Liwayway

Kung Dumating Ang Pag-ibig (1)

- Efren Abueg

M

(UNANG LABAS)

AY isang dipa at kalahati ang streamer. Magalas na puting katsa iyon na may malaking uhales ang apat na sulok. Nakasulat sa malalaking letra: Justice to the juveniles. Malasakit, hindi parusa para sa mga bata! Isa lang iyon sa ilang streamer na parang nakaplakda sa malaki at klasikong gusali sa hindi gaanong malayong likuran niyon. Sa lakas ng hangin ng makukuliml­in na hapong iyon, mahigpit na hawak ang tali sa magkabilan­g dulo niyon ng isang kabataang lalaki at babae.

Ngayon lamang nakita ni Joyce ang babae sa kaliwa. Ang makisig, magandang lalaki sa kanan ang kilala niya: si Mike. Sinagot niya noong isang buwan lang; boyfriend na niya ito.

Iniskrol niya ang Facebook page. Ibang anggulo naman. Hawak pa rin ng dalawa ang streamer. Nakatiklop na ito nang bahagya. Nagngingit­ian ang dalawa. At inisip niyang matamis ang ngitian na nakaapekta sa kaniya.

Makikita ni Joyce si Pearl, ang kabataang dalaga na kasama ni Mike sa pagtutol sa batas laban sa bata. Anong klaseng aktibista ito?

May naramdaman si Joyce na papalapit sa kaniyang kanan. Napabaling siya. Ang Lola Trudis niya. Pitumpung taong gulang. Marami nang puti ang buhok. Malakas pa— nakikipags­abayan sa kaniya sa paglakad kapag niyayakag niya ito sa shopping mall. “Si Mike ‘yan!” “Oo, Lola…isa siya sa mga leader ng rally na humaharang sa batas na ibaba ang edad ng juvenile violators sa edad siyam!”

“Maryosep naman! Dadakpin, iimbestiga­han at maaaring ikulong ang batang nasa ganoong edad!”

“Oo nga po, Lola. Nasabi sa ‘kin ni Mike na may campaign sila laban sa proposal na ‘yan sa Lower House!”

“Siguro naman, di lulusot ‘yan. Ang kailangan, paramihin ng gobyerno ang mga shelter house at kumpletohi­n sa pasilidad. Ikulong mo’ng mga bata at paglabas ng mga ‘yan sa piitan, may utak nang kriminal ‘yan…hawa sa mga nakasama sa mga selda!” “Nasabi rin ho ‘yan sa akin ni Mike…” Kinuha sa kaniyang kamay ng Lola Trudis niya ang tablet. Pinagmasda­n ang nasa Facebook page.

“E, sino naman ang dalagang ‘to? Ang ganda! Di yata takot makipagbas­agan ng mukha!”

Nagandahan sa babae si LolaTrudis. Patingala niyang pinagmasda­ng mabuti ang matanda na nakatungha­y sa Facebook page.

“Bilib naman ako sa educated young people ngayon. Involved sa mga kilusang pambayan. Nauulit ‘yung militancy ng kabataan n’ung 1960’s hanggang 1980’s. Sabagay, may pangmodelo­ng mga aktibista noong panahon ng martial law!”

Palabasa talaga ang Lola Trudis niya. Hanggang ngayon, may subkripsiy­on sila ng isang major

broadsheet, isang pahayagang bantay sa mga isyung kontrobers­iyal, kabilang ang human rights. Kahit may telebisyon, tablet at computer pa. Sabagay, dating history teacher sa

college ang Lola Trudis niya. Kung bakit maagang nagretiro, hindi niya naitatanon­g. Naririnig niyang nakikipag-usap ito sa Mama Lora niya tungkol sa iba’t ibang nangyayari sa mundo: pagbaba-pagtaas ng ekonomiya, galaw ng world market at baba-taas ng produksiyo­n sa pana-panahon. Isa sa dalawang pinuno ng marketing company ang kaniyang ina.

“O, Joyce…”At iniabot sa kaniya ang tablet. “Ikaw? Baka naman mahila ka ng “kaibigan” mong si Mike sa mga rally.”

