Bakit Kaya Dalawa Pa Lang Ang Pilipinong Santo?
SA dinami-dami ng mga santong kanonisado na idineklara ng mga Papa, bakit kaya dalawa pa lang ang santong Pilipino – sina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod? Alam ba ninyong mahigit sa 1,375 santo ang kinanonisa nina Pope John Paul II, Pope Benedict XVI (ngayo’y Pope Emeritus), at Pope Francis simula pa noong 1588 nang itatag ang Sacred Congregation for Rites (ngayo’y Congregation
for the Causes of the Saints)? At alam ba ninyong mahigit sa 848 santo na ang kinanonisa ni Pope Francis? Pinakamaraming santo ang kinanonisa ni Pope John Paul II (na isa ring santo) at mas marami ito kaysa sa bilang ng santong idineklarang kanonisado sa nakaraang 500 taon!
Ayon kay Kathleen Manning sa kanyang artikulong How many saints are there? sa magasing U.S. Catholic, hindi posibleng mabilang ang dami ng santong kinanonisa ng Simbahang Katolika. Sapagkat, aniya, daan-daang santo ang ipinagdakila ng mga unang Kristiyano. “Noong unang 1,000 taon ng Kristiyanismo, ipinoproklama ang mga santo batay sa hiling ng publiko. Kaunti lamang sa mga kuwento tungkol sa mga santong ito ay may historical evidence, ayon sa mga iskolar noong ika-17 at ika-18 siglo. Ang mga buhay nina St. George, St. Valentine at St. Christopher ay pawang batay lamang sa alamat bago pa dumating si Kristo. Ngunit sa estima ng Simbahan, mayroon nang mahigit sa 10,000 kanonisandong santo,” aniya.
Ang unang tanong: bakit kaya napakaraming santo ang idineklara ni Pope John Paul, halimbawa, noong panahon ng kanyang panunungkulan? Anong mensahe ang ibig niyang ipahatid? Ayon sa mga teologo, ibig ipakita ni John Paul II sa buong mundo na sinuman ay maaaring maging santo! Anila’y ang pagiging santo ay hindi isang bagay na nakalaan lamang para sa mga pari, madre, ngunit kasama rin dito ang mga laiko, mga ina, mga ama, mga walang asawa, ang matatanda at kabataan: lahat sila’y maaaring maging banal.
Ayon sa isang artikulong base sa isang interview kay Cardinal Saraiva Martins sa Zenit Daily Dispatch, ang dahilan nito’y ibig iparating sa buong mundo ni Pope John Paul II na ang kabanalan ang siyang mahalagang sangkap ng buhay ng Simbahan at upang ipakita ang iba’t ibang halimbawa ng kabanalan sa lahat ng Kristiyano.
Ang ikalawang tanong: bakit sa halos 500 taon ng pagiging Kristiyano ng Pilipinas, dalawa pa lamang na Pilipino ang idineklarang santo? Hindi ba’t ang Cebu ang tinatawag na “cradle of Christianity”? Hindi ba’t ang Pilipinas ay isa sa dalawang Kristiyanong bansa sa Asya (ang isa’y ang East Timor)? Ngunit nasaan ang bunga ng gayong mga pamosong bansag?
Totoong ang ating malalaking katedral at simbahan at ang magagandang altar ay palatandaan ng makabagong kultura at sining, ngunit hindi nito ginagarantiya ang kabanalan ng mga sumasamba. Kung ito’y totoo, napakarami sanang santong Pilipino! Pero ang mismong tao, at hindi mga istraktura, ang tinatawag para maging banal; ang tao ang siyang binibigyan ng “halo.” Ang produkto ng kanyang malikhaing isip at mga kamay ay pawang mga naglalahong palamuti ng relihiyon!
Kung babalikan natin ang dami ng santong kinanonisa ni Pope John Paul II, maaalaalang nang bumisita siya sa Seoul, Korea noong 1984, idineklara niyang santo ang 103 martir, kung saan 93 sa mga ito ay Koreano. Ang 47 sa kanila’y binubuo ng 47 babae, 11 pari, at ang natitira’y mga opisyal ng gobyerno at sundalo. At kung iisipin natin, Buddhism ang pangunahing relihiyon sa Korea!
Tunghayan din ito: noong 1988, 117 Vietnamese martyrs ang kinanonisa ni Pope John Paul II matapos silang ideklarang beato (blessed) nina Pope Leo XII noong 1900, Pope Pius X noong 1906, Pope Pius X noong 1909, at Pope Pius XII noong 1951. Labimpitong Hapones na kasama sa tinatawag na 16 martyrs
of Nagasaki (sapagkat ipinako sila sa krus noong Pebrero 5, 1597 dahil sa ayaw nilang itakwil ang pagiging Kristiyano) ang idineklarang santo ni Pope John Paul II noong 1987. (Kabilang sa mga martir na ito si San Lorenzo Ruiz). Ngunit hindi ba isang
predominantly Buddhist na bansa ang Hapon? Sa kabilang dako, ang Pilipinas ay isang predominantly
Catholic na bansa! Walang maipagmamalaki ang Vietnam, Korea at Japan na pinakamatandang simbahan, pinakamalaking parochial
school, pinakamatandang unibersidad na Katoliko, pinakamaraming religious congregations, lay organizations,o malawakang debosyon kay Jesus, Maria at mga santo!
Lahat ng paraang isinusulong ng Simbahan para sa kabanalan ay nasa mga kamay ng mga Pilipino – dito sa Pilipinas! Dahil ba Kristiyano lamang tayo, nagsisimba at tinutupad ang ating religious duties kapag maganda ang takbo ng buhay natin? Dahil ba takot tayong magsakripisyo kahit na sa pagsisimba? (Makikita ito sa dami ng kotseng nakaparada sa parking lot ng mga patyo ng simbahan. Sa halip na maglakad o mag-jeep, nanaisin nating sumakay sa ating kotse!)
Bakit dalawa pa lamang ang santong Pilipino? Dahil ba puro salita lamang tayo? Itinuturo nating pasanin natin ang ating krus, pero naghahanap tayo ng mga kumpesyonaryong air-conditioned at nagdiriwang tayo sa pamamagitan ng maluluhong handaan!
Hindi kaya mas maraming nangangaral kaysa gumagawa? Totoong mas maraming martir na Vietnamese, Koreano at Hapon ang idineklarang santo. Ngunit maraming ruta sa kabanalan maliban sa pagiging martir. Nasisiguro nating hindi mabibilang ang dami ng Pilipinong bayani ang nararapat na ideklarang santo na may maliit at malaking na titik “s” – ang mga babaeng namatay sa pagtatanggol sa sariling puri, ang mga Pilipinong nagbuwis ng buhay para itaguyod ang kasarinlan at kapayapaan, ang mga taong nagdanas ng torture at pinatay upang ipagtanggol ang sarili at kanilang ari-arian laban sa mga umaabuso sa kanilang karapatan. Hindi ba’t nagbuwis ng buhay si Ninoy Aquino para ipaglaban ang kapayapaan at pagkakapatiran laban sa isang diktadurya?
Ipinagpapalagay na lamang ba natin na si San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod lamang ang nararapat na ideklarang santo? O hindi kaya wala tayong pakialam na maraming pang Pilipino ang dapat na kanonisahang santo?