Ano Ang Sukatan Ng Tunay Na Kaligayahan?

Liwayway - - Mga Nilalaman - Chad Faller

ANO ba ang nakapagpapasaya sa iyo? Matabang bank account? Posh house? Mga luxury car? High-paying job? Katuparan ng ambisyon? Kasikatan? Masayang pamilya? Mga kaibigan? Mga bagong kakilala? Pagkasunod ng kapritso? O ng layunin? O ng iba pang hangad ng puso?

Malamang na ilan sa mga bagay na ito ay nakapagpapasaya sa iyo. Ngunit tunay na kaligayahan ba ang nadarama mo? O pansamantala lamang at hungkag pa rin ang iyong kalooban?

Ang tunay na kaligayahan ay nangangahulugan ng namamalagi at nagpapatuloy na kaligayahan na maaaring namnamin hanggang wakas—hindi pansamantala lamang at lalong hindi huwad. Ano ba ang sukatan ng tunay na kaligayahan? Pera ba, maluhong pamumuhay at iba pang mga materyal na bagay? Ngunit hindi siguradong makapagbibigay ito ng tunay na kaligayahan. Madalas na kakambal ng paghahangad dito ang pag-aalala, pagkabalisa, stress, panlulumo at pagkadismaya. Isipin mo na lang ang mga kumplikasyong babakahin mo bago matamo ito. Kapag natutugunan naman ang pangunahing mga pangangailangan sa buhay, wala nang matinding epekto ang karagdagang kita.

Ayon sa Ecclesiastes 5:10, “Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, o siya mang umiibig sa kasaganaan ng pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.” Sa Ecclesiastes 5:12, “Ang tulog ng manggagawang tao ay mahimbing, maging siya’y kumain ng kaunti o marami: ngunit ang kasaganaan ng yaman ay hindi magpapatulog sa kanya.”

Sa 1 Timoteo 6: 9-10 naman, “Datapuwa’t ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.”

Kung sobrang naka-focus ang tao sa pagkita ng pera, naisasakripisyo niya ang maraming mga bagay na magbibigay sa kanya ng tunay na kaligayahan: pamilya, relasyon sa mga kaibigan at higit sa lahat, kaugnayan sa Diyos.

Katuparan ba ng ambisyon? Kakambal din nito ang pagkabalisa o stress. Bukod pa sa nag-uudyok ito ng pride, pagiging mapagmataas at kayabangan. Sinasabi sa Kawikaan 16:18, Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal. ” Sa Galacia 6:3 naman, “Sapagkat kung ang sinuman ay nag-aakala na siya’y may kabuluhan bagaman siya ay walang kabuluhan—ang kaniyang sarili ang dinadaya niya.” Kung gayon, paano ba malalasap ang tunay na kaligayahan? Maging kontento. Anuman ang iyong kalagayan sa buhay o anumang bagay ang mayroon ka, matutong makontento. Kung kontento ka, maiiwasan mo ang pagrereklamo, inggit, insecurity at iba pang mga negatibong damdamin—na mga dahilan upang hindi ka tunay na maging masaya. Ngunit kung kontento ka, kahit mahirap ka lang—ma-e-enjoy mo ang kagandahan ng buhay.

Maging mapagbigay at matulungin. Inihahayag sa Mga Gawa 20:35, “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” Hindi ba’t kapag nakatutulong ka o nakapagbibigay sa iyong kapwa, nagdiriwang ang iyong puso sa galak? Lalo na kung nakagagawa ka ng kabayanihan at iba pang mga dakilang gawain.

Alagaan ang kalusugan. Nagdudulot ng sobrang kalungkutan at pagkabigo ang sakit ng katawan at kapansanan. Ngunit kung malusog ka, masisiyahan ka sa pang-araw-araw na buhay. Magagampanan mo nang maayos ang iyong mga tungkulin at balakin. Susi rin ito sa pagiging produktibo. Hindi lang ang kalusugan ng katawan ang dapat alagaan kundi maging ang isipan.

Palaganapin ang pag-ibig. Napakasaya natin kung naipadarama natin ang pag-ibig sa ating mga mahal sa buhay, kaibigan at iba pang kakilala. Walang katumbas ang kaligayahan sa tuwing namumulot tayo ng mga butil ng tuwa sa ating mga dibdib sa mga pagkakataong kasa-kasama natin sila. Kung may pag-ibig, mayroon ding pag-unawa, pagmamalasakit, pagdamay, pagkakaisa at harmonya.

Magkaroon ng magandang layunin sa buhay. Kung may inaasam tayong maganda at dakilang layunin sa buhay, walang dahilan para hindi tayo maging masaya. Gaano man kabagal o may mga pagkakataong mapagkait, ang mahalaga ay unti-unti nating naitatawid ang bawat hakbang. Masaya tayo tuwing naibibigay natin ang ating silbi sa mundo.

Hindi naman ang pagkakamit mo ng tagumpay o pagkalagpas mo sa pagsubok ang makapagpapaligaya sa iyo kundi ang pagiging matatag mo at pagkapit sa pag-asa. Hindi dapat mawalan ng pag-asa gaano man kanipis ang huling hibla nito. Gaano man kabigat ang dumating na pagsubok, ang pagpapanday mo ng iyong katatagan ang tunay na makapagpapasaya sa iyo.

Pagyamanin ang espiritwal na kalagayan. Ang tao ay hindi lamang nabubuhaysa tinapay. Kailangang busugin mo ang iyong espiritwal. Ayon sa Ecclesiastes 12:24, “Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kanyang kaluluwa sa kanyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Diyos.” Nakagagalak ng puso kung sinusunod natin ang mga Utos at Salita ng Diyos.

Magbago at magpakabuti. Masaya ka ba kapag nakakagawa ka ng masama? Talikuran ang mga bisyo at masamang pag-uugali. Kung lalakad ka lamang sa landas ng buhay na nakakapit sa mga tamang prinsipyo, tunay na kaligayahan ang mapapasaiyo.

Hindi naman ang mga bagay na maipagkakaloob ng mundo ang makapagpapaligaya sa iyo kundi ang mga bagay na magagawa mo para sa ikagaganda ng iyong espiritwal na pagkatao.

Larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.