Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - News - Kuya Sam

Walang Panahon

DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Merto, 25, isang mekaniko rito sa isang shop sa Bacoor City. Dumulog po ako sa inyo dahil sa problema ko sa pag-ibig. Naging girlfriend ko kasi, Kuya Sam, ang anak ng may-ari ng karinderya na kinakainan naming mga mekaniko na nasa tapat lang ng shop na pinapasukan namin. Nakilala ko siya nang husto dahil bukod sa siya ang laging kahera sa kainan nila, sa shop din namin nagpapagawa sila ng kanilang mga motor at traysikel. Itago na lang natin siya sa pangalang Zia na mas bata sa akin ng tatlong taon. Maganda at mabait si Zia kaya napamahal ako sa kanya. At hindi naglaon, sinagot niya ang panliligaw ko sa kanya.

Wala kaming pasok kapag Linggo kaya palagi kung niyayaya si Zia na lumabas man lang kami kahit minsan. Ngunit ang lagi niyang katwiran sa akin: busy siya sa karinderya nila.

Sa obserbasyon ko, may mga Linggo naman na ang nanay niya ang nagkakahera. Kaya hindi kapani-paniwala na wala siyang time para mag-date man lang kami kahit paminsan-minsan. Ang time lang kasi namin na mag-usap ay iyong kada pananghalian lang. Tinatagalan ko ang pagkain at minsan aabot ito ng isang oras para man lang makausap nang matagal-tagal si Zia. Ngunit nabibitin ako rito. Pigil ang pag-uusap namin dahil siya ang nagmamando sa kaha at marami rin ang kumakain sa karinderya nila tuwing pananghalian.

Kuya Sam, paano ko kaya maka-date man lang si Zia? – MERTO

DEAR MERTO: Maganda rin talaga na makapag-usap kayo ni Zia na kayo-kayo lang. Maaaring sa mall o kaya sa ibang public places man lang katulad ng plasa o mga themed park. Sa ganitong paraan kasi nabubuo ang samahan at dito nahuhubog ang tunay na pag-iibigan dahil dito kayo magkakaalaman ng mga ugali at dito kayo magkakausap nang masinsinan.

Gawin mong kaaya-aya ang iyong sarili, Merto. Baka naman sa tuwing mag-usap kayo, panay grasa ang kamay mo o kaya di ka man lang magbihis ng matino-tinong t-shirt. Oo, alam naman natin ang trabaho ng isang mekaniko. Ngunit kapag kaharap mo ang iyong girlfriend, dapat presentable ka rin. Hindi naman kailangan na magbihis talaga ng todo-todo. Ang ibig ko lang sabihin, iyong kaaya-aya naman. Kumbaga, mamuhunan ka rin ng pogi points, kahit papaano.

Kapag kausap mo o kaharap mo ang iyong sinisinta, package deal ka dapat. Kasama na rito ang iyong pisikal na kahandaan at nakabihis ka ng tama. Kung wala sa hulog ang iyong kaanyuan, sino bang ganadong makipag-date sa iyo? Kung nasa shop ka, oo, maintindihan ko ang ayos mo. Ngunit kapag dyowa mo naman ang kaharap, magbihis ka naman ng maayos-ayos. Insulto kasi sa isang babae kung ang boypren niya ay parang kahuhugot lang sa hukay.

Ganito ang gawin mo: isang pananghalian, pumunta ka sa karinderya nila na nakabihis ng malinis na t-shirt at pantalon. Dapat nakasapatos ka rin. At mabango. Walang grasa sa kamay. Pumorma ka ng kakaiba. Tapos yayain mo siyang mamasyal sa mall. Dapat si Zia ang mamili ng araw. Kung may pasok ka, lumiban ka muna sa trabaho. Subukin mo lang.

Kung pumayag siya, dapat din na magalang ka sa buong duration ng date ninyo. Huwag kang presko. Dapat kalkulado ang mga galaw mo. Iyong normal lang na galaw ngunit may finnese. Si Zia dapat ang mamili ng kainan at siya ang mamili kung saan kayo magpalipas ng oras para mag-usap.

Sana masunod mo ang lahat na payo ko. Kapag ayaw pa rin ni Zia, malamang na tinitingnan ka lang niya bilang isang ordinaryong kostumer sa kanilang karinderya. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.