Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - News - Ni KUYA SAM

Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Wala akong pinalalampas na isyu ng Liwayway, Kuya Sam, dahil ito na ang naging libangan ko linggo-linggo. Ako nga pala si Danica, 22 years old, tagaGracepark, Caloocan City. Mahigit dalawang taon na kaming magdyowa si Jefferson. Noong una, lalo na sa unang taon ng aming relasyon, sa tuwing monthsary namin, binibigyan niya ako ng chocolates at bulaklak. Para akong isang prinsesa kapag dumating ang panahon na iyon. Labis-labis ang excitement ko dahil nakapa-sweet niya sa akin.

Ngunit nang lumaon, naging madalang na ang pagpapadala niya sa akin ng mga gifts. Nagtataka ako dahil wala namang dahilan para lumamig ang pagtingin niya sa akin. Wala naman akong ipinagbago. Kung ano ang Danica na nakilala niya, ganu’n pa rin ako hanggang ngayon. Ibinigay ko na nga ang lahat sa kanya dahil alam kong mahal ko siya at wala akong pinagsisihan. Ngunit sa pakiramdam ko, unti-unti siyang lumayo sa akin.

Isang gabi, pauwi na ako mula sa fastfood resto na aking pinapasukan, may nakita akong magdyowa na papasok sa isang motel. Hindi ko alam kong si Jefferson iyong lalaki or what. Basta sa tindig ng lalaki at sa kutob ko, siya talaga iyon. Hindi ako maaaring magkamali.

Gusto ko silang sundan sa loob ngunit ayokong mag-iskandalo. Kaya umuwi na lang ako at nag-stress eating. Isang buong lechon manok, nilantakan ko. Kinabukasan, namaga ang buong mukha ko dahil sa allergy. Meron kasi akong allergy sa manok.

Kinabukasan, tineks ko si Jefferson. Ngunit ang ginawa ko: type, erase, type, erase. Hanggang napagdesisyunan kong huwag na lang siyang sumbatan at hulihin ko na lang siya sa ibang paraan. Pinakiramdaman ko siya. Parang wala naman. Parang hindi naman siya guilty. But a part of me is saying: siya talaga iyong nakita ko with a girl.

Kuya Sam, tulungan mo po ako. Ayokong magbulag-bulagan ngunit parang ito na ang ginagawa ko ngayon. – DANICA

DEAR DANICA: Kapag nagmahal kasi tayo nang sobrasobra, Danica, magiging paranoid tayo. Kung ano-anong multo ang mabubuhay sa isipan natin. Sa tingin ko, hindi si Jefferson ang nakikita mo. Minsan kasi, kapag may iniisip tayong isang bagay, magma-manifest ito sa ating nakikita. Akala natin may sumusunod sa atin kapag nag-iisip tayo ng multo. Ngunit kung susuriin naman ay wala naman talaga.

Pero kung may duda ka, hindi naman siguro masama na sabihin mo kay Jefferson. Ano pa’t magdyowa kayo gayong may itinatago kayong pagdududa sa isa’t isa. Kahit pa sabihin na natin na magagalit siya dahil walang katotohanan ang sinasabi mo, mahalaga pa rin na sabihin mo ito para magkaroon ka ng kapanatagan ng loob. Sa ganitong paraan lang kasi, Danica, na maibulalas mo ang mga pagdududa mo sa kanya.

Tutal, kung wala naman talagang ginawang kabulastugan si Jefferson, p’wede naman siyang mangatwiran. Bukas ka naman sa kanyang paliwanag kung kinakailangan. Ang mahalaga, masabi mo sa kanya ang lahat.

Nag-ugat kasi ang lahat ng ito sa biglang pananamlay ni Jefferson. Kaya mas maganda siguro kung pati ang sitwasyong ito ay mapag-usapan din ninyo.

Huwag bastang husgahan si Jefferson. Hayaan mo muna siyang magpaliwanag. Subukin mong i-save ang inyong relasyon dahil wala ka pa namang tiyak na katibayan sa kanyang pagtataksil. — KUYA SAM

(MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.