Liwayway

May Batang Alien Sa Aming Klase

- KC Daniel Inventor

MAY bago kaming kaklase. Ang sabi ni Titser, galing daw siya sa Maynila. Ang pangalan daw niya ay Hiro. Bagong lipat lang daw sila sa probinsiya namin kaya wala pa siyang kakilala. Kaibiganin daw namin siya para maging masaya ang pagtira at pag-aaral niya rito.

Pero lahat kami sa klase ay iniiwasan siya. Marami kasing kakaiba sa kanya.

Kakaiba ang tunog ng pangalan niya sa tuwing isaisa kaming tinatawag ni Titser para sa aming attendance. Malayong-malayo ang tunog ng pangalang Hiro sa mga pangalan naming Albert, Cristina, Fe, Daniel, at Gabriel.

Kakaiba ang suot niyang damit sa eskuwela. Palagi siyang nakasuot ng puting polo at asul na pantalon at nakasapato­s pa. Hindi gaya naming lahat na iba-iba ang suot na t-shirt at shorts at nakatsinel­as lang.

Kakaiba ang mga gamit niya sa eskuwela. Malaki ang pasan-pasan niyang bag at napakarami nitong bulsa. Kapag binubuksan niya ito, marami ring kakaibang bagay ang lumalabas doon. Kakaiba rin ang hitsura ng lapis, papel, notebook, ruler, at pambura niya.

Kakaiba ang baon niya tuwing recess. Laging nakabalot ang pagkain niyang kakaiba ang hitsura at amoy sa kumikinang na pambalot. Minsan naman ay nakalagay ang pagkain niyang mukhang nakakatako­t kainin, sa kahong plastik. Mas masarap pa rin ang binibili naming turon at palamig sa aming canteen.

Kakaiba rin ang gusto niyang gawin sa tuwing oras naming maglaro. Binubuksan niya ang bag niyang pagkalaki-laki at may nilalabas siyang mga libro at komiks. Sinusuot niya ang makapal na makapal niyang salamin at tahimik siyang nagbabasa sa upuan sa ilalim ng punong mangga, habang kami ay abalang-abala sa paglalaro ng sipa,

Kailangan niyang marinig kung kakaiba ang wika ng kaklase niyang alien. Kailangan niyang makita ang berde nitong mukha at ang malalaki nitong mata kapag hinubad na nito ang maskara…

habulan, Chinese garter, at nanay-tatay.

Kaya sa palagay ko ay hindi magkakaroo­n ng kaibigan si Hiro sa aming paaralan. Naiiba kasi siya sa lahat ng bata sa paaralan namin.

Isang araw, pinalipat siya ni Titser ng upuan sa tabi ko. Nalaman kasi ni Titser na inaaway at tinutukso ni Elmer si Hiro. Si Elmer ang pinakamala­ki sa aming lahat sa klase. Siya rin ang siga sa aming klase. Tinatawag niyang alien si Hiro dahil parang galing daw siya sa ibang planeta.

“Hoy, alien! Umuwi ka na sa planeto niyo! Hindi ka bagay dito sa eskuwelaha­n namin!” narinig kong sigaw ni Elmer sa kanya noong nakaraang araw, pero hindi siya pinansin ni Hiro.

Pagkatapos kausapin ni Titser si Elmer ay nagturo na siya sa amin. Habang nagtuturo si Titser ay hindi ko mapigilan ang sarili kong sumulyap kay Hiro. Naaalala ko pa rin ang sinabi ni Elmer. Kaya siguro ibang-iba si Hiro ay dahil isa talaga siyang alien na nagpapangg­ap na bata.

Pero bakit kaya siya narito sa paaralan namin? Baka katulad siya ng mga alien na napapanood ko sa pelikula. Sa umpisa ay mabait siya pero sa huli ay kakainin niya kami. O baka naman hihigupin kami pataas ng spaceship niyang hugis plato at dadalhin sa planeta niyang naaaaaapak­alayo!

Nang mag-uwian ay sinundan ko si Hiro pauwi sa bahay nila. Gusto ko kasing malaman kung alien nga ba talaga siya.

Sigurado akong pagdating niya ay sasalubung­in siya ng nanay niya. Kailangan kong marinig kung kakaiba ang wika nila. Pagbihis niya, kailangan kong makita ang berde niyang mukha at ang malalaki niyang mata kapag hinubad na niya ang maskara niya. Kapag kakain na sila, kailangan kong makita kung tao ang hapunan nila.

Nang mag-sara ang pintuan nila ay dali-dali akong tumakbo sa harap niyon at idinikit ang tainga ko roon. Wala akong narinig na kakaibang wika habang nag-uusap sila ng nanay niya, pero nagulat ako nang marinig ko siyang umiiyak.

Nang marinig ko ang mga sinabi ni Hiro sa kanyang nanay ay malungkot akong umuwi sa amin.

Kinabukasa­n, ako ang pinakaunan­g dumating sa eskuwelaha­n. Hinintay kong dumating si Hiro dahil gusto ko siyang batiin ng magandang umaga. Gusto ko siyang yayaing sumabay sa akin sa recess. Gusto ko rin siyang isali sa paglalaro namin. Pero mula nang mag-umpisa ang klase, hanggang mag-uwian ay hindi dumating si Hiro.

Naalala ko ang sinabi niya sa nanay niya kahapon na ayaw na niyang pumasok kahit kailan, wala raw kasing gustong makipagkai­bigan sa kanya at tinutukso siyang alien sa eskuwelaha­n. Baka tinotoo niya ang sinabi niya kaya hindi na siya pumasok ngayon.

Mabuti na lang at may naisip akong ideya! Bago ako umuwi sa amin ay dumaan muna ako sa bahay nila. Napakabait ng nanay niya sa akin. Pinapasok niya kaagad ako nang sabihin kong kaklase ako ni Hiro at mayroon akong sasabihin sa kanyang mahalaga. Pinaupo niya ako sa sala at binigyan ng juice.

Habang hinihintay ko si Hiro, napansin kong wala namang kakaiba sa loob ng bahay nila. Hindi kakaiba ang sala nila. Hindi kakaiba ang sofa nila. Hindi kakaiba ang mesa nila. Hindi kakaiba ang orasan nila sa dingding. Hindi kakaiba ang kurtina nila. Hindi kakaiba ang baso nila. At wala ring kakaiba sa lasa ng juice nila.

Gulat na gulat si Hiro nang makita ako sa kanilang sala. Ngumiti ako sa kanya at inilabas ang notebook ko.

“Kopyahin mo na ang assignment natin para makapagpas­a ka bukas, Hiro,” ang sabi ko sa kanya.

Dali-dali niyang kinuha ang kanyang notebook at lapis na hindi na ngayon kakaiba sa paningin ko, at kinopya ang nakasulat sa notebook ko. “Huwag kang mali-late bukas, a. Ayaw ni Titser nang nali

late,” ang payo ko sa kanya, at umuwi na ako pagkatapos kong magpasalam­at sa nanay niya.

Kinabukasa­n ay maaga ring pumasok si Hiro. Binati namin ng magandang araw ang isa’t isa. Pareho kaming nakakuha ng mataas na iskor sa assignment. Sabay kaming nag-recess. Kumain siya ng turon at kumain din ako ng baon niyang tinapay na may masarap na palaman. Sinali ko siya sa habulan. Pinahiram niya ako ng mga libro at komiks niya. Araw-araw na naming ginagawa ang mga iyon. Tuwangtuwa si Titser nang makitang may kaibigan na si Hiro Takang-taka naman ang mga kaklase namin habang pinanonood kami. Tinatawag na rin akong alien ni Elmer, pero ayos lang. Alam naman naming hindi iyon totoo.

Tuwing Sabado at Linggo, pagkatapos naming tumulong sa mga gawaing-bahay at gawin ang mga assignment namin ay nagpapaala­m kaming maliligo at mamimingwi­t sa ilog. Minsan naman ay nasa bahay lang kami nina Hiro at nagbabasa, naglalaro ng chess, o hindi kaya ay ng video game.

Naging matalik kaming magkaibiga­n ni Hiro simula noon. Hindi nagtagal ay nasanay na kami sa tunog ng pangalan niya. Hindi na rin kakaiba ang tingin ng mga kaklase namin sa kanya. Nagkaroon na rin siya ng iba pang mga kaibigan sa aming eskuwelaha­n. Kahit si Elmer ay bumait na rin at naging kaibigan na namin. Tumigil na siya sa pagtawag sa amin ng alien.

Mabuti na lang at pinuntahan ko siya noon para ipakopya ang assignment namin, kaya pumasok siya kinabukasa­n at hindi na lumiban kahit kailan. Kung hindi ko siguro ginawa iyon, hindi kami magiging matalik na magkaibiga­n ngayon.

Nang sumunod na taon ay may bago na namn kaming kaklase. Ang sabi ni Titser, galing daw siya sa Cebu. Ang pangalan daw niya ay Chuck. Bagong lipat lang daw sila sa lugar namin kaya wala pa siyang kakilala. Kaibiganin daw namin siya para maging masaya ang pagtira at pag-aaral niya rito.

Kakaibang bata si Chuck. Kakaiba ang suot niyang damit. Kakaiba ang mga gamit niya. Para rin siyang si Hiro noong bagong lipat lang siya rito.

“Chuck, dito ka tumabi sa amin,” sabay naming tawag ni Hiro sa kanya.

Magkakaroo­n na naman kami ng bagong kaibigan ni Hiro. Lalong magiging masaya ang buong taon namin sa eskuwelaha­n!

 ??  ?? May bago kaming kaklase. Ang sabi ni Titser, galing daw siya sa Maynila. Ang pangalan daw niya ay Hiro. Bagong lipat lang daw sila sa probinsiya namin kaya wala pa siyang kakilala.
May bago kaming kaklase. Ang sabi ni Titser, galing daw siya sa Maynila. Ang pangalan daw niya ay Hiro. Bagong lipat lang daw sila sa probinsiya namin kaya wala pa siyang kakilala.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines