Lapida

Liwayway - - Mga Nilalaman - Ronald Arana Atilano

Isang taon kaming di bumisita. Kumakapal ang damo At nagpipikitan ang makahiya Sa paligid ng nakatanim na ulunang bato. Natatabunan ng tumigas na palitada Ng alikabok Ang nakaukit na mga titik, Kaya’t halos di na mabasa ang pangalan Ng aking ama.

Tinabas ng kinontratang mga bantay Ang nagsalikop na mga damo’t tinik. Binungkal ang perimetro upang umangat ang Kabuuan ng iilang-dipang rektanggulo. Kinaskas ang pisngi ng marmol Hanggang matuklap ang namagkit na lupa.

Pagkawalis, kinulapulan ng makapal na grasa Ang kumupas na mga letra. Paulit-ulit na binuhusan ng tubig habang kinukuskos Ng busalsal na sipilyo. At nasaksihan naming Unti-unting luminaw ang mga petsang iyon, Mga numerong nagtakda ng kaniyang hanggahan, At ang pangalan at apelyidong Alam naming siya.

Nang mapunasan ng nanlilimahid na basahan, Nangingintab ang puting marmol, At ang mga titik sa lapida ng aking ama Ay naniningkad sa itim at buhay na buhay.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.