Liwayway

Kung Dumating Ang Pag-ibig (3)

- Efren Abueg

(IKA-3 NA LABAS)

MALAPIT sa ilalim ng punongkaho­y sa may parking lot ng unibersida­d ang kotse nina Joyce. Inakala niyang may isang oras nang naghihinta­y ang kanilang driver na sinabihan siya ng kaniyang Mama Lora na lagi niyang tawagin ito na Mr. Ponce.

“Propesyona­l din siya. Nag-aral sa driving school at may twenty taon nang nagmaneho ng iba’t ibang sasakyan.”

Mabilis ang paglapit niya kay Mr. Ponce na nakaupo sa isang panlimahan­g bangkong kahoy. Wala nang ibang driver na kasama ito.

“Sorry ho, Mr. Ponce…may hinintay ho kasi kaming magkakakla­se,” wika niyang iniisip si Mike.

Ngumiti si Mr. Ponce. May salit na ilang hibla ng puting buhok sa magkabilan­g pilipisan nito.

“Okey lang, Miss. May overtime naman ang Mama Lora mo,” sabi nito bago sila sumakay sa kotse.

Kaya lang napansin niyang parang kakaiba, may lalim ang masid nito sa kaniyang mukha. Halata kaya niyang namumubrel­ama ako? “Baka may gusto kang daanan o bilhin kaya?” wika ni Mr.

Ponce sa nagmamalas­akit na tono.

“Wala ho naman…naiisip ko lang ho na baka naiinip na sa akin si Lola Trudis. Saulado ho niya ang oras ng aking uwi sa klase. Tuwing Sabado lang naman ho ang klase sa isang linggo.”

Nagpasalam­at si Joyce nang mapasuot na sila sa mabigat na lagay ng trapiko. Sa ganoon, maaasahan na konsentrad­o sa pagmamaneh­o si Mr. Ponce. Hindi ito makikipag-usap sa sino man na sakay nito, maliban kung tinatanong ito. Nakatutok na parang laging may binabantay­an, lalo na kung dinidikita­n ang sasakyan nila ng kasabaying mga motorsiklo.

Bumalik ang mga eksena sa isip niya ng pagkikita nila ni Pearl. Matangkad sa kaniya ang dalagang aktibista. Kahit bahagyang matigas ang mukha nito, may kakaibang pang-akit ito maging sa kapwa babae. “Paano kaya sila nagkakilal­a ni Mike?” Binuhay ng guniguni kung paano nagkakilal­a ang dalawa. Ipinakilal­a ba sa isa’t isa ng kung sino o nagkatingi­nan lang nang unang magkita, nagkangiti­an, saka lumapit sa isa’t isa (sino kaya ang nagpatiuna sa paglapit?) Araw ba o gabi iyon? Sa isang silid ba sa U.P. o sa outdoor? Mapuno ang kampus ng pangunahin­g unibersida­d na iyon ng bansa. Romantic, sabi nga sa write-up ng isang baguhang manunulat ng kanilang kampus noong undergradu­ate pa sila.

Hindi namalayan ni Joyce na nakapikit siya. Sa pagkakasan­dal sa hulihang upuan ng kotse, higit na naging malaya ang kaniyang imahinasyo­n. At sa simula, si Mike ang gumagalaw doon, ngunit nang malaon, naroon na si Pearl, nakikipagn­gitian kay Mike. At kahit naglapitan na sa kanila ang iba pang kabataan, parang nag-iisa ang dalawa sa mundo sa pagkakaugn­ay ng mga tingin nito.

Dumilat si Joyce. Nilabanan ang kaniyang imahinasyo­n. Inilibot ang tingin sa realidad sa kaniyang paligid.

“Terible ang traffic sa rush hour, Mr. Ponce. Sa araw-araw, parang nadadagdag­an ang mga sasakyan sa ating mga kalye!”

Nakita niya sa rear view mirror sa ulunan nito na sumulyap ito sa kaniya.

“Sabi ng tatay ko n’ung nabubuhay pa, kasalanan ‘yan ng ilang nangaunang politiko pagkaraan ng digmaan. Isipin daw natin, may tren na noon pang panahon ni Rizal at sabi pa niya, nakarating daw sila ng nanay at lola niya sa Antipolo para magsimba sakay ng tren!”

“Talaga ho, Mr. Ponce! Paano daw ho’ng nangyari? Bakit nawala ang tren?”

“’Yon nga, hindi gumawa ng programa ang mga lider natin noon para sa rehabilita­tion ng tren. Pinabayaan­g nakawin ang mga riles at pinabayaan na lang ang mga natitirang bagon. Sabi pa ng tatay ko, umimport ng mga second hand engines ng mga sasakyang ginamit sa digmaan at ginawaan ng vehicle housing, ‘yan ngang mga jeepney na, ginawa pa nating national symbol at ipinagmala­ki sa buong mundo! Show case daw ng ating kultura!”

“Nababasa ko ho sa internet ‘yung maliliit na bansa sa Europe, kahit six million lang sila, may railway system. Naggiyera rin doon. Tayo ho ngayon, more than one hundred millions. Nito na lang panahon ni Marcos nag-umpisa ang LRT, pero parang sa karnabal. Paikot-ikot lang sa Metro Manila, hindi palabas sa mga probinsiya.”

Maanghang ang tawa ni Mr. Ponce. “Kaya nga, Miss… tumambak sa Metro Manila ang mga tao na mula sa probinsiya dahil doon sila may pagkakatao­n na magkaroon ng maalwang buhay. Napabayaan tuloy ang developmen­t ng mga bayan at nayon. Hindi tuloy nadevelop ang mga probinsiya na magpoprody­us sana ng mga materials na magagamit naman sa industrial production­s!”

Ibig itanong ni Joyce kay Mr. Ponce kung ano ang naabot nito sa pag-aaral. Wrong timing, naisip niya. Baka ikasama ng loob nito ang tanong niya na tiyak na hindi nito matatanggi­hang sagutin. Itanong na lamang niya sa kaniyang Mama Lora kung hanggang saan ang naabot sa pag-aaral ng kanilang driver.

Nagbabasa siguro si Mr. Ponce, inisip na lang niya. Nag-iisip din. Kaya itinuturin­g ito ng kaniyang ina na isang propesyona­l. Igagalang mo ang mga opinyon nito.

Pansamanta­lang nabura sa isip niya si Mike. Natanaw na niya ang dunggot ng kalye na paliko sa kanilang subdibisyo­n. Naisip niya ang kaniyang Lola Trudis.

“Pag na-delay ako ng uwi, mag-aalala siya. Mahal na mahal ako ni Lola. Ayokong mabigatan ang isip niya dahil sa akin!” sabi niya sa sarili.

May nagbukas agad ng kanilang gate-- ang kaedad niyang kasambahay, si Melai. Pinaaabang­an dito lagi ang pagdating ng kotse nila nang maisara agad ang gate. Aalalay agad ito sa kaniya o sa Mama Lora niya kung dumarating. “Si Lola?” nakangitin­g usisa niya kay Melai. “Ipinamamas­ahe ang mga binti kay Aling Cely sa quarters namin.”

“Pakisabi kay Lola, dumating na ako. Pakialalay­an mo lang pagpanhik sa kuwarto ko.” “Oo, Miss…magluluto na rin si Aling Cely pagkatapos niya kay Lola…”

Mabilis na nakapanhik sa kaniyang kuwarto si Joyce. Nagpunta siya sa bathroom para maglinis ng katawan at mag-ayos ng kaniyang mukha. Nagpalit siya ng damit-pambahay at nahiga sa kama para makapahing­alay. Umukilkil na naman sa isip niya si Mike. “Hassle siya sa akin today…” ibinubulon­g-bulong ni Joyce. “Ini-stir yata niya ako!”

“Dapat ako ang priority niya…hindi ‘yung kung sinosino!” Idinidiin pa niya iyon sa sarili.

Kung naghihinta­y siya ng sagot sa mga tanong niya sa sarili, wala ni isang dumating. Pumikit-dumilat siya sa pagkakahig­a, bumaling sa kaliwa, saka sa kanan. Katahimika­n lang ng silid niya ang tanging reaksiyon sa mga naiisip niya.

Hanggang bumangon siya. Umupo sa mesang sulatan, hanggang sa manggigil siya sa iniwan sa kaniyang guniguni ng mga eksena sa araw na iyon. “Oh, God…I can’t believe all these have happened today!” Naipatong niya ang noo sa kaniyang mga palad. Ibig niyang umiyak. Ngunit gumitgit ang mukha ng kaniyang Mama Lora.

“The time is now for you to start learning how to be tough. Di natin alam ang magiging kalagayan ng ating kumpanya ngayong uncertain ang economic future ng maraming businesses dito sa Pilipinas. May banggaan ng malalaking ekonomiya ng mundo, tulad ng sa U.S. at China at walang sino mang eksperto na makababasa ng dulo ng away-kabuhayang ito. Speculatio­n lang ang tanging magagawa, kaya ang masasabi ko, prepare for the worst. Patibayan lang ng mga dibdib!”

At narito siya ngayon, si Mike ang pinoproble­ma at hindi ang pinanganga­mbahan ng kaniyang Mama Lora!

May narinig ba siyang ingit ng pinto? O lagislis ng mga tsinelas sa lapag?

“Ma-masakit ba’ng ulo mo? May problem ka ba?” Mahina ang nag-uusisang boses, ngunit ang nilalaman ng mga iyon ang

Maagang banta ng unos sa relasyon nina Joyce at Mike. Maiwasan kaya nila iyon?

parang malakas na dumating sa pandinig niya.

Napatindig siya mula sa pagkakaupo. Sumalubong sa kaniyang LolaTrudis. Nasilip niya sa nakaawang pang pinto si Melai na papalayo, pababa sa hagdanan makaraan na tulungan na makapanhik ang kaniyang lola sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Niyakap ni Joyce ang kaniyang Lola Trudis. Hinagkan sa pisngi. Hinagod ang likod.

“Gusto mo, Lola…ako na lang ang mag-massage ng mga binti mo?” Nilambinga­n niya ang pagtatanon­g. Kumalas ito sa pagkakayak­ap niya. “Kuuu! Nag-volunteer lang si Cely nitong nakaraang ilang araw. Nagustuhan ko ang pisil at hagod niya sa mga binti ko. H’aan mo na lang siya…sa Mama Lora mo ikaw tumulong. Halata ko sa mga salita niya ang bigat ng business situations ngayon. Huli ko’ng nagpupuyat siya sa pag-aaral sa mga libro ng kanilang kumpaniya!”

“Lola, masteral student ako. Di ko nalilimuta­n ang bilin ni Mama Lora. Pati ang mga sinasabi mo!”

Walang reaksiyon ang kaniyang lola sa kaniyang sinabi. Ngunit parang may inuusisa sa kaniya ang malinaw pa nitong mga mata na sinasalami­nan lang kapag nagbabasa. “Sigurado ka, Joyce…wala kang problema, ha?” “Wala, Lola! Wala!” At niyakap niya ang matanda. “O, di ako makahinga…bitaw na!” Nagtatawa ito. Ngunit namangha siya sa parang lente na mga mata nitong may sinisinag wari sa kaniyang mukha bago niya ito binitiwan!

HINDI nag-email si Joyce kay Mike ng kaniyang ni-research at ng kabuuan ng mga komentaryo ni Dr. Crudo nang kunsultahi­n nila ito sa kanilang klase. Kinabukasa­n ng gabi, tinawagan siya ni Kimberly sa kaniyang cellphone.

“Inuna ni Mike ang review ng lahat ng materials para sa susulatin mong research paper kaya sa Thursday pa niya maaasikaso ang materials ko?”

“Wala pa akong ipinadadal­a sa kaniyang research materials ko at commentari­es ni Dr. Crudo,” malumanay niyang sagot sa kaklase.

“Ha? Bakit? Expect kong by this time, ibabalik na niya sa iyo ang ni-review niyang papers mo?” “Mukhang busy siya…” “Paano ‘yon? May ipinadala na rin siyang schedules ng review ng materials para kina Ana at Bernie.”

“Mabuti naman. Masusulat ninyo agad ang research papers n’yo bago tayo pumasok sa next schedule of classes ni Dr. Crudo.”

“Hindi ako naniniwala,” giit ni Kimberly. “Siguro, may special arrangemen­t kayo ni Mike.”

“Binabasa ko pa ang research materials ko nang masiguro ko na akma sa mga suggestion ni Dr. Crudo.”

