Ang Retrato Sa Kuwadro

Liwayway - - Mga Nilalaman - Victoria Carlos

Hinahaplos ng iyong mga gunita ang nagliliwaliw kong diwa. Ang iyong matamis na ngiti ang pumapawi sa aking kalungkutan. Dama ko ang kasiyahan tuwing ikaw ay pinagmamasdan. Banayad kong sinasalat ang iyong maamong mukha at masuyong hinahagkan tuwing gabi bago matulog. Ikinukulong sa aking mga bisig at pinapangarap na makasama sa aking mga panaginip.

Tanging ang iyong larawan ang pumupukaw sa aking pangungulila. Sadyang ang pagtatagpo at paghihiwalay natin ay tadhana ng kapalaran. Hahayaan kong maging alipin ang aking ulilang puso ng iyong matatamis na mga alaala. Malugod kong pakaiingatan, mamahalin at pahahalagahan ang ating dakilang pag-ibig. Ikaw ang aking pinakamamahal at magsisilbing gabay ng aking buhay. Pagkat ikaw ay isang kasaysayang kailanman ay hindi ko makakalimutan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.