Liwayway

Ang Suwail Na Anak

- Rufino C. Crisolo

IKAPITO ng umaga, ayon sa mukha ng pandinding na orasan sa salas ng kanilang bahay. Araw ng mga Patay, Undas, at gusto niyang makarating nang mas maaga sa sementeryo. Masakit na sa balat ang init ng araw kapag inabot siya ng alas nuwebe.

Lumabas siya ng bahay at sa mabulaklak niyang hardin ay pumupol ng ilang uri ng makukulay na bulaklak na iaalay niya sa puntod ng kanyang asawang si Susan, na pitong taon nang namamayapa. Binalot niya ng lumang diyaryo ang mga bulaklak. Mamaya’y isusuksok na lang niya sa nakalaang plorera na palagiang nakapatong sa ulunan ng nitso ni Susan.

Dali-dali siyang nag-shower at agad gumayak patungong libingan, bitbit ang baong pananghali­an. Balak niyang tumigil doon hanggang hapon, tulad ng nakagawian na niyang gawin tuwing sumasapit ang Undas. Ngayon naman ay tiyak niyang malinis na daratnan ang maliit na musoleyo ng kanyang asawa na halos maghapon ding nilimpiyes­a niya kahapon.

Ilang sandali pa’y marahan nang binabagtas ng kanyang owner type jeep ang kalsada patungong sementeryo na halos dalawang kilometro ang layo sa kanilang tahanan. Nasa dulong hilaga kasi ang kanilang bahay at ang libingan naman ay lampas pa sa katimugang bahagi kaya kailangang tuhugin niya ang puso ng kabayanan bago marating ang sementeryo.

Marami nang mga naglalakad patungo sa kamposanto, matatanda, mga bata, magkakaibi­gang kabataan na naghaharut­an sa daan, at mag-anakang may mga bitbit na alay sa kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.

Nakaramdam siya ng kirot sa kanyang dibdib. Dapat sana’y may kasama rin siyang mag-aalay sa kanyang asawa kung narito si Marlon, ang kanilang anak na pinangarap niyang magpapatul­oy ng kanyang propesyon ngunit naging suwail at binalewala ang kanyang hangaring maging magiting na sundalo rin ito na tulad niya. Mula nang umalis ito ay hindi na nagpakita sa kanya sa takot marahil na masaktan at masisi niya dahil sa maagang pagkamatay ni Susan.

Retirado siyang sundalo na may ranggong Tenyente Koronel. Noong aktibo pa siya sa serbisyo ay isa siyang magaling na instructor at kinagugula­tan ng mga kadre. Kaya matunog ang kanyang pangalan sa police academy, Kapitan Leonido Dimaunahan, matapang, mabalasik at istriktong guro ng mga sundalo.

Sa totoo lang, ay talaga namang guro siya at nagtapos ng kursong Edukasyon. Pero pagkatapos ng isang taong pagtuturo sa mataas na paaralan ay bumaling din siya sa tunay niyang gusto, ang pagiging sundalo. Kaya nag-aral siyang muli, at sa pagkakatao­ng ito ay sa isang police academy. Nang makatapos siya at maging commission­ed officer ay pinakasala­n niya si Susan na dati niyang kaguro. Pagkalipas ng isang taon, lumabas si Marlon. Tuwang-tuwa siya at lalaki ang kanyang panganay. Noon pa man ay pinangarap na niyang hubugin ang anak upang taluntunin ang kanyang landas. Inaasam niyang makita itong may estrelya sa balikat balang araw. Alam kasi niyang malabo na ang pag-asang maging heneral siya kaya kung maagang makakapaso­k si Marlon sa propesyong ito ay malaki ang pagkakatao­n nitong makuha ang kanyang minimithi.

Sa murang edad ni Marlon ay pinagsikap­an niyang maturuan itong mapatibay ang katawan at maihanda ang kaisipan sa pagiging sundalo. Ngunit habang lumalaki ay napapansin niyang parang nawawala ang interes nito. Malimit tuloy na nasisingha­lan niya kapag tinatamad sundin ang kanyang mga ipinagagaw­a at itinuturo. Alam niyang kailangan ng isang lalaki ang mga kaalaman tungkol sa self defense, una sa lahat, kaya binibigyan niya ng lessons sa judo at karate si Marlon. Wika nga niya, e, iyon ngang mga tunay na sundalo na ay nahuhubog at napapasuno­d niya, ito pa bang sarili niyang anak ang hindi?

Habang bumibigat ang kalooban, at sumusuway magkaminsa­n, ay lalong humihigpit at pinupursig­e niya ang anak. Hanggang sa magbinatil­yo na ay nasasaktan pa niya ito kapag lalambot-lambot at bantulot sumunod sa kanyang mga ipinagagaw­a.

Nagtapos sa high school si Marlon na may pinakamata­as na karangalan. Valedictor­ian.

“Pakukunin na kita ng eksamin para makapasok ka na sa PMA sa Baguio,” wika niya habang naghahapun­an sila nang gabing iyon.

Napatigil sa pagsubo si Marlon. “May mas gusto akong kurso, Daddy,” wika nito.

“‘Yon ang gusto ko, at doon, mas magiging magaling ka kesa sa akin,” aniya. Hindi na sumagot si Marlon kahit halatang may gusto pang sabihin.

Siya nga ang nasunod. Pinakuha niya si Marlon ng exam sa PMA. Pero, nadismaya siya sa resulta ng eksamin. Muntik nang hindi makapasa samantalan­g proud na proud pa naman siyang magsabi na valedictor­ian ang kanyang anak. Ang isa pang napansn niya ay para bagang hindi niya nakita ang kasiyahan sa mukha ng anak nang malamang isa ito sa mga nakapasa.

Nag-enroll nga sa Baguio si Marlon. Tuwang-tuwa siya at malimit na dinidili-dili niya ang araw na heneral na ang anak.

Ngunit isang araw ay nagulat siya nang biglang umuwi sa Batangas ang anak, hindi pa natatapos ang unang taon sa PMA. “Anong nangyari?” tanong niyang pilit pinipigil ang gigil. “Daddy, ayoko na talaga. Hindi ko kaya.” “Tarantado ka pala, e. Nasa adjustment stage ka pa lang, sumuko ka na!” sigaw niya. “Ano ngayon ang gusto mong gawin?” “Daddy, kukuha na lang ako ng ibang kurso.” “Hindi! Kung ayaw mo sa PMA, gumapang kang mag-isa mo,” wika niya. “Hanapin mo ang iyong gusto …ng sarili mo. Wala kang maaasahan sa akin.”

Hindi na niya napilit bumalik sa Baguio si Marlon. Nanatili na ito sa Batangas at sabi ay maghahanap daw ng trabaho. Hindi na niya kinibo o kinausap ang anak para, wika niya, ay huwag nang magkagulo pa. Kumain siya kung may makakain at gumawa kung may gustong gawin. Naging kapwa sila estrangher­o sa isa’t isa.

Ang ikinaiinis pa niya kung minsan ay ang pang-uurirat ng ilang kapitbahay at kamag-anak tungkol sa biglang pag-

Madalas naitatanon­g niya sa sarili kung saan naroon ang pagkakamal­i? Na mali bang isipin niya ang higit na makabubuti sa kanyang anak?

atras ni Marlon sa PMA. Ang daming sitsit at hakahaka… at nakakaramd­am siya ng hiya. Ang galing nga naman niyang magpasunod sa kadre, e, itong kaisa-isang anak ay wala siyang magawa.

“Leo, tulungan na lang natin si Marlon na kumuha ng ibang kurso,” sabi ni Susan isang gabing umuwi siya galing sa kampo. “Ayaw niya talagang magsundalo.” “At anong gusto niya?” “Di…tanungin natin.” “Kayo na lang mag-ina ang mag-usap. Ayaw ko na siyang pakialaman.”

Lumipas ang ilang buwan. Nagpatuloy ang nakababago­t na sitwasyon sa loob ng kanilang tahanan. Hanggang sa ang takot at sama ng loob ni Marlon ay humanap ng lagusan.

“Alam ko pong hindi niyo ibibigay ang gusto ko, Daddy, Mommy, kaya ako na lang ang hahanap ng paraan. Pangako po, hindi ko dudungisan ang ating pangalan. Paalam,” anang maikling kalatas na iniwan ni Marlon isang umaga. Hinimatay si Susan. Naging simula iyon ng depression at pagkaaburi­do ni Susan hanggang sa ito’y magkasakit at tuluyang pumanaw makalipas ang dalawang taon. Alam ni Leo na ang pag-alis ni Marlon ang dahilan kaya lalo pang naragdagan ang galit niya sa kaisa-isang anak. Ilang araw pagkalibin­g kay Susan ay may nagsabi kay Leo na nakita raw si Marlon na dumalaw sa puntod ng ina.

Hindi na nga nagpakita si Marlon sa kanya sa loob ng sumunod na pitong taon. Naging mistulang ghost house ang kanilang bahay. Mas matagal kasi na walang tao ito kaysa mayroon sapagkat minsan ay isang buwan bago siya umuwi mula sa kampo militar. Hindi niya matagalan ang kahungkaga­ng nararamdam­an kapag nasa loob siya ng tahanan at sa mga pagkakatao­ng yaon na nag-iisa siyang gumagalaw ay hindi niya maiwasang balikan ang nakaraan at tanungin ang sarili. Saan naroon ang pagkakamal­i? Mali bang isipin niya ang higit na makabubuti sa kanyang anak?

Sa pagdaraan ng mga araw, buwan, at taon ay patuloy na nginatngat ng kahungkaga­n at pangunguli­la si Leo hanggang sa maramdaman niyang gusto niyang makita at muling mayakap ang kinamumuhi­ang suwail na anak. Ang galit na namuo noon sa kanyang dibdib nang hindi ito sumunod sa gusto niya ay tuluyang nilusaw ng pangunguli­la…at ang pagsisisi ay unti-unting gumapang sa kanyang kaibuturan. Nasaan na kaya si Marlon? Babalik pa kaya ito? Alam niyang sa kanyang edad na singkuwent­a’y otso, ang bawat araw na magdaan, ay isang hakbang patungo sa kanyang hukay. Malimit ay namamalaya­n na lang niya na may maiinit na luhang gumagapang sa kanyang pisngi… at kasabay ng buntunghin­inga ay nauusal niyang sana’y bumalik si Marlon bago dumating ang sandaling hindi na siya makakapags­alita.

Noong nagdaang taon, pagkatapos ng tatlumpung taong paglilingk­od sa sandatahan­g lakas, nagretiro si Leo at inasikaso na lang ang kapirasong tubuhan na nabili niya. MARAMI nang taong naglipana at nag-aalay ng bulaklak sa sementeryo. Naghanap si Leo ng puwang na mapaparada­han ng kanyang owner jeep.

Malayo pa sa musoleyo ng kanyang asawa ay napuna na ni Leo na bukas ang pintuan niyon. Naiwan pala niyang hindi naikandado kahapong maglinis siya.

Napaudlot siya sa pagpasok sa loob ng musoleyo nang makitang may dalawang babaeng nakatayo sa paanan ng

nitso ni Susan. Nasa paanan ng mga ito ang isang maganda’t malaking kulay rosas na kandila, na nagsisimul­a nang umagos ang luha. Saglit siyang huminto at minasdan ang nakataliko­d na dalawang seksing babaeng wari’y nagdarasal. Parehong nakaheels at ang kikinis ng mga binti at braso. Sino ang mga ito? Baka nagkamali ang mga ito sa pagdalaw sa puntod ni Susan.

Nang makatapos magdasal at magkrus ang dalawa ay saka tumikhim si Leo. Lumingon ang dalawa at ang isa sa mga ito, na mahaba ang kulay lupang buhok, ay luhaang tumitig sa kanyang mga mata. Hindi makapagsal­ita.

Pilit hinagilap ni Leo sa isip kung saan niya nakita ang magandang babaeng ito. Ngunit sadyang hindi niya maalaala.

Ang luhaang babae’y biglang sumalubong sa kanya at hindi niya naiwasan ang pagyakap nito. “Daddy!” sigaw nito na humahagulh­ol. Biglang kumalas si Leo sa pagkakayak­ap. “Teka…teka! Sino ka ba?” tanong niyang hindi inaalis ang mga mata sa magandang mukha ng babae. “Daddy, ako si Marlon!” Napaatras si Leo…nakaawang ang mga labi. Hindi makapaniwa­la. Walang lumabas na mga salita.

Biglang hinablot ng magandang babae ang kulay lupang peluka. “Daddy, patawarin n’yo na ako. Ito ang tunay na ako!”

Hindi makahuma si Leo sa labis na pagkabigla. Tinitigan niyang mabuti ang mukha ng kaharap. Si Marlon nga! Ang kanyang anak! Ang kanyang kaisaisang supling na binigyan niya ng dugo at laman…at pilit niyang sinaklaw ang buong pagkatao. Kasabay ng lundag ng dugo ay ang sumbat na mariing sumundot sa kanyang dibdib, na agad nagpabalon­g ng kanyang mga luha.

Muli siyang niyakap ni Marlon. Mahigpit. Umiiyak na rin ang nakamasid na kasama nito. “Daddy, nang sabihin n’yong hanapin ko ang gusto kong buhay, ay alam ko na kung ano talaga ako… at… kung ano ang gusto ko, kaya ang hinanap ko’y ang aking daigdig. Nagtrabaho at nag-aral ako at nakatapos ng kursong gusto ko. Ngayon ay may ilang parlor na ako sa Maynila. Sana, tanggapin n’yo na ako, Daddy. Please,” patuloy ang pagluha ni Marlon.

Tumango siya, nilunok ang mandi’y nakahalang sa lalamunan, saka nagsalita. “Dumito ka muna ng ilang araw. Gusto kitang makapiling. Gusto kong kahit sandali ay maipadama sa iyo ang aking pagsisisi…. ”

“Daddy, hindi n’yo ako ikahihiya?! Kaya n’yong tanggapin na ang kaisa-isa n’yong anak ay…ay bading?” “Anak kita, Marlon.” Parang nakikita ni Leo ang nakangitin­g mukha ni Susan habang lumuluhang magkayakap silang magama. Sumasayaw naman sa mahinhing ihip ng hangin ang dila ng malaking kandilang kulay rosas sa paanan ng puntod.

Samantala, sa dibdib ay nasasalat na ni Leo ang kaligayaha­ng paulit-ulit niyang inasam noong mga nagdaang Undas.

 ??  ?? Pilit hinagilap ni Leo sa isip kung saan niya nakita ang magandang babaeng ito. Ngunit sadyang hindi niya maalaala.
Pilit hinagilap ni Leo sa isip kung saan niya nakita ang magandang babaeng ito. Ngunit sadyang hindi niya maalaala.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines