May "Sipsip" Ba Sa Inyong Pamilya O Sa Pinagtatrabahunan
NOONG katatapos ko lang ng kolehiyo at nakapasok ako sa isang ahensiya ng gobyerno, hindi ko maintindihan kung bakit laging may dalang regalo ang isang babaeng may edad na (na siya palang hepe ng isang dibisyon) sa aming boss sa public relations office. May dala-dala siyang estatuwa ng Sto. Nino dahil ibig daw niyang ipagdasal ang boss namin sa nalalapit niyang pagbiyahe sa Denmark (kung saan siya ipadadala ng ahensiya). Malugod namang tinanggap ng aming boss ang magandang pagpapahiwatig at intensiyon ng hepeng iyon. Sa isa namang okasyon, may bitbit na isang kahon ng cookies ang hepe na para uli sa boss namin. Tawagin ninyo akong naïve, ngunit napag-alaman kong “sumisipsip” lamang pala ang hepe sa boss namin dahil malapit nang italaga ang huli bilang pinuno ng administrative department.
Habang tumatagal ang aking pamamasukan sa iba’t ibang opisina (sa gobyerno at pribadong sektor), unti-unti kong napapansin na kay rami palang uri ng “paninipsip” ang nagaganap sa lahat ng opisina. Kung ano ang dami ng uri ng ugali ng tao ay gayon din ang dami ng maaaring gawing “paninipsip” sa isang manager, supervisor, hepe, at pinuno ng isang departamento.
Ang isang “sipsip” ay kilala rin sa mga tawag na ito: isang nagpapalapad ng papel (o ang slang na “maepal”), o isang “pumapapel”. Ano ang maaaring gawin ng isang “sipsip” sa isang opisina? Marami itong palatandaan, at halatang-halata at kinamumuhian ito ng kanyang mga kasama sa trabaho:
Mahilig siyang pumuri sa boss. Sa isang anibersaryo ng isa ring ahensiyang pinagtrabahuhan ko, ipinakilala ng master of ceremonies ang executive director (isang abogadong hindi naman malapit sa mga empleyado at lalong hindi nila kinagigiliwan) nang ganito: “And now, without further ado, here’s our favorite attorney…!”
Madaling makita kung hindi sinsero o tapat ang nagbibigay puri o compliment sa hitsura ng kanyang boss, lalo na kung hindi naman talaga maganda ang kanyang kasuotan o ang kanyang makeup at buhok. False flattery ang tawag dito.
Mahilig siyang gumawa ng pabor para sa boss. Para bang sunud-sunuran ang “sipsip” sa anumang hilingin ng kanyang boss – ito ma’y pagkuha ng kanyang labada sa laundry shop, o pagbili ng tickets sa isang concert.
Biglang nagiging mabait ang “sipsip”. Ang halimbawa natin sa unang bahagi ng artikulong ito’y totoo rin sa relasyon ng mga miyembro ng pamilya. Sapagkat, laganap ang “sipsip” sa mga tagapagmana ng ari-arian ng isang lolo o lola na hindi na magtatagal ang buhay. Nariyang biglang nagiging mabait at mapagbigay ang isang anak o manugang o apo sa kanyang magulang o lola. Nariyang laging nagpapadala ng mga regalo sa matanda kahit walang okasyon.
May mga okasyon pa ngang labis ang kakapalan ng mukha ng isang “sipsip” sa pamilya kapag sinabi niya ito: “Daddy, may regalo kaming lahat sa inyo…pero ang regalong ito ay sadyang galing sa akin lamang…”
Umaayon lagi ang “sipsip” sa opinyon ng kanyang boss. Ang nakatatawa rito’y alam ng boss na “sumisipsip” sa kanya ang isang empleyado o staff. Ngunit hindi ito alintana ng “sipsip” – tumatawa siya sa mga jokes ng boss kahit hindi ito
nakakatawa (corny). Sumasang-ayon lagi siya sa mga suhestiyon o plano ng kanyang boss. Ang tanong: mabibigyan kaya ng promotion ang “sipsip” na tila walang pagpapahalaga sa sarili niyang opinyon, convictions at values?
May entitlement problem din ang isang “sipsip.” Sa isang miting, halimbawa, kung saan pinag-uusapan ang mga darating na plano o accomplishments ng isang team o department, sasabihin ng “sipsip”: “pupunta ako sa opisina mo, boss, para talakayin sa iyo ang isang proyektong pinagkakaabalahan ko.” Ang ibig ipahiwatig ng “sipsip” sa ibang empleyadong nasa miting ay: may espesyal siyang relasyon sa boss.
Iisa ang layunin o agenda ng mga “sipsip” at hindi ito mabuti: upang sila’y magustuhan ng kanilang boss (o bigyan ng promotion), upang magkaroon ng pagkakataong makakuha ng iba pang perks o benepisyo sa isang organisasyon, o upang mapasama sila sa mga kaanak na nasa good graces ng mga nakatatanda.
Hindi namin sinasabing masama ang pumuri o magbigay ng regalo – gawin lamang itong sinsero at taos sa puso. Huwag umayon sa mga pananaw na hindi mabuti at maganda. At huwag mag-alala – hindi maaaring pagbotohan ng marami ang inyong mga personal at moral convictions.
Sa mga empleyado naman sa pabrika at opisina, magugustuhan kayo ng inyong boss sa maraming mabuting paraan: ang pagiging tapat sa inyong trabaho, ang pag-igihin ang inyong mga assignments at iba pang trabaho iniaatas sa inyo, ang pagtulong sa mga bagong empleyadong “nangangapa” pa, at ang pagmamalasakit sa ikabubuti ng buong departamento at opisina.
Sa mga pamilya naman, hindi kailangang maging “sipsip” upang magustuhan kayo ng inyong mga biyenan, hipag, bayaw, pamangkin, pinsan at iba pa. Ang kailangan lamang ay mabuti at tapat (hindi fake) pakikisama at pakikihalubilo sa oras ng kasaganaan o kakulangan, at pagdadamayan at pagmamalasakit sa oras ng pighati at pangangailangan. Para sa maraming Pilipino, mas mahalaga pa rin ang “presence” kaysa “presents.”