Haraya

Liwayway - - Mga Nilalaman - Dr. Michael M. Coroza

INILUNSAD noong 29 Setyembre 2018 bilang pinakatampok na bahagi ng palatuntunang “Sipat-Salin: Mga Katangian ng Pagsasaling Teknikal at Pampanitikan” sa Bulwagan ng Gusaling Buenaventura G. Paredes, OP, Unibersidad ng Santo Tomas, ang pinakabagong aklat tungkol sa sining at praktika ng pagsasalin mula sa Aklat ng Bayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ang Sa Ibang Salita: Mga Piling Panayam sa Salinan Pandaigdigang Kumperensiya 2017. Idinaos ang nasabing programa bilang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pagsasalin (30 Setyembre) sa pagtataguyod ng Filipinas Institute of Translation (FIT), KWF, at Sentro sa Salin ng Departamento ng Filipino ng UST. Naging tampok na tapagpagpanayam si Dr. Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan at Tagapangulo ng KWF, para sa pagsasaling teknikal at ang inyong lingkod para sa pagsasaling pampanitikan.

Ang bagong aklat na ito ay kalipunan ng mga naging panayam ng mga imbitadong tagapagsalita sa “Salinan 2017 Pandaigdigang Kumperensiya sa Pagsasalin” na idinaos noong 28, 29, 30 ng Setyembre 2017 sa Leong Hall Auditorium ng Pamantasang Ateneo de Manila. Tinangkang tugunin ng nasabing kumperensiya ang mga pangunahing tanong tungkol sa pagsasalin at mga araling salin tungo sa pagpapanukala at pagsasakatuparan ng mga resolusyong hihingi sa mga kinauukulan ng mga kongkretong hakbang para sa propesyonalisasyon ng disiplinang ito sa Filipinas. Ako ang naging direktor ng nasabing aktibidad, at naging pangunahing tagapagtaguyod ang KWF, NCCA, Kagawaran ng Filipino ng Paaralan ng Humanidades ng Ateneo de Manila, pati na ang mga opisyal at kasapi ng samaháng pangmag-aaral na Baybayin-Ateneo. Naglingkod bilang pangkalahatang tagapagugnay ng kumperensiya si Bb. Eilene Narvaez, kasalukuyang Assistant Professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Filipinas ng UP Diliman.

Naging susing tagapagpanayam ng kumperensiya sina Lawrence Venuti, Luise von Flotow, at Virgilio S. Almario. Si Venuti ang isa sa mga pangunahing tagapagteorya ng pagsasalin sa buong daigdig. Propesor siya sa Departamento ng Ingles ng Temple University sa Estados Unidos. Siya ang awtor ng mga kontemporaneong kanonigong akda ukol sa pagsasalin tulad ng The Translation Studies Reader (3rd ed. 2012), The Translator’s Invisibility (2nd ed. 2008), The Scandals of Translation (1998), at Translation Changes Everything (2013). Naging paksa ng kaniyang panayam ang “Mga Salawikain ukol sa Pagsasalin: Ang Instrumentalismo sa Kumbensiyonal na Karunungan.” Binigyang-diin niya sa kaniyang pagtalakay ang pagbabaling ng pansin mula sa instrumentalista o praktikal na pagtuturing sa pagsasalin patungo sa isang higit na hermenyutikong pagtanaw. Para sa kaniya, ang pagsasalin ay isang interpretatibong gawain. Wika nga niya sa kaniyang abstrak:

Ang mga salawikaing ukol sa pagsasalin, iginigiit ko, ay nagsusulong ng mga nosyon ng pagkadinaisasalin na nagpapalagay ng isang instrumental na modelo ng pagsasalin bilang reproduksiyon o paglilipat ng isang di-napapalitang nakapaloob sa simulaang teksto. Ang layunin ay madespamilyarisa ang mga nosyon na naging napakapamilyar bilang mga katotohanan ng pagsasalin upang maipakita kung paanong aktuwal na nalilimitahan ng mga ito ang pag-iisip tungkol sa kung ano ang pagsasalin at ang nagagawa nito, at upang maihayag ang iba pang higit na produktibong direksiyon na maaabot ng pag-iisip.

Si Luise von Flotow naman ay tagasalin at tagapanaliksik ukol sa pagsasalin mula sa Canada. Propesor siya at dating tagapangulo ng School of Translation and Interpretation ng University of Ottawa. Eksperto siyang tagasalin mulang German at French at nag-ukol ng maraming taon sa pagsusuri ng mga pagsasalin nang may pagtutuong-pansin sa usaping pangkasarian. Siya ang awtor ng Translation and Gender: Translation in the Era of Femenism na inilathala ng St. Jerome Publishing at University of Ottawa Press noong 1997. Naging paksa ng kaniyang panayam ang “Translation Pedagogy, Translation Ethics, and Feminist Approaches.” Nakasaad sa kaniyang abstrak:

Ang pedagohiya ng pagsasalin ngayon ay nakatuon sa mga kakayahan, mga aptitud, pag-uugali, at kaalaman na kailangang mapagkadalubhasaan ng mga mag-aaral upang maging kapaki-pakinabang sa kanilang propesyon. Gayundin, kinikilala ng pedagohiya ng pagsasalin sa ngayon ang malawak na espektro ng mga aktibidad na tumutukoy sa isang salitang ‘pagsasalin’ at kinabibilangan ng lokalisasyon (pagsasalin ng software, mga website, at mga larong video), pagsasabersiyon (pagsasalin ng mga produktong audiovisual), transediting (pagsasalin at paghahanda ng mga teksto para/ mula sa mga ahensiya ng limbagan, diyaryo, pagsasahimpapawid), teknikal na pagsusulat, adaptasyon (ng patalastas), pagsasalin ng buod, at iba pa. At sa wakas, laging nauukol ang pedagohiya ng pagsasalin ngayon sa etika ng pagsasalin, na sumusuri kung kanino mananagot ang tagasalin at kung ano ang tungkulin niya sa paglikha ng mga desisyon.

Sa kabilang dako, naukol ang panayam ni Tagapangulong

Virgilio S. Almario sa “Isang Titig sa Pagsasalin sa Filipinas.” Nilinaw niya rito ang kaniyang pagaangkop sa kontekstong Filipino ng sinabi ni John Dryden tungkol sa paglilipat at pagpapalit sa proseso ng pagsasalin. At tanging ang panayam niyang ito ang nailahok sa inilunsad na librong Sa Ibang Salita. Ang kina Venuti at Flotow ay hindi naisama dahil naipangako na sa ibang paglalathalaan ang kanilang mga binásang papel kayâ hindi nila napahintulutang mapabilang sa pagsasaaklat ng mga piling panayam mula sa naganap na kumperensiya.

Sa pangkalahatan, ang Sa Ibang Salita ay kalipunan ng mga pilìng panayam na itinampok sa Salinan Pandaigdigang Kumperensiya 2017. Sa iba’t ibang mabigat na kadahilanan, minarapat ng mga organisador na pumili na lamang ng walong panayam na kumakatawan sa tatlong pangkalahatang tema na pinagtuunang-pansin sa kumperensiya—teorya, praktika, at pedagohiya ng pagsasalin. Ang mga sumusunod ang pamagat at ang mga may-akda ng mga naitampok na panayam: “Isang Titig sa Pagsasalin sa Filipinas” ni Virgilio S. Almario; “Ang Pagsasalin bilang Eksperimento sa Pag-aaksaya at Lokus ng Dekonstruksiyon ng Kolonyalismo” ni Benilda Santos; “Translation: The Vanishing & the Resurrection” ni Marne L. Kilates; “Translating Historical Documents” ni Paul A. Dumol; “The Challenges of Translating from a Regional Language” ni Hope Sabanpan-Yu; “Ang Pagtuturo ng Pagsasalin batay sa Kahulugan” ni Ruth Elynia Mabanglo; “Teaching Interactive Translation Dictation: Why and How” ni Maggie Hui, at “Teaching Interactive Translation Dictation: Why and How” ni Julian Zapata. Ang mga panayam nina Almario at Santos ay higit na may tunguhing magtatag ng teorya. Ang kina Kilates, Dumol, at Yu ay higit na pagtalakay sa praktika bagaman, sa isang banda, gumagawi na rin sa pagsasateorya ng karanasang pagsasalin. Ang kina Mabanglo, Hui, at Zapata ay mainam na pagtalakay kung paano dapat ituro ang pagsasalin.

Mabibili ang aklat na ito sa tanggapan ng Komisyon sa Wikang Filipino sa ikalawang palapag ng Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel, San Miguel, Maynila. Maaari silang tawagan sa numerong 7362525.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.