Ice Ice Baby

Liwayway - - News - Ariel Sotelo Tabag

YELO!

Iyon ang pakiramdam ko sa isang bagay na umalimpungat sa akin nang madikit ito sa aking braso. Napakalamig na parang yelo na kalalabas lamang mula sa freezer. Kaagad ko namang natuklasan na ang ‘isang bagay’ na ito ay braso rin ng isang babae na mukhang kabebeinte anyos lamang, nakasuot ng maong na pantalon at blusang mapusyaw na asul. Hindi ko na nagawa pang isipin kung ano ang posibleng trabaho niya sapagkat ang lamig na dumikit sa braso ko, unti-unting gumapang sa aking balat at sumunson sa aking mga kalamnan at ugat na nagdulot ng lamig sa aking dibdib, utak at kalooblooban. Ano pa’t unti-unting naglaho ang init na dahilan ng aking pagkaidlip. Pasalamat ako’t nawala na ang init na ipinaso ng alas otsong araw at ang salimuot na umikotikot sa loob ng FX biyaheng SM Fairview-Buendia. Sa kabilang banda, nahiwagaan ako sapagkat noon lamang ako nakasagi ng isang nilalang na napakalamig ang braso.

Naalala ko tuloy ang isang kantang Ilokano: “Kahit isa na akong malamig na bangkay/ ‘Wag mong iisiping kita’y makalilimutan/ Hanggang sa aking huling hantungan.” Subalit natigilan din ako sa kanta nang mapagtanto kong hindi pa naman ako nakasasagi ng isang malamig na bangkay o ng kahit basta bangkay ng tao. Maaaring totoong malamig nga ang bangkay dahil wala na ang dugong naghahatid ng init sa katawan. Pero sa mga sandaling iyon, hindi pa naman ako nakakahawak ng malamig na bangkay kung kaya, hindi akma na magkasya ako sa ganoong paghahambing. Karne ng hayop o kaya isda, ganoon, kapag namamalengke ako. Pero, siyempre, iyong nakalagay sa styro box na punumpuno ng yelo.

Muli kong naalala ang yelo na kalalabas sa freezer. O iyong bagong gadgad na yelo para sa haluhalo. Hindi ko matagalan na hawakan ang yelo. Ilang segundo lamang, bibitawan

Lubha siyang nahiwagaan dahil sa unang pagkakataon, nakasagi siya ng isang nilalang na napakalamig ang braso…

ko na. Kung kaya manghang-mangha ako kay Jack sa Titanic na ginampanan ni Leonardo DiCaprio dahil kahit papaano, nabigkas pa rin niya ang natatanging pag-ibig kay Rose na ginampanan naman ni Kate Winslet bago siya malagutan ng hininga dahil sa pagkakababad sa nagyeyelong karagatan na tiyak, malayong mas matagal kaysa ilang segundo lamang na kaya kong paghawak ng yelo. Kung ‘ice tubig’ (iyong malamig na tubig na nakalagay sa supot na plastik), mas kaya kong hawakan, kapag may bibili noon ng hanggang apat sa sari-sari store ng nanay ko sa Cagayan. Sumiksik tuloy sa isipan ko kung sino ang unang nakaisip sa katawagan nitong ‘ice tubig’ imbes na malamig na tubig lang sana, o para mas sosyal, cold water.

Sa kabila ng mga naisip kong ito, sinundot ng naramdaman kong lamig ang kaloob-looban ng aking ilong at bumalik na naman ang pagkahiwaga ko sa babae. Oo at hindi lamang lamig ng cold water ang kaniyang braso kundi yelo. Ice. Ice ice

baby! Bigla ko tuloy naalala ang kanta ni Vanilla Ice na sumikat nang bagong salta ako sa hayskul. Ice ice baby! Ten-ten-ten-ten tenenenten! Ice ice baby Vanilla, Ice ice baby Vanilla!

Nasaan na kaya ang rapper na iyon? One-hit wonder? Wala pa sa kalingkingan nina Eminem o Tupac, o ni Jay Z na asawa ni Beyonce, o ng pasaway na Kanye West.

Ice ice baby Vanilla, Ice ice baby Vanilla! Pero mukhang itong si Vanilla Ice naman ang naka-inspire kay Francis Magalona dahil ilang buwan lamang na sumikat ang

Ice Ice Baby, sumikat na rin ang Mga Kababayan Ko na kung hindi dahil sa kantang ito, malamang na ang Humanap Ka Ng Panget ni Andrew E. ang ‘pambansang awit’ ng mga rapper noong Dekada ’90 sa Pilipinas. Bakit ko naman naisipang na-inspire kay Vanilla Ice si Francis Magalona na naging Francis M na naging Kiko? May kanta rin kasi siyang tungkol sa lamig o ginaw, Cold Summer Nights.

Teka, may malamig bang gabi sa panahon ng tag-araw sa Pilipinas? Wala. Maliban kung may aircon ang kuwarto mo. O kung nasa mamahalin kang motel, iyong hindi electric fan o isang daan ang isang oras. Naalala ko tuloy ang mga dinala ko sa motel na mga babae: syota sa ilang linggo o buwan, natisod sa beerhouse, o katrabahong dalawa o tatlo siguro.

Patagilid kong tiningnan ang babae. Maputi. Balingkinitan. Kung gawing batayan ang Lucky Nine na nuwebe ang numero para sa pinakamaganda, puwede sigurong singko— puwedeng i-good kung may tapang kang sindakin ang bangka.

Nang matanaw ko ang nunal sa itaas ng kaliwang bahagi ng kaniyang labi, nakaramdam ako ng kakaiba. Gaya ng karaniwan kong ginagawa kapag napatabi sa babae— tinedyer hanggang humigit-kumulang singkuwenta anyos, dalaga man, single mom, may asawa o matandang dalaga— tinitigan ko ang puno ng kaliwang tainga ng babae pababa sa leeg na ang mga mata ko, mistulang mga labi ko, nilaro ang nunal doon, saka bumaba sa may balikat, saka sa dibdib niya. Pero wala ang inaasahan kong kagaya ng mga nauna nang nakatabi ko sa mga sasakyan, na pagtindig ng kaniyang mga balahibo at paghinga niya nang malalim. Lalong naging parang manekin ang hitsura na bagaman hindi nakatunganga, parang walang balintataw ang mga matang nakatuon sa hindi ko matiyak na lugar subalit natitiyak kong hindi sa harapan niya. Nahimasmasan ako. Upang maaliw ko ang aking sarili sa ganoong kalagayan, binuksan ko ang aking selpon. Sa Facebook. Lalong sumiksik ang ginaw sa dibdib ko nang tumambad ang status ni Agnes na kakklase ko rati sa hayskul: Setyembre pero parang Abril. Para tayong sinasangag!

Dahil sa global warming, bes, ikokomento ko sana. Pero hindi ko na itinuloy. Baka ila-like na naman ni Aurelio na asawa ni Agnes ang komento ko. Hindi naman ako nakatitiyak na may gustong ipabatid itong si Aurelio na matalik kong

kaibigan at kaklase rin sa hayskul. Napansin ko lang na tuwing nagkokomento ako sa post ni Agnes, nila-like niya.

Pero totoo ang sabi ni Agnes na parang Abril sa init. At maaaring dahil sa global warming ang matinding init. Noong bata pa kami, kung ganitong Setyembre at simula ng mga ‘ber months’, ang sarap kantahin ang mga kanta ni Jose Mari Chan at ang “Malamig ang simoy ng hangin...”

Ni-klik ko ang profile photo ni Agnes at tinitigan ko. Nagising sa kaibuturan ko ang nakatagong pag-ibig na kaagad namang binuno ng pagkakonsiyensiya na matalik kong kaibigan ang asawa niya. Tila narinig ko rin ang Pers Lab Vina Morales version: “Tuwing kita’y nakikita/ Ako’y natutunaw/ Parang ice cream na bilad/ Sa ilalim ng araw.”

Halos mangaligkig na ako. Kung bakit kasi hindi na talaga ako naka-move on kay Agnes. Kung gaano kasi katapang si Aurelio na nagtapat ng kaniyang pag-ibig, ganoon naman katindi ang pagkatorpe ko. Hindi ko kailanman ipinagtapat ang nararamdaman ko kay Agnes. Dala marahil ng kaagad niyang pagsagot kay Aurelio at kahit gaano kinokontra ng isip ko, naramdaman kong talagang mahal at gusto rin niya si Aurelio. Kung bakit nga naman. Totoo yata ang sabi nilang ‘love is blind’. Kapareho ko namang walang maipagmamalaking hitsura si Aurelio. Samantalang si Agnes, kung Lucky Nine sana, mga nasa otso o siyete, panatag kang mag-good, at least, sa standard ng mga dalagang Ilokana sa probinsiya.

Ngayon, pagkalipas ng ilang taon, may binatilyo at dalagita na sina Aurelio at Agnes, hindi pa ako nakasusumpong ng gusto kong makasama habambuhay. Nababanas na nga ako sa paulitulit na pangungulit ng mga magulang ko na gustong-gusto na raw nilang magkaapo sa akin. Madalas ko na ngang ituro ang kapatid kong babae at lalaki sabay sabing: Gawin n’yo silang paktorya ng bata!

KAAGAD kong nalaman ang sagot sa hiwaga ng malamig na katawan ng babae na nakasabay ko sa FX pagkatapos ng una naming pagniniig.

Sa naturang biyahe namin sa FX, nakisuyo akong iabot niya ang pamasahe ko na pinili kong isang daang papel para may sukli. Nagkunwari akong abala sa selpon ko. Nang iabot niya ang sukli, isinama kong hawakan ang mga malamig niyang daliri saka ko sinabi: Salamat.

Gumalaw ang mga labi niya pero hindi ko matiyak kong ngumiti o sumimangot. Naghahanap ako ng kakapanayamin ko sanang young

professional, sabi ko at kaagad ko namang ipinakita ang ID ko bilang empleyado ng Philippine Bulletin Publishing Corp. Isa akong ‘layout artist’ ng Barako, ang Tagalog na tabloid ng naturang kompanya subalit sa pagkakataong iyon, gusto kong gamitin ang kompanya para maiskoran ko ang babae. Dahil ngayon lang tayo nagkakilala, kunin mo itong

calling card ko, sabi ko. Tinanggap naman niya. Pero hindi ako nagkasya sa ganoon. Kinuha ko ang numero ng kaniyang selpon.

Nang makarating ako sa opisina, kaagad kong tinawagan. Kunwari, nagtanong-tanong naman ako. Mabuti at sa halos dalawampung taon ko na sa trabaho, kabisado ko na ang mga posibleng tanong para sa isang sanaysay.

At nagkita kami kinabukasan. Na humantong sa pagniniig namin— sa mismong inuupahan niyang kuwarto sa Balic-balic, Sampaloc.

Pinagtiyagaan kong hinalik-halikan ang mga malamig niyang labi, ang mga malamig niyang lambi at leeg, ang mga malamig na korona sa kaniyang mga dibdib. Mabuti at naaala kong patayin ang ilaw ng kuwarto. Nang balikan ko siyang nakahiga sa kama, tindig na tindig na ang kaniyang dibdib.

Yelo! Iyon ang pakiramdam ko sa isang bagay na umalimpungat sa akin nang madikit ito sa aking braso. Napakalamig na parang yelo na kalalabas lamang mula sa freezer.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.