Buklat/Mulat

Liwayway - - News - Ni DR. EUGENE YAMBOT EVASCO

Dr. Eugene Y. Evasco

ISANG pagsasanay sa pagbabalanse ang paglikha ng aklat na Alpabeto ng Kulturang Filipino (PLL Publishing House, 2018) na aking isinulat at iginuhit naman ni Aaron Asis. Sinikap naming maging sopistikado ang pagkakagawa ng aklat ngunit maiintindihan (accessible) sa mga batang mambabasa; magaan ang pagkakasulat ngunit may bigat at katutura; at payak ang estilo ng pagpapaliwanag ngunit komplikado ang mga lakip na larawan sa estilong letras y figuras.

Sa paggawa ng aklat na ito, kinilala namin ang katangiang may dual audience ang mga aklat pambata, kahit pa ito’y isang aklat ng alpabeto. Dahil sa pagkilalang ito ng kapangyarihan ng isang aklat pambata, isinalaangalang na ang aming ililimbag ay maiibigan din ng matatandang mambabasa dahil may kapangyarihan silang bilihin at tangkilikin ang aklat para sa kanilang mga anak o mag-aaral.

Paggalang sa kultura ang aming pinairal na prinsipyo sa paglikha ng aklat. Ibig sabihin, kinailangan naming isagawa ang masusi at masigasig na pananaliksik. Bawat isang salita sa aklat ay produkto ng pagsangguni sa maraming aklat, artikulo, at pakikipanayam. Tiniyak namin ang mas katanggatanggap ng pagbaybay sa “tnalak” at “Tboli.” Maging ang “daygon” ay aking inusisa sa mga kaibigang matatas sa Cebuano at Hiligaynon. Inusisa namin kung kababaihang Ivatan lamang ba ang nagsusuot ng “vakul.” Sinigurado namin ang mga tamang kulay ng hibla na ginagamit sa tnalak. Hindi perperkto ang unang manuskrito. Nagpapasalamat kami sa mga kaibigan na hindi inaasahang magiging kritiko namin upang kinisin ang borador at iwasto ang mga pagkakamali sa gramatika at sa impormasyon.

Kaugnay ng paggalang sa kultura ay ang pagsisikap namin na matamo ang diversity sa isang aklat na naglalayong ipakilala ang kulturang Filipino. Hangga’t maaari, nais naming lawakan at palayain ang representasyon ng pagiging Filipino. Malay kaming naglista ng mga cultural icon mula Luzon, Visayas, at Mindanao. Itinanghal namin ang kultura at tradisyon ng mga lumad, katutubo, at mga Filipinong Muslim. Itinampok namin ang kultura ng nakaraan at ng kasalukuyan. Ipinakilala namin ang mga sinauna at katutubong tradisyon at maging ang kulturang popular sa kasalukuyang panahon.

Kapag naglulunsad ng aklat, laging binabati ang manlilikha (awtor at ilustrador) sa “pagsilang ng kanilang supling.” Ang supling na ito ay nilikha namin sa loob ng mahigit dalawang taon. May panahong halos makalimutan na namin ito dahil sa patong-patong na proyekto at iba pang gawain.

Nagsimula ito nang iminungkahi ko sa tagapaglathala ang aking ideya ng panibagong proyekto. Hindi ko sila binigyan ng mga maikling kuwento. Nais kong makasulat ng isang aklat ng alpabeto na maiiba sa mga naunang nalimbag sa bansa. Nang naibigan nila ang aking mungkahi, lumikha ako ng listahan ng mga salita na kakatawan sa bawat titik. Hamon sa aking maghanap ng mga salitang magtatampok sa mga titik f, ng, ñ, x, at z. Muntik ko nang gamitin ang “Xerox” para sa titik x dahil ang pag-photocopy ay laganap sa ating kultura, lalo na sa mga paaralan. Pinagpilian namin ang mga salita; ipinaglaban ko ang ilang termino na sa palagay ko’y mahalagang matutuhan ng mambabasa. Pagkaraan ng pagsusulat, dumaan sa matinding editing ang manuskrito. Kailang maging buo ang diwa ng mga pangungusap. Dapat ding maikli ngunit malaman ang sinasabi ng teksto. Ayaw naming maging text-heavy ang aklat dahil nais naming itampok ang napakahusay na ilustrasyon ni Asis. Sumailalim sa rebisyon ang salin nito sa Ingles. Buong ingat ding pinag-aralan ang disenyo ng aklat upang hindi masayang ang nilalaman. Pinili namin ang uri ng papel na gagamitin na hindi tatagos ang tinta sa kabilang pahina. Maging ang binding ay aming pinagtalunan. Sa huli, naipaglaban ko ang perfect binding ng aklat upang

magkaroon ng dignidad ang hitsura nito.

Layunin din naming paunlarin ang cultural literacy ng kabataang Filipino. Nalulungkot ako sa resulta ng aking diagnostic test sa aking mag-aaral. Karamihan sa kanila’y may limitadong kaalaman sa mga cultural icon ng bansa. Hindi naman ibig sabihin na sila’y mahihina. Nagkataong produkto sila ng maling edukasyon na nakaugat sa kamalayang kolonyal ng kanilang mga guro. Dahil dito, naging banyaga ang maraming magaaral sa kanilang sariling kultura, kasaysayan, at tradisyon. Ang karamihan din ay batid lamang kung ano ang dominanteng kultura o ang kultura sa sentro—ang Luzon, Tagalog, Katoliko, at urban na Kalakhang Maynila.

Nais naming iwasto ang nabanggit sa tulong ng aming aklat na nakabatay sa pananaw na ang wika at kulturang Filipino ay demokratiko at dinamiko— patuloy itong pinauunlad ng mga rehiyon ng bansa.

Produkto ako ng edukasyon na unang ipinakilala ang banyagang kultura at tradisyon sa tulong ng mga aklat pambata. Batid ko ang hitsura ng mga ibon sa Hilagang Amerika. Mas nauna kong nabatid ang Thanksgiving sa Amerika kaysa ang Ati-atihan at Pahiyas. Nakilala ko ang xylophone bago pa mamangha sa kulintang, ang robin bago ang haribon. Nangarap akong makita ang Grand Canyon bago pa man pumasok sa aking kamalayan ang payyo (Banaue Rice Terraces).

Mapalad ang mga bata ngayon dahil marami nang magagamit na sanggunian at mababasang akda na nilikha ng mga kapwa Filipino. At ang mga ito’y sinikap upang malutas ang malaon nang suliranin kaugnay sa edukasyon ng mga batang Filipino.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.