Haraya

Liwayway - - News -

Dr. Michael M. Coroza

INILUNSAD ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 29 Setyembre bilang tampok na bahagi ng seminar na “Sipat-Salin: Mga Katangian ng Pagsasaling Teknikal at Pampanitikan” sa Unibersidad ng Santo Tomas ang mulinglimbag ng aklat na Doctrina Christiana. Minarapat itaon ang paglulunsad at ang nabanggit na seminar sa Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin na taunang ipinagdiriwang tuwing 30 Setyembre. Katuwang na tagapagtaguyod ng aktibidad na ito ang Filipinas Institute of Translation (FIT) at ang Sentro sa Salin ng Departamento ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Ang Doctrina Christiana en lengua española y tagala ang kauna-unahang nalimbag na aklat sa Filipinas noong 1593 sa pangangasiwa ng mga relihiyosong nabibilang sa orden ni Santo Domingo. (Dahil dito kayâ lalong minarapat ng KWF na sa UST ilunsad ang muling-limbag nila nitong aklat. Mga paring Dominiko ang nagpapatakbo ng UST.) Aklat-kalipunan ito ng mga batayang dasal at katesismo ng Iglesya Katolika. At batay mismo sa pamagat, dalawang wika ang ginamit dito—Español at Tagalog. Ibig sabihin, ang mga dasal na orihinal na nasa wikang Latin ay nakalimbag dito sa mga bersiyong salin sa Español at Tagalog. Kayâ nga ang unang aklat na limbag sa Filipinas ay isang aklat ng salin!

Ang isa pang katangi-tangi rito ay ang pagkakalimbag ng teksto sa wikang Tagalog sa dalawang paraan o sistema ng pagsusulat: baybayin at alfabeto romano. Baybayin (hindi alibata!) ang sinaunang alpabeto ng mga Filipino. Nadatnan ng mga Español ang mga Filipino na marunong magbasá at magsulat. Ayon kay Pedro Chirino, malaganap na ginagamit ang baybayin sa buong kapuluan, bagaman may sari-sariling bersiyon ang bawat etno-lingguwistikong pangkat. Sa wari, sadyang ginamit ang baybayin sa paglilimbag ng Doctrina Christiana upang hindi makaiwas ang mga katutubong Filipino na basahin at unawain ang aral ng Kristiyanismo. Isa itong kasangkapan sa pagtuturo, isang manwal sa pananampalataya, na ipinamahagi sa madla.

Sa aklat na ito rin ipinakilala ang alfabeto romano. Mula noong 1593 na nalimbag ang aklat na ito hanggang sa naideklara ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa ng Filipinas sa panahon ng Komonwelt noong 1937, ang alfabetong ito ang siyang namayaning ortograpiya o sistema ng pagsusulat sa buong kapuluan. Ayon sa pag-aaral ni Vicente L. Rafael sa kaniyang impluwensiyal na Contracting Colonialism: Translation and Christian Conversion Under Early Spanish Rule (1988), nahirapan ang mga Español sa pagbasa at pag-unawa ng mga nakasulat sa baybayin kayâ minarapat nilang ituro at sapilitang ipagamit sa mga Filipino ang alfabeto romano. Kung baybayin ang mananatiling paraan ng pagsulat ng mga katutubong sinasakop, magiging napakahirap kung hindi man magiging imposible para sa mga Español ang ganap na pagsakop sa buong kapuluan. Dahil dito, ang buong populasyon ng mga katutubong dati na diumanong marunong magbasa at magsulat ay kinailangang mag-aral ng bagong sistema. Ngunit, marami ang hindi kagyat na nakasunod at natuto. May ilang Filipino pa rin ang gumamit diumano ng baybayin sa mahahalagang kasulatan nila, gaya ng kasunduan sa pagkakautang, hanggang sa siglo 18 at 19. Ngunit, dumating din ang panahon na maraming Filipino, dahil hindi nakapag-aral, ang hindi nakababasa at halos paglagda lamang ng pangalan ang káyang gawin.

Ang mga sumusunod ang nilalaman ng Doctrina Christiana: Ang Ama Namin, Ang Aba Ginoong Maria, Ang Sumasampalataya, Ang Aba po Santa Mariang Hari, Ang Puno ng Sinasampalatayan, Ang Utos ng Diyos, Ang Utos ng Santa Iglesya, Pito ang Mahal na Tanda na Ikawawala ng Kasalanan ang Ngalan Sakramentos, Ang Punong Kasalanan Ikapapakasama ng Kaluluwa ay Pito, at Ang Tanungan. Bilang aklat ng salin, interesanteng maláman na ang mahahalagang salita para sa pananampalatayang Kristiyano ay hindi sinikap tapatan o tumbasan ng mga nagsalin. Ang mga salitang “Diyos,” “birhen,” “krus,” “impiyerno,” “espiritu santo,” at iba pa, ay piniling tuwirang hiramin mula sa Español sa halip na tumbasan ng katutubong salitang Tagalog. Bunga ito ng paniniwalang hindi dapat lumihis sa katotohanan ang sinasabi ng teksto at kumakatawan ang mga halimbawang salitang nabanggit sa mga esensiyal na konsepto sa pananampalatayang Katoliko Kristiyano. Sa isang banda, isang indikasyon din ito ng kawalang tiwala/paniniwala ng mga nagsalin (na mga Español at utak-mananakop) sa kakayahan ng tunguhang lengguwahe (wikang pinagsasalinan) kung ihahambing sa simulaang lengguwahe (wikang isinasalin).

Higit sa pagiging manwal ng pananampalataya, mahalagang makita ang Doctrina Christiana bilang dokumentasyon ng naganap na pananakop ng mga Español sa mga sinaunang Filipino. Nakatanghal dito ang panimulang pakikipag-engkuwentro ng katutubong kamalayan sa pumoposturang nakaaangat at nananakop na kanluraning kamalayan. Hindi isang iglap lamang na naganap ang pananakop o kolonisasyon. Isang proseso ito at may mahabang pinagdaanang talábang lingguwistiko-konseptuwal bago ganap na nailuwal ang kamalayang kolonyal. Ayon nga sa makata-kritikong si Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining at kasalukuyang tagapangulo ng KWF at ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), may tatlong paraan ng pagtatagpo sa pagitan ng banyaga at katutubo. Ang una, nananaig ang banyaga sa katutubo. Ang ikalawa, nananaig ang katutubo sa banyaga. Ang ikatlo, nagiging magkatimbang o nagkakapatas lamang ang banyaga at katutubo. Tingnan, bilang halimbawa, kung paano isinalin sa unang pagkakataon ang pangunahing dasal Katoliko na “Ama Namin”:

Ama namin na nasa langit ka, ipasamba mo ang ngalan mo, muwi sa amin ang pagkahari mo. Ipasunod mo ang loob mo dito sa lupa parang sa langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin, para nang sa araw-araw, at pakawalin

mo ang aming mga kasalanan, ya iyang winawalang bahala namin sa loob ang kasalanan ng nagkasasala sa amin. Huwag mo kaming aywan nang di kami matalo ng tukso. Datapuwa’t iadya mo kami sa dilang masama. Amen, Jesus.

Titigan ang bahaging may kinalaman sa pag-aalis ng kasalanan. “Pakawalin” ang ginamit na salita. Parang hayop palang pinakakawalan ang kasalanan. Sa bersiyon ng dasal na ito ngayon, “pinatatawad ang kasalanan.” Maaaring usisain ng mag-aaral sa kasalukuyan kung bakit “pagpapakawala” at hindi simpleng “pagpapatawad” ang ginagawa ng Diyos sa kasalanan noong 1593. Paano nga kayâ inunawa ng katutubo noon ang konseptong ito ng pananampalatayang Katoliko Kristiyano? Ang kasalanan ba ay parang alagang hayop na lubhang pinahahalagahan ng mga sinaunang Filipino? Lubhang pinahahalagahan kayâ ito na kahit masamâ ay ayaw pakawalan ng mga di-nananampalataya? At malaking puwersang magpapakawala sa mga alagang-kasalanang ito ang Diyos? Isa lamang ito sa maraming puwedeng pag-ukulan ng pansin sa aklat. Walang alinlangan na maraming maisisiwalat at mapatutunayang signipikasyon sa salimuot ng pagdalumat Filipino ang ganitong pag-uusisa.

Malugod na pagbati sa KWF sa muling paglilimbag nito ng facsimile ng Doctrina Christiana. Higit sa pagkakaroon ng halagang relihiyoso, isang dokumentong pangkasaysayan, pangkultura, at pangwika na rin, na kapaki-pakinabang sa patúloy na kritikal na pananaliksik at panunuri sa larang ng Araling Filipinas tungo sa higit na pagkilala at pagpapahalaga ng mga Filipino sa kanilang identidad at pagkatao.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.