Bakit Di Madaling Iwan Ang Ating Comfort Zone?
TANGGAPIN man natin o hindi, may kanya-kanya tayong comfort zone na sa wari’y di maiwan-iwan sa ating buhay. Ang comfort zone na ito ay iyong isang bagay, kalagayan, estado o gawaing mahirap nang iwan at ihiwalay sa ating buhay bagama’t hinihingi ng panahon at pagkakataon. Tila nakadikit ito sa ating puso at isipan na umaapekto sa ating pagpapasiya o pagdedesisyon sa mga issues at concerns na may kaugnayan sa mga bagay-bagay na dumarating sa ating buhay, na may kaugnayan sa sarili, sa ibang tao, sa pamilya at trabaho. Mangyari’y rito nakasalalay ang ating kasiyahan, ng ating tagumpay, ng ating kinabukasan.
Ngunit may pagkakataon na ayaw natin tanggapin o yakapin ang mga pagbabagong kasama sa pag-iwan ng ating comfort
zone. Halimbawa’y ang isang promosyong kakatok sa ating pintuan bilang empleyado ng isang kompanya. Kung ito’y nangangahulugan ng paglayo sa mga kapamilya at kaibigan, may posibilidad na mag-isip tayo nang malalim. Kung minsan kasi, ito’y humihingi rin ng posibilidad na isasama ang buong pamilya sa pook na pupuntahan. Bagay na imposibleng mangyari kung ang kahulugan niyon ay ang paglipat ng matitirhan, paaralan ng mga anak na nag-aaral, at ng mga tao sa komunidad kung saan ibayong adjustment ang kailangan.
Kung ayaw ng kinauukulan ang pagbabagong makakasalamuha niya sa kanyang bagong daigdig, tatanggi na lang siya sa kaway ng promosyon. A, ayaw niyang iwan ang kanyang comfort zone!
Sa tingin ng marami, mahirap o di madaling iwan ng kinauukulan ang kanyang comfort zone dahil sa ilang kadahilanan. Una, ayaw niyang iwan ang kanyang nakasanayan na, ang kanyang nakagawian at nakahiyangan na niya ng matagal nang panahon. Ayaw niyang iwan ang pook at ng mga taong malapit sa kanyang puso at bahagi na ng kanyang buhay. Pook at mga taong naging bahagi na ng kanyang mga pangarap at hinahabing kinabukasan.
Pangalawa, di madaling tanggapin ang mga pagbabagong hatid ng pag-iwan niya sa kanyang comfort zone. Na natural o karaniwan na lang sa kanyang pang-araw-araw na ginagawa lalo’t iisiping ayaw ng tao ang pagbabagong magpapanibago sa takbo ng kanyang buhay.
Pangatlo, nananalaytay sa kanyang dugo ang kutltura at kaugalian ng mga Pilipino, iyong “close family ties” na hangga’t maaari’y ayaw nilang humiwalay sa kanilang pamilya, sa itay at inay, sa kuya at ate, sa mga lolo at lola sukdulang isakripisyo nila ang higit na magandang kinabukasan. Sa ngayon, marami na ring sumasalunga sa kulturang ito, lalo na ang mga OFW, dahil sa matinding kahirapan at ng pagnanasang maiangat din naman ang kalagayan ng kanilang buhay. Ibig sabihin nito, tinitiis na rin nilang mapalayo sa mga mahal sa buhay at ng kanilang comfort zones!
Pang-apat, o ang panghuli, ayaw ng tao na mahirapan pa, pagkat sa karaniwang tingin niya sa pag-iwan sa kanyang
comfort zone, ito’y maghahatid lamang ng mga discomfort, karagdagang pasanin na aagaw sa katiwasayan ng kanyang kalooban, at ng kasiyahang hinahanap sa tanang buhay niya.
Ayaw niyang pumasok sa isang kalagayang di niya tiyak ang kanyang kahihinatnan. Gusto muna niyang makaseguro na ang paglisan o pag-iwan niya sa kanyang comfort zone ay maghahatid naman ng mga panibago at mas mainam, mas magandang comfort zone para sa kanya at ng pamilya sa hinaharap. Gusto niyang isipin na ang paghihirap o discomfort na maaaring ibigay ng pag-iwan niya sa kanyang comfort
zone ay isang moog o hagdanan na maghahatid sa kanya ng kanyang mithing tagumpay sa hinaharap. Marahil sa una o sa umpisa lang siya mahihirapang mag-adjust sa kanyang bagong daigdig. Pasasaan ba’t matututo rin siyang mag-adjust at iwan ang kanyang comfort zone, na ang pangunahing hakbang ay ang pagbubukas niya sa kanyang kalooban na tanggapin ang mga pagsubok at hamong hatid ng kanyang bagong daigdig para sa maningning na kinabukasan, di lamang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa kanyang mga mahal sa buhay at ng lipunang kanyang ginagalawan.