Sa Ibang...

Liwayway - - Haraya -

“S-Saka na, Ter…” “Strict ba sila sa ‘yo?” “O-Oo. ‘Wag na ‘wag mo na ‘ko uling pupuntahan sa bahay nang walang pasabi…” “Bakit?” “Basta.” Pero kapag nagmamahal yata ang isang tao, nagiging pangahas. Pinuntahan uli siya ni Terry sa apartment nang walang pasabi at hindi siya dinatnan. Siguro’y bumili siya ng gamot sa hika. At nang sabihin sa kanya iyon ni Terry nang sunduin siya sa pamantasan, hindi niya maikubli ang hinanakit. “Me usapan na tayo,” napataas ang kanyang tono, “makulit ka rin, e!” “Malay ko ba na wala ka ro’n? Dapat nga, ako pa’ng magtampo sa ‘yo. Sino ba ‘yung payat, muk’ang istriktong lalaking humarap sa ‘kin, erpat mo? ‘Ansama ng tingin sa ‘kin, mula ulo hanggang paa ko, para ‘kong matutunaw. Nang itanong ko kung nasa’n ka, sino raw ba ‘ko? Kaibigan mo, sabi ko. Wala ka raw kaibigan at ‘wag na raw akong pupunta ro’n. Itinaboy nga akong parang pulubi!”

Hindi niya masalubong ang tingin ni Terry. Alam niya na aabot sa ganito, sa malao’t madali, pero hindi pa rin siya handa sa sitwasyong ito, sa pagtatanong ni Terry. Hanggang saan—hanggang kailan—siya makakaiwas? Nakamaang sa kanya si Terry, naghihintay sa kanyang paliwanag. Tumalikod siya at akmang aalis. “O, sa’n ka pupunta?” “Ihatid mo na ‘ko.” “M-Maaga pa naman…” “Uuwi na ‘ko, Ter…” Pilit siyang kumakalas sa pagkakahawak nito sa kanyang kamay. “Saglit…” Binatak siya ni Terry at niyakap. “Sorry na. Kailangan ko lang sabihin sa ‘yo…” Napakagat-labi siya, nagsimulang mangilid ang kanyang luha. “Kalimutan mo na lang ako, Ter, hindi ako bagay sa ‘yo…” “A-Ano’ng sinasabi mo?” Kumakalas siya sa pagkakayakap nito pero lalo siyang niyakap ni Terry. “Mahal kita. Alam ko, mahal mo rin ako, pinipigilan mo lang ang sarili mo…” “B-Bitiwan mo na ‘ko, Ter, please…” Tuluyan na siyang napaluha. Sinapo ni Terry ng magkabilang palad ang kanyang pisngi, pinahid ng daliri ang kanyang luha at saka siya masakim na hinagkan sa labi: gumigiit, kumukuyumos, tila ibig na arukin pati kanyang kaluluwa. Napapikit siya, saglit sigurong nawala-sa-sarili, dahil naramdaman niyang gumaganti siya ng halik, tinutugon ang kasabikan ni Terry. Hindi pa rin niya mawari kung paano sila nakarating sa silid nito, sa kama nito, tila panaginip ang lahat; tila umalpas ang kanyang kaluluwa, pumailanlang sa kisame at nakita ang hubad nilang mga katawan ni Terry na nagsasalo sa isang sinaunang ritwal: mapanghamok, walang inhibisyon, mapagpalaya.

At nang sila’y kapwa makasapit, tila bigla siyang ‘nagising’ sa pagkakamahika, mabilis na nagbihis at lumabas ng silid, nanaog at halos liparin ang pagpunta sa sakayan ng jeep. Pinagtaguan niyang muli si Terry. At isang araw, isang sulat ang dumating sa apartment. Mabuti’t siya ang nakatanggap sa kartero--galing kay Terry.

Ma, Di ko alam kung bakit mo ‘ko pinagtataguan. Ang alam ko lang, gusto ko at gusto mo ang nangyari sa ‘tin. Handa kitang panagutan, sa totoo lang. Pansinin mo naman ako. Naaapektuhan na’ng pagsusulat ko sa kaiisip sa ‘yo. Bukas lagi ang pinto ng haybol ko sa pagbabalik mo…

Ter

Ilang beses niyang nabasa ang sulat sa maghapong iyon. Kinagabihan, bandang hatinggabi, marahan siyang umibis sa kama, maingat na lumabas ng silid dala ang yellow pad at bolpen at nagtungo sa salas. Muli siyang lumingon sa gawi ng silid at nagsimulang magsulat.

Ter, Alam kong nahihiwagaan ka sa ‘kin. Dapat lang. Sa simula pa’y may mali na sa ‘relasyon’ natin. Di na ‘ko malaya. Single man akong maituturing ay parang hindi rin. Pag-aari ako ng isang lalaking matanda pa sa ‘king ama—si Mr. Severino. Nagkakilala kami no’ng saleslady pa ‘ko sa Baclaran. Galing siya sa pagsisimba noon at bumili sa ‘min ng sando. Natipuhan n’ya ako, binalik-balikan doon sa p’westo: dinalhan ng meryenda, inilibre sa hapunan, hiningan ng date. Dealer daw s’ya ng tela at inalok n’ya ‘kong magsama kami. Pag-aaralin n’ya raw ako, ibabahay…

Tapos lang ako ng high school at ulila na rin. Mabait naman s’ya sa ‘kin. Wala kaming naging problema o away sa nakalipas na mahigit isang taon. Tapos, dumating ka… Nakuha mo na’ng gusto mo sa ‘kin, ‘wag mo nang palalain ang sitwasyon. Me linya sa pocketbook mo na paulit-ulit kong binabasa: Sa ibang pagkakataon, sa ibang panahon—kung gusto ng tadhana, baka tayo pa rin… Sana nga… Ma

Tinupi niya ang yellow pad at pumasok sa banyo, sumandal sa likod ng pinto, kinipit sa tapat ng kanyang dibdib ang sulat para kay Terry, saka niya tinakpan ng palad ang kanyang bibig at tahimik na umiyak.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.