Pag-Usapan Natin!

Liwayway - - Mga Nilalaman - Kuya Sam

Hindi Drama

DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Ike, 23 taong gulang, tagaTondo, Manila. Sana mabigyan mo ng pansin itong aking e-mail.

Matalik kong kaibigan si Mirafel. Naging kasamahan ko siya sa trabaho sa BPO sa loob ng tatlong taon. Magka-team kami at laging magkasama sa gimikan. Noong nakaraang taon, nagkaroon siya ng boyfriend. Ngunit nagkahiwalay rin sila dahil nagloko ang dyowa niya. Saksi po ako kung paano siya nasaktan sa kanilang breakup. Alam ko po, Kuya Sam, kung gaano niya kamahal ang boypren niya. Ibinigay niya ang lahat dahil sa buong akala niya ay ipaglaban din siya. Ngunit hindi nangyari ang kanyang inaasahan.

Sa buong panahon ng kanyang pag-move-on, nasa tabi niya ako, Kuya Sam. Inom siya nang inom. Halos gabi-gabi gumigimik. Lagi ko siyang sinasamahan dahil baka kung anong mangyari sa kanya sa labas.

Merong isang time na lasing na lasing siya, niyaya ko na siyang umuwi dahil madaling-araw na. Nagalit siya sa akin, Kuya Sam. Bakit daw buntot ako nang buntot sa kanya. Hanggang sa nagwala siya at nagbasag ng bote. Basag din ang salamin na pintuan. Buti na lang naintindihan ng may-ari ang sitwasyon at hindi na siya pinagbayad ng kanyang mga na-damage na ari-arian.

Kinabukasan, nag-sorry siya sa akin. Nag-usap kami sa phone at humingi siya sa akin ng patawad. Labis lang daw siyang nasaktan sa break-up nila ng kanyang dyowa. At alak lang ang pansamantalang sandalan niya para makalimutan ang lahat.

Ngunit nagulat ako sa kanyang sinabi, Kuya Sam. P’wede ba raw akong maging boyfriend niya kahit sa role playing lang. All I have to do is just act as her boyfriend.Kuya Sam, parang ang hirap nitong ipinagawa sa akin ni Mirafel. Kapag ginawa ko ito, alam kong hindi ito drama. Dahil sa totoo lang, mahal na mahal ko rin siya.

Aantayin ko ang payo mo, Kuya Sam. – IKE

DEAR IKE: Gusto ko sanang sabihin sa iyo na ligawan mo na si Mirafel. Ngunit sa nakikita ko, wala siya sa tamang kahandaan para makapagbaba ng tamang pasya. Hindi ito patas para sa kanya. May piring ang kanyang mga mata, Ike. Hindi niya alam ang tama o mali. Nabubuhay siya ngayon sa survival mode lang. Kung anong makikita, basta’t nakapagpalakas ng loob, susunggaban ni Mirafel.

Sa tingin ko, kailangan munang makalimot ni Mirafel sa dati niyang karelasyon para masabi nating handa na rin siya sa panibagong buhay pag-ibig. At nangangailangan ito ng sapat na panahon. Alam naman natin na hindi kaagad maghilom ang sugat ng pag-ibig lalo na sa sitwasyon ni Mirafel na sobrang mahal niya ang kanyang dating boyfriend. Kaya i-comfort mo lang siya hanggang sa tuluyan siyang makalimot sa masalimuot niyang karanasan.

Walang problema sa iyo dahil alam kong ang malasakit na ipinagkaloob mo ay siguradong totoong pag-ibig. Hindi mo naman gagawin ang ganyang sakripisyo kung ordinaryong kaibigan ka lang para kay Mirafel. To stay on Mirafel’s side on this most trying times, dude, it’s extra special! Kaya sa huling pangungusap ng iyong liham, hindi na ako nagulat. Umibig ka kay Mirafel at natural iyon.

Sa tingin ko naman, maging kayo rin si Mirafel. Tulungan mo lang muna siyang makaalpas sa krisis na dinanas niya ngayon. At sana, kapag kayo na, huwag mo nang ungkatin ang nakaraan. Dapat naka-compartment ito sa isip mo. Naka-locked kung saan hindi na puwedeng buksang muli. Hindi ito bahagi ng inyong pagsasama as a couple. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagitan ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporation, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.