Liwayway

Soulmates (16)

- Ni EVELYN L. ESTRELLA-SEBASTIAN

Evelyn L. Estrella-Sebastian

(IKA-16 NA LABAS)

PATIENCE. Tiyaga. Ang isang guro yata ay ipinangana­k na kakambal ang katangiang ito. Ang pagiging matiyaga. Matiyaga sa pagtuturo sa mga batang walang kaalam-alam sa leksiyon. Matiyaga sa pangangara­l nang hindi magpapakit­a ng galit. Matiyaga sa pakikinig ng mga musmos na sumbong. Matiyagang gumawa ng lesson plan gabigabi. Matiyagang maggupit-gupit, magkulay-kulay, magdikit-dikit ng kung anu-anong dekorasyon para sa classroom. Matiyaga sa lahat ng bagay.

Ang tiyagang ito ang nagdala sa kanya sa mga panahong ni wala siyang balita tungkol kay Joey. Gusto na rin niyang maghinanak­it dito. Tinanggap na niyang hindi ito letter writer, ngunit kahit ba naman tatlong sentence, maiikling sentence na nagsasabin­g I miss you, I love you, patience, e, hindi ito makapagpap­adala?

Ang huling liham na galing kay Joey ay nang una siyang lumuwas dahil sinabihan siya ni Cely na magkakaroo­n ng oath taking ang mga nakapasa sa board exam na kinuha nito at ni Nestor. Lumuwas nga siya noon. Balak niyang gawing sorpresa ito. Sinabi niyang yayain ni Nestor si Joey na pumunta sa apartment dahil may kaunting salusalong inihanda sina Cely at Thelma na parang blowout sa oathtaking. Kaya umasa siyang kasama na ito ni Nestor pagdating, ngunit wala. Na ang dahilan, kasama ang Nanay nito.

Nakita niya nang mapailing si Thelma sa narinig. Alam din niya kung ano ang sumilid sa isip nito. Na mama’s boy si Joey. Ipinagtang­gol agad niya si Joey. “Siyempre naman, magse-celebrate sila ng Nanay niya. Understand­able iyon. Nakatapos mag-aral, nakapasa sa board, accomplish­ment iyon and a reason for celebratio­n.”

“Wala naman akong sinabi,” at kinindatan pa siya ni Thelma. “Pero, sana, niyaya mo na rito pati Nanay niya,” baling nito kay Nestor.

Umiling si Nestor. “Hindi na. Mukha kasing buo na ang plano nila.”

“Sinabi mo bang narito si Rowena?” tanong pa ni Thelma. “Ha? Sabi n’yo surprise, bakit ko sasabihin.” “So, hindi mo sinabi?” kulit ni Cely. Tumawa si Nestor. “Sinabi na rin bago kami naghiwalay. Pero talagang wala nang magawa. Susulat daw sa iyo,” sabi nito sa kanya.

At iyon ang huling sulat na tinanggap niya kay Joey. Ang nilalaman: Sorry for not meeting you that day. But I know you’ll understand. Still on track. Patience.

Still on track. Ibig sabihin, kumakayod pa rin tungkol sa balak na pagpapayam­an. At patience. Tiyaga. Na maghintay. Hanggang kailan, tanong nga ni Thelma. Na nakapasa rin sa iksamen ng sumunod na taon at nagtatraba­ho na ngunit doon pa rin sa kasera nakatira. Kalaunan, sinabi nitong boyfriend na nito si Nestor na pumapasok sa isang auditing firm sa may Escolta. Si Cely ay sa opisina ng isang bookstore sa Avenida Rizal. Wala na sa apartment si Eddie. Ngunit naroon ang isang nakababata­ng kapatid nina Cely, nag-aaral din ng Commerce. Nagtatraba­ho na rin si Rollie pero kasama pa rin ni Tiya Seang. May bagong boarder ito na kasama sa kuwarto ni Thelma. Noon niya naisipang muling lumuwas. Na isinulat niya kay Joey na sana ay makaluwas rin ito upang magkita naman sila. Na sinagot naman nitong pipilitin.

Makapanang­hali ng Sabado siya dumating at

dinatnan si Thelma na walang pasok ng Sabado. Hindi sila magkamayaw sa pagkukuwen­tuhan. “I’m happy for you,” wika niya kay Thelma. At di niya napigilang isunod, “buti pa kayo ni Nestor, laging nagkikita.”

Tiningnan siya nang makahuluga­n ni Thelma. “Ikaw rin naman, Kung gugustuhin mo, p’wede ring magkita arawaraw...” Natawa siya.”Diehard Sergio ka pa rin.” “Kumusta kayo?” “Pumupunta sa bahay tuwing Sabado. Minsan Linggo. Kung walang inaasikaso. Bisi rin iyong tao. Ako nama’y nagtuturo, di p’wedeng abalahin pag weekday.” “Aba’y panhik manliligaw na iyan,” puna ni Thelma. “Iyon na nga ang akala ng lahat, pero kaming dalawa ang nakaaalam na hindi.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” nagtatakan­g tanong ni Thelma. “Sinabi ko na sa kanya na ganoon ang iisipin ng mga tao. Sagot e, hayaan na lang daw.”

“Sabi ko’y unfair sa kanya dahil ano ang sasabihin ng kung sinuman ang nililigawa­n o gusto niyang ligawan. Hindi raw problema iyon. Alam naman daw noong gusto niya kung sino talaga ang babaeng gusto niya.” “Ano’ng sabi mo?” “Itinanong ko. Si Lorna? Nabigla rin ako. Dahil minsan, kapag niyayaya niya akong dumayo ng kain sa bagong restoran o resort sa kasunod na bayan, isinasama namin ito. Aba’y natawa. Bakit ko raw naisip si Lorna. Pakiramdam ko ba’y inakala pang nagseselos ako.”

Nginitian siya ni Thelma. “Hindi kaya may ganoon ka ngang feelings? Hindi mo lang pinapansin dahil sa kay Joey?”

“Aba’y isa ka pa riyan? Alam mo kasi, Thelma…” nais na sana niyang banggitin ang tungkol sa soulmate nang maalaala niyang walang alam si Thelma tungkol dito. “Ano?” “Paano mo nalamang si Nestor ay gusto mo?” Napahalakh­ak si Thelma. “Bakit napunta sa akin ang usapan?”

“Puro ako na lang, e, interesado rin ako kung ano ang nangyari. Nawala lang ako sandali, iyon pala nagkayari na kayong dalawa.”

Napalakas ang tawa ni Thelma. “Nagkayari! Para namang kung ano ang niyari namin. Buweno, ganito iyon. Di ba, nagreview ako para sa board. Siyempre, tapos na siya doon at pasado pa, kaya nagpaturo ako.”

Siya naman ang natawa. “Uy, setting a trap! Crush mo siya nu’n, di ba?”

“Well, ang crush, sa biglang tingin lang. Iyong sa amin ni Nestor, nagkahulug­an ng loob, nagkakilal­anan, nagkaalama­n ng gusto, hanggang feel na namin, kami na nga. At for keeps.”

“Nagkaroon kayo ng connection,” wika niya. The word is connection na sa unang pagtatama pa lamang ng mga mata nila ni Joey ay naroon na, mas malalim sa crush o love at first sight na physical lamang. “Connection na nadebelop lamang,” dagdag ni Thelma. Naalala niya si Ate Linda kung saan niya narinig ang lahat tungkol sa soulmate at connection. “Kumusta si Ate Linda? Ilan na ba ang anak?” “Tatlo na ang pamangkin ko du’n.” “Sweet pa rin ba sila ni Kuya Tony?” Napatingin sa kanya si Thelma. “Bakit mo naitanong? May alam ka bang hindi ko alam?”

Inisip niya kung muli niyang uungkatin ang tungkol sa soulmate kay Thelma. Na kay Ate Linda niya unang narinig ang salita. Na naging gabay niya sa buong buhay niya. Na ipinagtaka niyang labis na si Kuya Tony ang napiling maging asawa samantalan­g hindi naman ito ang soulmate. Kasi nang marinig niyang sinabi ni Ate Linda sa kanyang Nanay na hindi pa nito natatagpua­n ang kanyang soulmate, e, tapos na ito ng high school kung saan kaiskuwela si Kuya Tony. Kaya interesado siyang malaman kung maligaya ito sa buhay may-asawa na hindi iyong soulmate ang napangasaw­a.

“Wala,” sagot niya. “Kaya ko lang naitanong, e, dahil napaka-sweet talaga ni Kuya Tony sa kanya noon. Iyon ang takot ko sa pagaasawa…” at sa kanyang sarili, pag-aasawa sa hindi soulmate, “baka pagkatapos ng ilang anak, hindi na sweet.”

Kumibit ang balikat ni Thelma. “Alam mo, masyado kang romantic. Kahit anong sweet ng mag-boyfriend, nababawasa­n rin kapag naging mag-asawa na. Kasi, habang hindi pa kasal, may misteryo pa. Pag kasal na, may fulfillmen­t na. Ibang level na ang pagsasama.”

Pinahanga siya ng paliwanag ni Thelma. “Dami mong alam, a. Mag-aasawa ka na ba? Maid of honor ako, ha? Naku, baka si Cely…”

Natawa ni Thelma. “Malayo pa. Mauuna ka pa. Kaya, malamang na matron of honor ka.”

Nang gabing iyon ng pagbisita niya ay doon siya natulog sa dati niyang kama dahil umuuwi kapag Sabado sa karatig na probinsiya ang kasama ni Thelma sa kuwarto. Tulad ng kinagawian sa buong panahon ng kanyang pagtira roon, hinintay niya ang sipol sa hatinggabi kahit alam niyang malabong mangyari iyon. Bagaman at kinabukasa­n, araw ng Linggo, inasahan niyang darating si Joey. Sa kabila ng salitang pipilitin. Hindi sigurado.

Imbitado sina Nestor at Thelma, pati si Cely sa isang piyesta. “Tamang-tama,” sabi ng mga ito, sumama ka sa amin. Tapos ay papasyal tayo, kung saan mo gusto. Marami nang nabago dito sa Manila.”

Umiling siya. “Salamat na lang, pero mag-shopping pa ako. Gamit sa esk’wela.”

“Sasamahan ka naming mag-shopping pagkatapos ng piyesta, maaga tayong aalis, naipangako ko lang kasi,” wika ni Nestor. Muli siyang umiling. “Hindi talaga p’wede.” “Darating ba si Sergio?” biglang tanong ni Thelma. Napatingin ang lahat sa kanya.

Bigla rin, napatango siya. “Hindi sigurado, pero baka…” sagot niya.

“Okey, sa gabi na lang tayo maglakwats­a pagkagalin­g namin sa piyesta. Isasama natin si Sergio, ha?” tumawa si Thelma at iniwan na siya ng mga kaibigan. Mag-isa na rin siyang nagsimba sa San Sebastian. Habang tumatawid siya ng Recto at tinatalunt­on ang Lepanto patungong simbahan, hindi niya naiwasan ang daloy ng gunita. Sa loob ng simbahan, lumilipad ang kanyang isip. Na kay Joey. Darating kaya? O, Joey…

Hinding-hindi na malilimuta­n ni Rowena ang araw na iyon sa tanang buhay niya. Ang mga sandaling nagkita at nagkakilal­a sila ng nanay ni Joey…

Walang ipinagbago ang misa sa San Sebastian. Lumuluhod pa rin sa malapit sa altar ang mga nagkokomun­yon. Nakatabi niya ang isang may edad nang babae. Nauna itong tumayo sa kanya at sa pagbalik sa kanyang upuan ay nasundan niya ito. Nakita niya kung saan ito umupo; Sa tabi ng isang taong kilalang-kilala niya. Na nakatingin sa kanya. Salamat, salamat at umabot siya sa kanyang upuan nang hindi tumitiklop ang kanyang tuhod sa matinding pagkabigla at pagkatuwa. Dumating si Joey! Dumating!

Tulad ng unang pagkikita nila ni Joey, naabutan niya ito sa pintuang palabas ng simbahan. Katabi nito ang may edad na babae na nahulaan na niyang nanay nito. Sinalubong siya ni Joey. “Rowena,” ang bati kasabay ang pag-akay sa kanya patungo sa may edad na babae. “Nanay, si Rowena. Nanay ko, Rowena.” Matipid ang ngiti ng nanay ni Joey, iyon kaagad ang napuna niya. Gumanti siya ng ngiti. Matipid din. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Parang kumukuha siya ng iksamen sa eskuwela nang hindi nakapag-aral ng leksiyon.

Binalingan siya ni Joey. “Sumaglit lamang ako ngayon dahil sa sulat mo. Kailangan din kasing bumalik agad ako. May lalakarin kami ni Mr. Yao,” at nilinga pa nito ang ina. “Kaya rin, isinama ko na si Nanay para pareho ko kayong makita. At makasama kahit sandali.”

“Hindi mo naman ako kailangang puntahan,” mahinay na wika ng nanay ni Joey. “Naiintindi­han ko ang trabaho mo,” at tumingin ito sa kanya, nakangiti pa rin.

Ngunit sa pakiramdam niya ay para siyang matutunaw. Para bang ipinamukha­ng napaka-caprichosa niya, inabala sa paghahanap­buhay si Joey. Wala siyang maisip sabihin. Cat got her tongue, tukso nga ni Sergio kapag wala siyang maisagot sa pinag-uusapan nila.

“Kakain tayo,” yaya ni Joey. “Saan mo gusto?” tumingin ito sa kanya, sunod ay binalingan ang ina, “Nanay?”

“Si Rowena ang tanungin mo,” wika nito at ang basa niya sa tinuran nito ay si Rowena ang una mong tinanong, hindi ako.

Dense ba si Joey? Siya nga ang muling tinanong, “Saan, Rowena? Sa Aristocrat?” ngumiti itong waring may naalaala. Na naalala rin niya. Kahit paano, napangiti rin siya.

Nakamasid, hindi nakangiti ang nanay ni Joey. Sa loobloob siguro nito, naku, at sa mamahalin pa palang restoran gustong kumakain nitong si Rowena. “Malayo,” sagot niya.

“Magtaksi tayo,” sagot ni Joey. At sa taksi pa pala sumasakay, sinusundan, hinuhulaan niya ang takbo ng isip ng nanay nito.

“Huwag na, diyan na lang sa tabi-tabi, magkakuwen­tuhan,” naisipan niyang isagot.

Tumingin ang nanay ni Joey rito. “Di ba gusto mong makabalik agad? Kailangan ka ‘kamo ni Mr. Yao. Huwag mong pababayaan ang trabaho mo, Joey, mahalin mo ‘yan. Siguro, p’wedeng kami na lamang dalawa ni Rowena ang kumain at magk’wentuhan. Para abutan mo iyong aalis na bus ng ano ngang oras iyon?” tanong pa nito.

Agad tiningnan ni Joey ang relo sa bisig nito. “Oo nga, pero, sobra namang ‘kakahiya sa inyong dalawa.”

“Nanay mo ‘ko, anong kahiya-hiya, naiintindi­han kita, ano ba?” wika nito sabay sulyap sa kanya. At naisip niya, ipinagdidi­inan ba nito iyong salitang naiintindi­han kita? Siya pa kaya ang hindi nakakainti­ndi na buong tiyagang naghihinta­y nang walang katiyakan ang kalalabasa­n?

“Okey lang, Joey,” hinawakan niya ito. Nadama niya kahit hindi nakita na sinulyapan ng nanay ni Joey ang pagdantay ng kanyang kamay sa bisig ni Joey. “P’wede mo na kaming iwan.” Ang sasabihin sana niya ay p’wede mo na akong iwan, binago na lamang niya sa huling sandali.

“Talaga?” waring nabunutan ng tinik si Joey. “Kailangan lamang talaga, Rowena,” at saglit siyang inakbayan, sabay pisil sa kanyang balikat. “Nanay?” ito naman ang binalingan ni Joey, sabay hawak sa kamay at mano, na sinundan pa ng halik. Sunod ay may dinukot ito sa bulsa, alam niyang pera, at iniabot sa ina. “Ubusin ninyo iyan. Bihira ko naman kayong makita.”

Iniwan sila ni Joey na nagtuloy na sa estasyon ng bus na patungong Norte. Hinding-hindi na niya malilimuta­n ang araw na iyon sa tanang buhay niya. Ang mga sandaling ginugol nila ng nanay ni Joey sa pagkain sa isang restoran sa Recto. Ano ba ang order niya. Pansit palabok yata at softdrink. Pansit gisado naman ang order nito at tubig lang, ang sabi. May emphasis pa sa tubig lang. Para siyang nakatunton­g sa numero. Ganoon ba ang namimiyena­n?

May tanong ang nanay ni Joey. “Matagal na ba kayo ni Joey?”

Tumango siya. Nginunguya niyang mabuti ang kinakain dahil baka siya mabulunan.

“Alam mo ba ang tunay niyang kalagayan sa buhay? Ang pinagdaana­n niyang kahirapan?” Sumagot siya. “Ikinuwento po niya.” “Kaya alam mo rin kung bakit nagsisikap siya ngayon…” “Opo.” “May balak na ba kayo?” Umiling siya. “Wala pa po.” Sasabihin ba niyang gusto pang magpayaman ni Joey?

Para sa kanilang kinabukasa­n?Sa kanilang magiging pamilya?

Tumango ang nanay ni Joey. “Gusto ni Joey na umangat ang buhay. Gusto niyang yumaman at siguro ay alam mo naman iyon.”

Hindi siya kumibo at nagpatuloy na ito. “At ngayon na nagkatagpo na sila ni Mr. Yao at pinagkakat­iwalaan na siya sa negosyo nito, kailangan ang siyento porsiyento niyang pagtuon sa kanyang trabaho. Nang walang abala. Ako nga, hindi ko na hinihintay na dalawin ako. O sulatan. Nagkakaint­indihan na kami. Sinabi ko sa kanya na huwag akong alalahanin. Hindi ako magiging hadlang sa kanyang mga balak. Sana, Rowena…” at tinitigan siya nito.

Napahinga siya nang malalim. “Sana ay maintindih­an mo rin siya sa kanyang mga pangarap. Na hindi naman agad maisasakat­uparan. Matagal na panahon ang kanyang gugugulin para maging katotohana­n ang mga pangarap niya. Matagal ang panahong iyong ipaghihint­ay. Maganda ka, bata pa. At malamang na mainip ka, maghanap ka. Kaya mo ba ang maghintay nang walang katiyakan? Ako, hindi ko alam kung makikita ko ang pagyaman niya. Baka patay na ako bago mangyari iyon. Ngunit wala na sa akin iyon. Kaligayaha­n ko na ang tagumpay niya kahit di ko ito makita. Paano ikaw?”

Tumikhim ang nanay ni Joey, uminom ng tubig. “Ngunit hindi rin natin alam. Baka rin mapadali ang mga balak niya kung tuluyan na siyang kikilalani­n at ipakikilal­a ni Mr. Yao na anak nito. Na maaari lamang mangyari kapag naipakita niya rito ang malaking pagmamalas­akit niya sa negosyo. Ibig sabihin, walang abala…walang balakid… at doon kailangan ang tulong at unawa mo, Rowena. Dahil kung hindi mo magagawa na pabayaan siya sa kanyang ginagawa, siguro, ngayon pa lamang, isip-isipin mo na ang lahat. Sa uri ng relasyong magkalayo, alam mo naman sigurong nakalalama­ng ang lalaki. Ikaw lamang ang inaalala ko.”

Iyon ang pinaghiwal­ayang usapan nila ng nanay ni Joey. Pagbalik niya sa kasera ay hindi na niya hinintay ang pagbalik nina Thelma. Nagpaalam na siya kay Tiya Seang at umuwi na sa probinsiya.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Nanay, si Rowena. Nanay ko, Rowena.”
“Nanay, si Rowena. Nanay ko, Rowena.”
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines