Pag-Usapan Natin!

Walang Kapantay Na Pag-ibig

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Jessa, 26 years old, tagaGapan City. May boyfriend ako at magtatatlong taon na kami ngayong Agosto. Ngunit sa buong tatlong taon naming pagsasama, puro pasakit ang idinulot niya sa akin, Kuya Sam. Napakarami niyang naging babae at hindi pa nangyari na may time na wala akong karibal sa kanya. Ngunit dahil mahal na mahal ko siya, iniintindi ko siya nang sobra-sobra kahit pa masakit ito sa akin. Wala naman sigurong babae ang papayag na may kaagaw siya sa puso ng kanyang minamahal. Ngunit heto ako, nagpakatanga para sa kanya.

Maraming nagsasabi sa akin na hiwalayan ko na lang si Gerold. Wala naman daw akong mapapala sa kanya dahil parang ginawa lang akong parausan. Para raw akong tanga na hindi man lang marunong magalit kay Gerold.

Oo, inaamin ko, Kuya Sam, na para akong tanga nito. Hopeful kasi ako na sa pamamagitan ng pagtitiis, darating ang panahon na matauhan si Gerold at makikita niya ang tapat kong pagmamahal sa kanya kahit pa ginawa niya lang akong laruan. Umaasa ako na sa pamamagitin ng pagtitiis, magbabago siya at mahalin niya ako tulad ng wagas kong pagmamahal sa kanya.

Saan ba ang hangganan nitong pagpakatanga ko? Wala akong inilagay na time frame. Siguro habang may hininga ako. Ang alam ko lang, si Gerold ang dahilan ng buhay ko. – JESSA

D

EAR JESSA: May kasabihan tayo na “blind faith is fanaticism” at meron pang “do not argue with a fanatic”. Gusto sana kitang pagsabihan na bakit ka pa sumulat gayong wala naman pala akong magagawa sa iyo dahil bulag ka sa katotohanan. Pero iniintindi kita, Jessa, dahil nabulagan ka na nga sa katotohanan.

Ang magagawa ko lang siguro ay ipamukha sa iyo na tama na ang ginawa mong pagpapakamartir. Isang malaking kahibangan ang ginawa mong sakripisyo. Matuto ka namang maawa sa iyong sarili, Jessa. Bigyan mo ng respeto ang iyong sarili.

Oo, naniniwala ako na love entails some kind of sacrifice. May mga bahagi ng ating sarili na ipaubaya natin sa ngalan ng pag-ibig. Ngunit huwag naman umabot sa punto na mismong kabuuang halaga natin ay ialay pa sa ngalan ng pag-ibig. Jessa, it’s a lost cause. Kung matinong tao si Gerold at totoong minahal ka niya, hindi ka niya sasaktan ng ganito. Labis-labis na ito. Oo, nagkakasala tayo dahil madulas ang mundo. Pero itong ginagawa niya sa iyo, maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi ito pag-ibig. Hindi ko alam kung anong motibo ni Gerold. Parang inaabuso lang siguro niya ang kabaitan mo o tahasang pangwawalang-hiya sa pagkatao mo. Huwag mong hayaan na durugin ka ni Gerold at darating sa punto na parang hindi ka na nag-i-exist bilang tao.

Mayroon kang halaga, Jessa, kaya huwag mong hayaan na mawala ito dahil lang sa labis-labis mong pagmamahal kay Gerold. Naging panatiko ka kay Gerold kaya nabulagan ang reasoning

power mo. Wala akong magagawa dahil hindi ka naman siguro makikinig ng ano mang payo.

So what’s the point, Jessa? Sige, ipagpatuloy mo lang ang kahibangan mo na iyan. Tatawanan ka ni Gerold. Tatawanan ka ng lahat. Dahil hindi mo naman ito makikita ang lahat. Puso mo lang ang pinaiiral mo. Ang ibig sabihin nito, matitiis mo ang lahat.

Hangga’t hindi ka makapagbaba ng pasya na kumalas na kay Gerold at mula sa pagkakaalipin na iyan, mananatiling miserable ang buhay mo, Jessa. Nakakulong ka sa isang paniniwala na hindi mo kayang susugan. – KUYA SAM

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.