Liwayway

Sana...Noon Pa

- Alex Areta

SA tapat ng Farmer’s Market sa Cubao, sa southbound lane, dahan-dahang nang-agaw ng linya ang bus nina Marlon. Konduktor siya, partner niya ang driver na si Jorge. Sa paghinto, tatlong linya ang nasarhan. Nakabalagb­ag sa malaking bahagi ng kalye ang katawan ng bus.

Unang bumaba si Marlon para bigyang daan ang mga bababa, at para magtawag din ng mga pasahero: “Farmer’s na, Farmer’s... ‘yung mga bababa d’yan!” Saka hinarap ang mga commuters na nakasilong sa makitid na waiting shed na ang kalahati’y okupado ng dalawang nagtitinda ng sigarilyo. “Estrella, Guadalupe, Ayala, Mantrade... Alabang!” sigaw uli niya.

May mga bumaba at may mga sumakay.

Sa likuran nila, nakabibing­i ang silbato ng iba pang bus. Sa busina idinadaan ang pagpapakit­a ng pagkainis ngunit walang nagbu-voice out ng galit. Kung mayroon man, sa kapartner na konduktor lang iyon sinasabi. Wala silang karapatang magalit. Kapag sila ang nakatiyemp­o, ibinabalag­bag din nila ang dala nilang bus upang hindi makalusot ang kasunod.

“Larga na, pakner!” sigaw ni Marlon sa kanyang driver. “Namumula na ang hasang ng mga kasunod natin sa inis!”

“Manigas sila!” sagot ni Jorge, tawang-tawa. Pero sumunod sa senyas ni Marlon. Umarangkad­a ang bus, humarok ang makina nang maglipat ng kambiyo sa segunda at halos lumundag nang magtersera.

Binaybay ni Marlon ang mga upuan mula unahan hanggang sa hulihan. “O... ‘yung mga wala pang tiket, ‘yung mga bagong sakay. May inspector mamaya!”

Matagal nang nagtatraba­ho si Marlon bilang konduktor ng bus. Mula nang maglayas siya sa kanilang nayon at tumuntong sa Maynila, mga bus drivers at mga konduktor na ang kanyang nakasalamu­ha. Di niya makalilimu­tan nang unang salta niya sa lunsod, sumakay siya ng isang bus sa Alabang. Nang tanungin siya ng konduktor kung saan siya bababa, wala siyang masabi. “K-kahit saan na lang... tiketan mo na lang ako.” “Gabi na, ‘tol,” sabi ng konduktor. “Sa Caloocan ang garahe namin.” “Sige, doon na lang ako.” Pasado alas-onse ng gabi nang dumating sila sa Caloocan. Siya na lang ang natitirang pasahero nang sabihin sa kanya ng konduktor na iyon na ang dulo ng linya. Atubili siyang kumilos. Naawa siguro sa kanya ang driver, na nakita niyang nakatingin sa kanya sa rear view mirror, kaya ang sabi nito:“Ang mabuti pa, isama na lang natin sa garahe ang lalaking ‘yan. Mukhang walang pupuntahan, eh. Baka makursunad­ahan pa ‘yan ng mga loko.”

Isinama siya ng mga ito sa garahe. Sa harap ng garahe, isang maliit na karinderya. Pinakain siya ng konduktor, na bandang huli’y nagpakilal­ang Toti.

“At doon ka na rin matulog sa barracks ko. ‘Yun nga lang, magtiis ka sa kalat ko. Saka sa lamok.”

Disinuwebe anyos siya noon. Unang pagkakatao­n na sumubok mamuhay mag-isa.

Sa rekomendas­yon ni Toti, napabilang siya sa mga buswashers. Paggarahe ng bus, lilinisin nila, pupulutin ang mga kalat na iniwan ng mga walang disiplinan­g pasahero: balat ng candy, sitsirya, bubble gum na tinapakan sa sahig ng bus. Hanggang bubong, huhugasan. Kahit paano’y nagkaroon siya ng kita, nagkaroon pa siya ng libreng matutuluya­n.

Naging runner siya ng mga konduktor at driver. Tagabili ng sigarilyo, tagabili ng kanin at ulam kapag tinatamad lumabas sa garahe ang mga walang biyahe. Kapalit, libreng tsibog. At nang magtagal, isinasama na siya ni Toti sa pagbibiyah­e, alalay. Pero bukod sa alalay, may iba ring layon si Toti.

“Pagmasdan mo’ng ginagawa ng konduktor. Sauluhin mo ang mga babaan at sakayan... saka ang tara ng pamasahe. Pag nakabisa mo, irerekomen­da kitang maging konduktor.” “Kaya ko kaya ‘yun?” “Sus. Kaya mo ‘yun. Saka iti-train ka naman. Kumbaga, OJT. Dati tulad mo rin ako. Madali lang. Nakikita ko kasi, inuutus-utusan ka lang sa garahe. Dapat umasenso ka. Huwag kang pumayag na utus-utusan lang.”

Wala pang isang taon mula nang maglayas, naging konduktor nga ng bus si Marlon. Laking pasalamat niya kay Toti na naging matiyaga sa pagtuturo sa kanya ng mga diskarte. Pero kung kailan pareho na silang konduktor, saka naman ito nalipat sa ibang kompanya ng bus. At di nagtagal, nasangkot sa isang malagim na insidente ng pamamaril. Hinoldap ang bus ng mga ito, at nang magkaputuk­an, nasapol ito sa likod nang protektaha­n ang isang dalagang pasahero. Nabasa na lamang ni Marlon sa tabloid ang mga detalye.

Mula noon ay nagpalipat-lipat din siya ng bus company. Sa huling nilipatan, dito niya naka-partner ang Ilokanong si Jorge, taga-Cagayan Valley. Magulang na bus driver pero mabait na katrabaho. Alam ang mga traffic rules ngunit di-primera sa paglabag. Pag pinara ng traffic enforcer, siya ang tatawagin. “Pakner, MMDA, kausapin mo. Bahala ka na.” Dinadaan naman niya sa diplomasya. Todo pakiusap ang gagawin niya huwag lang tuluyang tiketan ang kanyang driver. ISANG umagang walang biyahe si Marlon, kinatok siya ng isang kasamahan sa kanyang barracks. “’Lon, lumabas ka muna d’yan. May naghahanap sa ‘yo!” “Sino raw?” “Ate Irene mo raw.” Nagtaka si Marlon. Paano siya nahanap ng panganay niyang kapatid? Mabilis siyang nagmumog, naghilamos, saka padaskol na isinuot ang isang nangunguti­m na sando. Saka pinuntahan sa gate ng garahe ang kanyang Ate Irene at isinama niya sa katapat na karinderya. Umorder siya ng dalawang pancit at egg sandwich. At kape. “Paano mo ako nahanap?” “May isang pamangkin ang asawa ko, naging pasahero sa bus ninyo, namukhaan ka raw. Nagkuwento siya sa bayaw mo,” paliwanag ng kanyang Ate Irene. “Noon pa sana kita gustong hanapin. Pero siyempre, ang hirap lumuwas. Pero ngayon kailangan na talaga tayong magkausap. May sakit ang itay.”

Paiwas ang sagot niya. “Kainin mo na ang pancit mo. Masarap ‘yan habang mainit.” “Hanggang ngayon ba, galit kay pa rin kay Itay?” “Tikman mo ang kape mo... dagdagan mo ng asukal kung natatabang­an ka.”

“Ano ba, Marlon?” bahagyang dumiin ang boses ng ate niya. “Hinanap kita kasi nga may sakit ang itay, malubha.”

“May sakit pala, dapat duktor ang hinanap mo at doon mo dinala mo si itay. Hindi ako duktor, wala akong magagawa para sa kanya,” malamig na sagot niya.

Gumaralgal ang boses ni Irene, namula ang mga mata. “Wala ka na bang pagmamahal sa tatay natin?” Tanong din ang isinagot niya. “Kamahal-mahal ba siya?” “Patawarin mo na siya!” “Paano ko siya patatawari­n sa isang kasalanan na ang bunga ay dala-dala ko pa rin hanggang ngayon? Sabihin mo nga, ate. Paano?”

“Hindi sa iyo nagkasala ang itay... kay inay siya nagkasala nang magbahay siya ng ibang babae!”

“Ang resulta noon, ate... damay ako sa resulta ng ginawa niyang pagsama sa ibang babae! Sa ginawa niya, high school lang ang natapos ko. Hindi na ako nakapag-aral! Kaya heto, heto ako... ganito lang ang inabot ko. Konduktor lang

Lahat ng tao ay sadyang dumaraan sa oras ng kanyang kahinaan…

ako ng bus!”

“Ako rin naman, a! Nakatapos ba ako?”

“Pero babae ka!” “Anong pagkakaiba nu’n? High school lang din ang natapos ko!”

“’Yun na nga, ate. Babae ka. Nang mag-asawa ka, wala sa iyo ang bigat ng pagtataguy­od ng pamilya. Kaya ayan, gumanda pa rin ang buhay mo. Pero ang lalaking katulad ko, pag bumuo ako ng pamilya, sa balikat ko nakakarga ang responsibi­lidad!”

Tuluyan nang napaiyak si Irene. “Pakiusap, Marlon. Wala na tayong magagawa sa nangyari na. Hindi na natin maibabalik ang panahon. Patawarin mo na ang itay.”

Napansin ni Marlon, napapasuly­ap sa kanila ang ibang kumakain sa karinderya. Kaya nanahimik na lang siya.

“Baka hindi na magtagal ang itay. Lagi ka niyang hinahanap.” “Sige, pag ano... uuwi ako.” “Umuwi ka agad.” “Umaarte lang ‘yun. Hindi pa ‘yun mamamatay. Matagal mamatay ang masamang damo.”

Saglit lang na nabagabag ang kalooban ni Marlon sa natanggap na balita. Pagkalipas ng ilang oras, matapos umalis ang kanyang ate, parang walang nangyari. Nalaman ni Jorge na binisita siya ng kanyang ate. “Anong sadya ng utol mo?” “Wala,” matabang na sagot niya. “Hindi ka hahanapin nu’n dito sa Maynila kung walang mahalagang sadya.”

“Ano lang. Umuwi raw ako, kasi may sakit daw ang tatay namin.”

“O... may sakit pala’ng erpats mo, ba’t hindi ka pa sumabay sa pag-uwi ng ate mo?” Matagal bago siya nagsalita. “Galit ako sa tatay ko.” “Ha?” “Nu’ng maliliit pa kami ng mga ate ko, iniwan niya kami. May ibinahay siyang babae. Nu’ng bumalik siya, sakitin na ang nanay namin. Malalaki na rin kaming tatlong magkakapat­id. Kung sa akin lang, hindi ko na tatanggapi­n si Itay sa bahay namin. Pero si Inay, mabait kasi ‘yun. Saka mahal na mahal nu’n si Itay. Kaya ayun, tinanggap pa rin. Ipinahalat­a ko talaga na masama ang loob ko na pinabalik pa nila si Itay... Nang mamatay sa sakit ang nanay namin, pakiramdam ko lalo akong nagalit sa aming ama. Nang umalis ako sa amin, sinabi ko sa sarili ko hindi na ako uuwi. Ayoko siyang makita.”

Tinapik-tapik siya nito sa balikat. “’Tol, payong kapatid. Patawarin mo na’ng erpats mo. Tatay mo pa rin ‘yun. Saka mahirap ‘yung may dala-dalang galit sa dibdib. Ikaw rin. Baka pagsisihan mo rin na masyado mong pinatigas ang puso mo.”

NASA biyahe sila ni Jorge nang makatangga­p siya ng text message mula sa kanyang Ate Irene. Napaupo siya sa upuang nasa likod lamang ng driver’s seat. Agad nakahalata si Jorge sa kilos niya. “Bakit, pakner... sino’ng nag-text? Namumutla ka, eh.” Nangangata­l ang kamay niyang may hawak na celphone. Ramdam niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. “Hoy, pakner...?” “Ang tatay ko, Jorge... wala na raw.” At hindi na niya napigil ang pag-iyak.

UMIIYAK na yumakap kay Marlon ang dalawang nakatatand­ang kapatid pagdating niya sa burol ng kanilang ama. Wala siyang imik pero bumabalong ang kanyang luha, nakatitig siya sa yayat na mukha ng nakaburol na ama.

“Kahit naghahabol na si Itay sa huli niyang hininga, ikaw pa rin ang hinahanap niya, Marlon,” sabi ng kanyang Ate Marissa. “Paulit-ulit, sinasabi niyang ihingi raw namin siya sa iyo ng tawad.”

Lalong bumalong ang luha ni Marlon. Ramdam niya ang sumbat ng konsensiya. Ramdam niya ang pagsisisin­g pinatigas niya ang kanyang puso.

“Lahat ng tao, lahat tayo, dumaraan tayo sa oras ng kahinaan,” sabi naman ng kanyang Ate Irene. “Siguro nu’ng time na iwan tayo ng itay at nagbahay siya ng ibang babae, ‘yun ang panahon na mahinang-mahina ang kontrol niya sa sarili. Pero maniwala ka sa akin, Marlon, nu’ng wala ka na dito sa nayon natin, ang itay ginawa niya ang lahat para mapunan ang mga naging pagkukulan­g niya noon sa atin.” “Anong ginawa niya?” “Kahit nananakit na ang mga tuhod niya, pilit pa rin niyang iginagawa ng mga laruan ang mga anak ko... at ang mga anak ni Marissa. Katulad ng saranggola. O kaya’y traktrakan. Saka ‘yung paborito mo nu’ng bata ka pa—‘yung trumpo. Pumuputol siya ng punong atswete, kasi ‘yung kahoy daw ng atswete, maugong daw ‘yun pag ginawang trumpo. Alam namin kaya niya ginagawa ‘yun, kasi gusto niyang punan ang naging pagkukulan­g niya sa sarili niyang mga anak. Kaya sa mga apo na lang siya bumabawi.”

Parang wala sa loob na napahaplos si Marlon sa salamin ng ataul, na para bang gusto niyang haplusin ang mukhang nasa kabila niyon. Parang may solidong hangin sa kanyang lalamunan, nahihirapa­n siyang lumunok. At napabulong siya: “Itay...”

Akala niya’y hindi niya iiyakan ang ganitong sandali. Mali pala siya. Sa paglipad ng mga hinanakit, ang likas na pagmamahal ng anak sa kanyang ama’y kusang magbabalik. At kapag burado na sa isip ang mga kasalanang lumilikha ng galit, ang papalit ay magagandan­g alaalang noon ay sadyang ayaw alalahanin.

Noong bago sila layasan ng kanilang ama, kinakarga siya nito sa balikat habang naliligo sila sa dagat. Noon kapag birthday niya, kahit paano’y lagi itong may regalo sa kanya. Noon kapag may ubo siya, naghahanap agad ng oregano ang kanyang itay, pipigain sa kutsara at sasabihin sa kanyang ina na ipainom sa kanya ang katas.

Lalong bumalong ang kanyang luha sa mga alaalang iyon. Napasubsob siya sa ataul kasabay ang malakas na hagulhol. “Itay, patawad po. Patawad po. Mahal ko pala kayo. Patawad po.”

Emosyonal din siyang niyakap ni Irene mula sa likuran, umiiyak na may ibinulong sa kanya. “Sana noon mo pa ‘yan sinabi sa tatay natin. Noong nakakarini­g pa siya, noong mararamdam­an pa niya ang yakap mo.”

“Oo nga, ate. Sana noon pa... sana noon pa!”

 ??  ?? “Paano mo ako nahanap?”
“May isang pamangkin ang asawa ko, naging pasahero sa bus ninyo, namukhaan ka raw. Nagkuwento siya sa bayaw mo,” paliwanag ng kanyang Ate Irene.
“Paano mo ako nahanap?” “May isang pamangkin ang asawa ko, naging pasahero sa bus ninyo, namukhaan ka raw. Nagkuwento siya sa bayaw mo,” paliwanag ng kanyang Ate Irene.
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines