Liwayway

Ikaw Ba'y Mapagbigay O Kuripot?

- NI LILIA BORLONGAN-ALVAREZ

Lilia Borlongan-Alvarez

MAY kakilala kaming hindi nagbabayad ng pamasahe sa dyip at bus dahil diumano’y taga-BIR siya. (Bagama’t wala na siyang trabaho roon, nakasabit pa rin ang kanyang ID card.) Nakaugalia­n na niyang maglakad nang malayo mula sa kanyang tinitirhan patungo sa ibig niyang puntahan kahit napakainit ng araw – ito ma’y botika, simbahan, o bahay ng mga kaibigan. Nang siya’y magkasakit nang malubha at maospital, ayaw pa niyang ibigay ang kanyang ATM card sa kanyang asawa! Tila may inililihim siyang “tagong kayamanan”! Ngunit alam ng lahat na may-ari siya ng maraming lupain.

May kakilala rin kaming walang pinalalamp­as na imbitasyon sa lahat ng pagdiriwan­g at parties. Anila’y kabawasan din sa food budget nila ang kumain sa mga salusalo. Alam ninyo ang halaga ng regalong dinadala nila kapag dumadalo sila sa gayong pagtitipon? Isang munting regalong ang halaga lamang ay P100!

Marami pa akong kilalang ganitong tao – ang tawag sa kanila’y kuripot! (At sa Ingles, hindi rin magandang pakinggan ang katumbas – miserly, stingy, tightwad, cheapskate, Scrooge, hoarder). Ang kuripot ay nabubuhay batay sa pinakakaun­ting pangangail­angan upang magkamal ng pera.

Isang halimbawa ay yaong mahilig magtago ng kung anuanong gamit at damit na hindi naman kailangan at abubot sa bahay na halos wala nang paglagyan! Wala siyang intensiyon­g ipamigay ito sa mga maaaring makinabang. Isa pang halimbawa ay yaong puro barya lamang ang inihuhulog sa collection box tuwing may misa, bagama’t makikita mo siyang tadtad ng mga alahas, nakasuot ng nasa usong damit at sapatos at panay ang gamit niya sa pinakahuli­ng model ng cellphone!

Iba ito sa salitang frugal sapagkat ang taong matipid ay yaong nabubuhay ayon sa kanyang kinikita o ayon sa natatangga­p niyang pera mula sa ibang tao o gobyerno. Sa katunayan, hinihingi sa isang hindi gaanong nakakariwa­sang tao na siya’y magtipid – to live within his means.

Ano ang babala ng Bibliya tungkol sa mga taong kuripot? “Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain, pagkat yao’y maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom ngunit hindi bukal sa kanyang kalooban.” (Mga kawikaan 23:6-7)

Sinasabi rin sa Mateo 6:19-21 na “huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito’y may naninirang tanga at kalawang, at may nakapapaso­k na magnanakaw. Sa halip, impukin ninyo ay mga kayamanan sa langit; doo’y walang naninirang tanga at kalawang…sapagkat kung saan naroon ang inyong kayamanan, naroon din naman ang inyong puso.” Hindi naman ibig sabihin nito’y ipamigay natin ang bahay na ating tinitirhan, o pera na nakalaan sa ating pagkakasak­it at iba nating pangangail­angan, sapagkat ayaw rin nating maging pabigat sa ibang tao. Ang ibig lamang sabihin nito’y huwag tayong maging mga hoarder at huwag nating diyosin ang salapi at anumang materyal na bagay.

May paalaala rin si San Basilio tungkol sa mga taong kuripot: “Ang tinapay na hindi mo kinakain ay tinapay ng mga nagugutom; ang sapatos na di mo isinusuot ay sapatos ng mga nakayapak, at ang napakarami­ng pagkakatao­ng hindi ka nagkawangg­awa ay mga pagkakatao­ng hindi ka naging makatarung­an.”

Ngunit marami rin kaming kilalang talagang mapagbigay (generous). Maniniwala ba kayong may bayaw akong maykaya sa buhay na nagbigay sa aming mag-asawa ng kotse maraming taon na ang nakararaan? Binigyan pa nga niya kami ng puhunan noon para sa isang maliit na negosyo sa pag-iimprenta. At hindi lang iyan: sa lahat ng pagtitipon ng aming angkan, siya lagi ang gumagasta! At kailanma’y hindi niya isinumbat ang lahat ng kanyang ibinigay! Ang taong ito’y mayaman sa materyal na bagay ngunit handa niyang ibigay ang kanyang talino, oras at kayamanan (talent, time and treasure)!

May kaibigan kaming ibinenta ang kanyang malaking lupain sa Visayas sa halagang P18 milyon. Mga P4 milyon lamang ang itinira niya para sa sarili (sapagkat may binili siyang mga paupahan). P2 milyon ang ibinahagi niya sa mga ahente ng lupa! At ang natitirang pera’y ibinigay niyang lahat sa kanyang tatlong anak upang sila’y magkaroon din ng mga paupahan na siya nilang magiging kabuhayan. May binili pa nga siyang bahay na nagkakahal­aga ng P800,000 para sa isang paboritong apo! At bukod dito, katakut-takot na balato ang ipinamahag­i niya sa kanyang mga kamag-anak! Masasabi nating ang taong ito’y talagang mapagbigay, ngunit hindi siya bulagsak.

Ano naman ang sinasabi ng ebanghelyo tungkol sa mga taong tunay na mapagbigay? “Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang Kanyang buhay dahil sa atin. Dapat din nating ialay ang ating buhay dahil sa mga kapatid. Kapag nakita ng sinumang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangail­angan, at hindi niya ito tinulungan, paano niya masasabing siya’y umiibig sa Diyos?” (1 Juan 16-17)

 ??  ??
 ??  ?? Mga larawang mula sa Google
Mga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines