Unang Hakbang
Armando T. Javier
NAMUTI na ang mga mata ni Kit ay walang Miriam na dumating sa mall na iyon sa Cubao. Inis na inis siya. Bumiyahe pa mandin siya mula sa Sta. Ana patungo roon para katagpuin ang maliit na singer na nakilala nila ni Leon kamakalawa nang gabi. Nagkita sila ng nobelista at dating boss sa Quezon Avenue, uminom habang nakikinig sa makapanindig-balahibong boses ng magandang singer.
Binulungan ni Leon ang waiter nang maghatid ng beer sa kanilang mesa, at pagkatapos nga ng number ni Miriam, isinama ito ng waiter sa kanilang mesa at pinatabi naman
ni Leon sa kanya. “Binata ‘yan,” sabi ni Leon, “naghahanap ng syota.” Napangiti si Miriam, nilingon siya. “Talaga, ha?” Ipinakita niya kay Miriam ang kanyang mga daliring walang suot na wedding ring. Duda pa rin ang singer.
“Hindi naman porke walang suot na wedding ring e single na talaga? Malay ko kung nasa bulsa mo o iniwan mo sa bahay?” “Hindi, a!” “Talaga? Wala sa bahay n’yo?” “Sa bahay namin, wala…” Nilingon niya si Leon at kinindatan, saka binalingang muli ang katabi. “—nasa bahaysanglaan…!”
Napalakas ang tawa ni Miriam, pinagtinginan sila ng iba pang kostumer.
Kahit kailan, bentang-benta sa mga GRO at waitress ang joke niyang iyon. Epektib din pala pati sa singer. Iniorder nila ng lady’s drink si Miriam. Binayaan siyang makadiskarte ni Leon. Tahimik ito, nakikinig lang. Bakit napapakiramdaman niya na siya ang pagbabayarin nito?
Tama siya. Siya nga naman ang nagyaya. Mula nang magresign si Leon bilang editor sa imprenta ng pocketbooks, naging freelance writer na lamang ang kanyang mentor at kaibigan. Hindi naman nagtagal, siya ang ipinalit ng may-ari sa puwestong binakante ni Leon.
Tapos na ang huling set ng kanta ni Miriam at maaari na itong umuwi, binigyan pa uli niya ng lady’s drink. Nang maghikab, tinanguan siya ni Leon.
“Muk’ang inaantok ka na, gusto mo nang umuwi? Ihahatid kita.”
“Talaga? Baka nabibigla ka, magtataksi ako?”
“No problem. Mayaman si Papa!” sabi niya at tumawa.
Tumawa rin si Leon. Hiningi niya ang chit at binayaran.
Isinabay nila si Leon, na bumaba sa kanto ng Ortigas Avenue. Sa Paranaque uuwi si Leon.
“O, Kitoy, siguruhin mong sa bahay mo ihahatid si Miriam, ha?” “Oo, Idol!” Kumanan ang taksi nila patungong San Juan. Sa ituktok ng isang ahon-lusong na kalsada, nagpapara si Miriam.
“Dito na’ng sa ‘min. Pero di kita maiimbitahan sa loob, mabubulahaw na’ng mga kasama ko sa bahay…” “Okey lang, naintindihan ko. P-P’wede ba tayong magkita?” “Mag-date?” “Mag-friendly date…” Ngumiti si Miriam, tumambad sa kanya ang maputi at pantay-pantay pang mga ngipin.
“Sige, text mo lang ako. Nakuha mo na naman ang number ko. Salamat sa hatid.”
Hinawakan niya ang palad ng singer at pinisil, saka kumaway bago muling sumakay sa naghihintay na taksi. Sa pagkakasandal sa likurang upuan, pumikit siya at binalikan sa isip ang bilugang mukha, makinis na kutis at magandang katawan ng singer na humuhubog sa pitis nitong dress.
Kinamakalawahan, nag-text siya kay Miriam at niyaya itong magkita sila sa Cubao. Natagalan bago sumagot, pero pumayag naman. Kinikilig sa pananabik si Kit. Naligo siya, nag-ahit, nagbihis, nagpabango at nauna na sa tagpuan nila sa Gateway Mall.
Ayaw niyang paghintayin si Miriam. Siyempre pa, na gusto ng mga babae na sila ang hinihintay. Nagtreinta minutos, nagisang oras ay wala pa ring Miriam na dumarating. At nang kanyang muling i-text, sagot sa kanya: ‘Sens’ya na, Kit, me nangyari lang. Next time. Promise.
Hindi naman sinabi kung ano ang ‘nangyari’. Nagbubuntunghiningang pumasok sa isang fastfood resto si Kit at umorder ng sundae. Tiyak niya, kapag nalaman ni Leon, makakantiyawan na naman siya ng kaibigang nobelista.
TINABANGAN na sana siyang makipagkita kay Miriam pero nang ito naman ang mag-text, makalipas ang ilang araw, tila muling nabuhay ang paghanga niya sa magaling at magandang singer. Free me, mam’ya, Kit, puede ka? Puedeng-puede! Nagkasundo silang magkita sa Robinson’s Ortigas. Isang sakay na lamang mula sa opisina ni Kit sa San Miguel Avenue sa Mandaluyong. Nilingon niya ang kanyang editorial assistant.
“Barbie, kung reregaluhan ka ng bagong kakilala, ano’ng gusto mong iregalo sa ‘yo?” “Chocolate s’yempre, sir!” Magtataka pa ba siya kung bakit palapad nang palapad ang chubby at de-salamin niyang assistant?
Ang tindahan nga agad ng tsokolate ang hinanap niya pagsapit sa Robinson’s.
Tila may nabago kay Miriam, makapal ang pahid ng blushon sa kaliwang pisngi malapit sa mata at kahit nakangiti nang lumapit sa kanya, mukhang problemado naman ang bukas ng mukha. “Kanina ka pa?” “Medyo,” sabi ni Kit at iniabot ang biniling tsokolate. “Sweet mo naman…” “S’yempre. Sa’n mo gustong kumain?” “Light meal lang, busog pa ‘ko.” Pinasok nila ang isang Chinese resto, umorder ng dimsum at noodles at saka siya hinatian ni Miriam sa bigay niyang tsokolate.
“Ganyan ka ba talaga sa lahat ng mga nakaka-first friendly date mo?” “Hindi. Sa ‘yo lang.” “Tsaring!” Tumawa si Kit. “Single ka ba, Miriam?” Bahagyang nagulat si Miriam. “Oo—single…mother--!” Lumipat sa kanyang mukha ang pagkagulat, marahang tumango si Miriam.
“Ka-banda ko dati, nagkadebelopan, naasembulan ‘tapos biglang sumibat pa-Vietnam. One year na ‘yung baby ko nang magpakita sa ‘kin—at married na rin.” Napadalas ang pag-straw ni Miriam sa iced tea. “—Kaya heto, dumidiskarte. May dalawang club akong kinakantahan—sa Quirino pa’ng isa, naglalagare para sa ‘min ng anak ko…” “Ilang taon na ba s’ya?” “Magti-three years old na. Birthday nga n’ya next month.” Saglit na walang nasabi si Kit. “Disappointed ka ba?” “H-Hindi naman. Pangkaraniwan na lang ngayon ‘yan…” “Buti na ‘yung alam mo para kung…me balak kang pumorma sa ‘kin, wala na ‘kong inilihim sa ‘yo…” “Ang brutal mo naman!” “Buti na ‘yung malinaw. ‘Yung mga gustong dumiskarte sa ‘kin, tinatabangan ‘pag nalamang may anak na ‘ko.” “Sila siguro…” “—At ikaw…?” “Well…” Nagpatay-oras sila ni Miriam sa pag-iikot sa mall. Mayamaya, nagyaya siyang manood ng sine. “Behaved ka ba?” “Oo naman.”
Isinakatuparan ni Kit ang unang hakbang tungo sa pagpapamilya at pagkakaroon nang tahimik na buhay…