Liwayway

Paano Maabot Ang Langit (6)

- Neri Jedeliz

(IKA-6 NA LABAS)

SA klab na pinapasuka­n ni Mimi. Medyo maaga pa, kaya madalang pa ang mga customer. Panay ang hikab ni Mimi na nakaupo sa isang sulok kasama ang ilang mga GRO. “Panay ang hikab mo,” puna ni Gina na isa ring GRO at katsokaran ni Mimi.

“Talagang ganito tayo, kapag walang customer. Puro hikab, kahit hindi inaantok. Baka ma-zero tayo ngayon. Kelangan ko pa naman ang datung,” tugon ni Mimi. “Bakit, me problema?” “Nasa ospital si Inay. Na-stroke. Buti mild lang.” “Tiyaga lang, amiga. Maaga pa naman. Hintayin mo ang pagpatak ng alas dose ng hatinggabi. Alam mo naman, sa oras na iyon, saka magsidatin­gan ang mga DOM.”

“DOM? Dirty old man? Ayaw ko ng DOM. Gusto ko’y MMM.” “MMM, mayaman, madaling mamatay?” “Hindi. MMM, mayaman, madaling maulol.”

Tawanan sila. Ganito silang mga GRO. Maraming alam na patutsada upang mawala ang pagkainip o pagkabagot.

Sumulyap si Mimi sa malaking wall clock na nakasabit sa isang sulok. Nakita niya, mag-a-alas dose na. Tumayo siya habang naghihikab.

“Punta muna ko sa CR. Mag-aayos. Magpulbo, maligo sa pabango. Kelangan ko talagang kumita ngayon. Maraming bibilhing gamot para kay Inay.”

Marahang naglakad si Mimi papuntang CR. Ngunit, nagulat pa siya nang may kumalabit sa kanya nang dumaan siya sa counter.

“Kumusta?” bati ng lalaking umiinom ng brandy sa counter. Nang lingunin niya’y namukhaan niya kung sino.

“Luis? O, long time no see. Halos tatlong buwan kang di nagpakita rito,” tugon ni Mimi.

“Inutusan kasi ako ni Papa na ayusin ang isang negosyo namin sa Kabisayaan. Kaya tumagal din ako roon.”

Talagang sa Negros nanggaling si Luis. Nilakad niya ang

pagbebenta ng kanilang malawak ding lupain, sa utos ng kanyang ama. Kailangan daw nito ang malaking salapi. Pambayad sa utang. Alam ni Luis na malaki ang pagkakauta­ng ngayon ng kanyang ama na dapat bayaran. Halos naibenta na nila ang kanilang mga ari-arian upang pantustos lang sa mga bisyo ng kanyang ama. Naadik ngayon sa casino ang kanyang ama. “O, anong atin?” tanong ni Mimi kay Luis. “Napadaan lang ako. Sana wala kang ‘dalaw’ ngayon.” “Wala nga. Bakit?” “Di ba noon, sabi mo di mo magagawa ang ipinagagaw­a ko sa ‘yo dahil meron ka?”

“A,” natukoy kaagad ni Mimi ang tinutumbok ni Luis. “Wala nga akong ‘dalaw’ ngayon. Pero wala rin si Marco rito.”

“Baka lang darating siya. Kapag dumating siya, gawin mo na ang ipinagagaw­a ko sa ‘yo. Dodoblehin ko pa ang ibigay ko sa ‘yo.”

“Talaga? Kelangan ko nga ng pera ngayon. Tingnan natin, kung darating siya.” “Nand’yan na siya hu?” Nang lingunin ni Mimi ang pinto, nakita nga niyang pumasok si Marco. Tuloy-tuloy ito at umupo sa isang bakanteng mesa sa isang sulok. Hindi siya nakita ni Marco sapagkat hindi daanan ang counter sa pagpasok sa kanilang club. Kahahatid lang ni Marco kay Zenaida sa tinutuluya­n nito at may pasok pa iyon bukas. Naisip niyang maaga pa naman, kaya dumaan na siya rito kay Mimi upang magpalipas lang ng kaunting oras.

Nang muling lingunin ni Mimi si Luis, nakita niyang tila balisa ito.

“Mimi, ayaw kong makita ako rito ni Marco. Aalis na ako. Gawin mo na lang ang gusto ko.” Dumukot sa kanyang bulsa si Luis at iniabot kay Mimi ang balumbon ng salapi. “O, ito, pera mo. Doble na ‘yan kaysa dati.” “’Yon lang ang gagawin ko?” “’Yon lang. Pero dapat na matiyak kong nagawa mo nga ang ipinagagaw­a ko sa ‘yo. Kelangan ko ang ebidensiya.” “Ano ang gagawin ko?” “Di ba me selpon ka rin? Kunan mo ng litrato habang magkasipin­g kayo ni Marco. P’wede namang i-set mo sa awtomatik ang camera ng selpon, at klik! Tapos ang istorya.”

“Teka, saan ba kami? Magmo-motel ba kami. Tiyak di sasama si Marco.”

“Bahala ka kung saan mo siya dadalhin. Diskarte mo na iyan. Basta pagbalik ko rito, ipakita mo lang sa akin ang nakuha mong litrato ninyo ni Marco, tapos na. Madali lang ‘no? Sige, aalis na ‘ko.”

Mabilis na tumalikod si Luis at dumaan sa kabilang pinto. Inihatid pa ng tanaw ni Mimi ang lumalabas na si Luis. Nang wala na ito, tinungo ang kinauupuan ni Marco.

“O, naririto ka na naman. Me problema?” bati ni Mimi kay Marco. Umupo siya sa tabi nito at tinawag ang isang nakaabang waiter. Umorder ng ladies drink.

“Walang problema. Nais ko lang maghapi-hapi,” tugon ni Marco.

“Akala ko, me problema ka na naman. Gaya ng nasabi ko, sumisipot ka lang dito kapag me problema ka. Gusto mo lang pala maghapi-hapi. Sige, sasamahan kita. Bakit di tayo kumuha ng hard drink? Di ka malasing sa beer.” “Sige.” Nang bumalik ang waiter na may dalang ladies drink, umorder muli si Mimi ng isang boteng whisky.

“Gusto mong kumanta?” tanong ni Mimi kay Marco. “Saan?” “Sa videoke. Linggo ngayon, tuwing Linggo, p’wedeng kumanta ang mga customer, libre. Kakanta ka?”

“Huwag na. Baka umulan. Ewan kung ano itong boses ko. Tuwing kakanta ako umuulan.”

“Baka boses palaka,” tumawa si Mimi at napatawa rin si Marco. “Teka, narinig ko na minsan ang boses mo. Di naman boses palaka. Kinanta mo noon ang My Way ni Mat Manro.”

Kinuha ni Mimi ang mike sa kalapit na mesa at wala pang kumakanta. “Kumanta kang muli kahit ano. Gusto kong makinig.”

“Sige. My Love Will See You Through na lang ang kakantahin ko.”

Ibinigay ni Mimi kay Marco ang mike. Bago kumanta, lumagok muna si Marco ng whisky sa kanyang baso. Nang matapos kumanta si Marco, may pumalakpak naman. “O, sabi ko na nga, ganda ng boses mo. Inom ka pa, baka lalong gumanda ang boses mo.” Si Mimi at sinalinan pa ng whisky ang baso ni Marco upang mapuno.

Di napapansin ni Marco na gusto talaga ni Mimi na malasing siya. Di mabubura sa isipan ng dalaga ang ipinagagaw­a sa kanya ni Luis. Bayad na nga siya. Sinasabaya­n naman ni Mimi kapag tumutungga si Marco. Di nagtagal nasaid ang isang bote ng whisky. “Kuha tayo uli ng isang bote. Gusto kong makalimot.” “Bakit, me problema?” “Di mo ba nababalita­an? Na-stroke si Inay. Naroon ngayon sa ospital. Naroon nga nagbabanta­y sa kanya ang dalawa kong kapatid. Kaya nag-iisa ako ngayong gabi sa bahay.” “Talaga, ha? Baka itsus mo lang ‘yan.”

“Ihatid mo ‘ko mamaya pag-uwi natin, upang malaman mo.”

Tinawag ni Mimi ang waiter at umorder ulit ng isang boteng whisky. Di naman tumutol si Marco.

“Huwag kang mag-alala. Tutulungan kita sa pambili ng gamot ng inay mo,” ani Marco.

“Wow! ‘Yan ang gusto ko sa ‘yo. Mula noon, lagi mo ‘ko dinadamaya­n. Sige, inom pa tayo. Hapi-hapi tayo, upang makalimot.”

Makalipas pa ang ilang saglit, kapwa na sila bulol kung magsasalit­a. Ibig sabihin, kapwa na sila tinatamaan ng espiritu ng alak.

“U-uuwi na tayo,” ani Marco makaraan pa ang ilang sandali. Nakita niyang alas dos na ng umaga ang oras sa malaking wall clock na nakasabit sa dingding.

“S-sige. Ihatid mo ‘ko. Nag-iisa ako sa bahay. Please lang, damayan mo muna ako ngayong gabi lang naman.”

Hindi matatanggi­han ni Marco si Mimi. Kababata niya ito. Halos sabay silang lumaki. Isa pa, halos magkakapit­bahay lang naman sila. Magkalapit lang naman ang bahay nila sa pook ng mga iskuwater. Kahit madalas na nasa studio niya siya natutulog, pero umuuwi pa rin siya sa bahay nila upang tingnan ang kanyang ina at dalawang kapatid.

Magkahawak kamay na lumabas sila ng klab at tumawag ng taksi. Mukhang mas malakas ang tama kay Marco ng ininom nilang alak. Hindi siya sanay sa whisky at hanggang beer lang siya sa inuman. Samantala si Mimi ay sanay sa anumang klase ng hard drink at gabi-gabi kung lumaklak ng alak. Kaya si Mimi pa ang umaalalay kay Marco na pasuray-suray na pag lumakad.

Madaling nakasakay sila ng taksi at may mga taksi namang kusang naghihinta­y sa labas. “Ihahatid lang kita at uuwi na rin ako,” ani Marco. Di tumagal at narating nila ang bahay nina Mimi. Napuna nga ni Marco na madilim sa loob, palantanda­ang wala ngang

Mukhang nakatitiya­k na sina Marco at Zenaida na sila na nga ang magkakatul­uyan. Ang di nila alam ay may nagbabanta­ng balakid.

tao.

“Talaga ngang nasa ospital si Inay mo at mga kapatid. Akala ko’y dumidiskar­te ka lang.”

“Hoy, Marco. Kung didiskarte ako, di p’wedeng idamay ko pa ang aking pamilya. Dahil nga sa kanila kung bakit nagtitiis akong bumabad sa mabantot na klab na ‘yan.” “Sorry, Babes.” Pumasok sila at may susi naman si Mimi. Sinindihan ni Mimi ang ilaw.

“Marco, huwag mo muna akong iwan rito. Samahan mo naman ako rito ngayong gabi lang. Nakatatako­t naman kapag nag-iisa rito. Baka pasukin ako rito ng adik.” “Dito ako matutulog?” “O, e, ano ang masama kung dito ka matutulog? Di naman tayo talo. Sabi mo nga, sa gitna natin walang malisya. Kung ayaw mo akong samahan dito ngayong gabi, ibig sabihin me malisya ka.”

“O, sige. Tutal, alas tres na ng umaga. Papalipas lang ako ng ilang oras, at kapag lumiwanag na ang langit, aalis na ‘ko.”

“Ikaw ang bahala.” Umupo si Mimi sa gilid ng papag na may kultson naman.

“Dito ako matutulog sa sahig. D’yan ka sa papag,” ani Marco.

“Bakit sa sahig kayo? Ang daming ipis d’yan.” “E, saan ako hihiga?” “E, di dito rin sa papag.” “Tabi tayo?” “E, ano? Me malisya ka?” Tahimik na umupo si Marco sa gilid ng papag. Ngunit itinulak siya ni Mimi kaya napatihaya siya sa ibabaw ng papag. Napahagikh­ik si Mimi.

“Sa tingin ko’y tila nininerbyo­s ka. Me malisya ka talaga, ano?”

“Di ako nininerbyo­s. Tayong dalawa lang naman dito. Wala tayong malisya, di ba?”

“Kung wala, sige, mahiga ka na upang makapagpah­inga ka na. Maghuhugas lang ako sa banyo.” Nag-alis na ng damit si Mimi. “O, bakit naghubad ka sa harap ko? Nakatingin ako, a,” ani Marco.

“Sanay na ‘ako sa ‘yo. Noong maliit pa tayo, kapwa tayong hubad kapag maligo sa ulan. Ilang beses na bang nakita mo ang katawan ko? Wala na akong maitatago sa ‘yo.”

“Oo nga ano? Me pilat ka nga sa puwit. Pero ngayon, dapat magduster ka kahit ako lang ang kaharap mo. Hindi na tayo mga bata.”

“Sige, tulog na.” Tumalikod na si Mimi upang pumunta sa banyo.

Talagang antok na antok na si Marco. Talagang nalasing siya. Tila di na niya mapipigila­n ang pagpikit. Humiga na siya. At di nagtagal, nawalan na siya ng kamalayan.

Nang bumalik si Mimi, naghihilik na si Marco. Umupo siya sa gilid ng papag at malugod na pinagmamas­dan si Marco. Ang totoo’y may lihim na pagkagusto rin siya kay Marco, mula pa ng mga bata pa sila. Sabay nga sila ni Marco na nag-aral sa elementary­a hanggang high school. Ngunit dahil sa kahirapan, di na siya nakapag-aral sa kolehiyo. Samantala si Marco nakapagara­l pa at nakatapos ng kursong Fine Arts sa UP sa sariling pagsisikap nito. Wala siyang magawa kundi’y ang tumulong sa kanyang ina upang maitawid ang kanilang buhay. Maliliit pa ang kanyang dalawang nakababata­ng kapatid. Patay na ang kanyang ama. Napagtripa­n ng mga rugby boys at nasaksak.

Kaagad na naalaala ni Mimi ang ipinagagaw­a sa kanya ni Luis. Dapat lang niyang gagawin sapagkat binayaran na siya. Ano kaya ang dahilan ni Luis kung bakit pursigido talaga ito sa ipinagagaw­a sa kanya? Di niya alam. At di siya interesado­ng malaman. Kinuha niya ang kanyang selpon. Isiniset niya ang timer ng camera at iplinastar sa isang sulok kung saan nakatutok sa kabuuan ng papag.

Saka siya naghubad. Hinubaran naman niya si Marco. Naiwan na lang ang kapwa nilang panloob. Saka sumampa na siya sa papag at yumapos kay Marco. Nag-klik ang camera ng selpon.

“Isang klik lang, pera na,” bulong ni Mimi sa sarili. “Di naman malalaman ni Luis kung me nangyari o wala sa amin ni Marco. Siyempre wala. P’wede ko bang sirain ang pagtitiwal­a ni Marco sa akin? Hindi ako taksil na kaibigan ‘no? Kaunting arte lang naman, tapos na.”

Isang klik pa ng camera at muling nagsuot na ng duster si Mimi. Binihisan din ang walang kamalay-malay na si Marco. Itinago na ang camera at tumabi na kay Marco. Isang malambing na smack kiss ang ipinadapo niya sa pisngi ni Marco bago tuluyang napapikit sa labis na antok. Nang magising si Mimi kinabukasa­n, wala na si Marco. Sa ibabaw ng mesa, nakita niya ang maliit na pirasong papel na may nakasulat gamit ang ball pen. Sa ilalim ng papel may nakaipit na pera. Binasa niya ang nakasulat: “Ito ang pera, gamitin mo sa pagpapagam­ot sa inay mo.”

KALALABAS lang ni Zenaida ng hapong iyon sa kanilang paaralan, natanaw kaagad niya si Marco na naghihinta­y sa labas ng bakod ng paaralan. Tiyak na siya ang hinihintay. Binilisan ni Zenaida ang kanyang mga hakbang upang makalapit kaagad kay Marco.

“O, tila excited ka. Anong balita?” salubong ni Marco. Sabay silang lumakad ng marahan sa sidewalk.

“Nakapagpas­iya na ‘ko,” tugon ni Zenaida. “Nakapagpas­iya na ano?” “Na sa susunod na buwan na tayo pakakasal.”

“O, ang bilis, a. Pero okey lang, me kaunting ipon na ako. Kung simpleng kasal lang, walang problema.”

“May naimpok din ako. Sahod ko sa pagtuturo. Hindi ito mula sa salapi ng aking ina. Gagamitin din natin ito sa ating kasal.” “Saan tayo pakakasal?” “Ano’ng saan?” “Ang ibig kong sabihin, sa simbahan ba o sa huwes lang.” “Siyempre sa simbahan, upang maging for life.” “Oh, Zeny, you make me happy,” nawika na lang ni Marco at buong pagmamahal na pinisil ang palad ni Zenaida.

MAKARAAN ang tatlong araw, muling napasyal si Luis sa klab na pinapasuka­n ni Mimi.

“O, anong nangyari?” tanong ni Luis kay Mimi ng magkaharap sila. “Mission accomplish­ed,” nakangitin­g tugon ni Mimi. “Ow? Me puweba ka?” “Ito, o.” Ipinakita ni Mimi ang kuha niyang mga litrato sa kanyang selpon.

“Wow, galing! Ang ganda ng kuha mo!” bumadya sa mukha ni Luis ang labis na tuwa.

Ngayon pa lang, natitiyak na niyang di matutuloy ang pagiisang dibdib nina Marco at Zenaida.

(ITUTULOY)

 ??  ?? Nang bumalik si Mimi, naghihilik na si Marco. Umupo siya sa gilid ng papag at malugod na pinagmamas­dan si Marco.
Nang bumalik si Mimi, naghihilik na si Marco. Umupo siya sa gilid ng papag at malugod na pinagmamas­dan si Marco.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines