Undas: Tradisyong Bahagi Ng Ating Kasaysayan
ANG panahong ito ay hindi lamang para sa pag-alala sa mga sumakabilang buhay na. Bakit hindi natin gamitin ito para maituro sa mga kabataan ang mga tradisyong Pilipino na isa sa mga tradisyong pinapahalagahan natin hanggang sa kasalukuyan?
Bahagi na ng ating kultura ang paggunita sa Undas. Huling linggo pa lang ng Oktubre ay dinarayo na ng mga tao ang mga sementeryo upang maglinis ng mga nitso at libingan. Nilalagyan ng mga disenyo at mga palamuti at kung minsan kung ano ang hilig ng yumao noong siya’y nabubuhay pa ay iyon ang inilalagay.
Ang kapistahan ng Todos los Santos, Araw ng mga Santo, tinatawag na All Saints’ Day, All Hallows o Hallowmas sa Ingles (ang katagang “hallows” ay “santo” at ang “mass” ay misa), ay ipinagdiriwang tuwing ika-1 ng Nobyembre.
Ang ika-31 ng Oktubre naman ay tinatawag na Halloween sa Ingles, katumbas ng “Ang Bisperas ng Todos los Santos” o “Gabi ng Pangangaluluwa.” Sa panitikang Pilipino ang pangangaluluwa ay bisperas ng Undas.
Ayon sa NCCA o National Commission for Culture and the Arts (Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining), kadalasang grupo ng mga bata o kaya’y kabataan ang gumagawa nito. Tumatapat sila sa mga bahay, gaya ng ginagawa sa harana at karoling, at sa pamamagitan ng pagawit ay nagkukunwari silang mga kaluluwang naligaw mula sa purgatoryo. Ang mga napupuntahang bahay ay inaasahang mag-aabuloy ng mga kakanin o kaya’y maliit na halagang mabibitbit ng mga “kaluluwa” pabalik sa mundo ng mga patay. Sinasalamin ng pangangaluluwa ang pananalig ng mga Pilipinong mayroon pang buhay pagkatapos ng kasalukuyang pag-iral ng tao sa lupa. Naniniwala rin ang kalakhan na nananatiling magkaugnay ang buhay at ang kaluluwa ng mga pumanaw. Ang pangangaluluwa ay mistulang pagsasadula ng mga paniniwalang iyon: ang mga bahay na tinatapatan ang sumisimbolo sa mga taong buhay, samantalang kinakatawan naman ng mga nangangaluluwa ang mga yumaong nagkakaroon ng saglit na pagkakataong bumalik sa lupa sa panahon ng Undas.
Sa araw ring ito inilalaan ng bawat pamilya ang kanilang panahon sa pagdalaw sa mga puntod ng mga yumao nilang mahal sa buhay kung saan sila ay nag-aalay ng dasal, bulaklak at kandila. Karaniwang parang isang masayang pagkikita ng mga magkakamag-anak. Sinasabi na ang araw na ito ay “isang pakakataon upang makapiling” ang mga mahal na yumao minsan isang taon. Dahil isa itong mahalagang araw upang makapiling ang mga yumaong kamag-anak, ang mga pamilya ay karaniwang naglalamay sa sementeryo at kung minsan magdamag o dalawang araw sa puntod ng mahal sa buhay.
Buhay man o patay kailangan pa rin natin ang paggalang sa isa’t isa upang magkaroon ng kapayaan at pagkakaisa ang bawat isa. Lalo na sa panahon ngayon, tayo ay nabubuhay sa mundong puno ng panghuhusga at pagsawalang-bahala sa kalayaan. Respeto at pagpapahalaga sa bawat isa ang magsisilbing susi upang maisabuhay natin ang tradisyong minana pa natin sa ating mga ninuno. Sa mundo ng mga buhay at sa mundo ng mga patay tayo ay pantay-pantay.