nagtanong na rin siya, “Pero ano?” “Hindi raw siya susuko.” Nagkatinginan sila ni Thelma. “Palaban si bata,” wika nito. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay nakadama siya ng matinding kasiyahan na pinigil niyang malarawan sa kanyang mukha, baka siya tuksuhin ng dalawa. “Pero…” muling wika ni Cely. “O, akala ko tapos na. May kasunod pa ba?” nagtatakang tanong ni Thelma na mukhang nahuli sa balita.

“Baka raw matagalan, e, mainip si Rowena at umibig na tuloy sa iba. Sa kay Sergio, specifically.”

Nagbilang si Thelma. “Bakit, ilang taon pa ba siyang magaaral? O, palagay nang tumagal pa kasi ay working student siya, (Sundan sa pahina 27)

Naisip ni Rowena na dapat pagyamanin niya ang pagkakaibigan nila ni Joey. Natitiyak niya, kanyang nadarama na pareho sila ng damdamin sa isa’t isa.

hindi ka ba makapaghihintay nang ganoon, Rowena?” at hinarap siya ni Thelma. “Lalo at siya ang love of your life at ikaw ay ganoon rin sa kanya?” “Saan mo naman napulot iyong love of my life siya,” naisip niya, nabasa kaya ni Thelma ang kanyang diary? Hindi ba niya naisusi ang kanyang drawer? Hindi naman siguro gagawin ni Thelma iyon, kahit pilya ito at palabiro, hindi ito pakialamera sa gamit.

“Hypothetical lamang. Narinig ko lamang kay Ate Linda na si Kuya Tony ay ang love of her life. Siyanga pala, Rowena, ikakasal na si Ate Linda, aabay daw tayong dalawa. Di nga ako ang maid

of honor, kasi may best friend talaga siya.” At naiba ang usapan sa harapan. “Kailan? Kailan ang kasal?” excited siya. Hindi pa siya nakuhang bridesmaid ninuman “Ano’ng isusuot natin?” tanong niya.

“Siyempre, maganda. Ipapagawa tayo ng gown, motif nila ay kulay peach. Sinulatan na niya si Tita Annie. At pupuntahan tayo dito sa isang linggo ni Ate kasama iyong modista para masukatan.”

Napapalakpak siya. Natuwa siyang magkikita silang magpinsan. Dahil may gusto siyang itanong dito. Kung ang mapapangasawa ba nito ay ang hinahanap nitong soulmate.

DUMATING si Ate Linda kasama ang mapapangasawa at ang modista. Guwapo si Tony. Kuya Tony ang ipinatawag sa kanya ng pinsan.

Very loving sa isa’t isa ang magkasintahan. Inobserbahan niya nang palihim ang dalawa. Napansin niyang bawat kilos ni Ate Linda ay laging sinusundan ng tingin ni Kuya Tony. Na kapag naman napansin ng kanyang pinsan ay nauuwi sa tinginan at ngitian. Gustung-gusto na sana niyang itanong sa kanyang pinsan kung si Kuya Tony ang soulmate nito, ang hinihintay noon na manligaw dito, ayon sa pagkukuwento sa kanyang Nanay. Dahil hindi niya mapagtugma na kung dati na itong kaeskuwela at kakilala, tulad ng kuwento naman ni Thelma, ibig sabihin, walang namagitang koneksiyon sa unang pagtatama ng mga paningin nito. Sino na bang lalaki ang nakilala niya at nakatinginan nang nasa high school siya na kahit bahagya ay nagkakursunada siya. Marami rin namang guwapo sa Boys Department ng kanilang eskuwelahan. Pero wala siyang maalala. Nang biglang sumingit sa kanyang isipan si Sergio. Na talagang hindi niya gusto kahit noon pa man ay napakiramdaman na niyang crush siya nito na ikinainis niya. Ano na ang nangyari sa sinasabing soulmate ng kanyang Ate Linda. Hinintay ba ngunit hindi dumating? Ibig sabihin, kung hindi si Kuya Tony ang

soulmate nito, nagkagustuhan lamang ang dalawa kalaunan. Ngunit hindi magka-soulmate na tulad nila ni Joey.

Ngunit nakahiyaan na niyang magtanong. Wala siyang nasabi nang magkaharap-harap sila kundi, “Ganda mo, Ate Linda.”

Nginitian lamang siya ng kanyang pinsan, sabay tapon ng sulyap sa nobyo at ang wika, “Talagang gano’n, pag happy.”

Bago umalis ay nag-iwan pa ng salita ito sa kanila ni Thelma. “Kayong mga tinedyer, ingat sa pagpili ng boyfriend. Huwag magmadali, huwag padalus-dalos. Matutong maghintay for the

right man,” sabay tingin kay Kuya Tony na sinagot naman nito

ng ngiti. Kinindatan lamang siya ni Thelma. Nang makaalis ang magnobyo at modista ay si Thelma ang inusisa niya na ang inaatupag ay ang dalang pasalubong na pagkain ng kapatid. “Matagal ba silang magnobyo?”

“Halos dalawang taon, pero matagal niligawan,” sagot ni Thelma. Naintriga siya sa narinig. “Gaano katagal? Ilang taon?” “Matagal, as in matagal. Baka high school pa.”

“High school? May iba bang nanligaw Kay Ate Linda?” “Aba, oo. Ligawin iyan. Sa dami, walang mapili. Sabi nga ni Tatay, Naku, Erlinda, Baka sa kapipili mo, matapat ka sa bungi. Alam mo na iyong kasabihin pili nang pili, natapat sa bungi.” “Bungi ba si Kuya Tony?” tanong niya. “Loko mo, ganda nga ng ngipin nu’n!” “Tange! Ibig kong sabihin, palso ba, di ba okey?” “Ay, okey na okey kina Nanay. Kilala namin ang pamilya.” “Mayaman ba?” “Ordinaryo lang. Pareho namin. Ninyo. Pero marunong.” Tumangu-tango siya. Siguro nga, natutuhan lamang itong mahalin ni Ate Linda. Kung hindi nga dumating iyong hinihintay na soulmate, ano’ng magagawa. May matiyaga namang manliligaw. Sana, sana’y lumigaya sila, kanyang nausal. Muli, naalaala niya si Joey. At naisip niya, dapat na pagyamanin niya ang pagkakaibigan nila nito. Natitiyak niya, kanyang nadarama na pareho sila ng damdamin sa isa’t isa. Pambihira raw iyong soulmates na nagkakatagpo.

Habang kumakain sila ni Thelma ay dumating si Cely. “Kain ka, “alok nila. Ano’ng balita?”

Walang dalang balita si Cely at nabigo siya. Nang gabing iyon ay matagal siyang naupo sa may tabi ng durungawan, pasulyap-sulyap sa kinaroroonan ng apartment. Dinadasal na sana ay manungaw rin si Joey. Ngunit nanatiling bahagyang nakapinid ang bintana nito at ang bahaging bukas ay natatabingan ng makapal na kurtina. Malalim na ang gabi, tulog na si Thelma at ang kanyang mga kasama sa bahay, tahimik na ang buong paligid nang napagpasiyahan niyang matulog. Pinatay niya ang ilaw sa kanyang lampara, nahigang paharap sa bintana, sa gawi ng

apartment, niyakap ang kanyang unan at pilit inilarawan sa isipan kung ano ang ginagawa ni Joey ng mga sandaling iyon.

Agaw-tulog siya nang manuot sa kanyang pandinig ang himig ng sinisipol na awit. Ngunit sa halip na magising, waring tinangay siya nito upang lalong mahimbing.

Kinabukasan, nagulat siya nang madaanan niya sa isang kantong dinaraanan niya patungong eskuwelahan si Joey. Inaabangan wari siya dahil agad siyang sinabayan sa paglalakad. “P’wede bang sumabay?” tanong nito. Nagtatakang napatingin siya rito. “Di ba may pasok ka ngayon?” “Okey lang. E, mag-apologize sana ako sa’yo.”

“Apologize? For what?” nagtataka pa rin niyang tanong. “Para kasing naging bastos ako nang hindi ako sumama nu’ng inimbitahan ng boyfriend mong binigyan pa kami ng buko pie,” wika nito.

Napahinto siya sa paglalakad. “Hindi ko boyfriend iyon!” mariin niyang sagot.

Tumigil din sa paglalakad si Joey. Matagal silang nagkatitigan. “Talaga?” mahinang tanong nito.

Hindi niya inisip ang isasagot dito. Tumango lamang siya. At umiling. “Hindi,” mahinay rin niyang wika.

Huminga nang malalim si Joey. “Rowena, p’wede ka bang sunduin mamaya paglabas mo sa eskuwela?”

“Pa’no trabaho mo?” Kumibit lamang ang balikat ni Joey at nagkita sila.

(ITUTULOY)

Huminga nang malalim si Joey. “Rowena, p’wede ka bang sunduin mamaya paglabas mo sa eskuwela?” “Pa’no trabaho mo?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.