Ang Eastern Sarus Crane: Naubos Na Nga B...
Ernee Lawagan
NOONG ako’y nasa high school pa lamang at maging nang ako’y tumuntong na sa kolehiyo, nahilig kaming magkakaibigan na mangulekta ng mga sari-saring impormasyon at trivia - ang “pinakauna,” “ang pinakahuli,” “ang pinakamaliit,” “ang pinakamalaki,” atbp. Ito ay dahil mahilig din kaming sumali sa mga patimpalakpagsusulit o quiz contests na ginaganap sa mga iba’t ibang pamantasan at sa mga variety shows sa telebisyon. Ang pinakamalaking ibon na matatagpuan sa Pilipinas, ang Eastern Sarus Crane, ay mahirap malimutan. Ito ay isa sa mga laging natatanong sa mga quiz shows. Ito pa rin ang nakatala sa mga textbooks sa biology at science, subalit maaaring hindi na ito tumpak.
Ito ay dahil halos sa lahat ng mga ginawang pagsasaliksik sa mga nakalipas na dekada, maaaring nalipol na ang lahi nito sa kanilang mga habitat areas sa buong Pilipinas. Mula noong 1979, wala ng mapanghahawakang katibayan na ito ay nakita saan mang lugar sa bansa. Ang malungkot pa nito ay walang ginagawang pag-aaral o pagsasaliksik ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang kumpirmahin kung mayroon pang nalalabing ganitong ibon o naubos na silang lahat.
Ang mga ahensiya ng pamahalaan na may sakop sa mga ganitong wildlife ay lubhang kulang sa pondo at tauhan upang magsagawa ng actual survey. Lahat halos ng impormasyong nakalap para sa artikulong ito ay mula pa sa mga lumang tala, at sa mga dayuhang pag-aaral na nailimbag sa mga aklat at magasin sa ibang bansa o naibahagi sa Internet.
ANO ANG TUNAY NA STATUS? ANG Eastern Sarus Crane (na may pangalang agham na Grus antigone sharpii) ay isang malaking ibon na may taas na mahigit isa’t kalahating metro o halos limang talampakan. Ang kabuuan ng katawan nito ay kulay abuhin, maliban sa pulang ulo at itaas na bahagi ng leeg. Ang karaniwan nilang pagkain ay mga tambo, talahib at buho o mountain sedges (Eleocharis ochrostachys), bagama’t kumakain din sila ng mga maliliit na kulisap, daga, butiki at ahas.
Ang ibong ito na tinatawag sa katutubong pangalan na “kamaboy” at “tipul,” ay ibinibilang ng International Union for the Conservation of Nature (IUCN) na isang endangered species, at ito ay nakatala sa ilalim ng Appendix II ng Convention on the International Trade of Endangered Species (CITES), na mahigpit na ipinagbabawal ang pangangaso at panghuhuli.
Karaniwang matatagpuan sila sa mga tagong bahagi ng gilid-lawa, sapaan at dagat-dagatang tabang. Noong panahon bago pa dumating ang mga Kastila rito sa Pilipinas, ang mga lahi ng ibong ito ay nakakalat sa Indo-China, South at South-East Asia at Australia, at sa buong kapuluan ng bansa.
Ang isang pares ng kamangha-manghang ibon na ito ay nakagagawa ng kakaibang huni, nakatutulig at malayo ang naaabot na tila baga dalawang trumpetang magkasabay na nagbibigay hudyat sa pagdating ng isang hukbong nagtagumpay sa digmaan. Noong simula ng ika-19 na siglo, maririnig ang kanilang huni na umaalingawngaw sa mga kabundukan sa Hilaga, hilagangSilangan at Kalagitnaang Luzon, lalo na sa mga tabing-sapa ng Sierra Madre at Cordillera, kadalasan sa panahon ng kanilang pagtitipanan. Sa kasalukuyang panahon, ni pahiwatig ng kanilang presensiya ay hindi na nababanaag saan mang bahagi ng bansa.
Sa mga nabubuhay pang subspecies ng Sarus Crane, kabilang ang Indian Sarus Crane (Grus antigone
antigone), Australian Sarus Crane (G. a. gilli) at Eastern Sarus Crane (G. a. sharpii), ang nahuhuli ang nakatalang most endangered. Tinatayang mayroon na lamang humigitkumulang 500 hanggang 1,000 nabubuhay na Eastern Sarus Crane sa buong habitat region nito, sa Cambodia, Burma, Vietnam, Thailand, China at India, at ang bilang na ito ay patuloy pang kumakaunti.
Ilang pag-aaral ang nagsasabi na isang posibleng ikaapat na endemic species, ang Northern Luzon Sarus Crane (G. a. luzonica), ang nabubuhay sa mga tago at liblib na bahagi ng Hilagang Luzon, subalit wala pang nagagawang taxonomic studies upang matukoy ang status ng naturang ibon.
ANG SANHI NG PAGKALIPOL ANG huling malawakang pananaliksik at pag-aaral na ginawa tungkol sa Eastern Sarus Crane ay noon pang panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos (June-December 1979). Sa paanyaya ng pamahalaang Marcos at tulong mula sa Delaware Museum of National History, isinagawa ni Karen K. Madsen ng U.S. Peace Corps ang pag-aaral at pagsasaliksik. Ginawa ito sa Cagayan Valley, Tabuk sa lalawigan ng Kalinga, at sa Candaba Swamp sa Pampanga.
Ang mga impormasyon ng sightings ay kinuhang direkta sa mga mamamayan ng mga naturang lugar. Batay sa mga pahayag ng mga naninirahan sa mga kabayanan ng Jones, Ilagan at Cauayan sa Isabela, ang huli nilang nakitang kawan ng mga Kamaboy ay noon pang 1960s. Sa Tabuk naman, sinasabi ng mga katutubo na napakarami pa ng naturang matatangkad na ibon noong 1930s at 1940s, subalit unti-unti silang nawala nang dumami ang mga tao sa naturang lugar. Noong 1970s, mayroon lamang dalawang sightings ang naitala.
Noong 1979, isang pares ng tinutukoy na ibon ang namataang mababang lumilipad malapit sa Tabuk, subalit hindi ito nakita ng mga mananaliksik. Ayon sa anim na buwang field survey report, ang mga patag at mamasamasang lupa at ang kasapaan ay ginawang mga taniman ng palay ng mga naninirahan sa lugar. Binago ng mga magsasaka ang natural habitat ng mga Kamaboy, at mayroon ding ginawang pangangaso sa mga ito, na naging dahilan ng kanilang pagkaubos. Maaaring mayroon pang iilang nalalabing nabubuhay sa kanila, subalit halos imposible nang makakita pa ng kawan ng mga ito.
Ang rehiyon ng Cagayan Valley ay dating nagtataglay ng malalawak na natural wetlands at mga mababang burol na puno ng mga damo at talahib sa mga hangganan ng bulubundukin ng Sierra Madre sa silangan at Cordillera sa kanluran. Natatakpan ito ng matatayog na buho at talahib sa kapatagan, at ng mga puno ng yakal at narra sa gubat na paayon sa liblib na kabundukang palayo sa Cagayan River, na umaagos sa kahabaan ng rehiyon.
Noong mid-1900s, ang mga magsasaka sa mga kanayunan, na sinundan ng mga logging companies, ay unti-unting bumago sa landscape ng mga crane habitats. Ngayon, halos lahat ng bahagi ng natural wetlands ay tinatamnan na ng palay o mais sa buong taon. Mga mababang damo ang pumalit sa mga nagtatayugang buho at talahib sa mga parang na hindi tinatamnan ng palay. Ang mga bulubundukin naman ay kinalbo na ng mga loggers at kaingin. Dahil dito ang mga natural wetlands ay natuyo, at sa pagdating ng panahon ng mga bagyo, ang mga lupa sa itaas ay gumuguho pababa. Nagbago na ng tuluyan ang landscape ng Cagayan Valley. Ayon sa mga mananaliksik, ito ang malaking sanhi ng pagkalipol ng Eastern Sarus Crane sa lugar.
Ang Candaba Swamp ay dating isang napakainam na sapaan, isang malawak na lugar na may mababaw na katubigan, na puno ng mga bakawan at sari-saring
damong-tubig. May nahuhuli ring mga isda rito sa buong taon. Noong 1950s, sinimulan ng mga naninirahan sa lugar na gawing taniman ng palay ang 300 square kilometers na wetland. Tinatamnan nila ang basang lupa ng palay sa tag-ulan at milon at pakwan naman sa tag-araw. Sa ngayon ay puno na ito ng mga tao at kabahayan. Napakaliit na bahagi na lamang sa dakong kanluran nito ang kakikitaan ng sapang bakawan, at ito’y mabilis na rin naglalaho.
PHILIPPINE SARUS PLAN, MERON BA? MATAPOS ang Madsen Report, bumuo si Pangulong Marcos ng isang working group na binubuo ng mga conservationists, kasapi ng academe at private sectors upang bigyang pansin ang bagay na ito. Naging marubdob ang hangarin para sa conservation at reintroduction ng Eastern Sarus Crane sa Luzon. Ito ay lalo pang umigting nang makakalap sila ng mga sightings report noong unang bahagi ng 1980s. Nagsimulang mangalap ng mga impormasyon ang noon ay Ministry of Environment and Natural Resources at ang Parks and Wildlife Office. Marami pang mga concerned environmentalists ang nagprisintang tumulong.
Noong 1986, ang Philippine Crane Working Group ay binuo. Ang layon ng working group ay tukuyin ang mga crane field surveys, gumawa ng inventory ng mga sightings at ng mga suitable wetland habitats, at magkaroon ng education effort tungkol sa mga Eastern Sarus Crane at mga wetlands. Ang mga pinakanaaayong crane habitat sites ay nasa mga kalibliban ng Sierra Madre at Cordillera. May malaking suliranin upang marating ang mga lugar na ito dahil sa political insurgency.
Nagkaroon ng surveys at inventories ng mga coastal wetlands noong 1987 subalit ito ay ginamit ng pamahalaang Cory Aquino sa ibang proyekto - sa pagtatayo ng mga resorts para sa mga turista. Nagkaroon din naman ng mga surveys sa mga kasapaan, subalit walang pagpapatuloy na pagsisiyasat na ginawa. Sinasabi ng mga environmentalists na isa pang pangunahing dahilan kung bakit maaaring nalipol na lahat ang mga Kamaboy ay ang malawakang land conversion at pagtotroso o logging, na nangyari mula sa huling bahagi ng Dekada 1980 hanggang sa katapusan ng Dekada 1990.
Kasunod ng International Crane workshop Sa China, si Jim Harris, Education Director ng International Crane Foundation, ay bumisita sa Pilipinas sa pag-anyaya ni Antonio de Dios ng Birds International at Forest Research Institute sa Los Baños, Laguna. Sa kaniyang artikulo na Southeast Asians Conserve Eastern Sarus Cranes (November 1987), binanggit ni Harris na hindi dapat “captive breeding” ang pangunahing adhikain ng working group sa Pilipinas.
Ayon kay Harris, ang mga cranes at iba pang malalaking wildlife species ay nauubos dahil sa hunting. Kahit pa may mga nalalabing habitat sa Luzon, hindi magiging ligtas ang mga ibon sa mga mangangaso.
“If any cranes survive, they may be genetically distinct from mainland (Asia) populations and deserve strict protection. If cranes have vanished, there is no point in discussing a crane reintroduction unless wetland reserves exist where cranes and other birds are safe.” (“Kung mayroon pang nalalabing mga cranes, sila ay maaaring genetically distinct sa mga kalahi nila sa mainland Asia at lubhang nangangailangan ng proteksiyon. Kung ang mga cranes naman ay nalipol na, walang silbing pag-usapan ang pagbabalik nila sa mga wetland kung hindi naman sila ligtas doon.”)
Matapos ito, tila nakalimutan na ang tungkol sa Eastern Sarus Crane. Wala ng kongkretong programa o plan of action ang mga humaliling pamahalaan. Sa mga records, makakakita ka ng kakapiranggot na impormasyon, isa o dalawang field surveys, mga inaamag na dokumento ng project proposals, na ibinaon na sa limot ng red tapes.
Sa nakaraang tatlong dekada, wala halos balita tungkol sa Eastern Sarus Crane. Walang aksiyon o programa man lamang na ginawa para tukuyin ang kalagayan ng pinakamalaking ibon sa Pilipinas.
Kung hindi gagalaw ang pamahalaan, ano mang gawin ng pribadong sektor ay hindi rin uusad nang malayo. Isang halimbawa ay ang isa pang natatanging nilikha, ang Philippine Eagle (Pithecophaga jefferyi), ang pambansang ibon ng Pilipinas. Totoong nagkamit ng ilang tagumpay sa captive breeding programs na ginawa para rito, subalit kung hindi aaksiyon ang pamahalaan upang pigilan ang pagkasira ng mga kapaligirang kanilang tahanan, ang mga tagumpay na ito ay mauuwi sa wala.
Ang Philippine Eagle ay sagisag ng forest conservation and protection. Bakit hindi gawin ang Eastern Sarus Crane bilang sagisag naman para sa mga wetlands. Datapuwa’t ang mga natatanging ibong ito ay mananatili na lamang mga sagisag kung walang progresibong programa ang pamahalaan para sa kanila at sa kalikasang kanilang tirahan, kaalinsabay ng pangangalaga rin ng taong-bayan.
Tandaan natin, na katulad ng mga Kamaboy, tayong mga tao ay umaasa rin sa mga yamang kalikasang bumubuhay sa kanila. Sa Inang Kalikasan nagmumula ang tubig at pagkaing bumubuhay sa sangkatauhan!