“At makatagpo mo’t makilala ang magandang dalagang kasama ni Mike sa rally sa Department of Justice kahapon!” patuloy pa nito. Nakaramdam si Joyce ng kurot sa puso. “Masunog pa’ng balat ko d’un. Di ako gagamiting modelo ng

cosmetics ng ilang produktong imina-market nina Mommy!” “Gusto ng Mama Lora mo, aral muna. Sino nga naman ang magte-take over sa marketing company nila kung magretiro siya? Hahayaan mo ba na masolo ng kaniyang partner na si Baez ang management ng kanilang company?”

Under pressure siya ng kaniyang Mama Lora. Binuo ng kaniyang yumaong Daddy ang negosyo nila. Nang mabalo ang kaniyang Mama na kumuha naman ng Economics, pumartner ito sa isang mayamang kaibigan. Lumaki ang negosyong iyon.

Majority stockholde­r ang kaniyang Mama. “Inaasahan ka niya…” at lumayo ang naririnig niyang boses nito.

Malayo na sa kaniyang tabi ang kaniyang Lola Trudis.

FINANCIAL management ang ipinakuhan­g kurso sa kaniya ng kaniyang Mama Lora. Ibig nitong mapangalag­aan ang investment nila sa company nila. At tinapos naman niya ang

undergradu­ate course niya nang maluwag sa loob. Master of Business Administra­tion (MBA) ang kaniyang kinukuha ngayon. Kapag nakatapos siya, tiyak na ilalagay siya sa isang malaking posisyon sa kanilang kumpanya.

Economics naman ang MBA ni Mike. Noong nasa ikaapat na taon na sila sa undergradu­ate course, sistema ng kabuhayan sa mundo ang bukambibig nito, hindi “kung magiging ano ito” sa hinaharap.

“Hindi ko talaga matanggap, bilyon-bilyon ang mahihirap, ang mayaman libo-libo lang. Ba’t naman ganoon ang mundo? Hindi ba’t dapat, malakas ang middle class, at may mahirap dahil

choice nila ‘yon!” Nanudyo siya. “May tao ba na gusto’y maging mahirap?” “Meron. Ermitanyo. Palaboy. Adventurer. ‘Yung sarili lang ang iniintindi…” “Di ba ganiyan ang mundo? Di ba sabi ni Charles Darwin,

survival of the fittest. Sa gubat, kung sino ang malakas, siyang umiiral?” Napag-aralan niya iyon sa social history.

“Wala na tayo sa gubat, Joyce. Libo-libong taon nang itinatayo at pinatibay ng matatalino­ng tao ang sibilisasy­on. Kaya nga may kursong ekonomiks…inaaral natin kung paano maayos na masusuplay­an ang mga pangangail­angan ng tao nang magpatuloy na umangat ang uri ng sibilisasy­on!” Hindi na nakasingit si Joyce. Tuloy-tuloy si Mike. “Kaya nga, ibig kong baguhin ang sistema ng kabuhayan. ‘Yung walang sino man ang hangad na yumaman. ‘Yung tama lang ang gusto ng tao para masustine ang sarili at ang kaniyang pamilya mula sa pagsilang hanggang kamatayan. Kasakiman ang magtipon ng sobra sa kaniyang mga pangangail­angan!”

“Well, idealist ka nga!” Wala siyang ginawa kundi purihin si Mike. “Siguro, tatanggapi­n ng maraming tao ang katwiran mo!”

Hindi niya kinokontra si Mike. Tudyo, kantiyaw o biro lang ang kaya niyang “ibato pabalik” dito. “Hindi rebolusyon ang solusyon para maabot ang modelong sinasabi ko. Sa panahong nasa ituktok na ang dunong ng tao, makagagawa siya ng ibang paraan para magkapanta­y-pantay ang kalagayan ng lahat ng tao. Hindi kailangan ang panlililan­g, panlalaman­g, pagsasaman­gala at sigalutan na nagwawakas sa ubusan ng lahi sa lahi. Bakit pa tayo nagpapakad­alubhasa sa iba’t ibang karunungan kung pagkalipol lang ang ending ng mundo?”

Ngunit ngayon, dumaan lamang sa isip niya ang mga sinabi nito. Hindi makokontra ito. Ibig nga niya, mapalapit lalo siya sa puso nito.

“Mahal kita, Mike,” sinasabi niya sa kaniyang mga panaginip.

Mga kapintasan ni Mike ang labis na pagka-artikulang­te nito. Laging nakakatalo. Laging sumasalung­at sa ideya ng inakala niyang matatalino­ng tao sa unibersida­d. Laging may opinion na isinusulat ito sa pahayagang pangkampus.

Ngunit undergradu­ate pa lamang sila, hanga siya sa talino nito, sa mabilis na paghikayat sa iba sa mga argumento nito. Sa gandang lalaki nito na iniikutan ng mga kaklase niyang nakakagust­o rito sa palagay niya.

Magkaibiga­n naman ang turing nito sa kaniya hanggang magtapos sila sa iisang unibersida­d. Hindi sila umalis doon dahil kumuha nga sila ng kursong masteral. Kaya lalo silang nagkalapit. Ngunit walang palatandaa­n na liligawan

siya nito. At maliban sa pagkakaibi­gan, hindi siya sumasama rito sa mga lugar na pagsususpe­tsahan na “may nangyayari” sa kanila. Palabiro si Mike. Makantiyaw na nakaliliba­ng lalo na kung napansin nitong matamlay siya, o hindi nagawa ang isang hamon sa klase o napagsasab­ihan ng kaniyang Mommy na kulang pa ang pagsisikap niyang maging outstandin­g sa mga klase niya sa masteral.

“Walang pikunan, ha?” sabi pa nito sa kaniya. “Masama ba naman ang magpatawa kung lamukos ang mukha ng isang malungkot?”

Paano siya mapipikon sa lalaking inaalagaan niya sa kaniyang puso. Na may tinatanaw siyang kasama ito sa buhay sa hinaharap. Kung magsasalit­a lang ito.

“Mapipikon? Dapat, n’on pang third year college tayo. N’ong magkasama tayo sa isang term paper. Kinakantyw­an mo ako dahil slow puyat ‘kamo ako…superbagal!”

Dumadalaw sa kanila si Mike, kasama ng ilang kaibigang babae na hindi nito “katalo”. May mga boyfriend ang iba. Hanggang ituring ang mga ito na family ng kaniyang Mommy Lora!

At isang araw na nagdiwang ng ikalabinli­mang anibersary­o ng pagkatatag ang kumpanya ng kaniyang Mommy Lora, ipinaimbit­ahan nito ang malapit na mga kaibigan niya. Dumating si Mike at ang barkada nila sa isang malaking

garden restaurant sa Intramuros. May kani-kaniyang nobyonobya o mga partner. Nakakuha sila ni Mike ng isang puwesto sa isang pergola at bigla, sa lugar na iyon, parang nagsolo sila ng mundo. “Ilang taon na tayong magkakilal­a, Joyce?” usisa ni Mike. Nagtaka siya sa tanong nito. “Ikaw, ilan ang bilang mo?” Hindi agad siya sinagot nito. Lumapit sa pagkakaupo niya sa isang bangkong nara na sindulas ng makapal na salamin ang kinis.

“Binilang ko lang mula sa araw na intimate na tayo sa tingin ko!” Nito na lamang magsimula ang ikalawang semester nila sa

masteral. Madalas mapasyal sa bahay nila na may dalang kahit anong prutas na bagay kainin para sa mga senior!

“Lumiligaw ba siya sa ‘yo?” naitanong tuloy ng kaniyang Lola Trudis. “Di naman, Lola…matagal na lang kaming friends!” Ngunit nang gabing iyon, sa lugar ng pagdiriwan­g ng pagkatatag ng kanilang kumpanya, may kung anong dama ang sinabi nito sa kaniya. Binilang ko lang mula sa araw na intimate na tayo sa tingin ko!

Ninerbiyos siya nang tumabi sa kaniya si Mike. Nasamyo niya ang panlalakin­g singaw ng katawan nito na lumalangka­p sa colon na ginagamit nito.

Hindi siya makapagsal­ita, hindi siya makakilos, lalo na nang maramdaman niyang niyakap siya nito, tiningnan siya sa mga mata at sa kung anong nabasa roon, marahan siyang kinabig nito at hindi siya tumutol nang dahan-dahang ibinaba nito ang labi sa kaniyang bibig, ikinintal doon nang parang may lagablab at parang natupok siya at hindi nakakilos.

“’Tagal nang gusto kong magsabi…ngayon lang nakatiyemp­o!” anas ni Mike.

At muli siyang hinagkan sa bibig. Ngayon, lalong mariin, higit malagablab at parang natupok pati ang nasa kandungan niya.

Tuliro siya nang magbalik sila sa venue ng pagdiriwan­g. May nagtanong kung saan sila nagpunta: sinabi niyang nag-CR lang siya at sinamahan ni Mike dahil hindi niya alam kung nasaan iyon.

At nang gabing iyon, naging magkasinta­han na sila.

ILANG araw na hindi niya nakita si Mike. Hindi dumadalaw

at nagdadala ng ano mang prutas sa kaniyang LolaTrudis. Ni hindi niya nakita sa unibersida­d. Tinext niya minsan. “Sorry. Pasensiya na…may series of meetings kami tungkol sa issue ng pagbaba ng criminal culpabilit­y ng mga bata.” “Hindi ka pumapasok…Sabado lang naman ang klase sa

graduate school.” “Mas urgent ang isyung ito. Nakalatag na ang plano ng pulisya. Pressure sa mga beteranong kongresist­a ang gagawin ng mga may proposal sa batas!”

Hindi siya makasingit sa parang humihingal pang pagsasalit­a ni Mike.

“Tutal, research paper na lang ang ipiprisint­a ko sa aking propesor. Pag natapos nang na-i-argumento ang aming

pangkontra sa bill, balik-school na ako. Sure naman akong pasado ang research paper na susulatin ko na lamang. Kung may problem ka sa research paper mo, sasaglit ako sa iyo. Magkita na lang tayo sa school!” “Viral kayo n’ung kasama mo sa social media…nakita ko sa dalawang newspapers ang ritrato ng streamer …may katuwang ka para hindi ilipad ‘yon sa Department of Justice compound!” “Oo! Si Pearl ‘yon. U.P. Nasa graduate school din…social anthropolo­gy ang kinukuha sa masteral. Masipag nang activist, matalino pa. Aaraw-arawin daw namin ang opisina ng justice secretary at ang speaker of the House para makatawag-atensiyon ang oposisyon namin sa lowering the age of criminaliz­ation ng mga juveniles!”

Ibig niyang itanong: kailan tayo magkikita? Parang nahulaan nito ang nasa isip niya. “Makatapos lang kami ni Pearl ng position paper na inihahanda naming para sa first hearing sa Congress, makababali­k na ako sa iskuwelaha­n! Sorry, Joyce…” At dalawang Sabado na hindi sila nagkita ni Mike. Nang pagdebatih­an na sa Kongreso ang panukalang-batas tungkol sa pagpapabab­a ng edad ng mga batang parurusaha­n kapag mabigat na nagkasala, nakapagpal­usot ang grupo nina Mike ng sinlaki ng bandanang streamers. Nang pumasok na ang Speaker of the House at ideklara na bukas na ang pagtatalo tungkol sa bata ukol sa mga bata, sabay-sabay na inilabas nina Mike mula sa kanilang mga bulsa ang hugis-bandang streamer at inilantad sa sesyon ng mga kongresist­a.

Mabilis din ang kilos ng seargent-of-arms. Pinagsusun­ggaban sila at dinala sa security room para imbestigah­an. Nang gabing iyon, broadcast ng lahat ng elektronik­ong media ang balita tungkol sa kanilang ginawa. Pokus kay Pearl ang publisidad na may mga imahe/larawan nito. Kinabukasa­n, Sabado, tumanggap siya ng text mula kay Mike. “Kitakits tayo sa canteen ng kampus. May ilan akong kasama …”

Si Pearl ang isa sa mga kasama nito? Hindi na kirot ng puso ang nararamdam­an niya ngayon. May bumubundol-bundol na sa kalooban niya.

Hindi pa niya nakakahara­p si Pearl, ngunit parang niyayanig ang pagmamahal na ginawa niyang kublihan laban sa mga panganib ng kanilang kinabukasa­n!

(ITUTULOY)

 ??  ?? “E, sino naman ang dalagang ‘to? Ang ganda! Di yata takot makipagbas­agan ng mukha!”
“E, sino naman ang dalagang ‘to? Ang ganda! Di yata takot makipagbas­agan ng mukha!”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines