Paano Maabot Ang Langit (4)

Liwayway - - News - Neri Jedeliz

(IKA-4 NA LABAS)

NAGPAPAHINGA si Donya Adela sa maluwag na bulwagan ng kanyang mansion nang umagang iyon nang biglang dumating si Luis. Kaagad na umupo ang binata sa sopa kaharap si Donya Adela. Sa pamamahay ni Donya Adela ay di na iba kung ituring si Luis, kaya labas-masok lang ito sa mansion. Halatang tila problemado si Luis. “Magandang umaga, Donya Adela,” bati ni Luis.

“O, Luis, napasugod ka, at tila di ka mapakali. Me nangyari ba?” tugon ni Donya Adela.

“Hindi magandang balita ang dala ko, Donya Adela.” “Bakit di maganda?” “Tungkol ito kay Zenaida. Sa tingin ko’y di na matutuloy ang plano nating pakakasal kami.” “At bakit naman?” “Me kasintahan na siya.” “Ha? Nakapagtataka naman. Wala akong alam na me ibang lumiligaw sa kanya. Sino ang sinasabi mong kasintahan niya?” Huminga muna nang malalim si Luis. “Baka mabigla ka kung malaman mo kung sino. Marahil kilala mo ang pintor na gumawa ng iyong larawan. Siya ang kasintahan ni Zeny,” ani Luis.

“Ano? Parang di kapani-paniwala. Kelan lang sila nagkakilala. Si Marco ang tinutukoy mo. Sino naman ang nagsabi sa iyo na magkasintahan si Marco at ang aking anak?”

“Si Zenaida mismo ang nagsabi. Nang dumalaw ako sa kanya, dumating naman itong si Marco. Ipinakilala ni Zeny si Marco sa akin na kasintahan daw niya.”

“Por Dios por santo. Naloloka na yata ang aking anak. Ito na ang bunga ng sobra niyang pagsasalungat sa mga gusto ko at pakikipagsalamuha niya sa mga hampaslupa.”

Ilang sandaling natahimik sila pareho. Nag-iisip. Pagkuwa’y…

“Donya Adela, alam mo ang magiging problema kapag di matutuloy ang pagpapakasal namin ni Zenaida. Hindi na matutuloy ang malalaking mga negosyo na pinaplano ninyo ni Papa. At tiyak mapahiya tayo sa ating mga kakilala sa sosyedad.”

“Alam ko, Luis. Kaya maghanap tayo ng paraan upang maputol ang ugnayan ng aking anak sa patay-gutom na pintor na iyon.” “Ano ang ating gagawin?” “Hindi ko masabi nang diretsahan kay Zenaida na layuan niya si Marco. Tiyak na di niya ako pakikinggan, gaya ng mga pagsasalungat niya sa gusto ko sa mga nakaraan. Kung pipilitin ko siya, lalo lamang siyang magrerebelde. Kilala ko ang aking anak. Di nga siya sumuko sa akin, na ako ang kanyang ina.” “Kaya ano nga ang ating gagawin?” “P’wedeng gagamit ako ng ibang estratehiya. Upang kasuklaman niya si Marco at siya mismo ang lalayo sa pintor na iyan.” “Me naisip ka na bang gagawin?” “Luis, ipagkatiwala mo muna sa akin ang lahat. Ako ang bahala.”

Matamlay na tumayo si Luis. Ngunit bago tumalikod, nagiwan ito ng salita. “Okey, pababayaan muna kitang gagawin ang naisip mong paraan, baka nga magtagumpay po kayo. Subalit kapag nabigo po kayo, ako na ang kikilos. This time, marahas na pamamaraan na ang aking gagawin.” At tuluyan nang tumalikod si Luis.

TAHIMIK si Marco sa kanyang pagpipinta nang raw na iyon sa kanyang maliit na istudyo. Nang mabulabog ang kanyang pansin nang may tumigil na isang magarang kotse sa tapat ng kanyang istudyo.

Lumabas sa sasakyan si Donya Adela at walang kaabug-abog na pumasok sa bukas na istudyo ng binata.

“Kumusta, Marco?” magiliw na bati ni Donya Adela kay Marco at tiningnan ang larawan na siyang ipinipinta ni Marco sa oleo. “Maganda! Maganda ang pagkakapinta mo niyan.” “Salamat,” tugon ni Marco na nagtataka. Ang inaasahan niya’y baka pipintasan na naman ni Donya Adela ang kanyang

painting, gaya ng pagpintas nito sa ginawa niyang larawan nito. “Kung di makasagabal sa ‘yo, gusto kitang makausap sandali, Marco,” ani Donya Adela at umupo na sa isang kahoy na upuan sa isang sulok. Napilitang harapin ni Marco ang donya.

“Nabalitaan kong magkasintahan na kayo ng aking anak, si Zenaida,” walang kagatol-gatol na umpisa ng mayamang donya.

Matagal bago nakasagot si Marco. Sa pakiramdam niya’y biglang nanuyo ang kanyang lalamunan na di makapagbitiw ng mga kataga. Kalauna’y, nakapagsalita rin siya.

“Nang ligawan ko po si Zeny, di ko po alam na anak pala ninyo siya,” tugon ni Marco.

“Di ako pumarito upang tutulan ang inyong pagmamahalan, Marco. Me mga bagay lang tungkol sa aking anak na nais kong malaman mo. Talagang matigas ang ulo ng anak kong ‘yan. Gaya rin siya ng yumao na niyang ama. Ang gusto niya’y sasalungatin ang lahat ng gusto ko, kahit na magkandahirap pa siya sa buhay.” Malungkot na napailing si Donya Adela. Bumadha sa kanyang mukha ang pagkasiphayo.

“Ngunit anak ko siya, at kahit ano pa ang mangyari, di ko siya matitis,” patuloy ng donya. “Namulat siya sa karangyaan ngunit pinili pa niyang talikuran ang kaginhawaan at mamuhay ng ayon sa kanyang gusto kahit na magkandahirap pa siya. Ayaw niyang tumanggap ng tulong na nagmumula sa akin. Subalit ngayong nalaman kung nagmamahalan kayo, sa iyo na ako lumapit.” Masusing tinitigan ni Donya Adela si Marco. “Alam kong isa kang mabait at masipag na binata, at di ako tutol sa ‘yo. Nais kong tumulong sa mga pagsisikap mo para na rin sa ikaliligaya ng aking anak. Ngayon, nais ko malaman kung ano ang maidudulot mo sa aking anak upang magiging maligaya siya sa piling mo.”

“Mahirap lang ako, Donya Adela. Sa pook ng mga iskwater ako lumaki. Kung kayamanan ang iyong tinatanong, wala ako niyan. Ang makaya ko lang na maidudulot kay Zeny ay ang aking tunay na pag-ibig.”

“Hindi makakain ang pag-ibig, Marco. Naglalaho ang pagibig kapag wala nang laman ang iyong sikmura.” Di alam ni Marco kung ano ang kanyang isasagot. “Kaya pumarito ako upang tulungan ka, Marco!” Napapitlag si Marco. “Anong tulong ang sinasabi po ninyo, Donya Adela?”

“Mahal ko ang aking anak, Marco. Di ko matiis na makikita siyang naghihirap sa iyong piling, halimbawa nga kung magkakatuluyan kayo. Kaya naisip kung tutulungan kitang makapag-angkin din ng kaunting yaman, na maialay mo sa kanya. Upang makapamuhay naman kayo nang mariwasa kung magsasama na kayo.” “Hindi kita mauunawaan, Donya Adela.” “Tutulungan kita upang umasenso ka naman bilang pintor. Upang lumaki naman ang kinikita mo. Nang sa gayon, ay mahandugan mo naman ang aking anak ng kaginhawaan sa buhay.” Di nakasagot si Marco. “Kung dito ka lang sa lugal na ito ng mga iskwater, di ka talaga aasenso kahit ano pa ang gagawin mo. Ngunit kapag doon ka sa lugal na dayuhan ng mga mayayaman, halimbawa na lang sa Ayala o saang panig ng lunsod, tiyak malaki ang kikitain mo sapagkat makakuha ka ng mga kliyenteng masalapi.”

Di pa rin nakasagot si Marco. Pinabayaan muna ang Donya na maihayag ang iniisip nito. “Marco, bibigyan kita ng magandang puwesto sa isang

condo sa lunsod na pagmamay-ari ko. Doon mo ilipat ang

Kanya-kanya ng kilos sina Donya Adela at Luis upang mapaghiwalay sina Zenaida at Marco. Magtatagumpay kaya sila?

istudyo mo upang malantad ka sa mga kliyenteng mayayaman. Tutulungan kitang makapanimula. Bibigyan kita ng puhunan upang makapag-umpisa kayo kaagad. Ang totoo’y di ito bigay. Bayaran mo lang ako kung kaya mo nang magbayad. Ano sa palagay mo?” “Papayag kaya nito si Zeny?” “Tiyak di siya papayag kapag malaman niya. Kaya dapat di niya malaman ang ini-offer ko sa ‘yo. Ilihim natin ito sa kanya. Tayong dalawa lang ang dapat na makakaalam nito. Kung mahal mo ang aking anak, dapat na tanggapin mo itong inialok ko sa ‘yo, Marco.”

“Di ko alam kung tatanggapin ko o hindi itong inialok mo, Donya Adela. Iisipin ko muna ito nang mabuti.”

“Wala na tayo ng panahon, Marco. Marahil ito na ang una at huli kong pagparito. Di ko nais na malalaman ng iba na pumunta ako rito at nakipagkita sa ‘yo. Kaya…”

Binuksan ni Donya Adela ang kanyang handbag at may kinuhang dalawang pirasong tseke.

“Ito ang mga tseke para makapagsimula ka na. Gamitin mo ‘yan, Marco.” Ipinatong ng Donya ang dalawang tseke sa itaas ng center table. “Oo nga pala, kasama na sa mga tsekeng iyan ang kabayaran ng ginawa mong larawan ko. Naroroon pa rin nakasabit sa aming bulwagan. Sige, Marco.”

Tumalikod na si Donya Adela na di na hinihintay na makapagsalita si Marco. Sa kanyang isipan, matindi ang kanyang paghangad na sana’y gamitin ni Marco ang iniwan niyang tseke. Malaki rin ang kanyang paniwala na tiyak kamumuhian ni Zenaida si Marco kung malaman nitong tumanggap ito ng tulong galing sa kanya. Sumilay sa mga labi ng donya ang isang imbing ngiti. Ito ang naisip niyang paraan upang magkahiwalay sina Zenaida at Marco.

Ilang saglit pa, narinig ni Marco ang andar ng kotse ng Donya na papalayo na.

Tila naengkanto si Marco na di alam kung ano ang gagawin. Tila biglaan lang ang lahat. Di talaga niya inaasahan na paparito ang Donya upang makipagkita sa kanya.

Tinitigan niya ang mga tseke na nakapatong sa mesa. Marahan na lumapit sa mesa, at pinulot ang mga tseke at tiningnan. Nagulat siya nang makita kung magkano ang nakasulat sa dalawang tseke.

Tig-iisang milyong piso ang nakasulat sa dalawang tseke. Ibig sabihin ay dalawang milyong piso ang iniwan ng Donya!

Ang laking pera. Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakakahawak ng ganitong kalaking salapi, kung tatanggapin niya itong inaalok ng Donya.

Maraming mga katanungan ang sumaksak sa isip ni Marco. Talaga bang bukal sa kalooban ni Donya Adela ang inialok nitong tulong sa kanya? Tanggap na kaya nito na siya ang mapapangasawa ng anak nito? Bakit ginagawa ito ni Donya Adela? Talaga bang para lamang ito sa ikaliligaya ni Zenaida. O baka naman may nakatagong kataksilan ang lahat ng ito.

Kung siya ang tatanungin, talagang nais niyang mabigyan si Zenaida ng kaligayahan. Mahal niya ito at di niya nais na magtitiis ito sa kanyang piling. Naisip nga niya na di muna niyang yayaing pakakasal sila ni Zenaida hangga’t di siya nakapag-impok ng perang sapat upang makapanimula sila nang maluwag at matiwasay. Subalit kailan pa? Sa matagal na panahon? Paano kung di siya papalarin na makatisod nang maraming salapi? Di na pala sila magkakatuluyan ng mahal niyang si Zenaida?

Ang inialok na ito ni Donya Adela ang siyang kasagutan ng lahat. Ano naman kung tanggapin niya ang inialok na ito ni Donya Adela? Ang lahat ng ito’y para naman kay Zenaida.

Maraming mga katanungan ang di niya masasagot sa ngayon. Marahil mahanapan niya ito ng kasagutan sa paglipas ng ilang araw. Itatago muna niya ang mga tseke.

NANG gabing iyon, naisip ni Marco na bumalik sa klab na pinapasukan ni Mimi. Magpapalipas muna siya ng mga sandali, baka sakaling gagaan ang mga saloobin na gumugulo ngayon sa kanyang isipan. “O, ano ang problema?” salubong ni Mimi nang makita siya. “Anong problema?” tugon niya. “Alam ko namang kapag pumarito ka’y me pinapasan kang problema.” “Meron nga, pero di ko masasabi sa ‘yo.” “Bahala ka. Hindi naman ang problema mo ang kelangan ko. Ikaw ang kelangan ko.”

Hinila siya ni Mimi at umupo sila sa isang bakanteng mesa. Pumalakpak si Mimi at kaagad na lumapit ang isang waiter.

“Beer at ladies drink,” sabi ni Mimi sa waiter. “Alam mo na ang brand ko ano?” sambit niya. “Siyempre naman. Alam ko, ayaw mong uminom ng matapang na inumin. Gaya nga ng whisky at brandy. Takot kang malasing.” “Bakit matatakot akong malasing?” “Siyempre, kapag nalasing ka, dapat lang na samahan kitang umuwi. Ngunit sa halip na sa bahay ninyo tayo paparoon, magisnan mo na lang na sa isang silid ng motel tayo at nakahiga sa kama. Di ba iyan ang kinatatakutan mong mangyari, di ba?”

“Pilya! Grabe ka naman kung magpantasya. Parang kapatid lang kita.”

“Parang lang, di totoo. Kaya p’wedeng mangyari ang kinatatakutan mo. Hik! Hik! Hik!” “Nasabi ko na sa ‘yo na me girlfriend na ako.” “E, ano kung me girlfriend ka na? P’wede naman ang panakaw-nakaw lang. Mas lalong masarap nga ang panakawnakaw na ligaya. May suspense. Hik! Hik! Hik!”

“Kung ano-ano ang pumapasok sa kokote mo. Sige, kumuha ka pa ng ladies mo. Paldo ako ngayon. Parang imbudo kasi ‘yang bunganga mo.” “Naks! Tingnan natin kong sino ang malasing.” Lumipas ang mga sandali. Ang isang boteng beer para sa kanya’y nadagdagan ng lima. Ganoon din ang ladies ni Mimi.

Ilang saglit pa, tumayo si Mimi at nagpaalam upang pumunta sa CR.

Nang dumaan si Mimi sa counter, nagulat siya nang may kumapit sa kanyang braso.

“Miss, sandali lang. Ano mo ‘yong ka-table mo?” tanong ng isang lalaking nakaupo sa counter at umiinom sa basong may brandy.

“A, si Marco. Friend ko lang at customer,” nagtatakang tugon ni Mimi.

“Kilala ko ‘yang si Marco. Magkaibigan kami. Pero matagal nang di kami nagkita. Nais ko sanang paliligayahin mo siya, pero huwag mong sabihing naririto ako.” “Oh? Anong ibig mong sabihin ng paliligayahin?” “Alam mo, birthday ko ngayon. Gusto kong maging masaya ‘yang kaibigan ko ngayong birthday ko. Babayaran naman kita.”

Dumukot sa kanyang bulsa ang lalaki. Makapal na perang papel ang dinukot. Iniabot ito kay Mimi na tinanggap naman ng dalaga.

“Sa ‘yo na lahat ‘yan kapag napaligaya mo ang aking kaibigan.”

Alam ni Mimi na malaking halaga ang kanyang hawak. Marahil di bababa sa dalawampung libong piso.

“Sino ka ba? Ano ang pangalan mo?” tanong ni Mimi sa lalaki.

“Ako si Luis.”

(ITUTULOY)

“Nabalitaan kong magkasintahan na kayo ng aking anak, si Zenaida,” walang kagatol-gatol na umpisa ng mayamang donya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.