Lumang Tugtugin, Ok Sa Kalusugan

Liwayway - - Mga Nilalaman - Nestor Cuartero

NAPAPANSIN mo ba na bumabalik na ang mga sinaunang tugtugin tuwing Sabado at Linggo? Ang mga lumang tugtugin daw ay nakabubuti sa ating kalusugan.

Ang musikang ito ay nagsisilbing larawan para sa mga taong gustong alalahanin ang kanilang nakalipas, lalo na ang panahon na sila ay kabataan pa lamang. Para sa nakararami, ang pakikinig sa mga lumang tugtugin ay nakabubuti sa kalusugan.

Subukin mong makinig sa mga pampublikong estasyon ng radyo tuwing Linggo. Mapapansin mo na maraming estasyon na ang nakatuklas ng ligaya sa pagsahimpapawid ng mga ito.

Dahil sa patuloy na pagtangkilik ng mga tagapakinig sa makalumang tugtugin, hindi lamang ang estasyong DZRJ ang nagpapatugtog nito. Tuwing Linggo, tayo ay makaririnig ng pop hits, torch songs,

rock n’roll, ballads, at jukebox hits mula sa mga kilalang mangaawit. Sina Frank Sinatra, Matt Monro, Connie Francis, The Lettermen, Johnny Mathis, Shirley Bassey, at Paul Anka ay iilan lamang sa mga nagpasikat ng mga kantang ito mula sa taong 1950 hanggang 1980.

Ang AM band na DWWW 774 ay nagpapatugtog ng mga makalumang tugtugin araw-araw 24 oras.

Matagumpay sa himpapawid ang mga sinaunang musika dahil karamihan sa mga tagapakinig ay mga matatanda o mga

senior citizen. Sila ay nakahanap ng kasiyahan at pag-alala sa mga nakalipas na panahon sa pamamagitan ng radyo.

Ayon sa mga psychologist, ang pakikinig ng mga matatanda sa lumang tugtugin ay nakabubuti sa kalusugan ng kanilang pag-iisip.

Ayon din kay Patricia Ambroziak sa 2003 American Fitness Magazine, ang pagpapatugtog ng musika, makaluma man o bago, ay nakabubuti rin sa ating pangangatawan.

Mula sa pag-aaral, ang musika ay nakapagbibigay ng lakas, ginhawa, pokus. Nakakapagbago ito ng damdamin at pananaw, nakababawas ng timbang, at presyon, at nakakadagdag din ng talino.

Ang mga benepisyong ito ay posible dahil ang ating pandinig ay isang ‘physiological process.’ Kabilang sa prosesong ito ang tenga, utak, katawan at mga ugat. ‘Music, like all sound energy, can drive changes in our minds and bodies as we listen to it,’ sabi ni Ambroziak. Ayon sa isang clinical psychologist na si Hazel Melanie L. Ramos, ang musika, makabago man o makaluma, pop o classic, ay may positibong epekto sa nakakatanda. Ang pakikinig sa luma at kilalang kanta ay nakatutulong sa kanilang memorya.

Sinabi naman ni Ramos na ang alaala ay mas madaling matandaan sa pamamagitan ng makalumang musika mula sa konsepto ni Erickson Integrity vs. despair stage. “This stage of human development also serves to provide some with company and avoid or minimize feelings

of loneliness,” isinulat ni Martha Feng sa Music Therapy. Lahat ng mga pag-aaral ay nagpapakita ng pare-parehong resulta. Ang pakikinig sa makalumang musika ay nakatutulong sa pagpapahinga at kagalingan ng katawan.

Ang musika rin ay nakatutulong sa mga taong may Alzhiemer’s disease o dementia.

Ang 2014 dokumentaryong Alive Inside: A Story of Music & Memory ni direktor Michael Rossato-Bennet ang nagpakita kung paano nasiyahan ang mga pasyente nang narinig nila ang kanilang mga paboritong musika noong panahon pa ng kanilang kabataan. Ayon kay Dan Cohen, ang tagapagtatag ng isang nonprofit organization na Memory & Music, ang reaksiyon ng mga pasyente ang napapatunay na ang musika ay may abilidad na pumasok sa parte ng utak na apektado ng dementia.

Dahil dito, hindi dapat kalimutan o pabayaan ang makalumang musika.

Ang mga himig at tono nito ay may kahusayan at kalidad na hindi mapapantayan. Ang mga kantang ito ay puno ng maraming alaala, masama man o mabuti. Ito ay memorya na bahagi na ng ating nakaraan.

Ayon nga sa kanta ni Dionne Warwick na isinulat ni Burt Bacharach noong 70s: “Loneliness remembers what happiness forgets…”

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.