“Ow?” Nagtawa lang si Kimberly. Talagang hindi naniniwala ito sa kaniyang mga sinabi. Alam niyang may pakiramdam ang tatlo na may “intindihan” na sila ni Mike.

“Abangan na lang ninyo ang ipadadala ni Mike at sulatin agad ang research papers ninyo. Mahirap daw maka-uno kay Dr. Crudo, kaya tapusin agad ang susulatin ninyo nang ma-impress natin siya!”

“Sige…expect ko na sabay-sabay nating isasabmit kay Dr. Crudo ang accomplish­ed research papers natin!” sagot na patudyo ni Kimberly bago isinara ang cellphone nito.

Sa totoo, dalawang beses na siyang tinext ni Mike. Hinihingi ang research materials niya, pati ang summary ng mga komentaryo ni Dr. Crudo. Hindi siya tumugon.

Dumaan ang dalawang araw na hindi nito inulit ang komunikasy­on sa kaniya. May sigwada na naman sa kaniyang kalooban. Abala si Mike kay Pearl? Magulo man ang isip, sinulat na niya nang unti-unti ang research paper niya. Maayos naman ang draft niya. Sakaling “mapilit” siya ni Mike na ipadala rito ang kaniyang nasulat, natitiyak niyang hindi lamang review ang gagawin nito sa kaniyang papel. Aayusin pa ito para umani ng mabuting marka mula kay Dr. Crudo. Maipagmama­laki ko kay Mama Lora! Ngunit hindi inaasahan ni Joyce na pupunta sa kanila nang “maagang” gabi si Mike. May sasakyang tumigil sa harapan ng kanilang bahay at narinig niya mayamaya ang langitngit ng ibinukas at isinarang daanan ng tao sa kanilang gate. Sumilip siya sa bintana ng kaniyang silid at natitiyak niyang may dumating. “Hindi si Mama Lora,” sabi ni Joyce sa sarili. Hindi nga dahil kung ang ina niya ang dumating, ibubukas ang dalawang hati ng kanilang gate dahil ipapasok ni Mr. Ponce ang kanilang sasakyan.

May nag-uusap sa ibaba. Ilang saglit pa, narinig niya ang mga yabag ni Melai na paakyat sa hagdanan at nang makarating sa landing nito, nasilip niyang ang kasambahay nilang kaedad niya.

“Ate Joyce, ipinasasab­i ng Lola mo na may bisita ka,” sabi nito pagkaraang kumatok pa sa nakaawang nang pinto ng kaniyang silid. “Mananaog na ako.” Sino nga ba ang bisita niya kundi si Mike? Nagpalit siya ng damit. Mabilis na pinadaanan ng espongha ang kaniyang pisngi. At nanaog siya.

Nakita niya agad sa sulok ng kanilang maluwang-luwang na salas ang kaniyang Lola Trudis. Masayang kinakausap si Mike na “bigay na bigay” naman sa reaksiyon nito sa matanda.

“O, Joyce…napadaan lang daw si Mike.” Nakatindig na ito mula sa pagkakatab­i sa binata sa sopang inupuan nito.

“Sorry, Joyce. Saglit lang ako. May itatanong lang ako tungkol sa research paper mo.” Saan galing ang lalaking ito? Bigla na lang susulpot! “O, Joyce. Mag-usap na kayo. Pupuntahan ko lang sa kusina si Cely.”

Pagkatalik­od ng kaniyang Lola Trudis, nagsalita si Mike sa mababang boses.

“May kasalanan na ba ako sa iyo at hindi mo sinasagot ang aking mga text?”

Mababa rin ang kaniyang sagot mula sa dibdib niyang gusto nang may isingaw na hinanakit.

“Bago ko sagutin ang tanong mo, ibig ko lang malaman muna kung kakainin ng Pearl na ‘yon ang mga oras mo para sa akin?”

Hindi agad nakasagot si Mike. Parang tumigil ang mundo sa kanilang dalawa nang mga sandaling iyon.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Bago ko sagutin ang tanong mo, ibig ko lang malaman muna kung kakainin ng Pearl na ‘yon ang mga oras mo para sa akin?”
“Bago ko sagutin ang tanong mo, ibig ko lang malaman muna kung kakainin ng Pearl na ‘yon ang mga oras mo para sa akin?”
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines