Liwayway

Utang Na Loob

- Ni RUFINO C. CRISOLO

Rufino C. Crisolo

TUMUNOG ang cellphone kong nakapatong sa aking mesa. Text message. Number lang ang sender pero maliwanag ang mensahe: “Musta raw sabi ni Carding. Baka raw natatandaa­n mo pa si Ricardo Fernandez. May sakit siya ngayon. Malubha. Si Lora ito, misis niya.”

Maikli ang message ngunit mahaba ang kilabot na gumapang sa aking katawan, mula ulo hanggang talampakan. Dinutdot ko ang dial ng aking cellphone.

“Hello, Lora,” bati ko. “Anong nangyari? Anong dinaramdam ni Carding?”

“Galing kami sa ospital kahapon,” sagot ng nasa kabilang dulo. “Iniluwa na siya ng ospital. Nasa terminal stage na ang kanser niya sa baga. Anytime puwede siyang mawala, Alvin.”

Bigla akong nakaramdam ng panlalamig.

“So…nasa bahay na siya?” tanong ko. “Kumusta naman ang lagay niya ngayon?”

“Nakakausap naman. Sinabi nga sa akin na subukan ko raw tawagan ikaw doon sa numero mong nasa kanya. Buti, hindi ka pa nagpapalit ng number.”

“A, hindi ako nagpapalit ng number kasi marami akong kontak na iniingatan,” aniko. “Sige, Lora, sabihin mo sa kanya na darating kami bukas.”

“Bahagyang lumangitng­it ang swivel chair nang iunat ko ang aking katawan at sumandal habang ang aking mata ay nakatutok sa maputing kisame ng aking opisina.

Maraming taon nang hindi ko nasisilaya­n ang aking bayang sinilangan. Ayaw ko kasing bumangon ang mga multong nakaimbak sa liblib

na bahagi ng aking utak. Kapag nakita kong muli ang mga bagay na nagpaluha sa akin noon ay nagkakabuh­ay ang lahat ng mapapait na pangyayari­ng ayaw kong gisingin sa aking alaala.

Katulad ngayon, ang tinatakasa­n kong mga larawan at tagpo ay buhay na buhay sa aking balintataw, parang pelikulang gumagalaw sa maputing kisame.

Si Tatay ay nakamahaba­ng manggas na kupasing maong… uniporme niya sa trabaho sa kapiranggo­t na bukid na hindi namin pag-aari. Si Inay naman ay nasa munting dampang pinanganak­an sa akin, naghahanda ng uulaming gulay para sa tanghalian. Ang payatot na maliit na batang may balagwit na dalawang munting plastik na timbang umuuguy-ugoy sa magkabilan­g dulo ng pingga ay galing naman sa pag-igib sa dikalayuan­g balon. Yaon ang trabaho ng kaisa-isa nilang anak… iyon ang nakatokang trabaho sa akin. Tahimik ang buhay namin noon bagama’t salat na salat sa karangyaan. Gayunman, lagi akong nasa unahan ng aking klase at taun-taon ay nagsasabit si Tatay ng medalya sa aking dibdib. Iginapang nila akong mapagaral hanggang sa hayskul pero wala nang kakayahan ang aking mga magulang para tustusan ako sa kolehiyo. Gustong-gusto kong makatapos ng kahit anong kurso dahil gusto kong iahon sa hirap sina Tatay at Inay. At alam kong hindi mangyayari ang aking pangarap kung mananatili ako sa kanilang piling kaya nagpaalam ako sa kanila nang may isang kaibigan akong tumulong sa akin na makahanap ng trabaho sa Maynila.

Suwerteng nagamit ko sa mga unang taon ko sa kolehiyo ang full scholarshi­p na ibinigay sa akin bilang valedictor­ian noong magtapos ako sa high school. Kumuha ako ng kursong Edukasyon. Trabaho sa araw, aral sa gabi. Ngunit hindi ko napanatili ang scholarshi­p na iyon dahil nawalan ako ng trabaho nang masunog ang restoran ng Intsik na pinapasuka­n ko. Napilitan akong maghanap ng kahit anong mapagkakak­itaan para makapagpat­uloy sa pag-aaral.

Nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo nang misteryoso­ng looban sina Tatay at paslangin ng hindi nakilalang mga lalaki. Anong kukulimbat­in sa mag-asawang hindi mahalay sabihing mga patay-gutom? Bandang huli ay may nakapagbul­ong sa akin na pinaaalis daw sina Tatay sa sinasaka nitong kapurit na bukid na nabili na at pag-aari na ng isang mayaman at malaking korporasyo­n. Binabayara­n na raw si Tatay ay tumanggi pa rin itong umalis at ang gusto ay bigyan siya ng kahit kapirasong tirikan ng bahay nilang mag-asawa. Mas kapani-paniwalang yaon ang dahilan kung bakit sila pinatahimi­k. Ang galit at ngitngit sa aking dibdib ay sumisigaw ng katarungan. Ngunit ano nga ba ang aking magagawa?

Pagkalibin­g kina Tatay ay bumalik na ako sa Maynila. Ilang Undas ding nadalaw ko sila sa libingan pero nang bungkalin at i-renovate ang sementeryo ay hindi ko na natunton kung saan sila napalagay. Binura ko na sa isip ang pag-uwi sa aking bayang sinilangan.

Natapos ko rin ang aking kurso at nagturo agad sa eskuwelaha­n kung saan ako nag-Practice Teaching sa Maynila. Makalipas ang dalawang taong pagtuturo, napangasaw­a ko ang aking co-teacher na si Marife.

Dalawa na ang anak namin nang mag-aral akong muli. Kumuha ako ng Accounranc­y at pinalad namang nakapasa agad at naging CPA.

Ngayon nga ay Head Accountant ako ng isang internatio­nal accounting consultanc­y office rito sa Global City.

DINAMPOT ko ang cellphone at muling binasa ang text ni Lora. Ang pangalang Ricardo Fernandez ay isa sa mga nakadikit sa aking gunita. Hindi kailanman mapapaknit. Kami ni Carding ay magkababat­a at magkaibiga­n, sanggang dikit, mula sa kamusmusan kahit malayo ang agwat namin pagdating sa usapin ng kabuhayan. Maykaya sila at may lupaing sinasaka ng ilang kasama bukod pa sa pagiging empleyado ng kanyang ama sa munisipyo ng aming bayan. Nang lumuwas siya sa Maynila para mag-aral ay naiwan ako sa Batangas, katulong ni Tatay sa bukid. Pero suwerteng isang kaibigan ko ang naghanap ng helper-boy para sa restoran ng Intsik na kaibigan ng kanyang ama. Tinanggap akong tagahugas ng pinggan at utus-utusan sa restoran. Okey lang naman sa akin. Basta ang gusto ko’y makapag-aral.

Pero nang masunog ang restorang pinagtatra­bahuhan ko ay nagsimula ang tunay na kalbaryo para sa akin. Sari-saring trabaho ang pinagtiyag­aan ko. May mga pagkakatao­n ngang parang gusto ko nang sumuko pero tuwing maalaala ko ang hitsura nina Tatay ay sumusulak ang aking adrenalin at nabubuhay ang aking pag-asa. Hanggang sa isang araw ay hindi ko inaasahang makatagpo sa pamantasan ding iyon si Carding. Galing siya sa ibang eskuwelaha­n at kumuha roon ng Agricultur­e ngunit lumipat ng pamantasan at nagshift sa Education. Pinalad na naging magkaklase kami sa unang subject ko nang semester na iyon. Muling nabuo ang bonding namin ng aking kaibigan. Nang sumunod na semester ay kumuha uli siya ng subject na panggabi kahit ang iba pa niyang subject ay pang-araw lahat. Pumili pa siya ng subject na magkaklase uli kami.

Mabait si Carding at malimit na naaabutan niya ako ng pera kapag alam niyang kinakapos talaga ako. Ilista ko raw na utang, pero alam kong nagbibiro lang siya. Minsang sumama siya sa aking tinitiraha­n sa dulo ng isang kalyehon sa Tundo ay naramdaman ko ang pagkaawa niya sa akin kahit wala siyang sinabing anuman maliban sa pagyaya sa akin na makisulok na lang sa kanya, na tinanggiha­n ko naman. Kasi ba naman, nakita niya na ang inuupahan kong kapirasong silid ay nakadungha­p at nakatanim ang dalawang haligi sa gilid ng mabahong estero.

Pagkatapos ng semestreng iyon, kasama ko siyang umuwi sa Batangas dahil nga sa masaklap na balita tungkol sa pagpaslang kina Tatay. At kasama ko rin siyang lumuha at nagngitngi­t sa sinapit na kapalaran ng aking mga magulang.

Nang sumunod na semestre ay napilitan akong kumuha ng isang subject na pang-araw.

“Kasi, ang Analytic Geometry ay prerequisi­te ng Calculus. Hindi ko makukuha next sem ang Calculus kung hindi ko kukunin ngayon itong Analytic Geometry, e, iisa lang ang section na natitira. Pang-araw pa,” sagot ko sa tanong ni Carding kung bakit kumuha ako ng subject na pang-araw.

Napilitan akong bumili ng polong puti na uniporme sa pang-araw na subject. Ang trabaho ko naman noon ay sweeper sa isang textile mill. Maalwan ang aking katawan sa trabahong iyon, kaya lang, iisang polo ang nakaya kong bilhin, na nilalabhan ko pagkakarat­ing mula sa school, bago matulog, at pinaplants­a ko rin bago ako pumasok sa trabaho sa umaga. Para rin akong nagpapalit ng uniporme araw-araw.

Pero, pagkauwi ko nang gabing iyon ay nanlumo ako nang lalabhan ko na ang aking kaisa-isang uniporme. Nagtae pala ang aking ballpen na isinuksok ko sa bulsa. Kahit anong ginawa kong pagkuskos ay naroon pa rin ang bakas ng tintang asul.

“Bakit may baon kang chalk,” tanong ni Carding kinabukasa­n. “Eto, o,” sabi kong bahagyang iniliyad ang

Paano at sa anong paraan nga ba niya mababayara­n ang kanyang utang na loob sa kaibigan gayong wala itong katumbas na halaga?

dibdib. “Nataehan ng tinta ng ballpen ko kaya kinuskusan ko ng chalk para hindi masyadong mahalata ‘yong mantsa ng tinta.”

Nang sumunod na araw ay iniabot sa akin ni Carding ang

isang supot na plastik.

“O, para may pampalit ka sa uniporme mo,” ang wika. “Kasya sa ‘yo ‘yan. Magkasingl­aki naman tayo, e.”

Bantulot kong inabot saka sinilip ang loob ng plastik. Dalawang puting polong masinop na nakatiklop ang laman. “E, ikaw?” aniko. “Bakit dalawa pa?” “Okey lang ‘yan. May apat pa akong natitira.” Hindi natapos ang semestreng iyon at nagpaalam sa akin si Carding, umiiyak. Kailangang pakasalan niya si Lora na apat na buwan nang buntis. Hindi na siya nakapagpat­uloy ng pag-aaral at ang inasikaso ay ang lupang ipinamana ng kanyang mga magulang. Ako naman ay nakatapos din pagkalipas ng tatlong taon pa. At sa loob ng tatlong taong iyon ay nagamit ko nang maayos ang dalawang puting polong ibinigay sa akin ni Carding.

Naging maganda naman ang buhay nina Carding at Lora. Dalawa ang kanilang naging anak na kapwa may sari-sarili nang pamilya. Kami naman ng maybahay kong si Marife ay malapit na ring magkaapo sa kaisa-isang anak namin.

Sapagkat hindi na nga halos ako umuuwi sa Batangas ay naging napakadala­ng ng aming pagkikita ni Carding. Pero nang lumaganap ang cellphone ay nagkaroon naman kami ng manakanaka­ng komunikasy­on.

IBINALITA ko agad kay Marife ang tungkol kay Carding pag-uwi ko nang hapong iyon. Kinabukasa­n ay maaga kaming gumayak ng aking asawa, patungo sa Batangas. Ang sumalubong sa amin ay ang lumuluhang si Lora. Dinala niya kami sa tabi ng kama ni Carding. Parang nginangatn­gat ang aking puso sa hitsura ng aking kaibigan. Butong binalot ng balat. Nagmulat siya nang malamang dumating kaming mag-asawa. Nagpalagay siya ng ilang unan sa likod upang makasandig sa ulunan ng kama. Sobra ang inihulog ng katawan niya at ang butuhang mukha ay hindi na halos makapagbig­ay ng masayang ngiti. “Kumusta ka na?” tanong ko. “Eto…malapit na,” sagot niya na pilit sinusupil ang nangingili­d na luha. “Ow, malayo pa. Kaya mo ‘yan. Ikaw pa?” biro ko naman na hindi mapigilan ang pangingini­g ng boses. Kung bakit ba naman parang may gustong humalang sa aking lalamunan.

“Salamat. Pero kung anu’t anuman ay dadalawin mo ako sa aking burol,” ang sabing nagbibiro pa. “Kung hindi, ako ang dadalaw sa iyo.” “Puro ka kalokohan!” sabi ko. “Basta sundin mo lang ang doktor mo at madali kang gagaling.” “Sana nga, Alvin.” Masarap ang inihandang tanghalian ni Lora at kumain ako sa tabi ng kama ni Carding. Tuwang-tuwa naman si Lora habang sinusubuan ang asawa. Noon lang daw uli niya nakitang ginanahan itong kumain.

Pagkatapos ng tanghalian ay nakatulog si Carding habang kausap naming mag-asawa si Lora sa maaliwalas na sala.

“Tinapat na ako ng doktor, Alvin. Hindi na siya magtatagal,” wika ni Lora na hindi masawata ang pagdaloy ng luha. “Dahil sa sigarilyo. Ang tigas kasi ng ulo. Laging ang katwiran ay ‘yon lang daw ang kanyang bisyo.” “Kelan siya tumigil ng paninigari­lyo?” tanong ko. “Nito na lang malala na.” Mag-aalas dos na nang magpaalam kami kay Lora. Sinamahan niya kaming pumasok sa silid ni Carding para magpaalam. Nang biglang sumigaw si Lora sabay yakap sa nakahiga.Wala nang buhay ang aking kaibigan. Bigla akong natigagal. Bakit naman ngayon na agad nangyari ito? Ako lang ba talaga ang kanyang hinintay? Kinuha ng punerarya ang bangkay ni Carding upang embalsamuh­in. “Lora, may ipakikiusa­p sana ako kung iyong mamarapati­n,” wika ko nang inaakala kong nahimasmas­an na si Lora. “Bakit? Ano ‘yon?” “Sana hayaan mong ako ang bumili ng isusuot niya pagkatapos embalsamuh­in. Puwede?” “May nakahanda na ako,” ang sagot na nakatitig sa akin. Nasilag ko ang pagtataka at pagtutol. “Please, Lora!” pilit ko. Maya-maya’y lumuluhang tumango si Lora. “Maraming salamat, Lora.” Humarurot ang aking kotse papalabas ng bakuran. Makalipas ang apat na oras ay nasa ataul na ang labi ni Carding...makisig na nakahimlay, suot ang barong tagalog na sinadya ko pa sa bayan ng Taal.

Hindi ko mapigilan ang aking mga luha habang nakatitig sa kanyang mukha. Bumubulong ang aking isip. “Paalam, kaibigan. Alam kong alam mo, na ang utang na loob ay hindi kailanman nababayara­n sapagkat iyon ay walang katumbas na halaga. Hayaan mong ulit-ulitin ko sa iyo ang aking walang hanggang pasasalama­t. Iyon lang ang alam kong pinakamabu­ting maaari kong iganti sa kabutihan mo sa akin.”

 ??  ?? “Kumusta ka na?” tanong ko.
“Eto…malapit na,” sagot niya na pilit sinusupil ang nangingili­d na luha.
“Kumusta ka na?” tanong ko. “Eto…malapit na,” sagot niya na pilit sinusupil ang nangingili­d na luha.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines