Haraya

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Michael M. Coroza

AYON kay Felipe de Leon Jr., isang batikang musiko at dating tagapangulo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), isa si Cely Bautista sa mga mang-aawit na may tinig na sadyang nababagay sa pagkanta ng kundiman, danza, balitaw, at iba pang kinikilalang anyo ng awiting Filipino. Ekspresibo ang tinig sa paraang parang nakikipag-usap lamang, nakikipag-unawaan, nagbabahagi ng matimyas na saloobin o marubdob na damdamin; hindi nag-eeksebisyon at parang nagmamagaling. Ito, ayon kay de Leon, ang kaibhan ng awiting Filipino sa mga klasikong awitin ng Kanluran. Hindi ang tinig ang mahalaga kundi ang sinasabi ng kanta. Ang sinasabi ay dapat na damang-dama.

Sa ganitong estilo ng pag-awit, opisyal na kinilala si Cely Bautista bilang “Best Female Singer in the Vernacular” ng Awit Awards noong 1969. Huwaran ang kaniyang paraan ng pag-awit sa pagbibigay-buhay sa mga komposisyong Filipino na kung hindi man ganap na kundiman ay mala-kundiman o, sa lengguwahe ni de Leon, “kundimanin.” Kayâ naman proyektong ibinigay ng Villar Records sa kaniya ang pagsasaplaka ng mga walang kamatayang awit ng pag-ibig o mga dansang Filipino, mga komposisyong nalikha na kahit noong bago pa siya isinilang tulad ng “Maalaala Mo Kaya,” “Ang Tangi Kong Pag-ibig,” at “Hinihintay Kita” ni Constancio de Guzman, “Minamahal Kita” at “Dahil sa Iyo” ni Miguel Velarde Jr., “Hindi Kita Malimot” ni Josefino Cenizal, “Hirap ng Umibig” at “Nahan Kaya Ikaw” ni Santiago Suarez, “Sa Pugad ng Pag-ibig” ni Pastor de Jesus, at “Ikaw ang Buhay” ni Juan Silos Jr. Ipinaawit din sa kaniya ang mga bagong komposisyong “kundimanin” tulad ng “Pagkatapos ng Lahat” ni Clod Delfino, “Sa Bawat Pintig ng Puso” ni Pablo Vergara, “Gabing Walang Umaga” at “Kapuwa Tawad Tayo” ni Philip Maninang, “Sabi Nila,” at “Pag-ibig din ang Daratnan” ni Ador Torres, “Tanong ng Puso” at “Kung Talagang Mahal Mo Ako” ni Ben Torres, “Di ba’t Ako’y Tao ring may Damdamin” ni Francisco Nieto, at “Walang Kapantay” ni Eddie Sangcap. Siya rin ang unang nagsaplaka at nagpakilala sa madla ng dalawang popular na awiting Filipino na may temang relihiyoso noong kalagitnaan ng dekada sitenta, ang “Mahiwaga” at ang “Mahal na Birhen” nina Ador Torres at Manuel P. Villar. Sa kabuoan, nakagawa siya ng labing-isang solo LP album, isa sa Mico Records: The Best of Cely Bautista; siyam sa Villar Records: Alay Ko Sa Iyo, Pag-ibig sa Pag-ibig, Ang Tangi Kong Pag-ibig, Hinihintay Kita, Sabi Nila, Inulila Mo Sinta, Magkaibang Daigdig, Ito Kaya ay Pagmamahal, Dahil sa Iyo; at isa sa Mango Records: Walang Kapantay. May dalawang LP rin sila ni Ruben Tagalog sa Villar Records bilang magkaduweto: Ruben at Cely at Mahal Ko Sa

Buhay.

Bukod sa pagiging “voice double” ng maririlag na artista sa pelikula pero sadyang hindi marurunong kumanta tulad nina Anita Linda, Edna Luna, Corazon Rivas, Celia Fuentes, Lani Oteyza, at Leonor Vergara, pana-panahon ding nagiging bahagi siya ng pelikulang ang paksang awit o theme song ay siya ang kumanta. Gayundin, nagkaroon siya ng sarili niyang programa sa radyo kasama sina Ruben Tagalog (“Harana” sa DZFM), Eddie San Jose (“Sa ating Tindahan” sa DZPI), at Eddie Mercado (“Ating Nayon” sa DZPI). Noong 1956, nagkaroon na rin siya ng sarili niyang programa sa CBN, ang “Dalagita.” Nakasama rin niya sa “Buhay-buhay” sina Eddie San Jose, Dely Atay-atayan, Carina Afable, at Boy Reynaldo. Umawit din siya sa tanghalan o sa mga stage show at naging regular na kasama siya sa “Zest” at sa “Jose Zarah’s Extravaganza.” Umawit din siyang kasama ng bantog noon na “Society Bopcats” ng Lungsod Pasay, na binubuo nina Danny San Jose, Jun Borja, Crispin Solano, Ronnie Alcantara, Rey Alcantara, at Dominic. Noong dekada sisenta, naging bahagi siya ng “Serenatang Kumbidahan” ni Tiya Dely Magpayo at “Tindahan sa Nayon” ni Virgilio Garcia. Sa bungad ng dekada sitenta, naging bahagi siya ng tatlong-yugtong musikal na “Kapitbahay” na sinulat at idinirihe ni Lamberto Avellana. Naging bahagi rin siya ng Kayumanggi Trio kasama sina Everlita Rivera at Rita Rivera. Nagkasama silang tatlo nina Raye Lucero at Rita Rivera bilang D’ Everlasting. Siya, si Ric Manrique Jr., at Rita Rivera ang bumuo sa trio na binansagang Saint & Sinners. Gayunman, ang pinakatampok na bahagi ng karera niya ay ang kaniyang pagiging bahagi ng maalamat na pangkat ng mga mang-aawit na itinatag ni Manuel P. Villar, may-ari at pangulo ng Mabuhay Records Corporation (MARECO) na lalong kilala bilang Villar Records—ang Mabuhay Singers. Nabuo ang grupong ito sa pagsasama ng tatlong pangunahing trio noong magtatapos ang dekada singkuwenta, ang Lovers Trio na binubuo nina Ador Torres, Floro San Juan, at Bert Legaspi at ang Tres Rosas na binubuo nina Raye Lucero, Carmen Camacho, at Nora Hermosa. Bungad ng dekada sisenta nang anyayahan siya ni Manuel P. Villar, sa rekomendasyon ni Levi Celerio, na maging bahagi ng pangkat. Halos kapanabayan niyang naging bahagi ng grupo sina Rita Rivera, Ruben Tagalog, Alfred Larosa, at Noel Samonte. Sinadyang buoin ang grupong ito upang isaplaka at itanghal sa samot-saring palabas pangkultura ang mga pamanang awit ng lahing Filipino. Mula 1958 hanggang 1978, nakabuo nang mahigit sa isandaang long playing (LP) album ang grupong ito. Tampok sa nasabing mga LP ang iba’t ibang katutubo, klasiko, istandard, at iba pang awiting Filipino, luma at bago, at nasa anyo o kategoryang matatawag na “kundimanin.” Noong bungad ng dekada sitenta, napabilang ang grupong ito sa pangkat ng mga mang-aawit na Filipino na naglibot sa buong daigdig upang haranahing magbalik-bayan ang mga Filipino sa ibayong-dagat. Nagtanghal ang grupong ito sa seremonya ng pagbubukas ng paliparang internasyonal sa New York noong 1973. Matagal ding palagiang umawit ang pangkat sa Hotel Nikko Manila Garden, ang hotel na nagtaguyod ng timpalak sa pag-awit ng kundiman, ang Kundiman Fiesta, noong magtatapos ang dekada otsenta at sa unang hati ng dekada nobenta.

Kasama pa rin si Cely Bautista ng Mabuhay Singers sa programang “Harana ng Puso” na nagsimulang magsahimpapawid sa DWBR 104.3 FM noong 5 Pebrero 2006. Umawit pa rin siya sa pang-ikalimampung anibersaryong konsiyerto ng grupo noong Nobyembre 2008 sa Philamlife Auditorium. Hanggang sa bungad ng 2015, palagiang umaawit siya sa “Harana ng Puso.” Sa kabila ng maraming nagdaang

mga taon, bumaba man ang kaniyang tinig, hindi nawala ang matimyas at madamdamin nitong tunog. Linggo-linggong inaabangan ng kaniyang mga tagahanga ang pag-awit niya sa nasabing programa. Kayâ laking gulat na lamang ng lahat nang biglang dapuan siya ng karamdaman. Tulad ng kaniyang mga awit, inakala ng madlang sumusubaybay sa kaniya at sa Mabuhay Singers na siya ay “walang kamatayan.” Ngunit, bunga ng pagkakaroon ng dementia, kinailangan niyang magretiro sa pagkanta at lingguhang pagpoprograma sa radyo.

Malungkot na ibinalita sa amin ng kaniyang manugang na si Ana Mandario Eloriaga ang kaniyang pagyao noong 27 Setyembre 2018. Naulila niya ang kaniyang kaisa-isang anak na si Edrick Eloriaga at ang kaniyang mga apo na sina EJ, Jofer, at Jocelle, gayundin ang kaniyang kaisa-isang kapatid na si Rodolfo Bautista.

Bilang pagpupugay, sinulat ng iskolar at kolumnistang pangkultura sa Business

Mirror na si Tito Valiente ang isang artikulo tungkol kay Cely Bautista. Wika niya, “It is common to describe outstanding songs as immortal. For Cely Bautista, that immortality is there in the songs she sang and in that voice that spoke of the only two perpetual mysteries in our life: love and the loss of love. The wonder of it is that Cely Bautista made those losses and breakups so beautiful that we can survive them forever” (Karaniwan nang ilarawan ang mga natatanging awit bilang walang-kamatayan. Para kay Cely Bautista, ang gayong kawalang-kamatayan ay nasa mga awit na kaniyang kinanta at nasa tinig na nangusap ng dadalawang palagiang misteryo ng ating buhay: pag-ibig at ang kabiguan sa pag-ibig. Ang lubhang nakamamangha ay napagmukhang maganda ni Cely Bautista ang gayong mga kabiguan at paghihiwalay kayâ magagawa nating lampasan magpakailanman.)

Paalam, salamat, at lingapin nawa ng bayan ang iyong alaala at mga pamana sa kasaysayan ng popular na musika at kulturang Filipino. Mabuhay ka, Cely Bautista!

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.