Batares

Liwayway - - Mga Nilalaman - Jeng Guansing de Dios

Isang lihim ang natuklasan ni Pinong mula sa kanyang kabatares…

PANAY ang buhos ng ulan. Kung hindi malakas na bagyo, habagat naman ang nagdadala nito. Tag-ulan na talaga. Perwisyo kung ituring ng ilan, lalo ng mga tagasiyudad. Subalit hindi para sa mga magsasakang katulad ni Pinong. Kulang na nga lang ay maglakad siya nang paluhod sa simbahan upang mabiyayaan ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan. Wala silang ibang pagkukunan ng tubig kundi ito. Kung walang ulan, siguradong hindi sila makapaglilinang ng sakahan.

Dati-rati, malakas ang daloy ng ilog sa Sitio Tiulos— ang Panambo. Palibhasa’y buhay na buhay pa noon ang mga talon mula sa bundok na siyang pinagmumulan ng masaganang tubig ng naturang ilog. Subalit ngayon, tuyot na tuyot na. Bukod sa hindi maitatangging epekto ng global warming, kalbo na rin ang malaking bahagi ng bundok na kinaroroonan nito. Isa pa, malaking bahagi na rin ng anyong lupa ang nahukay at napasabog ng mga gahamang minero. “Pinong, kanina pa kita hinahanap, nandito ka lang pala.” Natawa nang bahagya si Pinong nang dumating sa kanyang kubo ang pinsang si Raul. “Tinamaan ka ng magaling, ‘Insan! Saan pa ba naman ako pupunta sa panahong ‘to? Para namang p’wede pa tayong mamasyal.” Tumayo siya’t nagtungo sa batalan. “Sandali, mag-iinit lang ako ng tubig nang makapagkape tayo.”

Sumalok siya ng tubig sa tapayan, saka isinalin sa gusgusing takore. Isinalansan ang tatlong putol na kamatsiling panggatong, saka binuhusan ng kaunting kerosene. Isang santik lang ng palito, unti-unti nang nagliyab ang mga tuyong kahoy. Muling hinarap si Raul.

Sa lahat ng mga kaanak, si Raul ang pinakamalapit sa kanya, palibhasa’y kaedad at kaklase sa elementarya. Halos magkapatid kung ituring nila ang isa’t isa. Noon at magpahanggang ngayon, ito ang kaisa-isa niyang kasangga. Kabahagi sa bawat saya. Katunggaan sa panahon ng lungkot at pagdurusa. Kabatares, kung baga sa pagsasaka. “Ano’ng atin?” “Kailan ba’ng patanim mo? Patanim ko kasi sa makalawa. Lulusong ang grupo ko. P’wede ka ba? Batares.”

Nag-isip siya nang bahagya. Hindi niya kaututang-dila ang grupo ni Raul, bagaman sanggang-dikit nga itong huli. Sa pitong miyembro ng grupo, si Raul lang ang hindi sabungero— bagay na hindi niya gusto. Ayaw kasi niya ang anumang uri ng pagsusugal. Subalit sa isang banda, ang grupong ito naman ang magandang kabatares dahil bukod sa marami-rami, puro lalaki pa’t panay nasa kakisigan. Hindi katulad ng ibang grupo na bukod sa may mga edad na, nagsasama pa ng mga batang ni walang alam gawin kundi ang lumantak ng meryenda. “Sige, sama ‘ko. Ilan kayo sa grupo?” “Lima. Ikaanim ka.” “Bakit, sinong ‘di nakibatares ngayon?” “Si Pareng Poldo, saka si Roy. Si Pareng Poldo, nakaalis na, Taiwan. Si Roy naman, nakabanggaan si Pareng Nimuel.”

“Bakit sila nagkabanggaan? Nagkalaban ba’ng mga manok nila?”

Nagkibit-balikat muna ang binatang pinsan. Tumikhim, saka muling nagsalita. “Hindi. Niligawan ni Roy ang hipag ni Pareng Nimuel,” anito.

Inihipan ni Pinong ang nanghinang apoy sa kalan. Isinulong nang bahagya ang mga gatong upang muling magliyab. “Ano namang pakelam ni Pareng Nimuel kung ligawan ni Roy si Thelma? Dalaga naman ang hipag n’yang ‘yon. Isa pa, nasa edad na.”

“Ang siste, kalaguyo raw ni Pareng Nimuel ang sariling hipag kaya gano’n na lang ang galit kay Roy. ‘Lam mo bang muntik pang magtagaan ang dalawang ‘yon? Mabuti na lang at naawat ng mga miron.”

Hindi na siya kumibo. Talagang ganito sa kanilang lugar. Daig pa ang showbiz sa dami ng tsismis. Madalas nga, ang mga iyon ang ipinupulutan sa inuman ng mga lasenggero. Kapag may natanaw na usok ang sino man, hindi maaaring hindi makalkal ang pinagmulan ng apoy. Kapag may umalingasaw na kaunting sansang, tiyak na gagalugarin ng karamihan ang pinanggagalingan ng amoy. Kung baga, daig na daig ang mga detiktib sa husay magdugtong-dugtong ng mga balita’t sutsot. At alam niyang isa rin siya sa madalas maging paksa ng mga ito.

“Magkape na tayo, ‘Insan,” yaya niya. At sa pagitan ng mga pag-ihip at paghigop, pinasadahan nilang dalawa ni Raul ang buhay-buhay ng kanilang mga kabarangay.

Nang hapong iyon, muling bumuhos ang ulan. Animo’y gabi na ang dilim ng paligid. Naisip ni Pinong, kay sarap sana ng buhay kung sa mga ganitong pagkakatao’y may kasakasama siyang pamilya. Iyon bang kabiyak na naghahanda ng gagamitin niyang kapote at bota. Iyong magpapaalala na magingat siya sa pagsisilong ng kalabaw sa kural. Iyong magsasabi na huwag siyang maglalakad sa gitna ng mga pinitak upang makaiwas sa pagtama ng kidlat. Kung sana’y naririto lang ang kanyang mag-iina. Subalit wala. Iniwan siyang nag-iisa. Ipinilig niya ang sariling ulo, saka kinuha sa sabitang pako ang nakabiting kapote. Nagsuot ng bota. Kailangan niyang lumabas kahit malakas ang ulan at humahaginit ang hangin. Kailangan niyang dalhin sa kural si Kapatas— ang kanyang kalabaw. Pagsapit ng gabi, mag-isa siyang naghapunan. Inihaw na talong na may sawsawang pinigang kamatis at patis— paborito ng kanyang panganay. Pagkatapos kumain, mag-isa rin siyang naglatag ng banig. Mag-isang matutulog. At muli, mag-isang babangon kinabukasan, maging sa mga susunod pang araw. Patanim ni Raul. Madilim-dilim pa’y nasa taniman na ng pinsan si Pinong. Siya na ang tumulong dito sa paglalagay ng mga nakabungkos na punlang palay sa gitna ng bawat pitak. Nang malatagan ang lahat ng pitak, nag-almusal muna sila sa bahay ni Raul. Bago sumikat ang araw, nagsirating na rin ang iba pang kagrupo nito: sina Nimuel, Berting, Carlito at ang komedyante ng grupo na si Alvin.

“Maganda ang bigay ng ulan ngayon, ‘no? ‘Di na natin kelangang magpatubig para lang makapaglinang ng sakahan. Mukhang b’wenas ang taong ‘to,” si Berting.

“Ang masaklap lang, baka naman pagkatapos nating magtanim, bumaha naman. Malulusaw naman ang punla.”

“Pareng Nimuel, ‘wag ka namang advance mag-isip,” ‘ika ni Alvin, sabay tawa. “‘Pag nalusaw ang pananim natin, lusaw rin ang pamusta natin sa sabungan. Ayos lang sana kung ipupusta mo si Thelma,” dugtong pa nito, may panunudyo. Kaagad namang nagkulay-suka ang mukha ni Nimuel. Halatang hindi nagustuhan ang kakaibang biro ng kasama.

Napahugot ng hininga si Pinong. “O, magkape na muna kayo para ‘di kayo sikmurain. Kung salabat ang tipo n’yo, nakapaglaga na ako ng luyang dilaw r’yan.” Nagkani-kanyang kuha ng puswelo at kutsarita ang bawat isa. Tahimik na nagsihigop. Pagkatapos magpainit ng mga sikmura, isa-isa nang nagsilusong sa taniman. Hindi na rin nagkibuan sina Nimuel at Alvin.

Wala pang kalahating ektarya ang sinasaka ni Raul. Sa tantiya ni Pinong, kakayanin nila itong tamnan bago lumubog ang araw, lalo pa’t bihasa at mabibilis sa pagtatalok ang (Sundan sa pahina 19)

“Pareng Pinong, wala ka na bang balita sa mag-iina mo?” Napaunat siya mula sa pagkakayuko nang marinig ang tanong ni Alvin. Patuloy lang naman sa ginagawa ang huli. “Bakit mo naman naitanong, P’re?”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.