Ang Tao Ay Kalikasan, Ang Kalikasan Ay Tao

Liwayway - - Mga Nilalaman - Imelda Estrella

“DARATING ang panahon na ang tao ay babalik sa kanyang kalikasan.”

Napakagalante ng ating kalikasan. Libreng ibinigay ang malinis na tubig, hangin at perpektong anyo ng lupa para masustini ang umiiral na buhay sa mundo.

Kumbaga, binigyan tayo ng isang komportableng lugar. Ang mayamang lupain na maging ibon ay naghahagis ng buto para sumibol ang mga punongkahoy na pagkukunan ng pagkain, ang malawak na karagatan na sagana sa yamang-dagat, libreng kuryente mula sa araw.

Isang protektadong lugar na may atmospera na pananggalang mula sa direktang tama ng radyasyon mula sa araw. Bukod sa may guwardiya, mayroon ding tagalinis ng nakabalumbon na kalat sa hangin.

Eto pa, kapag nagkakasakit ang tao, ang araw at hangin ang gamot, mabisa pa ito kaysa anumang antibiyotikong nabibili sa botika.

At saan ka pa, daig pa rin natin ang may sariling pampalamig dahil sa lamig na dulot ng sariwang hangin, ng maulang kagubatan, ng mababang suson ng hangin na nagiging hamog sa mga halaman.

At hindi na kailangang umorder ng inumin dahil may libreng rasyon ng dinalisay na tubig dahil pinasisingaw ng init ng araw ang tubig papuntang atmospera, mabubuo ang mga ulap na siya namang magiging ulan. Ang ulan ay babalik sa pinagmulan nito sa lupa para magsustini naman ng tubig sa mga reserbang dam. Anupa’t biniyayaan tayo ng klima na angkop para mabuhay. Pero sa paglipas ng panahon ay parang gustong umiyak ng kalikasan at sabihin ito: Ibinigay ko na ang lahat… saklap…tao, bakit wala ka nang itinira?

Paano, ang mga ilog na nagsisilbing ugat ng planeta ay binarahan. Ginawang higanteng inodoro ang dagat. Tinapunan ng dumi ang hangin. Kinalbo ang gubat. Tapon dito, tapon doon. Kalabisan mang isipin, maging ang sanggol na bagong panganak ay may kontribusyon na sa mga kalat na palutanglutang sa ilog at dagat kagaya ng mga inaanod na patapong lampin at mga basyo ng lalagyang plastik at de-latang gatas.

Palibhasa ang ika-21 siglo ay panimula ng panahon ng mga kamangha-manghang pagbabago sa teknolohiya kung kaya parang mga digital na kabute na nagpasiklaban sa merkado ang mga tuklas at makabagong imbensiyon.

Ang bilis magpalit ng uso ng mga Millennial, Baby Boomer, o GenX-ers. Ang bilis magpalit ng mukha ng teknolohiya.

Sa bilis, hindi namamalayan ng iba na dumarami rin ang tinatawag na E-waste o elektonikong kalat.

Sapul nang magsimulang makatikim ang tao ng karangyaan at luho sa buhay ay patuloy naman sa pagtuklas ng mga bagay na hindi garantisado kung ano ang epekto ng organisadong krimen na ito laban sa kalikasan.

Marami ang nagpapagal para masustini ang pangangailangan ng tao. Nakakahilo ang bilis ng takbo ng buhay. Mga iskedyul ng paglalakbay sa daungan ng barko at mga paliparan. Walang tigil na operasyon ng mga pabrika. Mga humaharurot na sasakyan na nagbubuga ng usok sa daan.

Sa dami ng gawain, ni hindi nga nasama sa agenda ang tungkol sa kontribusyong polusyon sa pagbabago ng klima. Ang pagpapakawala ng mga greenhouse gases na kagaya ng

carbon dioxide ang nagpapataas ng temperatura ng mundo. Ang pinagmulan nito ay petrolyo (fossil fuel) ang pagsusunog ng langis at uling at panggatong mula sa malalaking planta at pabrika, serbisyo ng kuryente, mga sasakyan na ginagamitan ng gasolina ay ilan lang sa nagpapakapal ng maruming usok sa himpapawid.

Ang pag-iinit ng mundo ay bunga ng teknolohiya, walang habas na pagpuputol ng punongkahoy, pagmimina, migrasyon, at huwag din kalimutan ang kapabayaan ng tao.

Ang sakit ng panahon ay labis pang ipinagsasawalambahala pa hanggang sa lumilitaw ang mga sintomas nang sobrang umiinit na mundo.

Ang rehiyon ng Arctic ang nagpakita nang matinding pagtaas ng temperatura. Lubhang nakakabahala ang pagkatunaw ng yelo sa rehiyong ito dahil nangangahulugan na tataas ang tubig sa dagat sa buong mundo.

Marami pang lugar sa mundo kabilang ang mga bansa sa Africa at Asya na nakaranas ng maituturing na nakababanas at hindi maipaliwanag na init. Ang iba pa nga ay tinatamaan nang matinding kainitan (heat wave). Marami ang namamatay sa pagkaubos ng tubig sa katawan (dehydration) at heat stroke. Ang pagbaha sa disyertong lugar ay hindi karaniwan. Nanganganib na nga na masira ang mundo, ang nag-iisang planetang tirahan ng tao. Nasasalaula na ang ating mundo.

Ang internasyunal na komunidad na walang tigil sa pag-iisip ng solusyon para labanan ang sakit ng panahon, ang “global warming”.

Sa Kyoto Protocol noong 1997 ay nilagdaan ng mga bansa Unyong Europeo at 37 iba pang industriyalisadong bansa ang kasunduan na magbawas ng mga limang porsiyento sa antas ng emisyon.

Sa kumperensiya sa Copenhagen, Denmark noong 2009 at tinalakay pa rin ang tungkol sa emisyon, greenhouse gases, pagiinit ng globo, mga hakbangin kabilang ang paglalaan ng pondo sa mas epektibong solusyon.

Sa Kasunduan sa Paris ang nilagdaan na nag-oobliga sa mga bansa na makiisa sa paglaban sa global warming. Kasama sa kasunduan na malimitahan ang temperatura ng mundo, “well

below” 2 digri sentigrado. Isang lider ang nagpahayag ng ganito: walang plan B pagdating sa “climate change”, isang malaking pagkakamali ang pagkontra sa kinabukasan ng mundo.

Sinasabing isa ang Pilipinas sa pinakabulnerable sa epekto ng “climate change”.

Sa ngayon, itinuturing ng ilang eksperto sa kalikasan na ang Pilipinas bilang target ng kalamidad. Tinatayang dumarami na ang buhay na nalalagas gawa ng kalamidad at pag-aalburoto ng ating kalikasan.

Ang susunod na era ang tinatayang panahon para sa ating bansa na palitan at hanapin ang mga nawawalang yaman ng kalikasan, sana.

Ang proseso ng tinatawag na panunumbalik sa ekolohiya ay saklaw ang laksambuhay na kabilang ang iba’t ibang organismo sa mundo kabilang dito ang mga tao, hayop at halaman na nabubuhay nang magkakaugnay. Ang ugnayang ito ay hindi dapat magkaroon ng balakid dahil mahalaga ang bawat elementong magkakaugnay sa daigdig.

Ang pamahalaan ngayon ay seryoso sa pagpapatupad ng pangangalaga at preserbasyon sa kalikasan. Naging mandato ang pagtatanim ng isang bilyong puno sa maraming lugar. Ang pagtatanim ng punongkahoy ang pinakamura at pinakamadaling paraan. Ipinakilala naman sa merkado ang teknolohiya hinggil sa fuel cell, sa Hybrid car, E-trike na naglalayon na baguhin ang negosyo ng buong daigdig na hindi na kailangan magsunog nang labis na langis sa sasakyan.

Panahon na rin para bawasan ang carbon footprint at kunsumo sa langis at tuklasin ang bagong pagkukunan ng lakas para paandarin ang mga planta at makina.

Ang renewable energy ay lakas na puwedeng magmula sa araw (solar energy), tubig (hydroelectric power), init na nagmumula sa ilalim ng lupa (geothermal energy) at maging sa lakas ng hangin.

Libreng makukuha ang sinag ng araw, libre ang tubig sa talon, libre rin ang init mula sa ilalim ng lupa, sa mga suson ng lusaw na batong materyal, o magma…. at libre rin ang hangin. Napakagandang ehemplo rin ang malalaking bentilador na nagsustini ng kuryente sa Ilocos Norte na pinapaandar ng hangin.

Ang kalikasan ay parang katawan ng tao na dapat ingatan dahil ito ang hininga, ang buhay.

Darating ang panahon na ang tao ay babalik at babalik sa kanyang kalikasan.

Patunay na ang mga gusto nang magretiro matapos gugulin ang panahon sa pagpapagal at walang humpay na trabaho ay mas piniling tumira sa lugar na tahimik malayo sa ingay ng makina, tahimik, presko at sariwa ang hangin, palibot ng puno at halaman, malapit sa kalikasan.

Dito nagkakaroon ng mas malakas na koneksiyon ang tao sa kalikasan. Ang magandang agos ng tubig ay parang daloy nang maayos na daloy ng dugo na hindi nababarahan. Ang oksiheno ay mabuting hangin na nagbibigay ng enerhiya sa ating katawan. May likas ding pansala (filter) ang katawan laban sa maruruming elemento.

At may dahilan ang bawat aksiyon ng katawan kagaya na lamang ng paghikab, ito ang paraan ng utak para mapanatili ang lamig at pinakamainam na temperatura sanhi ng pagod o kakulangan sa tulog.

Marunong din mapagod ang kalikasan at parang tao na nagkakasakit, nilalagnat…at dapat gamutin. Dahil ang tao ay kalikasan, ang kalikasan ay tao.

Dapat tratuhin din natin ang kalikasan na ating katawan na hindi dapat gawing tapunan ng basura at dapat ingatan.

Maging ang makata ay itinulad ang kalikasan sa tao. Kung ilarawan nga ito ay kapara ng paanan ng bundok, pusod ng dagat, baga ng kagubatan, katawan ng puno, tainga ng dahon, kuko ng agila, bunganga ng bulkan. Kaya nga ang ugnayang ito ng tao at kalikasan ay hindi dapat maputol at magkaroon ng balakid.

Sa lahat ng ito ay higit nating mauunawaan ang kalikasan sa mas mataas na anyo.

At higit nating malaman na ang kalikasan ay pananagutan ng lahat.

Kahit ng mga batang hindi pa isinisilang.

lMga larawang mula sa Google

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.