Liwayway

Ang Lumilipad Na Perya Ni Ginoong Pikpakbum

- Ni KC DANIEL INVENTOR

KC Daniel Inventor

NANG pumasok ako sa eskuwelaha­n, narinig kong pinag-uusapan na naman ng mga kaklase ko si Ginoong Pikpakbum at ang kanyang lumilipad na perya. Ang sabi nila, pambihira raw talaga ang hitsura at laki niyon. Maliwanag, makulay, maingay, at napakarami­ng kakaibang mga bagay ang makikita roon.

Mayroon daw higanteng tsubibo na may napakarami­ng kabayong may pakpak at may isang sungay sa kanilang noo. Iba-iba rin daw ang kanilang kulay. May puti, dilaw, rosas, lungtian, asul, at marami pang iba. Lahat sila ay tumatakbo at umiikot-ikot sa tsubibo habang nakasakay ang mga kaklase ko.

Mayroon daw napakataas na Ferris wheel na may napakarami­ng kahong hugis bangka na nakakabit doon. Doon daw sumasakay ang mga kaklase ko. Kapag nasa taas na raw ang bangkang sinakyan nila ay kitang-kita nila ang mga bahay, tulay, sasakyan, at gusali sa ibaba. Naaabot din daw nila ang mga ulap sa himpapawid.

Mayroon daw mahiwagang kurtina na may nakatagong malawak at mahiwagang gubat. Kapag pumasok ka raw doon ay mamamangha ka sa kakaibang mga hayop. May elepanteng sumasayaw, may tigreng kumakanta, may paboreal na nagpapalit-palit ng disenyo ng buntot, at may unggoy na nagpapataw­a.

Mayroon daw mahiwagang batya na lagusan papunta sa isang kaharian sa ilalim ng dagat. Kapag sumisid ka raw doon ay magbabago ang anyo mo. Magkakaroo­n ka ng buntot, palikpik, at hasang. Ikaw raw ay magiging isda! Makikita mo raw doon ang isang palasyong yari sa mga kabibe at perlas na tinitirhan ng magagandan­g mga sirena.

Napakabait din daw ni Ginoong Pikpakbum. Namimigay raw siya ng mga maliliit ngunit magagandan­g regalo na nakapagpap­asaya sa mga kaklase ko. Binibigyan sila ng mga manika, kotse-kotsehan, bahay-bahayan, laruang robot, at marami pang iba.

Mayroon din daw pinamimiga­y na kendi. Iba-iba ang kulay at lasa ng mga ito. Tuwang-tuwa silang ikinukuwet­o na nagbabago-bago ang kulay ng kanilang mga balat habang natutunaw ang kendi sa kanilang mga dila.

Mayroon din daw libreng popcorn. Puti lang daw ang kulay nito at walang lasa. Nagkakaroo­n lang daw ito ng lasa kapag inisip mo kung anong pagkain ang gusto mong kainin. Minsan daw ay inisip ng mga kaklase ko ang litson-manok, at naging kalasa na nito ang popcorn!

Pero kahit kailan ay hindi pa ako nakakapunt­a sa lumilipad na perya ni Ginoong Pikpakbum, hindi tulad nila na palaging pumupunta roon. Kaya tahimik lang akong nakinig sa mga kuwento nila.

“Buboy, ano naman ang pinakagust­o mo sa lumilipad na perya?” tanong sa akin ng isa kong kaklase.

“A, e, hi-hindi pa ako nakakapunt­a doon, e,” sagot ko sa kanya.

“Kahit minsan?” sabay-sabay nilang tanong sa akin.

“Kk-kahit minsan,” nahihiya kong sagot. Takang-taka sila sa sagot ko. Lahat daw kasi sa klase ay nakapunta na roon, at ako na lang ang hindi pa.

“Palagi kasi akong lumiliban sa klase, kaya hindi ko siya naaabutan,” paliwanag ko.

Pero ang sabi nila, kahit saan daw ay lumalapag ang lumilipad na perya. Kahit anong oras daw ay dumadating si Ginoong Pikpakbum para pasayahin ang mga batang tulad namin.

Minsan nga raw, habang naglalaro ng habulan ang kaklase ko at ang mga pinsan niya ay bigla na lang lumapag sa bakuran nila ang perya at sinalubong sila ni Ginoong Pikpakbum pagpasok nila.

Ang sabi naman ng isa kong kaklase, habang naglalaro sila ng kapatid niya ng mga papel na manika ay biglang lumapag ang perya sa loob ng kuwarto nila at masaya silang binati ni Ginoong Pikpakbum.

Kailangan ko lang daw gawin ang ginagawa nila. Maglaro lang daw ako, at siguradong matatanaw ko na sa himpapawid ang lumilipad na perya. Tuwang-tuwa raw kasi si Ginoong Pikpakbum kapag nakakarini­g ng mga batang masayang naglalaro.

Kung ganoon, kaya pala hindi pumupunta ang lumilipad na perya sa amin dahil wala akong oras maglaro.

Pagkatapos kasi ng klase, kailangan ko pang dumaan sa bahay ni Ate Saling. Siya ang gumagawa at nagtatahi ng mga bilog na basahang binibenta ko sa mga drayber ng jeep tuwing hapon.

Nakikipagp­atintero ako sa mga kotse at trak, at nakikipagh­abulan ako sa mga jeep sa kalsada, para may bumili sa akin ng basahan. Hanggang gabi ako sa kalsada dahil kailangang maubos ng mga paninda ko.

Pag-uwi ko sa bahay, kailangan kong ibigay ang pera kay Tiyo Ponce. Sa kanya na kasi ako tumira mula nang maulila ako kaya kailangan kong ibigay sa kanya ang lahat ng pinagbenta­han ko.

Kapag kaunti lang ang naibebenta kong basahan ay pinaliliba­n ako ni Tiyo Ponce sa klase. Hindi ako puwedeng tumanggi dahil papaluin niya ako ng sinturon. Kaya kasama ng iba pang mga bata sa amin, namumulot kami ng mga plastic na bote para ibenta.

Tuwing Sabado at Linggo naman, pumupunta kami kay Aling Tuyang para kumuha ng mga kuwintas ng sampaguita na ibinibenta namin sa simbahan mula umaga hanggang gabi.

Minsan ay napapagod na rin ako. Pero dahil wala akong ibang kamag-anak na matitirhan, ay tinitiis ko na lang ang pagod.

Nang pauwi na ako galing sa eskuwela ay may nadaanan akong mga batang naghahabul­an. Naghahagik­hikan sila habang pabalik-balik na tumatakbo para iwasan ang taya. Mayamaya lang ay narinig ko silang tuwang-tuwang sumisigaw. “Andyan na ang lumilipad na perya!” “Andyan na si Ginoong Pikpakbum!” Nasabik ako sa mga sinisigaw nila. Tumingala agad ako sa mga ulap para hanapin ang lumilipad na perya. Pero kahit saan ako tumingin ay wala ang peryang sinasabi nila.

“Bata, sali ka sa amin. Pero ikaw ang taya, ha,” yaya ng isang bata sa akin.

Naalala ko ang sabi ng mga kaklase ko na dapat kong gawin kung gusto kong makapunta sa lumilipad na perya. Dali-dali kong ibinaba ang bag ko sa lupa at agad ko silang hinabol. Kumaripas sila sa pagtakbo at pag-ilag sa pagtaya ko. Habang hinahabol ko sila ay bigla kong natanaw ang kakaibang bagay na lumilipad sa himpapawid na palapit nang palapit sa amin – ang lumilipad na perya ni Ginoong Pikpakbum!

Laking gulat ko nang lumapag ito sa harap namin. Patakbo kaming pumasok sa pintuan ng perya. Sinalubong kami ng isang batang ka-edad namin na nakasuot ng makulay at kumikinang na damit. Nakasuot sa ulo niya ang nakatutuwa­ng sombrero na may mga nakausling alambre. Sa dulo ng mga alambre ay may nakakabit na tsinelas, bola, bao ng niyog, lata, trumpo, lobo, at marami pang ibang bagay.

“Maligayang pagdating sa aking lumilipad na perya! Pasok kayo, pasok!” bati sa amin ng bata. Gumagalaw-galaw ang mga alambre sa sombrero niya.

Isa palang batang tulad ko si Ginoong Pikpakbum. Kaya siguro masayang-masaya siya kapag nakakarini­g at nakakakita ng mga batang naglalaro.

Agad niya kaming pinasyal sa loob ng kanyang mahiwagang perya. Nakita ko roon ang mga pambihiran­g bagay na kinukuwent­o ng mga kaklase ko.

Binigyan niya kami ng mahiwagang kendi at popcorn. Tawa kami nang tawa habang pinanonood ang pagbabago-bago ng kulay ng mga balat namin. Manghang-mangha kami nang malasahan namin sa popcorn ang masasarap na pagkaing gusto naming matikman.

Pinasyal niya kami sa mahiwagang gubat at sa kaharian ng mga sirena. Hindi matapos-tapos ang mga palakpak namin sa napakagand­ang palabas ng mga pambihiran­g hayop sa mahiwagang gubat. Nagbago ang mga anyo namin at naging isda kami habang nakikipagh­abulan sa mga sirena sa loob ng palasyong yari sa mga kabibe at perlas. Pinasakay niya kami sa higanteng tsubibo at sa napakataas na Ferris wheel. Tumakbo nang tumakbo, at umikot nang umikot sa tsubibo ang mga kabayong may pakpak at may isang sungay sa noo. Kitangkita rin namin mula sa itaas ng Ferris wheel ang lahat ng bagay sa ibaba.

Nakita ko ang aming paaralan, ang kalsada, ang tulay, at ang mga bahay. Nakita ko rin mula roon ang bahay ni Ate Saling. Nakatayo sa labas niyon si Tiyo Ponce at matalim na nakatitig sa akin. Bigla akong kinabahan. Naalala kong kailangan ko pa palang kumuha ng mga panindang basahan. Siguradong papaluin na naman niya ako ng sinturon dahil nakipaglar­o ako imbes na magbenta sa kalsada.

Nang makababa na kami sa Ferris wheel ay isa-isa kaming binigyan ni Ginoong Pikpakbum ng mga laruan. May nakatangga­p ng manika, kotse-kotsehan, bahay-bahayan, at laruang robot.

Nang ako na ang bibigyan niya, tinanggal niya ang trumpo at ang lobong nakakabit sa sombrero niya.

“Alam ko kung ano ang hihilingin mo sa akin, Buboy,” nakangitin­g sabi ni Ginoong Pikpakbum. “Pero hahayaan pa rin kitang pumili.”

“Kapag ang lobo ang pinili mo, sasama ka na sa lumilipad na perya at tutulungan mo akong magpasaya sa iba pang mga bata sa mundo. Pero kahit kailan ay hindi ka na makakauwi sa inyo. Kapag trumpo naman ang pinili mo, uuwi ka na sa Tiyo Ponce mo at gagawin ang mga bagay na dati mong ginagawa,” mahaba niyang paliwanag sa akin.

Pumikit ako at nagdasal nang taimtim. Pagmulat ko, kinuha ko ang tali ng lobo sa kamay ni Ginoong Pikpakbum. Dahandahan ako nitong nilipad sa himpapawid kasabay ng paglipad ng kanyang perya.

Sa wakas, kahit kailan ay hindi na ako kakabahan, matatakot, at mapapagod. Dahil simula ngayon, araw-araw na akong magiging masaya, habang pinasasaya ang mga batang tulad ko sa buong mundo.

Lagi’t lagi, tahimik lang siya habang nakikinig sa mga kuwento ng kanyang mga kaklase tungkol sa lumilipad na perya. Dahil kahit kailan, hindi pa siya nakakapunt­a roon…

 ??  ?? “Maligayang pagdating sa aking lumilipad na perya! Pasok kayo, pasok!” bati sa amin ng bata. Gumagalaw-galaw ang mga alambre sa sombrero niya.
“Maligayang pagdating sa aking lumilipad na perya! Pasok kayo, pasok!” bati sa amin ng bata. Gumagalaw-galaw ang mga alambre sa sombrero niya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines