Jack A. Alvarez

Liwayway - - News - Ni JACK A. ALVAREZ

BRANCH 125

SUMAKAY ako ng tricycle, kuwarenta pesos ang pamasahe mula city jail papuntang Caloocan Judicial Complex. Katatapos lang ng ulan. Maputik ang daan. Mangilo ang pagdaloy ng tubig-ulan na hinihigop ng manhole. Umaalingasaw ang alimuon. Parang suka ng lasing na may hangover. Mapanghi ang amoy ng tambutso.

Humakbang ako sa escalator na di umaandar. Sa first floor ang Branch 125 ayon sa security guard. Naupo ako sa bench. Malapit sa pinto ng hall. Pinulot ang isang pirasong papel sa sahig. Pinunasan ko ang putik sa aking sapatos. Sa kanang bahagi ng hallway, bukas ang fire exit. Natatanaw ko ang mayabong na puno. Ilang minuto pa, dumating na ang ilang preso. May nakatanod na dalawang pulis. Nakita ko ang aking kapatid sa pinakadulo ng pila.

Ilang minuto ring naghintay ako. Pinakiramdaman ko muna kung hindi masyadong istrikto ang bantay. At nang magsimula na itong makipagkuwentuhan sa kanyang binabantayang preso, minabuti kong lapitan na ang aking kapatid. Kaposas niya ang isang American national, negro, at sabi taga-Angeles. Drug-related ang kaso. Di ko alam kung bakit sa Caloocan nakulong. May naglako ng turon at banana cue, inalok ko si Tonton. Dalawa ang binili namin. Hindi kumain ang negro. Wala rin akong ganang kumain. Inabot niya sa kanyang kasamang nakaupo sa likod.

Anim ang unang tinawag. Panghuling pangkat sina Tonton. Halos lahat ng mga kasama niya ay kasong may kinalaman sa droga. At kahit nga sa kanilang selda, at brigada, ganoon din daw.

Naunang pumasok ang mga preso sa hall kasama ang dalawang pulis na bantay. May isang lalaking tagapag-ugnay sa kung sino ang maaaring pumasok sa hukuman. Hindi kami agad pinapasok. Naroon ang complainant ni Tonton, kasama ang kanilang witness. Isang bata. At tulad ng nararamdaman ng aking kapatid, hindi ko rin matingnan ng mata sa mata. Nakaw-tingin. Hindi rin kailanman nag-abot ang aming paningin.

ANG PARADAHAN

MARAMING pagkakataon ding nasa yugto ako ng paghihintay. Isa ito sa pinakamatagal at pinakamahabang paghihintay na kaya kong magbalik sa nakaraan. Iyong mga panahong naghihintay kami sa aming ama. Iyong mga panahong paulit-ulit kong inuusal, “’Tay, kung nasaan ka man ngayon, lagi at lagi kitang hihintayin sa paradahan. Madatnan mo sana ako sa last trip, pauwi sa kung saan mo kami iniwan…”

Parang paradahan nga rin itong hallway ng korte. May mga magkahilerang upuan. May mga nakaupo. Lahat nag-aabang. Lahat naghihintay. Lumabas mula sa silid ng Branch 125 ang lalaking tagapag-ugnay. Pinapasok kami. Lumabas naman ang ibang naroroon. Siguro, sila rin ay kapamilya ng biktima at ng nasasakdal.

Inanunsiyo ang pagdinig sa kaso ni Tonton. At dahil menor de edad ang witness, tantiya ko’y mga trese anyos, at hindi kasama ang nanay nito, kaya nagpatawag sila ng taga-DSWD upang kasamang umupo. Nalaman ko rin na sa naunang dalawang hearing ay di dumalo ang complainant. At ngayon sa ikaapat na pagdinig, kasama na ang batang testigo sa krimeng nagawa ng aking kapatid. Patong-patong ang mga papel sa harap ng hall. Naka-bundle, nakakarton, nakasalansan. Anim na preso ang nakaupo sa kaliwang bahagi. Sa likod nila ang dalawang pulis. Sa kanang hilera ako pinaupo. Sa unahan ko ang DSWD representative, katabi ko ang isang witness sa iba pang preso na naroon. Nagleave pa raw siya sa trabaho para manumpa. Nadismaya siya nang i-reset ang kanilang hearing sa susunod na buwan. Kulang na sa oras. Mag-aalas singko na. Tugon ko, nag-leave rin ako para sa aking kapatid. At magkaiba kami ng panunumpa. Siya, sa hukom. Ako, sa aking kadugo.

ANG PUNO

AT nang simulan ang pagdinig, pinalabas din kami. Ganoon pala pag bata ang testigo. Naiwan ang abogado, at taga-DSWD. Naupo kami uli sa bench, sa labas malapit sa pinto ng Branch 125. May nakapagitang mag-asawa. Nakatitig lang ako sa salaming pinto. Nababasa ko roon ang isang tula ni Allan Popa: Wala kang magagawa kundi sulatin muli ang landas palabas/ Ng bilangguan na magbibigay ng panandaliang ginhawa/ Kahit na naglalandas ang isinusulat patungo sa bagong bilangguan./ “Nakita ng iyong mga mata ang ginawa ng iyong kamay.”

Nagsimulang magkuwento ang lalaki sa dulo. TagaBulacan daw sila. Umabsent siya sa trabaho para sa hearing. Kanina pa raw silang umaga at hapon na natawag. Ama siya ng biktimang biente siete anyos. May dalawang batang naulila ang kanyang anak. Nagsisimula nang mag-uwian ang mga empleyado. Naguunahan ang mga yabag sa hallway. Samu’t saring boses, tinig, bulong. Naririnig ko ang pagkalansing ng mga susi. At ang alingawngaw ng pag-lock ng mga pinto. Nilingon ko ang nakabukas na pintuan ng fire exit. Nalalambungan ng pagaagaw-dilim ang mayabong na puno. Tinitigan ko iyon na para bang nais kong ihulagway ang hugis ng hanging di ko nakikita na pumapalibot sa kaniyang mga sanga, bumubulong hanggang sa kaliit-liitang tangkay, at pinagtatakhan ang tahimik na pag-ihip sa kaniyang kabuuan. Animo’y ang punong iyon, isang nakalahad na palad. At mailalarawan ko na lamang ang mga dahon nito’y parang nagliliparang langkay ng mga uwak.

Larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.