Liwayway

Pag-Usapan Natin!

- Kuya Sam

DEAR KUYA SAM: Ako nga pala si Alvin, 26 taong gulang, binata, nagma-manage sa isang water refilling station dito sa Malolos City, Bulacan. Umiibig po ako, Kuya Sam, sa isang suki namin sa tubig. Ngunit mayaman sila, Kuya Sam. Para akong nangarap na mahipo ang mga bituin. Parang imposiblen­g ako’y mahalin ng isang kagaya niya. Ang pag-ibig ko ay parang plot lang sa isang melo-dramatic na pelikula. Pero ito ang totoo. Imposible ito. Ngunit kahit anong linlang ko sa sarili, alam ko na mahal na mahal ko si Jessa.

Unang beses ko pa lang siyang nakita, Kuya Sam, alam kong iibig ako sa kanya dahil sa kakaiba niyang ganda. Litaw na litaw siya sa paningin ko. Mabait siya sa akin at sa mga delivery boys ko. Hindi niya pinakitaan ng masamang ugali, lagi lang siyang nakangiti. Diyan ko siya hinahangaa­n.

Gustuhin ko man siyang ligawan to try my luck, parang ang hirap, Kuya Sam. Hindi ako makaporma sa kanya, Kuya. Kapag lumabas siya ng bahay kagaya ng tuwing papunta siya sa school, hinahatid siya ng kanyang papa o kaya ng kanyang kuya. Nahihiya rin akong hingin ang kanyang mga social media accounts o kaya cell number man lang. Mataas, eh. Oo, ngumingiti siya sa akin ngunit hindi naman kami ganoon ka-close para humingi ako ng ganoong mga pabor. At saka, nakakahiya, eh.

Hindi ako sigurado kung kilala niya ako o napansin man lang niya ako. But I’m sure na kilala niya ako sa mukha. Mayaman ang kanyang circle at ako’y payak na tao lang, Kuya Sam. Ngunit kung mapagbigya­n lang sana ako ng pagkakatao­n, ipangako ko sa kanya na mamahalin ko siya ng tunay at wagas.

Kuya, Sam, ano kaya ang dapat kong gawin para makapagtap­at sa kanya? – ALVIN

DEAR ALVIN: Kung hanggang tingin ka lang at hanggang pangarap ka lang, talagang walang mangyayari. Huwag kang mag-expect na magkarelas­yon kayo ni Jessa kung hanggang tulo-laway ka lang. Hindi ganoon, Alvin. Mahirap na nga’ng ligawan si Jessa and then wala ka pang ginagawa, lalong sisikip ang chance mo sa kanya. Dapat may ginagawa ka, Alvin, to further your cause. Hindi mahuhulog ang bayabas kung hindi mo ito pipitasin. Kung mahulog man ito, tiyak bulok na. Sa madaling sabi, mag-effort ka naman.

Nariyan na iyang pumuporma tayo sa babaeng gusto nating ligawan. Pero dapat gagawa ka ng isa pang hakbang para mapansin ka, Alvin. Kahit man lang palipad-hangin.

Maraming paraan, Pare. Mahaba ang listahan dito. Halimbawa, ikaw mismo ang magde-deliver ng tubig kasama ang isa mong tauhan. At itaon mo na nariyan si Jessa para siya ang magbubukas ng gate at kunwari ihahatid mo sa loob ng garahe ang tubig dahil hindi ito kayang buhatin ni Jessa. Kunwari magpalipad-hangin ka na ikaw na mismo ang magbuhat ng water container imbes ang tauhan mo dahil espesyal ang iyong kostumer... mga ganoon ba, Alvin. Dapat marunong ka sa para-paraan. Korni man itong isipin pero may talab ito, maniwala ka.

At huwag kaagad manligaw, ha. Kunin mo muna ang loob ni Jessa. Sa madaling salita, payabungin mo muna ang pakikipagk­aibigan kay Jessa. Hangga’t walang tiwala sa iyo si Jessa, dapat huwag ka munang manligaw. Iyan ang gagawin mo para hindi siya tuluyang lalayo sa iyo.

Kahit naman kasi hindi ka muna magtapat sa kanya, as long as nariyan ang motibo mo, unti-unting mabubuhay iyan sa isipan ni Jessa at kapag dumating na ang araw na pormal mo siyang ligawan, hindi na ganoon kahirap. – KUYA SAM (MAAARI ninyong isangguni kay Kuya Sam ang inyong mga problema sa pag-ibig at buhay sa pamamagita­n ng e-mail address: kuyasam29@ yahoo.com o kaya’y ipadala sa: PAG-USAPAN NATIN c/o Liwayway Magazine, Manila Bulletin Publishing Corporatio­n, Muralla cor. Recoletos Sts., Intramuros, Manila.)

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines