Liwayway

Soulmates (19)

- Evelyn L. Estrella-Sebastian

(IKA-19 NA LABAS)

SIMPLE lang ang kasal nina Lorna at Ben. Pamilya at malalapit na kamag-anak at kaibigan lamang. Ngunit nagulat siya nang makita paglabas ng simbahan sina Thelma at Nestor at pati si Cely. “Surprise!” wika ng mga ito.

Tuwang-tuwa siya. “Buti nakarating kayo. Hindi sinabi ni Lorna na iimbitahin kayo. Anong oras kayo umalis? Sana kahapon na lang kayo umuwi at sa amin natulog.”

“Sana nga, naisip ko rin iyon pero may kompromiso naman itong si Nestor. Kaya madaling-araw kami lumakad,” sagot ni Thelma. “By the way, kailan kayo susunod?” at kumindat ito sabay sulyap kay Sergio na kausap si Nestor.

Tiningnan niya si Cely. Dati, kapag nagtatanon­g nang ganoon si Thelma, agad nakikisago­t ito at ang isinusulon­g ay ang kanyang manok na si Joey. Ngunit napuna niyang nakikinig lamang sa usapan ang kaibigan. “A, nagkaayos na kaming dalawa,” sagot niya.

“Talaga?” sabay pa sina Thelma at Cely. “E, kailan ang kasal n’yo?”

“Hindi!” napalakas niyang sagot na ikinalingo­n nina Nestor at Sergio.

At pabulong, ipinaliwan­ag niya. “Nagkaayos nang magkaibiga­n na lamang kami.”

Nagkatingi­nan sina Thelma at Cely at para siyang kinutuban. “Bakit?” tanong niya.

“Wala, mamaya na, punta na tayo sa reception. Saan ba iyon?” tanong ni Thelma.

Lumapit si Sergio sa kanila. “Sa akin na kayo sumakay. Kasya naman tayong lima.”

Sa restoran na pinagdausa­n ng salusalo para sa kasal, magkakasam­a silang lima sa mesa, walang naupo sa mga bakanteng silya. Katapat nila ang mesa ng mga ninong at ninang na kinabibila­ngan ng nanay niya, kapareha si Tito Armando. Naroon din ang Tatay niya at si Tita Tessie. Sina Lorna at Ben ay magkasama sa isang tanging mesa sa ilalim ng arkong napapalamu­tihan ng mga bulaklak.

Masaya ang kuwentuhan sa kanilang mesa. Hindi niya tinukso kung kailan magpapakas­al sina Thelma at Nestor dahil ayaw niyang mabaling ang usapan sa kung kailan naman siya mag-aasawa. Ngunit si Nestor mismo ang nagbukas ng usapan. “Nagbabalak na kami ni Thelma,” at tumingin ito sa katabi.

Kinindatan siya ni Thelma. “Pasensiya na. Mabagal kayo…” ngunit di naman ito tumingin kay Sergio. “Kailan?” tanong ni Sergio. “Pagpasok ng susunod na taon. Simple lang din, pareho nito. Pero siyempre, naroon kayo.”

“At maid o matron of honor, ikaw iyon,” sabad ni Thelma.

“Sori, Cely, presentado ako. Saka matagal nang usapan ito,” at kinindatan niya si Cely.

Nang matapos ang cutting of the cake at iba pang seremonyas na karaniwang ginagawa sa isang simpleng kasal, kinuha ni Sergio ang mikropono at ipinahayag na ang best friend ni Lorna ay may inihandang awit para sa kasal nito. Ang awit ay sariling kahilingan na rin ng mga

ikinasal. Kasunod nito ay inilabas ng mga waiter sa restoran ang isang simpleng keyboard. Nagpalakpa­kan ang mga bisita nang banggitin ni Sergio ang pangalan ng paboritong guro ng lahat, si Miss Rowena. “Kakanta ka pala,” wika ni Thelma. “Nahilingan, e…” at tumayo na siya. Si Sergio ang nag-akompanya sa kanya. Isang awit na Tagalog na paborito ng dalawa. Bago siya nakabalik sa mesa ay biglang lumapit sa kanila si Tito Armando. “Bilang ninong ng bagong kasal, ako naman ang hihiling ng awit kay Miss Rowena, na sabay naming aawitin para sa kanila. P’wede?” at tiningnan siya nito. Wala siyang nagawa kundi tumango. “Ano pong awit, Tito?” Natawa si Tito Armando. “Iisa lang naman ang alam nating dalawa. Iyong kay Romberg. Siguro naman, maaalaala pa natin ang lyrics noon.”

Nilingon niya si Sergio na nakaupo na sa harap ng keyboard. Tinitipa na ang mga unang nota ng piyesa. Umawit na sila ni Tito Armanda na kalaunan ay sinabayan na rin ni Sergio habang nakaupo at tumutugtog. Masigabo ang palakpakan­g inani ng kanilang pag-awit. Hindi naiwasan, narinig pa niya habang pabalik sa mesa, kasabay si Sergio, ang ilang bulungan. Sila na ang susunod. Bagay na bagay…Hindi siya tumitingin kay Sergio.

Pagkatapos ng kasal ay nagtungo pa sa kanilang bahay sina Thelma. Umalis saglit si Sergio upang may asikasuhin para sa mga bagong kasal. Niyaya pa nito si Nestor na sumama naman. Babalik na lamang para ihatid ang mga ito sa sakayan ng bus paluwas. Noon siya nakasilip ng pagkakatao­n na usisain sina Thelma at Cely sa napansin niyang wari ay makahuluga­ng pagpapalit­an ng mga ito ng tingin. “Ano ba ang latest?” pasimula niya, kay Cely nakatingin. Muli, nagtingina­n ang dalawa. Naghintay siya kung sino ang unang magsasalit­a. Tumikhim si Cely. “Dumating iyong nanay ni Joey…”

Napatango siya, sabi na nga, tungkol kay Joey, naisaloob niya. “Kailan?” “One week after na lumuwas ka,” sagot ni Thelma. “Nagpunta sa apartment,” patuloy ni Cely. “Hindi ko nga kilala, sabi lang, nanay siya ni Joey. At kilala ka niya, Rowena. Girlfriend ni Joey. Nag-usap nga raw kayo nang lumuwas ka ng nakaraang linggo. Gusto lang daw niyang magtanong-tanong, kung mamarapati­n kong sagutin.” “Ano’ng sabi mo?” “Wala nga akong masabi. Kaya siya ang salita nang salita. Pero nang itanong kung anong klaseng pamilya kayo, sabi ko’y hindi ko masasagot. Baka mabuting si Thelma ang kausapin dahil magpinsan kayo.” “At idinamay pa ko nito,” at inirapan ni Thelma si Cely. “Kaya lumipat kami sa kasera.” “Sinabi ko lang, housewife si Tita Annie, tesorero sa kapitolyo si Tito Carlos. Ordinaryo ang buhay, hindi mayaman, nakaluluwa­g lang.” “Ano’ng sabi?” singit niya. “Nag-aalala raw siya nang malaman niyang may girlfriend na si Joey. Kilala raw niya ang kanyang anak at ang ambisyon nitong umangat ang buhay. Sa madaling-sabi, yumaman. At nang makita ka niya, nag-alala siyang hindi mo maagapayan si Joey sa kanyang layon. Mukhang alagain ka raw. Isang nina bonita.”

“Nina bonita!” bulalas niya na ikinahinto ng kanyang nanay na nagdaraan noon. “Nina bonita ba ako, Nanay?” kaswal niyang tanong dito. Nagkibit ng balikat ang kanyang nanay. Kumunot ang noo. “Siguro, medyo. Pero mas higit na matigas ang ulo at makulit,” at saka sila iniwan.

Nagtawanan sina Thelma at Cely. “O, ano pa ang sinabi?” untag niya. “Mukha raw hindi ka makatataga­l maghintay. Wala raw sa hitsura mo.”

“Pero gaano ba ako katagal maghihinta­y?” may kasamang hinaing niyang wika.

“That is the question!” sambot ni Cely.

“Hindi,” mariing wika ni Thelma. “Ang tanong ay dapat ka pa bang maghintay? Simula’t sapul ng inyong pagkikilal­a, o pagiging MU, wala ka nang ginawa kundi ang maghintay. Ni ha, ni ho, wala. Boyfriend pa lang iyan, ha? E, pag mag-asawa na, at lalong lulong sa paghahanap­buhay, e, di hindi mo na siguro makikita. Ewan ko lang sa iyo, ‘insan. Kalimutan natin si Sergio sa usapang ito. Pero kung ako ikaw at may iba ka pang manliligaw na talagang nakatuon sa iyo ang pansin at panahon, mag-iisipisip ako.”

Matagal siyang napatingin kay Thelma. Seryoso ito. “And it doesn’t help… na parang negative ang dating ng kanyang nanay. Bakit? Baka dahil sa iyo, makalimuta­n na ni Joey ang ambisyon niya sa buhay. At kapag nangyari iyon, she’ll resent you habang buhay. Tingin ko naman ay hindi niya gustong yumaman, para matawag na mayaman. May pinagdaana­n lamang. Let’s just understand where she’s coming from.”

Sabi pa ni Cely. “Alam mo naman, Rowena, boto ako kay Joey sa umpisa pa lang. Matagal ko rin siyang nakasama. Alam kong he’ll make a good husband. Pero sa nakikita kong passion niya... No, Baka mas tama ang obsession...sa pagtatraba­ho, in exclusion of all other things, nag-aalala din ako. Naiintindi­han ko ang Nanay niya, pero, ikaw, kaya mo ba? Ang tipo natin, parang halaman, kailangan ang alaga, ang dilig.”

“Pero, nasa sa iyo ‘yan, “sambot ni Thelma. “Sinasabi lamang namin ito kasi pagdating ng panahon ayaw naming masisi mo kami na bakit hindi kami nagsalita. O magsisi kami na bakit hindi ka namin sinabihan. Ilabas na natin sa usapang ito si Sergio dahil ayaw na rin naming may isusulong na ... manok,” at tiningnan nito si Cely na napangiti.

“Kasi, kung di ka rin naman liligaya kay Sergio, ayaw rin naming masisi. Kaya, labas kami rito. Bahala ka na sa buhay mo,” wika ni Thelma at dagdag pa, “di ba, Tita Annie? Bahala siya sa buhay niya.”

Tumigil sa kanilang umpukan ang kanyang Nanay at nagwika. “Ay, oo. Kung gusto niyang tumandang dalaga tulad ng mga titser diyan sa Central, okey. Kung gusto niyang magasawa, nasa kanya iyon.”

“May napipisil ba naman kayo sa mga manliligaw ni Rowena?” tanong ni Thelma.

Umiling ang kanyang Nanay. “Sabi mo nga, buhay niya iyan. Kung saan siya liligaya at mabubuhay nang tahimik, p’wede na

Anong tiyaga ni Sergio, sa kanyang pag-iisa ay napag-isip-isip niya. Kay haba na nang ipinaghint­ay nito na wala rin namang liwanag na tinatanaw. Na pareho niya. Mahaba na rin ang panahong naghihinta­y kay Joey.

kaming mamatay ng Tatay niya.”

“Naku, nagdadrama na naman si Nanay,” saway niya. “Mula nang malaman niyang mag-aasawa na si Lorna, alalang-alala na iyan kung kailan ako susunod. Sabi ko naman, di ko sila iiwanan ni Tatay. E, kung taga-malayo raw ang mapangasaw­a ko?”

“Taga-malayo?” at nagkatingi­nan silang tatlo nina Thelma at Cely. May alam ba ito tungkol kay Joey? May nahalata na? Mabuti na lamang at dumating na sina Sergio at Nestor. Naiba ang usapan.

Sa pagdaraan ng mga araw pagkatapos ng pagkikita nilang iyon ay laman ng kanyang isipan ang lahat ng kanilang napagusapa­n. Lahat namang iyon ay napagmuni-munian na niya. Natimbang-timbang na at dumating na rin sa kongklusyo­ng ipinamumul­at sa kanya ng mga dating kasama. Iwinawaksi nga lamang niya. Ngunit sa pagkakatao­ng iyon na binayaan niya ang sariling tanggapin ang katotohana­n ng mga nangyayari, nakadama na rin siya ng pagbabago sa kanyang damdamin. Hindi maliwanag, ngunit dama niyang may naiba. Bagaman at pagdating ng gabi, kapag pinagbabal­ikan niya sa alaala ang una nilang pagkikita ni Joey, ang ilang beses na pagkikita, pag-uusap at pagmimirye­nda, nanunumbal­ik ang halina, ang romansa ng pagkakaroo­n ng soulmate. Ang malinaw na koneksiyon sa unang pagtatama pa lamang ng mga paningin.

Na pagsapit naman ng umaga, kasabay ng pagsikat ng araw, habang sakay ng sumusundon­g traysikel na naghahatid sa eskuwelaha­ng pinagtutur­uan, ang damdaming nangingiba­baw ay pangunguli­la. Na marinig ang pamilyar na tinig. Masilayan ang lumalabo nang larawan ng mukha.

LABAS daw si Sergio sa pinag-usapan nila nina Thelma at Cely. Naiintindi­han niya na ang mga ito ang lumalabas, dahil kahit si Cely, alam niyang gusto na rin si Sergio para sa kanya.

Mula noon, malimit na niyang mapuna ang sarili na pinaguukul­an ng pansin si Sergio. Mga mamunting gawi at kilos na dati ay hindi niya naiino. Mahilig itong magsuot ng tsert na kulay asul. O kung puti ay may stripes na ganoong kulay. Kaswal itong manamit. Napansin din niya, ang partida ng buhok nito ay nasa dakong kaliwa. Madalas na lumalawit sa may noo ang bahagyang kulot na buhok sa kanang bahagi ng ulo. Malago ang kilay, matangos ang ilong at pantay-pantay ang mga ngipin. Guwapo nga si Sergio.

Magalang si Sergio. Palagay kung kumilos, ma-bata o mamatanda ang kaharap o kausap. Waring mahaba ang pasensiya. At malambing. Nakita niya kung paano ito makipag-usap sa kanyang Nanay, kahit sa kanyang Tatay. May respeto ngunit naroon ang lambing. Natural na natural lamang dahil marahil ganoon ito lumaki. Kaya paano niya masisisi ang kanyang mga magulang na mahulog ang loob dito. Kung pati nga sina Thelma na bihira itong makita, nagustuhan ito agad. Kung kaya nasabi rin niya minsan na hindi mahirap mahalin ito. At dama niya ito, kaya lamang, hindi niya ito soulmate. Na nakatagpo na niya.

Ano kaya ang natatagong kapintasan niSergio. Wala namang perpektong tao, kaya sigurado siyang may ugali rin ito na hindi kanais-nais sa paningin ng iba. A weakness of character. A flaw. Isang kasahulan. Ngunit anuman iyon, sa kabuuan ay masasabi na ring mabait si Sergio. Sobrang bait, kung siya ang tatanungin. At kung susuriin, that would be both Sergio’s strength and weakness.

Tulad ng kanilang relasyong dalawa. Magkaibiga­n. Binatilyo at bata sa simula. Binatilyon­g naging binata na matiyaga pa rin sa paghihinta­y sa batang naging dalaga na mabaling na ang pagtingin nito sa kanya. Anong tiyaga ni Sergio, sa kanyang pag-iisa ay napag-isip-isip niya. Kay haba na nang ipinaghint­ay nito na wala rin namang liwanag na tinatanaw. Na pareho niya. Mahaba na rin ang panahong naghihinta­y kay Joey. Na sumulat man lamang na madalas. O dumalaw naman kahit minsan, Pasko o kaarawan niya. Na magbitiw man lamang ng pangakong sa ganitong araw at taon...Na pareho rin ni Joey na wala ring time limit ang pagkayod sa trabaho para yumaman ng gusto nitong pagyaman. Kani-kaniyang degree sila ng paghihinta­y sa isa’t isa. May kumpetisyo­n ba sila nang patagalan ng paghihinta­y? Matira ang matibay? Na sa tingin niya, nakalalama­ng na si Sergio. Marahil, sumusunod na si Joey. O patas ang dalawa. Ngunit siya, kung tatanungin, hindi siya makasasago­t…

Sa mga sumunod na pagdalaw ni Sergio sa kanya ay hindi na nila napag-uusapan ang tungkol sa kuwento ng binatilyo at bata matapos na maisiwalat niya rito ang tungkol sa relasyon nila ni Joey. Ngunit isang araw, naisipan niyang buksan ang paksang ito sa kanilang usapan dulot ng umuukilkil na mga tanong sa kanyang sarili na tanging si Sergio ang makasasago­t, bunga ng mga usapan nila ninaThelma at Cely nang dumalo ang mga ito sa kasal ni Lorna.

“Naisip ko lang, Sergio, di ba sabi mo, hinihintay noong binatilyo na mabaling sa kanya ang pagtingin noong batang naging dalaga na?” “Nabaling na ba?” mabilis na sambot nito. “Kuwento mo lang ito, remember, na gusto kong dugtungan.” “Iisa lang naman ang karugtong noon. Mababaling ang pagtingin ng dalaga sa matiyagang binata. Sunod, ikakasal na sila. Isang magandang kasal, worthy of the bride.”

“Pakinggan mo muna ang input ko sa kuwento mo bago mo sila ikasal,” putol niya.

Napangiti si Sergio. “Alam mo namang handa na iyong binata, noon pa. Pero sige, ituloy mo. Makikinig ako.”

Si Sergio, na kinaiinisa­n niya noong bago silang magkakilal­a, kapag ganoong magsalita na waring binibigyan­g-laya siya sa nais na gawin, bakit ng mga araw na iyon ay may dala nang lugod? Na talaga lamang na isinasaisa­ntabi niya, hindi binibigyan­g-kahulugan dahil pinipigila­n niya ang kanyang sarili na mapanibulo­s ang loob dito.

Nagpatuloy siya. “Iyong kuweno mo, ipagpalaga­y nang nahulog na nga ang loob noong dalaga sa binata, na mabait kasi, kasundo bilang kaibigan, kaya unti-unti nang nabaling ang kanyang pagtingin dito, ngunit hindi dahil mahal na niya ito...” napatigil siya sa pagsasalit­a, napatingin kay Sergio na matiim ding nakatitig sa kanya.

Na sinalo ang kanyang sinasabi. “Dahil may mahal siyang iba. Kaya lamang, matagal nang wala siyang balita dito.” Unti-unti, tumango siya. “Talaga bang mahal niya iyon?” Muli siyang tumango. “At sigurado siyang mahal na mahal rin siya, tulad ng pagmamahal noong binata sa batang naging dalaga na?” Ulit-ulit na tango. “Nakaya lamang wala pang maliwanag na balak ay dahil may kailangan pang gawin. Na marahil ay matagal pa bago maisakatup­aran, kaya nakaramdam ng pagbabago ang dalaga at unti-unting nababaling ang pansin sa iba? Na gusto lamang, ngunit hindi mahal?” seryoso si Sergio.

Tumango siya at inulit. “Oo, tama ka. Gusto lamang, ngunit hindi mahal. Naiintindi­han mo ba iyon, Sergio?”

Si Sergio naman ang tumango at inulit niya. “Gusto lamang ngunit hindi mahal! Sergio, matatangga­p mo ba iyon? Na may ibang mahal ang mahal mo. Na kaya ka lamang napansin ay dahil wala siyang balita sa taong iyon. Kaya mo bang tanggapin iyon, Sergio?” huli na nang matanto niyang deretso nang si Sergio ang tinatanong niya.

(ITUTULOY)

 ??  ?? “Nagbabalak na kami ni Thelma,” at tumingin ito sa katabi.
Kinindatan siya ni Thelma. “Pasensiya na. Mabagal kayo…” ngunit di naman ito tumingin kay Sergio.
“Nagbabalak na kami ni Thelma,” at tumingin ito sa katabi. Kinindatan siya ni Thelma. “Pasensiya na. Mabagal kayo…” ngunit di naman ito tumingin kay Sergio.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines