Paano Ba Natin Mapasasalamat...

Liwayway - - Mga Nilalaman - Fernando B. Sanchez

MULA Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 ng taong kasalukuyan, ipagdiriwang ng buong mundo ang Buwan ng mga Guro. Isang buwan iyan na inilaan ng iba’t ibang pamahalaan upang magbigay-pugay, galang, pagkilala at pasasalamat sa napakahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa paghubog ng pagkatao at kinabukasan ng mga kabataan, gayon din ng kanilang bansa- sa pangkalahatan. Ang pagdiriwang na iyan ay isang natatangi at mabunying pagpapahalaga sa pagaalay ng mga ito ng kanilang buhay, ng ginto nilang panahon upang magampanan ang kanilang tungkulin at ng paglilingkod sa sangkatauhan hanggang sa dapithapon ng kanilang buhay o hanggang sa tawagin sila ng kamatayan.

Sa mga gurong nasa serbisyo pa sa kasalukuyan, napakaraming programa o paraan upang pahalagahan ang pagdiriwang para sa kanila. Nariyang magtanghal sila ng mga literary-musical

program, kasama ang pagbibigay o paggawad ng

mga certificates of recognition and appreciation for outstanding teachers of the year bilang pagkilala sa kanilang natatanging paglilingkod bilang guro. Bukod dito’y nakakatanggap din sila ng mga regalo mula sa kasamahan sa trabaho. Nariyang magdaraos sila ng educational tour/trip kung saan ay mamamasyal sila sa mga tourist destinations sa loob ng bansa. May mga inoorganisa rin silang Alay Lakad, Walk for a Cause, Feeding Program, parada o sportfest, maghanda ng mga salusalo na naglalayong mapasaya sila, o kaya’y manatili na lamang sila sa kanilang mga tahanan at makipag-bonding sa mga anak at kamag-anak.

Ngunit paano naman ang mga nagretiro na? Paano natin sila mabibigyan ng kaukulang parangal, pagkilala o pasasalamat-sa araw na inilaan para sa kanila? Sa halos araw-

araw na pakikipag-usap at pakikisalamuha namin sa mga retiradong titser sa aming bayan, simple lang naman ang kanilang inaasahan: ang patuloy na pag-alala at paggunita sa kanilang mga nagawa sa mga kabataan at ng sambayanan sa mga nakaraang panahon. Mababaw naman ang kanilang kaligayahan. Ang simpleng pagbati sa kanila na may kasamang ngiti sa mata o labi, ang pagkaway, ang pagtapik sa balikat, ang pagmano o pagkamay sa kanila’y nakalulugod na sa kanila. Makakapagpasaya rin sa kanila ang ipagluto sila ng noodles o simpleng ulam, ipagwalis sila sa kanilang bakuran, magpalengke o ibili sila ng gamot sa botika. Di man sila makapagpasalamat, naroroon ang pasasalamat sa kaibuturan ng kanilang puso.

Di rin maitatatwa, mayroon din silang nagawang pagkukulang o nagawang di kanais-nais habang sila’y nasa active service ngunit tao rin lang naman sila gaya ng bawat isa sa atin. Huwag lamang daw dumating sa puntong tila di na sila nakikilala o kaya’y iniiwasan na sila sa mga kalsada o ibang pook kung saan nagkakakurus ang kanilang landas. Masasaktan at malulungkot din sila sa halip na matuwa. Aminin man natin o hindi, may mga estudyante ring masyadong ‘selective’ sa pakikitungo nila sa mga titser. Ibig sabihin nito, tanging ang kanilang mga guro lamang sa isang baytang kung saan sila pumapasok sa paaralan ang kanilang binabati at binibigyan ng kaukulang paggalang. Ang ibang mga guro’y di nila pinapansin, dinededma, lalo na kung makakasalubong nila sa labas ng paaralan. Iilan lamang sa mga ito ang nagbibigay-galang sa mga matatanda o nakatatanda, lalo na roon sa di nila kakilala. Nasaan na kaya ang natutuhan nilang values education o ang good manners and right conduct?

Napupuna rin namin na ang pagkilala, paggalang at pagmamahal na puwedeng ibigay ng isang mag-aaral sa kanyang guro’y batay rin sa kung paano o anong uri ng paglilingkod o serbisyo ang ibinigay sa kanya at ng iba pang tinuturuan nito - araw-araw.

Naalaala namin tuloy ang naging karanasan ng isa naming guro noon sa mababang paaralan ng aming bayan. Malayo-layo pa siya sa paaralan tuwing papasok siya sa umaga’y nagtatakbo na ang kanyang mga mag-aaral na sasalubong sa kanya. Mag-aagawan sa dala-dala niya. May kukuha sa kanyang bag, mga kagamitang panturo, ang kipkip na Teacher’s Guide, at iba pang abubot o daladala. Pag umuuwi naman siya sa hapon, nakikisabay sa kanya ang kanyang mga mag-aaral, tila di nagsasawang makipag-usap at maki-bonding sa kanya. Ang totoo, may mga pagkakataong lalong pinaniniwalaan ng isang bata ang kanyang guro kaysa sa ina o ama. Pag sinabi ni sir o ni ma’am, iyon ang tama. Ang kanyang sekreto: bukod sa magaling magturo, mabait at madaling lapitan. Mahal niya ang kanyang mga tinuturan, bilang pangalawang ina sa paaralan. Damang-dama rin ang kanyang respeto sa kanyang mga tinuturuan. Alam niya ang makipaglaro at makipagtawanan sa tama at akmang panahon. Malinis ang kanyang pananalita, mabini kung kumilos, kaya, hayun, nagugustuhan at nirerespeto siya ng kanyang mga mag-aaral, maging ang kanilang magulang!

Ang pananatili ng respeto, pagkilala, paggalang at pagmamahal ng mga bata at tao sa mga guro’y batay na rin siguro sa kung paano siya maglingkod at makisama sa kanyang mga kababayan. Kung naging matapat siya sa kanyang gawain, kung nagpakita siya ng magandang halimbawa, in thick and in thin, wika nga, buhay man siya o patay na, di puwedeng burahin iyon ng mga panahon ang kanyang mga alaala. Mananatili siyang buhay tulad ng isang moog sa liwasang-bayan, o kaya’y tulad sa isang bayaning iginawa ng monumento, isang immortal!

Kailanma’y di rin magiging sagabal o kasiraan ng isang tunay na guro ang pagkakaroon niya ng kahinaan o kakulangan bilang guro at pribadong mamamayan sa bandang huli, sakaling magreretiro na siya. Ang mahalaga, kabilang siya sa isang institusyon na ang pinakamahalagang misyon ay maglingkod sa kapuwa, sa bayan o sa sangkatauhan, sa larangan ng edukasyon patungo roon sa pangarap na kinabukasan, sa magandang kinabukasan para sa ating lahat!

Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.