Liwayway

Paano Maabot

-

Marahil nais niyang burahin nang lubusan ang alaala ng aking ama. Matagal ko ring dinamdam ang ginawa niyang iyan.” Tumango lang si Marco at ngumiti. “Umibig ako sa babaeng akala ko kagaya kong mahirap, at ngayon lumabas na mayaman pala.”

“Mayaman ba ang isang guro? Magkapareh­o lang ang katayuan natin sa buhay, Marco.”

“Kung gayo’y wala akong dapat na baguhin sa aking mga pangarap.” Muling ginagap ni Marco ang isang palad ng dalaga at itinuloy nila ang marahan nilang paghakbang. Parang lumalakad sila sa ulap.

ISANG Linggo ng hapon nang muling dumalaw si Marco kay Zenaida, naabutan niyang may panauhin ang dalaga. Isang binatang matikas na sa pananamit pa lang ay mapupunang maykaya sa buhay. Nang papasok pa lang si Marco sa bahay na tinutuluya­n ni Zenaida, napansin na niya ang isang magarang kotse na nakahimpil sa labas ng bakuran. Marahil sa panauhin ngayon ni Zenaida ang kotseng iyon.

Ang matikas na binata ay si Luis. Sa umpisa’y medyo bantulot si Marco. Ngunit nawala ang kanyang pag-alinlangan nang ipakilala siya ni Zenaida sa panauhin nito. “Luis, siya si Marco, ang aking kasintahan.” Bumadha sa anyo ni Luis ang pagkabigla. Ngunit kapagdaka’y nagpakawal­a ng isang matabang na ngiti. Matamlay na tumayo, at kinamayan si Marco. At tuluyan nang nagpaalam at tumalikod.

Nang wala na si Luis ay nakahinga nang maluwag si Marco. Ngumiti nang matamis.

“Nang ipakilala mo ako kay Luis na iyong kasintahan, tila malulunod ako sa galak,” ani Marco na umupo sa tabi ng kasintahan.

“Si Luis ay lumiligaw sa akin at siya ang napusuan ng aking ina na magiging kabiyak ko sa buhay. Kung nangyari na di pa ako nakawala sa yaman ng aking ina at me bisa pa sa akin ang kanyang banta na di ako pamamanaha­n, marahil kay Luis ako pakakasal.” “Sa tingin ko naman, isa siyang ulirang binata, at mayaman.” “Mayaman nga. Kasosyo ang kanyang ama sa ilang negosyo ng aking ina. Ang totoo’y kahit ang kanyang pamilya ay nais ding ako ang mapapangas­awa ni Luis.”

“Ang gara ng kanyang kotse. Paano kung sa pagsisikap ko’y makaangkin din ako ng magarang kotse katulad ng kay Luis?”

“Hindi ako umaayaw sa layaw. At ang sasakyan ay isang pangangail­angan na dapat maangkin kung kakayanin.” “Ano ba talaga ang inaayawan mo sa mayaman?” “Di ako umaayaw sa mayaman. Ang inaayawan ko’y ang pag-akala ng ibang tao, na tila ang salapi na lamang ang kelangan upang lumigaya ang isang tao, na ang salapi ang panginoon.”

Napahinga nang malalim si Marco. Ngayong nakilala niya si Luis, sa pakiramdam niya’y tila lalong tumaas ang bundok na nakapagitn­a sa kanila ni Zenaida. Lalong lumayo ang kanilang agwat.

“Sa lahat ng bagay, magkabagay talaga kayo ni Luis,” matamlay na nabigkas ni Marco makaraan ang ilang sandali. Napatitig nang masusi sa kanya si Zenaida,

“Marc, huwag mong tingnan si Luis na sagabal sa ating relasyon. Ang nakatali sa atin ay ang ating pag-iibigan, hindi ang salapi. Kung mahal mo ako, dapat lang na ipaglaban mo ‘ko.”

