Kung Dumating Ang Pag-ibig (2)
(IKA-2 NA LABAS)
ASIWA si Joyce. Dalawang araw bago dumating ang Sabado ng pagkikita nila ni Mike, marami na siyang nalilimutan. Nawawala, halimbawa, ang notes na tinipon niya para sa kaniyang research. Kaisa-isa siyang apo kaya hindi siya nakaligtas sa usisa nito. “Bakit nira-ransack mo yata ‘yong file? Ano ba’ng hinahanap mo?” Narinig niya ang katok nito at lagislis ng tsinelas nang pumasok ito sa kuwarto niya. “Research notes ko, Lola. I’m sure dito ko lang iniwan sa ibabaw ng study table ko.”
Lumapit ang matanda sa “study nook” niya sa kanang sulok ng kuwarto. Bahagyang isinara nito ang bintana roon.
“Masyadong malakas ang pasok dito ng hangin,” sabi pa. “Tingnan mo sa sulok-sulok…naiwan mong bukas ang bintana, kaya natural lang na sabukayin ng hangin ang loob ng kuwarto mo!”
Hindi makayuyuko ang kaniyang Lola Trudis. Bahagyang hukot ito at may “dinadamdam” sa may sasapnan. Tinabihan niya ang matanda. Baka malimutan nito ang “kahinaan” ng likod nito at hindi sinasadyang mapayuko.
“Ako na’ng maghahanap, Lola. D’yan lang kayo.” Mabilis na yumuko si Joyce at hinanapan ang sulok-sulok ng kaniyang kuwarto. At nakita niya ang ilang nakasiksik na mga pohas ng papel sa likod ng kurtina ng bintana ng kaniyang kuwarto. “Pinaglaruan” ng bugso ng hangin ang “notes” ng research
paper niya! “Kung ano-ano na yata’ng nasa isip mo. Parang di ka mapalagay nitong ilang araw!”
Naramdaman ni Joyce ang init sa kaniyang mga pisngi. Nangamba siyang baka pamumula sa kaniyang mukha ang magbunyag ng ikinukubli niya sa kaniyang kalooban.
“Isang linggong pinaghirapan kong tipunin ang mga datos na ‘to, Lola. Pag nawala ‘to, ‘sanlinggo na naman uli akong mag-iinterbyu!”
Ngunit nakatingin lang sa kaniya ang Lola Trudis niya. At siya ang nagtatanong sa sarili kung pinaniniwalaan nito ang kaniyang ikinatwiran.
At maging nang araw na papasok na si Joyce sa unibersidad, tinawagang-pansin siya ng kaniyang lola pagbaba niya mula sa ikalawang palapag ng bahay nila. “Oy, Joyce…black ba talaga ‘yang medyas mo?” Napababa ang tingin niya sa kaniyang mga sapatos. Itim at asul ang kaniyang naisuot na medyas. Ngumiti siyang hindi nagpahalatang namangha siya sa narinig.
“Thanks, Lola…’talas pa ng mga mata n’yo!” “Malabo na nang konti, kaya nga concentrated ako sa pagtingin sa mga bagay-bagay. Ayoko namang mapagsabihang careless…di marunong magbihis ang apo ko!”
Nilapitan ni Joyce ang kaniyang Lola Trudis. Hinagkan sa pisngi. “Thanks, Lola. You are my guardian angel!”
Deretso si Joyce sa malaking canteen pagkahatid sa kaniya ng
family driver nila sa unibersidad. Ilang kaklase niya ang naroon at nagbabasahan ng notes na naipon ng mga ito sa kani-kanilang pananaliksik. “Oy, Joyce…nauna na dito si Mike. He’s at the school gates.
Expected niya ang pagdating ng ilang friends niya mula U.P. Inaabangan si Pearl? Hinarang niya sa kaniyang isip ang imahe ng babaeng aktibista kasama ni Mike sa rally. Binabasa na ng isa sa tatlong kaklase niyang babae ang nakalap nitong mga datos .
“Anyway, ‘dami naming nakuhang data sa pataas nang pataas na presyo ng krudo at iba pang produkto ng langis. Idagdag pa ang pagtaas ng taripa ng imported goods, pababain talaga ang margin of profit ng mga negosyo sa mga buwan na susunod. Sabi ni Dr. Crudo, sulatin natin ang senaryo kung paano mapababa ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa local businesses at ang mga estratehiya para di magsara ang mga negosyong may maliliit na puhunan!” paliwanag ni Kimberly.
“May datos na ako d’yan. Klasipikahin natin bago ang ating consultation kay Dr. Crudo,” sabi naman ni Joyce.
“Good idea! ‘Yan nga ang advice ni Mike,” sabi ng kaklase niyang si Ana.
Mayamaya, sumulpot sa canteen si Mike. Disenteng-disente sa tingin kahit kaswal lang ang suot nito. “Nasa nagdadala”, sabi ng isa niyang kaklaseng babae na humahanga sa tingin niya sa binata. Siya agad ang binati nito. “Hi! Joyce…galing ako sa security office. Tiniyak ko lang kung napirmahan ang permit ng pagpasok sa university natin ng mga bisita ko mula sa U.P. Alam mo na naman, mas mahigpit dito sa ating unibersidad sa pagpapasok ng students, lalo pa mula sa state university!”
At umupo si Mike sa silyang katabi ng kaklase niyang si Benny; kaharap naman siya nito. “Okey naman si Lola Trudis?” pangungumusta ni Mike. “Oo naman. Sa totoo, siya pa ang unang nagpakita sa akin ng diyaryo na may picture ng rally ninyo tungkol sa mainit na isyu ngayon.”
“Ang pagbababa sa age nine ng culpability ng isang bata na nakagawa ng krimen tulad ng pagpatay, pagnanakaw, etsetera!” sunggab ni Ana.
“At least, nakatawag-pansin na kami. Sabi nga ng kasama naming si Pearl, ‘wag lang naming tantanan ang kampanya, bibigay ang mga kongresista at pulisya na proponent ng bill na ito sa Lower House!” Si Pearl na naman!
Hindi pa siya nakabubuo ng balute sa dibdib para di talaban ng pagbanggit sa aktibistang babae mula sa U.P. Sumangkot sa usapan nila tungkol sa research si Mike. “Parang wishing for the star ang assignment sa inyo ni Dr. Crudo. Ano ang magagawa ng isang bansang maliit na tulad ng Pilipinas sa diktasyon ng oil producers. Puwede nilang pataasin at pababain ang oil production, ayon sa kanilang gusto. Kahit na ang pinakamabuting anggulo ng teorya sa libro ni Adam Smith, ang ama ng kapitalismo, walang magagawa sa monopolyo ng prodyuser ng langis. Hangga’t hindi pa naiimbento ang alternative fuel—hydrogen o what-not, status quo ang kalagayan ng kalakalan ng langis sa mundo!”
Hindi napansin nina Joyce ang paglapit ng tatlong lalaki at isang babae na pawang kabataan mula sa pinto ng university canteen. Bigla na lamang umupo sa tabi ni Mike ang isang babae na masyadong kaswal ang kasuotan. Sa biglang tingin niya, hindi lulusot ang damit at pantalon nito sa dress code ng ilang Katolikong institusyon. Umupo naman ang tatlong lalaki sa ilang silyang kahilera ng dalawang kaklase niya sa isang mahabang mesang okupado nila.
“Hi! Joyce…kumusta’ng masteral?” anang pinakamatangkad na lalaki sa tatlong magkakasama.
Si Martin. Nadala na ito ni Mike sa kanilang unibersidad at nagkakakilala na sila. Lumapit sa kaniya at kinamayan siya ng bisita.
“Eto…trying hard sa course work ko para makadampot ng mga ideyang baka magamit sa kumpanya ni Mama Lora.”
“Easy, Joyce,” at bumalik na ito sa unang inokupa na upuan. “Walang problem kung enough ang inyong capital at may suppliers kayo ng products direct from the manufacturers. Magiging steady ang flow ng importation ninyo at mane
negotiate ninyo ang mahabang panahon ng pagbabayad ng inyong credit.”
“Sana, ganoong lagi ang situations, Martin,” sagot niyang kinikilala ang sinabi nito.
“O, Mike…ipakilala mo na si Pearl kay Joyce,” baling ni Martin kay Mike.
“Sorry, Joyce,” maagap namang sagot ni Mike. “Ayaw ko lang mag-intrude sa usapan ninyo ni Martin. Marami kang mapupulot sa kaniya dahil finance din ang mina-master niya.”
At bumaling kay Pearl si Mike. Kangina pa nasaklaw ng tingin ni Joyce ang babaeng aktibista. Lampas sa karaniwang modernang Pilipina ang lima’t kalahating tampalakan na taas nito, balingkinitang pangangatawan at bakas sa mga bisig at
kamay nito ang kasanayan sa trabaho. Matigas nang bahagya ang mukha, ngunit madali namang ngumiti ito.
“Pearl, si Joyce. Nasabi ko na sa iyo na undergraduate pa lang kami, kaklase ko na siya. Ngayong masteral na kami, best friend ako at ang aking barkada ng kanilang family!”
Bisita si Pearl, ngunit ito ang tumayo at lumapit kay Joyce. Kinamayan siya.
“Joyce, tama ang description ni Mike sa image mo. What a young gracious lady. And beautiful!”
Nagpasalamat si Joyce. Sinabi niyang noong isang araw lang niya nakita si Pearl sa rally ng grupo nito sa harap gusali ng Department of Justice at ng Kongreso. Hindi niya idinugtong ang pagtutuwang nito at ni Mike sa pagpigil sa streamer na parang gustong tangayin ng hangin nang makulimlim na hapong iyon. Hanggang ngayon, parang sariwa pa ang kurot at bundol ng kung ano sa kaniyang puso.
Ipinakilala rin ni Mike sina Martin at Pearl, kasama ng isa pa sa “barkada” ng mga ito sa mga kasama ni Joyce. Parang nanganino ang kaklase niyang mga babae sa lakas ng personalidad ni Pearl.
“We hope to see you again here, friends,” sabi ng petite nilang kaklaseng si Ana. “Excited kami sa pagbisita sa university namin ng ibang grupo. We can exchange what we have learned from both universities of ours.”
Inalok ni Joyce at ng barkada niya na mag-snack muna ang grupo bago tuluyang tagpuin ang mga kakausapin nito sa kanilang unibersidad.
“D’un na lang sa miting namin,” ani Martin. “Next time, kami ang magpapameryenda sa inyo!” Kinamayan uli sila ng mga bisita mula sa U.P. Sinamahan muna ni Mike si Pearl at ang barkada nito sa opisina ng isa sa mga malaking students’ organization ng unibersidad. Madaling nakabalik ito sa canteen at sila naman ang nagkaroon ng diskusyon tungkol sa ginagawa nilang mga
research paper. “Guys,” sabi ni Mike. “How about presenting research papers not according to the outline provided by Dr. Crudo. Hindi ba maganda na iba’t iba ang findings ng ating papers?”
“Paano gagawin ‘yon?” Si Espie, unang nakilala ni Joyce sa unang araw nila sa masteral.
“Kung ano ang findings ng mga datos na nakuha ninyo... tutulungan ko kayo sa pagbuo ng inyong mga papel,” sabi pa ni Mike.
“Pa-kontrobersiyal tayo?” patawang sagot ni Bernie, na nagging kaklase ni Joyce sa undergraduate course nila.
“Just finding out the truth in research?” usisa ni Bernie. “That’exactly what I mean!” punto ni Mike. Nagkatinginan si Joyce at mga kaklase niya. Nagpaalam si Mike at nagsadya sa pinagdalhan niya sa mga taga-U.P.
“Maybe I am joining them for lunch.”
Para makasama si Pearl at makapag-usap pa ang mga ito? Hindi agad nakabalik si Mike. Nakakain na sila nang sumulpot sa university canteen. Kasama ang mga taga-U.P. At hindi uli nila inaasahan ang sinabi nito ngayon. “Guys, pasok muna kayo sa klase ni Dr. Crudo. Ask questions that may help come up with the possibility of achieving papers that are not according to the common formula in the book or the outline given by Dr. Crudo. Sasamahan ko pa sila
sa kapitbahay nating university. See you uli dito sa canteen. We will have more time for discussion after your class!”
Naisip ni Joyce na parang kinalimutan na ni Mike ang sariling klase sa unibersidad sa araw na iyon!
Pumasok sila sa klase. Ang tatlo niyang kasama ang superactive sa pagtatanong sa propesor nilang si Dr. Crudo. At sa diskusyon, lumitaw na tama si Mike. Isang hamon lang sa kanila ang outline o balangkas na kopya nga lang sa libro. “Research gathers facts…facts establish the truth. Kaya nga sa praktika, that means research, nanggagaling ang mga teorya. Lahat, pinatutunayan muna natin bago tanggaping totoo!” sabi pa ni Dr. Crudo. Nagkatinginan silang magkakaklase. Nagsuro pataas ng hinlalaki si Bernie. Saka nagngitian sila. Para kay Mike ang gesture na iyon ng kaniyang mga kaklase.
TATLONG oras ang naging konsultasyon ng klase kay Dr. Crudo. Nang bumalik sila sa canteen, wala pa si Mike. Huli ito ng isang oras nang dumating.
“Sorry, guys…napasarap ng pag-uusap tungkol sa estratehiya sa patuloy na kampanya para pagtulong sa mga bata. Basta titindigan ng grupo ang batas ngayon sa pagpaparusa sa juvenile crimes…Isinama pa ang review ng iba pang isyu. Pagkatapos namin, may lakad pala sina Martin… mga macho lang, biro pa nila kay Pearl. May kumontak sa kanila kaya magpapagabi na sila sa dalawa pang unibersidad. Kailangang ihatid ko raw si Pearl sa kabilang LRT station para makalipat sa MRT. Kailangan ‘yon for security purposes. Nagdispensa sa akin sina Martin…inihahatid daw nila lagi si Pearl, ngayon lang sila gipit sa situations!” Nagkatinginan ang tatlo niyang kaklase. “Tungkol sa research paper n’yo, naka-encode naman. Bigyan n’yo lang ako ng napag-usapan n’yo sa klase ni Dr. Crudo. Pagpupuyatan ko mamayang gabi. Promise, bibigyan ko kayo ng outline ng research paper ng bawat isa sa inyo. Paki-email lang lahat sa akin. Sorry lang talaga…”
Ano pa ba ng kanilang magagawa? End of conversation, naisip ni Joyce. Humiwalay na ang tatlo niyang kasama. “Ihatid na kita. Taya ako sa Grab!” “Di na kailangan…” Maigting ba ang boses niya? Tinutukoy ni Mike ang ibang klaseng taksi ngayon. Online. Natatawagan at nakapaghahatid, sa pag-aayos ng opisina ng Grab na namamagitan sa member nilang mga sasakyan at ng pasahero. “Napasundo ka sa inyong family driver?” ani Mike. Hindi sana siya magpapasundo. Madali ang kumuha ng Grab kung maaga pa, kung wala pang trapik. Ngunit ngayon, baka pumuti ang kaniyang mga mata sa paghihintay. Baka mag-worry ang kaniyang Lola Trudis. Hindi bale ang Mama Lora niya. Abala ito. Ginagabi, kaya nagpapaabiso sa kanila. “Oo…”wala na siyang masabi kay Mike. “Ihatid na lang kita hanggang parking…” “Salamat.” Hindi na makaila ang hinanakit sa kaniyang boses.
(ITUTULOY)