Soulmates (18)
(IKA-18 NA LABAS)
SI
Lorna ang unang nag-asawa sa kanyang mga kaibigan. “Ikaw, Rowena ang aking
maid of honor at si Sergio ang best man ni Ben,” ang sabi ni Lorna. “Pasensiya na. Una na kami ni Ben sa inyo ni Sergio,” wika pa nito.
“Hoy, Lorna, anong kami ni Sergio?” usig niya rito.
“E, ano?” at pinandilatan siya ng mata ni Lorna. “Kayo ni Joey?”
“O, anong kinalaman ni Joey dito?” tutol niya agad.
“Ay, naku, Rowena, baka tumanda kang dalaga. Ganda mong iyan, sayang…”
“There is a season for everything,” sagot niya. Umungol si Lorna. “Ha, baka mauna pa rin sa iyo si Thelma.” “Bakit? Anong alam mo tungkol kay Thelma?” “Sinulatan niya ako minsan, sinagot ko, then nagkasulatan na kami.”
“Bakit ka naman sinulatan? Nagtsitsismis kayo. Ano? Tungkol sa akin?”
“Hindi naman tsismis. Itinatanong lang niya kung ayos na kayo ni Sergio.” “Anong sagot mo?” “Wala akong alam. Basta dumadalaw, minsan namamasyal, kasama ako. Pero lately, kayo na lang kasi may sarili na kaming lakad ni Ben.”
“Oo nga, kaya hindi na kita makapa, laging wala kayo ni Ben.”
“Ay, naku, Rowena, talagang ganoon ang mag-boyfriend. Gusto ay laging magkasama at nag-uusap, laging hinahanap ang isa’t isa, hanggang sa dumating sa puntong dapat nang magpakasal. Pareho rin ninyo ni Sergio. O, kailan nga kayo?”
“Hindi ko boyfriend si Sergio!” mariing wika niya. “Dahil ba si Joey ang boyfriend mo?” Hindi siya nakakibo. Hindi rin niya alam kung paano ito sasagutin. In essence, magkasintahan na nga sila. Soulmates pa nga. Ngunit tulad ng sinabi ni Lorna, ang mag-boyfriend, ang gusto ay laging magkasama at nag-uusap, laging nagkikita. Iyon naman talaga ang damdamin niya kay Joey. Ngunit si Joey, bakit parang nakatitiis.
Soulmate nga kaya sila ni Joey? Ang pagkaintindi niya sa soulmate, mutual ang feeling sa isa’t isa. Kaya sinasabing may koneksiyon agad sa una pa lamang pagkikita. Na alam niyang nadama naman nila kapwa ni Joey noon. Pero bakit kahit ilang buwan silang hindi nagkikita nito, parang hindi nito alintana. Ni hindi nga sumusulat. Buti pa si Sergio, na di naman niya soulmate.
Nang dumalaw si Sergio ay inungkat niya ito. “Natatandaan mo iyong k’wentuhan natin tungkol sa soulmate? Kay Zeus at ang pinaghiwalay na taong naghahanapan?”
Tumango si Sergio. “A, oo. Iyong sinabi kong natagpuan ko na iyong nahiwalay sa akin?” at nginitian pa siya nito.
Hindi niya pinansin ang ngiti ni Sergio. Seryoso siyang nagpatuloy. “Bakit mo sinabing natagpuan mo na?”
“Kasi nga, parang nakumpleto na ako nang makilala ko siya. Iyong damdamin o feeling kong parang ang kulang sa aking sarili ay nawala na,”
naging seryoso na rin si Sergio.
“Pero, parang mali,” kunot ang noong wika niya. “Ang pagkaintindi ko sa teoryang iyon sa mitolohiya, kung isang tao iyong pinaghiwalay at naghanapan at nagkatagpo, dapat, pareho sila ng naramdaman. Na pareho silang nakumpleto,” parang gusto niyang mangiti sa ganda ng kanyang paliwanag at
feeling teacher talaga siya. Pinagmasdan siya ni Sergio. “Wala ka bang naramdamang nakumpleto ka nang makilala mo ako?” tanong nitong sinundan ng ngiti.
Doon siya natawa. At naisip niya, give it to Sergio, ibang dumiskarte. Minsan palihis, binatilyong nagkagusto sa batang pinalaki pa hanggang magdalaga. Minsan, magtatanong ngunit hindi hinihintay ang sagot tulad ng isa nilang pag-uusap tungkol sa kung may balak na silang pakasal na ang maliwanag na tinutukoy ay siya. At si Joey? Minsan naman, deretso. Tulad ng mga sandaling iyon. Kaya pati siya, hindi rin parehas ang mga reaksiyon. “Bakit ka natawa?” Nag-isip siya ng isasagot. Panahon na ba upang magkaliwanagan sila ni Sergio? Na hindi siya ang nahiwalay na kalahati nito? Na wala itong aasahan dahil may kasintahan na siya. To be fair dito. Kahit...kahit wala rin namang liwanag ang usapan nila ni Joey.
“Ano nga ang tanong mo,” ulit niya. “Kung nakumpleto ako nang makilala kita?” Titig na titig si Sergio sa kanya. Tumango ito. “Alam mo, Sergio, kilala mo naman ako mula pa noong high
school. Alam mo rin naman ang pinagsimulan natin. Lagi mo akong inaasar…” simula niya. “Aba, naku, hindi! Bakit kita aasarin?” tutol nito. “Tingin ka nang tingin. Kausap ka nang kausap, e, sa ayaw ko namang nakikipag-usap sa mga lalaki noon.” “Kasi nga, iyong binatilyo ay natuwa doon sa bata.” “Nalalayo ang usapan,” putol niya sa pagsasalita ni Sergio. “Itutuloy ko para masagot ko ang tanong mo. Ang ibig kong sabihin, sa kabila ng lahat na iyon, maganda naman ang ating pinagsamahan at itinuring kitang mabuting kaibigan,” sinabayan niya ng ngiti ang huling salita. Kaibigan. Na inulit ni Sergio. “Kaibigan!” “Oo. Kaibigan. At maituturing na ring nakumpleto ang aking social life o pakikipagkapwa sa lipunan dahil sa pakikipagkaibigan sa iyo. Hindi naman sa anti-social ako dati, ano lang, medyo mahiyain, shy. Kaya, oo, masasabi na ring nakumpleto ako nang makilala kita.”
Nakangiting napailing si Sergio. “Galing mo, Rowena. Napaikut-ikot mo at nasabi pa sa dakong huli na kumpleto ka. Kahit hindi ganoon ang ibig kong sabihin ng kumpletong naranasan ko. Sabagay, napag-uusapan lamang naman natin ito. Dahil sa nabanggit mong soulmate noon. Natatandaan mo?”
“Naaalaala mo pa iyon?” muli, nakaramdam siya ng lugod sa binata.
Tiningnan lamang siya ni Sergio ng tinging waring nagsasabing, lahat ng tungkol sa iyo, natatandaan ko, naririto sa puso ko. “Mitolohiya lamang iyong kay Zeus. I don’t subscribe
to it totally. Katuwaan lamang. Dahil para sa akin, ang pag-ibig ay parang halaman. Sa mabuting pag-aalaga ay mabubuhay, yayabong, magbubunga. Tulad ng inaasahang pagtingin noong binatilyong naging binata mula sa batang naging dalaga na. Masaya nga siguro kung magkakatagpo ang nagkahiwalaly na nilalang. O nagkita ang mag-soulmate. Iyon pa man, sa palagay ko ay hindi dapat matapos sa pagkikita o pagtatagpo lamang ang istorya. Dapat, tulad ng halaman, may kasamang pagaalaga at pag-aaruga, para huwag mamatay ito.”
Wala siyang maisagot sa pahayag ni Sergio. Waring tinamaan siya kahit di naman siguro sinasadya. Nagkatagpo na nga sila ng kanyang soulmate, ngunit nasaan ang alaga? Nasaan ang aruga? Na tulad ng sinabi ni Lorna, kapag magkasintahan na kayo, gusto ninyo ay lagi na kayong magkasama, naguusap, na hindi nangyayari sa kanila ni Joey. Sa pakiramdam niya, hindi siya ang priority nito. Abala ito sa paghahanap-buhay. Na para raw sa kanilang hinaharap. O para sa pangarap na pagyaman? Tunay nga bang kasama siya roon o napasabit, napasama lamang? Napabuntunghininga siya.
“Maid of honor ka pala ni Lorna,” basag sa katahimikan ni Sergio. “Best man ako ni Ben. Ngayon pa lang, humanda ka na, Rowena.” “Humanda saan?” “Sa mga tanong, sa mga tuksuhan, na kung kailan naman tayo.”
Alam niya, para na ngang nakikini-kinita niya ang mangyayari. “At bakit sila mag-iisp nang ganoon?”
“Obvious naman,” sa parte ko, ngunit hindi ito sinabi ni Sergio.
“Kailangan ko bang sagutin iyon?” “Ikaw, kung gusto mo.” “Ikaw na lang kaya ang sumagot.”
Tumaas ang kilay ni Sergio. “Ako? Baka hindi mo magustuhan ang isasagot ko” “Bakit, ano ba?” “Sa tanong na kung kailan? Sasagutin ko ng anytime. Basta pumayag ka. Bukas, gusto mo?” tinitigan siya ni Sergio.
“Bilis naman,” nabigla siya sasagot nito. Ngunit naisip niya, nakikipagliwanagan na rin lamang si Sergio sa kanya, tatapatin na rin niya ito. “Natatandaan mo pa ba iyong tanong mo kung iyong batang naging dalaga na nagustuhan noong binatilyong naging binata, ay may balak nang pakasal sa kanyang soulmate?”
“So, natagpuan na nga niya ang kanyang soulmate,” wika ni Sergio.
Inilarawan niya sa isip si Joey. Ano kaya ang ginagawa nito sa mga sandaling iyon na paksa ng usapan nila ni Sergio. Nasasamid kaya? “In a way,” paiwas niyang sagot. Sa tagal nang hindi nila pagkikita ni Joey na walang komunikasyon, na ang naiwang gunita pa sa kanya ay ang engkuwentro nila ng nanay nito, ay pinapasok na ng alinlangan ang kanyang puso. Bagaman at kahit walang katiyakan ang estado ng relasyon nila ay nananangan pa rin siya sa pangako nito. “At may balak na sila,” tinig ni Sergio. “Oo,” wika niyang kasabay ang pagtango. “May balak ngunit wala pa kaming maliwanag na usapan tungkol dito.” At huli na nang napagtanto niya ang kanyang sinabi. Kami! Isang maliwanag na pag-aming talos niyang ang pinag-uusapan nilang bata at binatilyo ay siya at si Sergio. At si Joey! “Si Joey.” Hindi tanong ang sinabi ni Sergio. Alam nga nito. Nagtitigan sila ni Sergio. Nadama niya, si Sergio ay isang
Panahon na ba upang magkaliwanagan sila ni Sergio? Na hindi siya ang nahiwalay na kalahati nito? Na wala itong aasahan dahil may kasintahan na siya...
kaibigan. At natagpuan na lamang niya ang sarili na nais magbukas ng kalooban dito. “Mahabang istorya, Sergio,” hindi niya inalis ang mga mata sa mukha nito. Bahagyang tumango ito at nagpatuloy siya. “Ang totoo ay hindi ko pa ito naipagtatapat kina Nanay, but I feel like telling you all about it now. Kaya lamang, given how you feel about me, marapat kaya…” at saglit siyang tumigil. “Pero tulad ng nasabi ko na, lalo na at this very moment, I can really feel it…you are a dear friend to me. Chaff and grain, sabi nga sa isang linya ng paborito kong tula… hindi mo ako huhusgahan,” pinigil niya ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata. Ayaw niyang maiyak, baka kung ano ang isipin ng kanyang Nanay.
“I’m all ears,” mahinang wika ni Sergio, ngunit kasunod nito ay iminuwestra ang aktong pagsi-zipper sa bibig.
Natawa tuloy siya. Si Sergio at ang sense of humor nito na ngayon na lamang niya kinalulugdan. At palagay ang loob, sinimulan niya ang pagsasalaysay sa love story nila ni Joey.
Ang unang pagkikita sa simbahan. Ang koneksiyong namagitan sa una pa lamang pagtatama ng kanilang paningin. Ang sinisipol na awit. “I knew it,” singit ni Sergio. Nagpatuloy siya. Ang pag-aabang sa kanyang paglabas sa eskuwela. Ang pagmimiryenda nila paminsan-minsan. Ang pagkukuwento ni Joey ng buhay nito sa kanya. Ang kahirapan nilang mag-ina. Ang pagsisikap nito. Ang pangarap na umangat sa buhay sa hinaharap. Hindi niya binanggit na ang sinasabing pag-angat sa buhay ay pagyaman. Hindi basta yaman. Kaya naroon ito at naghahanap-buhay kasama ang amang natagpuan matapos ang mahabang paghahanap. “He’s a good man,” muli, wika ni Sergio. “He is,” amin niya. “E, kailan iyong balak ninyo?” tanong ni Sergio. Napatingin siya sa labas ng bintana, isang kinagawian kapag naghahanap ng maisasagot sa isang mahirap na tanong. “Ang relasyon namin ni Joey ay hindi karaniwan.” “A long distance relationship.” Ilang beses na ba niyang narinig ang mga salitang iyon sa paglalarawan ng relasyon nila ni Joey. Tumikhim siya. “Hindi kami nagkakausap nang masinsinan. Ni hindi ko alam kung ano ang paborito niyang pagkain o ulam. O kulay ng damit. O kung sinu-sino ang mga kaibigan niya noong bata pa siya. At nakatatawa,” at ang tawa niya ay waring papunta sa pag-iyak na agad naman niyang napigil. “Rowena…” umaalo ang tinig ni Sergio. “Ilang taon na kaming masasabing mag-steady, ngunit lately ko na lamang nalaman ang apelyido niya. Garcia. Kasi, hindi naman niya ako dinadalaw sa kasera. Hindi naman niya ako sinusulatan. Kundi doon sa sinisipol niyang awit at sa paminsan-minsan niyang pag-aabang sa akin sa paglabas sa esk’wela, hindi mo masasabing mag-steady kami. Kaya, wala ring alam si Thelma. Kaya, hindi ko rin masabi na may boyfriend ako, Kapag tinatanong ni Nanay, o ni Lorna. O ikaw. Dahil hindi ko alam. Kapag lamang bagong katatapos naming magkita, saka ko lamang nararamdaman na may boyfriend ako. Kasi, sinasabi niyang nagsisikap siya sa pag-aaral
noon, at paghahanap-buhay kalaunan, kaya bihira kaming magkita. At lahat ng iyon ay para sa aming hinaharap. Kaya wala pa kaming kongkretong balak tungkol sa pagpapakasal. Kasi…” kasi, gusto pa niyang yumaman, naisip niya.
“Kasi, gusto niyang maging stable pa muna,” sambot ni Sergio.
“Sana lang, magsalita naman siya,” wari ay isang hinaing na sambit niya dahil ang huling salita .ng Nanay ni Joey ang nakapanikit sa kanyang utak.
Aywan niya, ngunit matapos ang kanilang pag-uusap ni Sergio ay parang naibsan ng mabigat na dalahin ang kanyang isip at damdamin. Gumaan ang kanyang pakiramdam. Wala namang nabago sa kanila ni Joey. Sila pa rin sa kanilang long distance relationship. Marahil dahil nakatagpo siya ng isang bagong kaibigan sa katauhan ni Sergio na kinumusta pa niya bago umalis. “Sergio, kumusta naman iyong binatilyo?” Dahil nag-alala rin siya kung ano ang naging epekto ng kanyang salaysay sa binata.
Ngumiti si Sergio. “Huwag mong alalahanin iyong binatilyo, Rowena. Hindi siya nagbabago. Ang kanyang damdamin, ang kanyang pag-iisip, ang kanyang mga pangarap sa hinaharap ay tulad pa rin ni Joey. Ang lahat ng pasiya ay nasa bata. Kung matiyaga sa paghihintay iyong bata sa kanyang soulmate, matiyaga rin iyong binatilyo sa paghihintay doon sa bata. Pero nothing to worry, hindi sila gagambalain nito. Maghihintay lamang siya.”
“Friend pa rin tayo?” tanong niya nang palabas ito ng pintuan. “Forever,” sagot ni Sergio. Ang sagutan nilang ito ni Sergio ang inusisa ng kanyang Nanay. “Ang seryoso ng usapan ninyo ni Sergio. Ano ba ‘yun?” “Mahabang istorya, Nanay. Saka ko na ikuk’wento.” “Ikakasal na si Lorna at si Ben. Kailan ka ba naman?” Maliwanag na siya ang binanggit ng kanyang nanay ngunit alam niyang ang tinutukoy nito ay sila, ni Sergio. Alam niyang matagal nang nais magtanong ang kanyang nanay tungkol sa kanyang lovelife, ngunit dahil nakikita namang laging dumadalaw sa kanya si Sergio at ilang binatang nagtangka at agad umurong nang makasabay ito, hindi na ito nagsalita. Maliban sa paalalang baka malibang siya sa pagtuturo. Noon niya naalala na may nais siyang itanong sa kanyang nanay tungkol sa relasyong magbiyenan.
“Nanay,” simula niya. “Nang pakasal ba kayo ni Tatay, nakabukod agad kayo? O nakisama ka muna sa kina Inang,” tawag niya sa kanyang Lola.
Napatingin sa kanya nang matagal ang nanay niya. “Bakit? Balak mo pa bang bumukod? Laki-laki naman ng bahay nina Sergio at solong anak siya? Saka, gustong-gusto ka ng bibiyenanin mo?”
“Nanay! Walang kinalaman si Sergio sa tanong ko,” mabilis niyang agaw. “Bakit? May iba ba? Sino?” nagseryoso ang kanyang nanay. Nasakyan agad niya na hindi pa panahon upang ipagtapat niya sa kanyang nanay ang mga naipagtapat niya kay Sergio. “Wala, Nanay. Naitanong ko lamang. Napag-usapan namin ni Lorna,” nahagilap niyang wika. “Hindi pa yata sila makakabukod ni Ben, sasama pa sila sa pamilya nito.”
Napatango ang nanay niya. “Mabait naman ang pamilya ni Ben. At gusto rin si Lorna doon. Hindi siya mahihirapan. Pareho ko rin, bago kita ipinanganak ay nakisama pa ako sa kina Inang. Gusto rin nila ako. Ang pag-aasawa ay marami ring pagsubok na mararanasan. Sabihin pang hindi problema ang pera. Kaya malaking bentahe iyong gusto ka ng pamilya ng mapapangasawa mo. At tandaan mo iyan.”
At naalaala niya ang nanay ni Joey.
(ITUTULOY)