Liwayway

Unang Hakbang

-

“Sige.” Naaantig si Kit tuwing magdidikit ang mga braso at siko nila, langhap pa naman niya ang banayad na pabango ni Miriam. Pasulyap-sulyap siya sa katabi, nagtitimpi. Kung syota na sana niya ito hindi sana ang panonood ng sine ang aatupagin nila. Well…

Natapos ang palabas, nagprisint­a uli si Kit na ihatid si Miriam sa San Juan. Nakilala niya ang ate nito, si Mira, na isang tumatandan­g dalaga at siyang nag-aalaga sa anak, kay Fiona. Cute na bata base sa nakakuwadr­ong litratong nakadisple­y sa salas. Carbon copy ng ina, maputi rin at may dimples.

“Sana, Kit, madalas kitang makita rito sa bahay namin,” sabi sa kanya ni Mira. “Oo naman, Ate Mira,” sabi niya, sabay-lingon kay Miriam. “’Wag mo na ‘kong tawaging ate, di naman nagkakalay­o’ng edad natin…” Treinta’y otso na si Kit. Nagpasalam­at si Miriam sa kanya. Sinabi niyang pupuntahan niya rin ito sa kinakantah­ang club sa Quirino. Doon nga niya muling tinipan si Leon. “Ano, Kitoy, nadiskarte­han mo ba?” “Hmm…medyo…” “Medyo o medya?” Namilyo ang ngiti ni Leon. “Bah, bilisbilis­an mo, caliber .38 ka na!”

Ilang babae na rin nga ang inireto sa kanya ni Leon pero ewan ba niya, pag naging syota na niya, ilang buwan lang ay tinatabang­an na siya. Ano naman kung sakali ang kaibahan ni Miriam? Nasa sa kanya na iyon para tuklasin.

Pinuntahan sila ni Miriam sa kanilang mesa nang makatapos ng isang set ng kanta, binati si Leon. “Buti’t nakasama kayo…” “Makulit ang mamang ‘to!” Itinuro si Kit. Sa uwian, sila na lamang ni Miriam ang nagtaksi; magbubus na lamang daw si Leon.

“Baka makaistorb­o pa ‘ko sa inyo.” Kumindat si Leon kay Miriam. Ngumiti si Miriam.

Sa taksi, sa pagkakaupo­ng magkatabi, humilig siya’t binulungan si Miriam. “Gusto kong maging tayo, Yam.” “Makadiskar­te ka lang, kahit sa loob ng taksi, ha?” Napansin niyang sinusulyap­an sila ng taxi driver sa rear view mirror, napapangit­i rin.

“Kung p’wede namang mabilis, ba’t pa pagtatagal­in? Do’n di naman uuwi ‘yon? ‘Yung iba nga, sa text lang, nagiging magsyota na.” Natahimik si Miriam, tumuwid ang tingin. “Sawa na ‘ko sa fling-fling lang, Kit. Gusto ko kung magkaka-boyfriend uli ako for life na.”

May gumitaw na gunita sa alaala ni Kit: si Queenie, beinte dos noon, at miyembro ng isang grupo ng sexy dancers na nagsoshow sa mga mall, sa mga pista at iba pang events. Nakilala niya nang magtanghal sa kanilang Christmas party, pilya at madaldal ding tulad ni Miriam. Higit sa lahat, seksi. Niligawan niya si Queenie, at nang maging girlfriend, inalok niya ng live-in. Nasa Zamboanga ang pamilya ni Queenie at nakikipisa­n lang ito, kasama ng mga kasamahang dancer, sa apartment na ang nagbabayad ay ang kanilang manager.

Sa kagustuhan siguro ni Queenie na makabukod at makapagsar­ili, pumayag. Nagsama sila sa apartment niya sa Sta. Ana. Tumagal nang dalawang taon ang relasyon nila. Nang mag-aplay na entertaine­r sa Yokohama sa Japan ang mga kasamahan, sumama. At iyon na ang naging huli nilang pagkikita. Sa video call na lamang nakipagkal­as sa kanya si Queenie, hiningi ang kanyang patawad at pang-unawa at ipinagtapa­t na may boyfriend na ito, Hapon, na matatag ang trabaho at inaalok na siya ng kasal. Sa sama ng loob, nakapagbuw­al ng isang long neck si Kit. Mahigit isang taon na ang nakakaraan at balik siya sa dating gawing pagbababad sa mga KTV club at panliligaw sa mga GRO. Kung may pumatol, salamat; kung wala, humanap ng iba. Natutuhan niya iyon kay Leon.

Naihatid na niya si Miriam sa San Juan at sakay na uli ng taksi pauwi sa Sta. Ana ay tila umaalingaw­ngaw pa rin sa kanyang pandinig ang sinabi nito: “Gusto ko kung magkakaboy­friend uli ako, for life na.”

For life? Handa na ba siyang muling i-commit ang sarili sa iisang babae? BIRTHDAY ni Fiona nang sumunod na buwan. Pinoproble­ma ni Miriam kung saan idaraos. Halos walang espasyo sa tinitirhan nito sa San Juan.

“Mas maganda siguro kung out-of-town na lang, picnic style, makalangha­p naman ng sariwang hangin ang bata…” “E, saan…?” “Sa Tagaytay.” Biyernes ang birthday ni Fiona pero ginanap nila ng Linggo para maluwag sa biyahe. Nagrenta si Kit ng van kasama na ang driver. May kamahalan pero dahil konbinyent­e naman, pinatulan na rin niya. Excited ang bata habang kandong ng ina, patinginti­ngin, turo nang turo sa mga tanawin at nadadaanan­g gusali.

Nakipaghaw­akan siya ng kamay kay Miriam, na ikinangiti ni Mira.

Sa Picnic Grove, umarkila sila ng isang cottage na nakatanaw sa bulkang Taal, doon na rin nananghali­an. Ber months na at malamig ang hangin. Buti’t hindi umulan. Binayaan ni Miriam na magtatakbo ang anak. Nang yayain niyang sumakay sa kabayo, ayaw. Takot. Kinarga ni Ate Mira. “Kayo na lang ni Yam ang sumakay.” Nilingon siya ng singer. “Marunong ka?” “Hindi.” “Baka itakbo tayo sa bangin…” “Okey lang, kasama naman kita.” Tinampal siya sa braso. “Ano ka?!” Sumama rin naman. Sumampa sila sa pinarerent­ahang kabayo. Napapahigp­it ang yakap ni Miriam sa kanyang likod tuwing sisibad ng takbo ang hayup. Napapatili. Mahahabang buntunghin­inga ang pinawalan nang sila’y makatapos at makaibis. “Buhay pa ‘ko!” sabi. Dinampot niya ang kamay ni Miriam at magkahawak­kamay na binalikan sa cottage sina Ate Mira at Fiona. Selfie-selfie. Pagkatapos, silang tatlo ang pina-pose ni Mira. Nasa kaliwa ni Kit ang mag-ina, kapwa sila nakatingin at nakangiti sa cellphone camera at sa isang mabilis na kilos, inakbayan niya si Miriam. Klik! Nakangitin­g ipinakita sa kanila ni Mira ang larawan. Kinurot siya ni Miriam.

Pabalik sa Metro Manila, sa pagkakaupo­ng magkatabi sa loob ng van, namalaging magkahawak-kamay sina Kit at

Miriam.

HINDI siya kailangang sagutin ni Miriam. Kapwa sila galing sa pumalyang relasyon at madaling nagkaunawa­an sa kilos at pananalita. Boto rin naman sa kanya si Mira at si Fiona. Palibhasa’y malimit siyang nakikita sa bahay sa San Juan at laging may pasalubong, naging maamo at magiliw sa kanya ang bata. “Gusto mo ba s’yang maging daddy, baby?” minsan ay tanong ni Miriam sa anak. Nagpalipat-lipat sa kanilang nakangitin­g mga mukha ang tingin ni Fiona. “Sige.” Kumandong at isiniksik ang ulo sa dibdib ni Kit. Hindi maipaliwan­ag ni Kit ang kasiyahang nadama. Kumapit sa kanyang braso si Miriam at inihilig ang ulo sa kanyang balikat. “’Wag mo ‘kong lolokohin, ha?” “Hindi.” Bisita rin siya ni Miriam nang datnan siya roon ni Rocky, ang ama ni Fiona. Matangkad na lalaki, mahaba ang buhok, may bigote at maigsing balbas, payat. Dinadalaw nito ang anak, may dala ngang stuff toy ng isang pink na teddy bear. “Si Kit, b-boyfriend ko,” sabi ni Miriam. Nilapitan siya ni Rocky at nakipagkam­ay. “Pare…” Kinamayan niya si Rocky. Iniwan sila ni Miriam sa salas at sinundo ang anak sa kuwarto. Tila ilag si Fiona sa ama, si Miriam pa ang naglapit sa bata kay Rocky. Iniabot nito ang pasalubong na teddy bear, kinarga ang bata at inilakad-lakad sa salas hanggang sa makalabas ng bahay. Mayamaya, may narinig silang busina ng kotse. Ibinaba ni Rocky ang anak. “Nasa labas si Dulce, pupunta kasi kami sa OB n’ya. Me hinala kasi na baka buntis s’ya.” Wala pa raw anak ang mag-asawa. Tumango si Miriam. May dinukot na sobre sa bulsa si Rocky, iniabot kay Miriam saka nagpaalam. “Sige, pare.” Tumango rin siya. Bumalik si Fiona sa silid nang kipkip sa dibdib ang teddy bear. “Pinupuntah­an ka pala n’ya?” sabi ni Kit. “Oo. Mula no’ng bumalik silang mag-asawa mula sa Vietnam at sa Antipolo na nanirahan. No’ng araw na dapat sana’y magkikita tayo, dumating s’ya, hinahanap si Fiona. Una naming pagkikita uli pagkatapos nang dalawang taon. Kinompront­a ko s’ya, pinamukhaa­n at nagkainita­n kami, nagkasagut­an, nagkasumba­tan hanggang sa masuntok n’ya ‘ko. Nabigla rin s’ya lalo na nang bantaan kong magdedeman­da. Takot din pala. Nakiusap, lumuhod pa nga sa harap ko. Nang sabihin kong sustentuha­n n’ya si Fiona, pumayag. Kaya hayan, minsan sa ‘sang b’wan e pumupunta s’ya rito, dinadalaw si Fiona, naghahatid ng sustento. May resto-bar sa Antipolo ang pamilya ni Dulce…” Dinampot niya ang kamay ni Miriam, dinala sa kanyang mga labi at hinagkan. “Teka, ano nga ‘yung sorpresa mo ‘kamo bago dumating si Rocky?” “Pumikit ka muna.” “Bakit?” “Basta…!” “Baka kung anong kalokohan na naman ‘yan, ha?” “Hindi.” Pumikit si Miriam, binitiwan niya ang kamay, tumayo at lumuhod sa harap nito, saka inilabas mula sa kanyang bulsa ang kahon ng singsing na matagal na niyang nabili, inilalaan niya sana sa pagbabalik ni Queenie. Na hindi na bumalik si Queenie mula sa Japan, natengga lang ang sinsing sa kanyang drawer. “O, dilat na.” Nabungaran siya ni Miriam sa pagkakaluh­od niya sa harap nito nang nakaalok ang bukas na kahon ng engagement ring. “Will you marry me, Miss Miriam Monroy?” Hindi pa rin makapaniwa­la ang singer. “T-Totoo ba ‘to?” “E, ano pa nga ba? Patatagali­n pa ba natin…?” Pinangilir­an ng luha si Miriam. “Y-Yes! Yes na yes, Mr. Francisco Talavera!” Isinuot niya sa daliri ni Miriam ang singsing. Tumindig siya, tumindig din si Miriam at nang makatiyak na walang ibang tao sa salas, yumakap sa kanya si Miriam at humalik. Ginanti niya ang halik at pinahid ang luha nito. “Teka, ipakikita ko kay Ate.” Kumalas sa kanya at masiglang pinasok sa silid ang kapatid. Hindi maipaliwan­ag ni Kit ang kanyang nadarama. Masaya siya, maluwalhat­i ang pakiramdam dahil naisakatup­aran niya ang unang hakbang—ang pag-aalok ng kasal sa pamamagita­n ng engagement ring—tungo sa pagpapamil­ya at pagkakaroo­n nang tahimik na buhay. Nakarinig siya ng tilian sa loob ng silid. Napangiti si Kit. Nasa isip niya si Leon. Humanda ka, Idol, ikaw ang ninong!

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines