May Hangganan...

Liwayway - - Buklat/mulat -

dibdib sa papalapad nang katawan. “Salamat ho, Mang Vir, pati tuloy kayo naabala. Nabasa pa.” “Hindi bale. Okey lang.” Inihatid siya ni Ofel sa may pinto, ni hindi pinagkaabalahang takpan ng braso ang nabasang damit. Napansin niya, mula noon, si Ofel. Binigyang kahulugan ang tila pakikipaglapit sa kanya: ang pagbibigay sa kanya ng nilutong meryenda, ang panghihiram ng DVD video. At isang umagang madilim-dilim pa, na siya’y umalis ng bahay para pumasok sa opisina, inabot niya si Ofel na naglalakad, paalis din at nasa guardhouse na. Binusinahan niya. Napalingon. Nagbaba siya ng bintana. “Sa’n ka pupunta? Sumabay ka na sa ‘kin.” Ngumiti. Pinagbuksan niya ng pinto ng kotse at sumakay. “Sa’n ba’ng lakad mo?” “Sa EDSA ho, mag-aaplay ng trabaho.” Kaya pala nakapolo’t palda ito at may hawak na folder ng mga papeles na nakapaloob sa isang envelope na plastik. Hindi na niya itinanong kung anong trabaho ang inaaplayan nito. Tuwing matatrapik, nililingon niya si Ofel. May kagaspangan ang kayumangging mukha, ang buhok kahit bagong paligo ay mukhang malagkit at tuyo, magaspang din ang balat sa mga braso’t leeg pero takaw-tukso pa ang dibdib. “Hindi ko ho nakikita’ng misis n’yo?” “Patay na kasi.” “Ay, sori ho.” Pagsapit ng Magallanes sa EDSA, Makati, bumaba na si Ofel. Magdyi-jeep na lamang daw. Nagpasalamat. “Sa uulitin ho, Mang Vir.” “Oo ba!” Bumibiyahe patungong Cainta, iniisip niya: ano kaya’t subukin niya si Ofel? Tutal, wala naman siyang girlfriend ngayon. Mahigit sa isang taon na silang hindi nagkikita ni Edith. Umuwi ito sa Virac, Catanduanes para dalawin ang amang naglulubha raw, nakabalik pa sa pabrika, pero wala pang isang buwan, umuwi uli para makipaglibing sa amang namatay. At hindi na bumalik pang muli, nag-email na lamang, ipinaaalam na siya’y nagbibitiw na sa trabaho. Hindi rin siya tinawagan.

Wala naman siyang matandaang atraso kay Edith. Inisip na lamang ni Vir na baka naligawan si Edith sa probinsiya nang mas bata kaysa sa kanya.

Kung may pumipigil sa kanya na biruin si Ofel, iyon ay ang mister nito, si Pio. Sa tantiya niya, mahigit sa dalawampung taon ang agwat ng edad nito kay Ofel. Kung nakikita niya si Pio sa labas-bahay, parang laging hinihingal, kurkubado na rin ang payat na katawan at inaalalayan na sa paglakad ni Ofel dahil maliliyuhin na. Iniisip pa lamang niyang papatol sa kanya si Ofel ay tila nakokonsensiya na siya. Pero paano kung sadyang palay na ang lumalapit sa manok? Sabado at Linggo, wala siyang pasok, at ilang beses nang nangyari tuwing hapon. Magdidilig ng mga bulaklaking halaman sa harap-bahay si Ofel, sa tanaw ng bintana ng kanyang kuwarto, nang nakadaster, at sa bawat pagyuko nito gamit ang timba’t tabo, bumubulaga sa kanya ang bilugan pang mga dibdib. Hindi maikakailang nasa silid siya, bukas ang ilaw roon, kita ang liwanag sa bintana. Sadya bang nagpapatanaw sa kanya si Ofel?

Nakumpirma niya ang hinala nang Linggong iyon, pauwi siya mula sa pagdya-jogging at si Ofel ay tila sadyang nakaabang sa kanya sa harap-bahay. Malayu-layo pa’y sumalubong na sa kanya, nagmagandang-umaga. “Mang Vir, nakakahiya man, baka p’wede ho akong magpasama sa inyo…” “Magpasama? Saan?” “Sa Divisoria ho sana. Ipamimili ko ng mga gamit-pang-eskuwela sina Macmac at Gingging.” Nasa kalagitnaan na nga noon ang buwan ng Mayo. “—Hindi ko ho kasi kabisado’ng pasikut-sikot do’n…” dugtong ni Ofel. At paano naman ito nakatitiyak na kabisado niya ang pasikut-sikot sa Divisoria? At bakit siya ang niyayaya? Bakit hindi si Pio o si Macmac? Sinamahan niya si Ofel. Ibig niyang makatiyak sa kanyang hinala. Bitbit sa magkabilang kamay ang plastic bag ng mga pinamiling kuwaderno, bag, uniporme at sapatos, nananghalian sila ni Ofel, saka binalikan sa pay parking ng mall ang kanyang kotse. “Maaga pa, gusto mo na bang umuwi?” “Ikaw? Me gusto ka bang puntahan?” “Meron.” Na hindi nagtatanong ang kanyang sakay, idiniretso niya ang kotse sa unang motel na nadaanan. Bahala na. Kung tama ang hinala niyang gustong makipagrelasyon ni Ofel sa kanya, bababa ito sa kotse; kung mali siya, sisitahin siya at sasabihin sa kanyang umalis sila roon.

Hindi lamang bumaba sa kotse si Ofel, iniwan sa loob ng sasakyan ang mga pinamili, at bago nakalapit sa kanila ang room boy, kumapit sa kanyang braso at humilig sa kanyang balikat.

Sa silid, tinugunan nito nang alab ang kanyang alab. Sirkera ba ito na bihasa sa mga numero? Pagkatapos ng dalawanground, naghabol ng hininga si Vir. “Grabe ka!” “Matagal na kasing wala. Mahina na’ng katawan ni Pio, pati doon, ayaw na rin…” Kaya pala. Tigang ang bukid at nangangailangan ng dilig. Bistadong ganoon din siya. Hindi naman siya mahilig sa mga bayaran. Natatakot siyang mahawa ng sakit.

Nagkaunawaan sila ni Ofel. At basta may pagkakataon, iniraraos nila ang mga pisikal nilang pangangailangan. Lumalaon, nagiging pangahas si Ofel. Kakatok sa likurang pinto ng kanyang bahay sa gabi, mangungunyapit ang magkabilang braso sa kanyang leeg at aasam ng halik. “Hindi ka ba hahanapin ng mister mo?” “Di pa ‘ko umuuwi, dito na ‘ko tumuloy. Ang alam niya’y may lakad kaming mga taga-center…” Matutukso siya at magmamadali silang makapanhik sa kanyang silid. Sa kabila ng pananabik, sa likod ng kanyang isip, laging naroon ang pangambang baka isang araw ay mahuli sila ni Pio.

Kay Ofel, parang wala lang. Nakakaarte nang normal. Pormal at magalang kung may kaharap silang ibang tao, pero malandi at malaswa ang bibig kung magkasama sila sa kuwarto. “Basta gusto mo, magsabi ka lang. Isang text lang ako, nanginginig pa!” Naalala tuloy niya si Edith. May oras na ganoon ding magsalita si Edith. Ano na kaya ang nangyari sa babaeng iyon? “Hindi ka ba natatakot na baka mahuli ka ni Pio?” Nag-isip, saka umiling. “Ang takot na lang n’ya na iwan ko s’ya. Sino’ng mag-aalaga sa kanya e galit din sa kanya’ng tunay n’yang pamilya? Ngayon pa, sakitin na s’ya, alagain na?”

Nalaman din niya na si Gingging lamang ang anak nila ni Pio; si Macmac ay anak ni Ofel sa pagkadalaga.

“P’wede ba naman na lagi na lang akong nagtitiis? Pa’no naman ‘pag ginaganahan ako at hindi na s’ya p’wede, lambutin na?”

Iyon lang ba ang habol sa kanya ni Ofel? Hindi. Ibinalita sa kanya na hindi ito natanggap sa inaaplayang trabaho sa Makati, underqualified, high school lang daw kasi ang natapos. Narito uli isang gabi at nanghihiram ng pera, aaplay raw uli sa iba. Dumukot siya sa kanyang wallet at inabutan niya ng limandaang piso. Minsan naman, titiyempuhan siya sa umaga bago umalis, idadaing na may project si Macmac sa eskuwela at wala itong pambili, aabutan uli niya. Babalik bandang alas-onse nang gabi para makipagniig sa kanya. Ginagawa na siyang palabigasan ni Ofel, nahahalata niya. Paano ba siya makakaiwas? Isang gabing kadarating niya mula sa opisina, heto’t kasunod na agad niya si Ofel, parang taranta. “V-Vir, me ekstrang pera ka ba? Baka p’wedeng makahiram kahit limang libo. Isinugod kasi namin si Pio sa ospital kanina, habol kasi’ng hininga. Ipina-confine ng doktor…”

Wala siyang magawa, ipinahiram niya ng pera si Ofel. Ano ba itong napasukan niya? Sa sarili, naisip niyang kailangan na niyang dumistansiya kay Ofel. Pero paano?

“SER, me bisita kayo.” Kasama ni Flor, isa sa dalawa niyang staff, ang isang babaeng hindi nalalayo sa kanya ang edad. Payat, de-salamin at mukhang hirap sa buhay. Noon lamang niya nakita ang babae. “Ano ho ‘yon?” “Ser, p’wede ko ho ba kayong makausap nang sarilinan? Importante lang ho’ngsasabihin ko… tungkol ho kay E-Edith…”

Napatuwid si Vir. Nilingon niya si Flor at kinalabit naman nito si Yolly, ang kasamahang staff. Lumabas ng silid ang dalawa. “Ano hong tungkol kay Edith? Kaanu-ano n’yo ba s’ya?” “Tiyahin n’ya ho ako. May isang linggo na s’yang nakikipisan sa ‘kin mula nang bumalik s’ya galing Catanduanes kasama’ng anak n’ya.” “M-Me anak na si Edith? Nag-asawa na ba s’ya?” Umiling ang babae, tinitigan siya. “K-Kayo raw ho’ng ama…” Napalunok si Vir. Bago sa kanyang pandinig ang sinasabi ng kanyang kausap. Bigla, naalala niya ang sinabi sa kanya noon ni Edith: Kung sakali…itutuloy ko. Gusto ko’ng magkaro’n ng souvenir sa ‘yo, sir…

“Ano ba’ng anak n’ya?” “Lalaki ho. Nasa ospital ngayon, na-dengue. Wala naman ho akong maitulong, kapos din kami. Ako’ng pinalapit sa inyo ni Edith, nahihiya raw kasi…”

Nagbilin siya kay Flor na aalis saglit at babalik din agad. Kasama niyang bumalik sa ospital ang tiyahin ni Edith.

Maluha-luha si Edith nang makita siya, larawan ng pag-aalala sa anak. “Sir…”

Nakipaghawakan siya ng kamay kay Edith. “Ba’t di mo sinabi sa ‘kin?” “Ayokong makaperwisyo sa pamilya mo. Ginusto ko ‘to, paninindigan ko. Di naman ako nagsisisi, masaya ako na nagkabeybi, p-parang kumpletung-kumpleto’ng aking pagiging babae.” Pinagmasdan niya ang payat na batang nakahiga sa crib. Kuha sa kanya ang ilong at mata, kuha naman kay Edith ang labi.

“H’wag ka nang umiyak, sagot ko’ng gastos,” sabi niya, at niyakap si Edith. Umiwas ng tingin ang tiyahin nito. “Pag nailabas na natin s’ya rito, isasama ko na kayo. Sa ‘kin na kayo titirang mag-ina. Magsasama na tayo.” “P-Pano’ng misis mo?” “Isang taon na ‘kong b’yudo.” Magandang balita para kay Edith, napahigpit ang yakap nito sa kanya. Nilapitan ni Vir ang sanggol, hinaplos sa buhok at noo. May lagnat pa nga.

Sa napipintong pagsasama nila ni Edith, naisip ni Vir, makakakalas naman siya kay Ofel.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.