“Habang tumatagal, at nadaragdag­an ang nalalaman ko tungkol sa iyo, tila pinanghihi­naan ako ng loob. Tunay nga ang ating pag-iibigan, ngunit maraming magagawa ang salapi.” “Hindi ka dapat na sumuko. Ano ba ang problema?” “Paano kung malaman ng iyong ina ang tungkol sa ating pag-iibigan? Papayag kaya siya?”

“Papayag man siya o hindi, hindi magbabago ang damdamin ko sa ‘yo.”

Di na sumagot si Marco.

NANG pauwi na si Marco at naglalakad sa daan, narinig niyang may tumawag ng kanyang pangalan. Nang lingunin niya, nakita niyang sinusundan pala siya ng kotse na minamaneho ni Luis. Tumigil ito sa kanyang tapat. Dumungaw si Luis sa bukas na salamin ng kotse. “Pare, halika na, ihahatid na kita,” ani Luis. “Pare, me dadaanan pa kasi ako. Malapit lang. Salamat na lang,” tanggi ni Marco sapagkat nahihiya naman siyang umangkas pa sa kotse ni Luis. Umibis si Luis sa kanyang kotse at lumapit kay Marco. “Pare, please, gusto lang kitang makausap,” sambit ni Luis nang makaharap si Marco.

Naisip ni Marco na wala namang mawawala sa kanya kung pagbibigya­n niya si Luis. Kaya nagpalinga-linga siya kung saang puwede silang mag-usap. Namataan niya ang isang maliit na restoran sa kabila ng kalsada.

“Sige, Pare, doon tayo sa restorang iyan. Mukhang tahimik naman. Hanapan mo muna ng parkingan ang kotse mo. Hihintayin kita roon.” Saka tumawid na si Marco at tinungo ang restoran. Umorder siya ng kape.

Di nagtagal pumasok na si Luis. Agad na nakita nito si Marco kaya umupo na sa harap ng mesang inuukopa ng binata. Umorder din ito ng kape upang kahit papano’y may masipsip sila habang nag-uusap. “Congratula­tions, Pare,” umpisa ni Luis. “Ng ano, Pare?” sagot ni Marco. “Sa pagtanggap sa ‘yo ni Zeny bilang kasintahan. Kelan lang ba kayo nagkakilal­a?” “Di pa naman katagalan…” “Nasabi na ba niya sa ‘yo ang tungkol sa kanyang ina? Sa kanyang pamilya?” “Oo. May di pagkakauna­waan pala sila ng kanyang ina.” “Ewan kung sino sa kanila ang matigas ang ulo. Bilib ako sa ‘yo at napalambot mo ang ulo ni Zeny. Alam mo, matagal nang magkakilal­a ang aming pamilya. Magiliw sa isa’t isa ang kapwa naming mga magulang. Kaya umaasa silang kami ni Zeny ang magkakatul­uyan.” Natigilan si Marco. “Ang totoo’y lubos na ang paniniwala ni Papa na kami ni Zeny ang magkakatul­uyan kaya pinaplano na niya ang aming pag-iisang dibdib.” Tila nanginig ang kalamnan ni Marco sa narinig. “Kahit ako, di ko talaga inaasahan na magiging kasintahan mo si Zeny. Ang akala ko kasi’y sasang-ayon na lang si Zeny sa nais ng kapwa naming mga magulang.” “Mahal mo ba si Zeny?” natanong ni Marco. “Aba, oo. Iyan ang dahilan kung bakit di ko na nagawang manligaw sa ibang babae. Nakahanda akong ibigay sa kanya ang lahat ng karangyaan sa buhay upang mapaligaya lang siya.”

Nagkakauna­waan na sana sina Marco at Zenaida, nang biglang humarang sa kanilang pagitan si Luis. Sa pakiwari ni Marco, si Luis ay parang isang bagyo na wawasak sa mga pangarap nila ni Zenaida.

Di nakahuma si Marco. “Ang akala nga ng mga kasamahan namin sa lipunan ay kaming dalawa na. Me ibigay namang negosyo si Papa sa amin kung makasal na kami. Ang lahat ay plano pa lang. Pero…” masusing tinitigan ni Luis si Marco. “Hindi ba isang malaking kabiguan ang lahat kung hindi kami magkakatul­uyan?”

“Hindi ko masasagot ang katanungan­g ‘yan, Luis,” nabigkas ni Marco.

“Maibigay mo ba kay Zenaida ang karangyaan­g maibigay ko? Madaling sagutin ang tanong na iyan.”

“Totoo. Pero siya mismo ang nagsabing hindi lang salapi ang makapagpal­igaya sa isang tao. Hindi salapi ang kanyang pamantayan sa buhay.”

“Nasabi niya iyan sapagkat sa ngayon ay wala pa siyang nakaharap na matinding suliranin sa buhay. Pero sa oras na magkaroon na siya ng anak, magiging realistic na siya. Magiging practical na. At sa panahong ‘yon ang una niyang isipin ay ang mga pangangail­angan ng kanyang pamilya.”

“Ano ba ang ibig mong mangyari?” Tila nakaramdam na ng inis si Marco sa mga patutsada ni Luis.

“Sorry, Pare. Marahil nauunawaan mo na kung ano ang aking tinutukoy. Tanawin kong isang malaking utang na loob sa ‘yo kung…kung magparaya ka na lang. Subalit di naman masasayang ang iyong hirap. Sabihin mo lang kung ano ang gusto mo, at tutumbasan ko.”

Dama ni Marco ang pag-init ng kanyang mga kalamnan. Tumayo siya at tinawag ang waiter. Binayaran ang inorder niyang kape na di naman niya nagalaw.

“Lalakad na ako, Pare. Walang mabuting patutunguh­an itong ating pag-uusap. Di ko ipinagbibi­li ang aking damdamin.” At mabilis na lumabas sa restoran si Marco.

Ngunit humabol si Luis. May iniabot itong isang tarheta kay Marco.

“Sorry, Pare, kung napasama ko ang loob mo. Pero ito ang aking calling card. Tawagan mo lang ako, baka sakali…”

Tinanggap din ni Marco ang calling card at mabilis nang tumalikod. Di na humabol si Luis.

NANG gabing iyon, di mapalagay si Marco. Nakahimlay siya sa kanyang higaan, ngunit di naman siya dalawin ng antok. Tila umalingawn­gaw pa sa kanyang pandinig ang napag-usapan nila ni Luis. Maibigay ba niya kay Zenaida ang karangyaan sa buhay na maibigay ni Luis? Totoo, di niya mapapantay­an man lang ang karangyaan na maibigay ni Luis kay Zenaida. Ang solo na maialay niya kay Zenaida ay ang kanyang tunay na pag-ibig. Subalit sa oras ng pangangail­angan, hindi sapat ang pag-ibig lamang…hindi makakain ang pag-ibig.

Bumangon si Marco at nagbihis. Naisip niyang mamasyal sandali hanggang sa antukin siya. Lumabas siya ng bahay at sumakay ng dyip papuntang Baclaran. Ilang sandali pa, nasa Pasay-Taft na siya na nakahilera ang mga aliwang-panggabi.

Pumasok siya sa isang Kareoke Bar na paminsan-minsan ay pinalilipa­san niya ng oras kapag walang magawa. Marami na ang mga customer sapagkat maghahatin­ggabi na. Naghanap siya ng isang bakanteng mesa at umupo. Umorder siya ng dalawang boteng beer nang lumapit ang isang waitress.

Ito ang kanyang ginagawa kapag nais niyang magpalipas lang ng oras. Papasok siya rito at makinig lamang sa mga kumakanta sa videoke. Naglipana rin ang mga GRO rito na puwedeng i-table kung gusto.

Di pa uminit ang kanyang inuupuan nang may tumapik sa kanyang balikat. Nang lingunin niya, nakita niya ang nakangitin­g si Mimi na dati na niyang kaibigan. Si Mimi’y may angkin ding ganda at bata pa. Nakatira rin sa pook ng mga iskuwater na tinitirhan din niya. Di kalayuan ang agwat ng kanilang bahay kaya parang kapitbahay na lang niya si Mimi at kabarkada. Ang totoo’y magkababat­a sila. Kung bakit ang mga babae sa pook ng mga iskuwater ay wala nang makuhang ibang trabaho kundi’y ang pumasok sa mga bahay-aliwan. “Madaling kumita ng pera rito. Kelangan namin ang madaling pagkakitaa­n, sapagkat ang mga bungangang gutom na naghihinta­y sa aming mga dampa ay baka di na uumagahin.”

“Marco, ang yabang mo na ngayon. Bihira ka nang pumapasok rito. Mukhang asenso ka na talaga,” bati ni Mimi na umupo sa tabi ni Marco.

“Gano’n pa rin ako, Mimi. Kung mayaman na ako’y di mo na ako makikita rito. Siyempre doon ako papasok sa class na mga klab,” pabirong tugon ni Marco na tumawa. “Ano ba ang raket mo ngayon?” “Walang pagbabago. Ang dati pa ring pinagkakaa­balahan, ang pagkapinto­r ko.”

“Pintor kulapol,” humagikhik si Mimi. “Marco, wala pa akong nakilalang pintor na yumaman. Gaya din iyan sa mga manunulat o writer. Ang kinikita’y pantawid-gutom lang. Ang ibig kong sabihin ng mayaman, in the true sense of the word, ‘yong talagang mayaman, milyonaryo. Kapareho ba nina Zobel at Ayala.”

“Ang yaman nila’y minana lang naman nila sa kanilang mga ninuno, mga magulang na dati nang mga mayaman sapagkat nakapag-angkin ng malawak na mga lupain mula pa noong panahon ng mga Kastila. Alam mo, noong panahon ng mga Kastila, ang lupaing hanggang sa maabot ng iyong paningin ay p’wede nang mapasa’yo. Ang mura lang ng mga lupa noon na karamiha’y talahiban lang noon. Pag bumili ka ng lupa noon, para ka lang bumibili ngayon ng isang pakete ng sigarilyo. Di mo ba alam na ang Makati ay mga talahiban lang noon. Ngayon tingnan mo…”

“A, huwag na nating pag-uusapan ang mga milyonaryo. O, ano, wala ba tayong ladies drink? Simot ako ngayon.” “Sige, kumuha ka.” Pumalakpak si Mimi. Lumapit kaagad ang isang waiter na kangina pa nagmamatya­g sa isang sulok. “Ladies” ang nabigkas ni Mimi.

Di naman tumagal, dumating ang ladies drink na inorder ni Mimi. Kaagad na dinaklot ni Mimi ang basong may lamang beer. Sunod-sunod lagok.

“Hups! Dahan-dahan lang. Wala nang kasunod ‘yan. Para ka lang umiinom ng mineral water,” sabi ni Marco.

“Sus, paminsan-minsan lang naman ako makapaglam­bing sa ‘yo. Teka, paano ang lovelife mo ngayon, me girlfriend ka na?” Ilang sandaling nag-isip si Marco. Pagkuwa’y… “Wala pa,” ang maiksi niyang tugon kay Mimi. “Aba, ano ka bakla? Di na kelangang humanap ka pa ng iba. Naririto naman ako,” muling napahagikh­ik si Mimi. Ganito talaga si Mimi. Mapagbiro. Sa pagitan nila, walang ilangan sapagkat magkababat­a naman sila.

Ang totoo, di nais ni Marco na sabihin sa iba ang tungkol sa kanila ni Zenaida, na ngayon sa wari niya’y unti-unting binabaluta­n ng maitim na ulap. Naalaala niya si Luis. Sa wari niya’y parang bagyong dumating si Luis na kapag di siya magiingat ay wawasak sa buhay nila ni Zenaida.

Paano kung maikuwento ni Luis kay Donya Adela ang tungkol sa kanila ni Zenaida, na tiyak gayon ang mangyayari. Ano kaya ang gawin ni Donya Adela?

(ITUTULOY)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines