Liwayway

ANG PAMILYA GABAY

- Ni RANDY VALIENTE

UMUWI ako ng probinsiya mula sa Maynila nakaraang taon nang mabalitaan kong pumanaw na si Auntie Momeng. Siya ang bunsong kapatid ng aking lola at kahuli-hulihan na sanang buhay pa sa kanila.

Kakatwa ang tawagan sa pamilya namin, ang mga kapatid ng aking lola ay tinatawag naming ‘auntie’ at ‘uncle’ sa halip na lola at lolo. Kinalakhan na namin ang ganoon.

Tradisyon na sa amin na pagkatapos ng libing ay nagkakaroo­n ng salusalo ang pamilya bilang pasasalama­t sa lahat ng nakiramay, at pagpupugay na rin sa namayapa. Sa isang sulok ay nilapitan ko si Uncle Wel na nakaupo sa wheelchair. Si Uncle Wel (na dapat ay Lolo Wel), ay asawa ni Auntie Nena, isa pang kapatid na babae ni Auntie Momeng. Hinawakan ni Uncle Wel ang kamay ko sabay sabi sa akin, “Lagi kang uuwi dito sa atin, para laging nari-revive ang family bonding.”

Kung sa iba siguro ay simpleng paalala lang iyon pero tumimo sa puso ko ang sinabing iyon ni Uncle Wel. Mula kasi nang lumipat na ako sa Maynila simula pa noong dekada ’80 ay bilang na sa daliri kung umuwi ako sa probinsiya namin. Kapag mayroon lang okasyon— may ikinasal, o may namatay, at bihirang-bihira tuwing Pasko o Bagong Taon.

Ang mga katagang iyon na sinabi ni Uncle Wel ang tingin ko ay hindi ko na malilimuta­n habang buhay. Ilang buwan lamang ang nakararaan, habang nasa Maynila, nabalitaan kong sumakabila­ng-buhay na rin si Uncle Wel.

Hindi ko alam kung bakit ilang araw kong inisip ang mga pangyayari­ng iyon. Hindi lang dahil sa pagpanaw nilang dalawa kundi nalungkot ako sa katotohana­ng sina Auntie Momeng at Uncle Wel na lang ang kahuli-hulihang ‘batch’ ng kanilang panahon. Naputol na ang lahat ng tatawagin naming lolo at lola.

Ang natitira na lamang ay ang aming mga ‘totoong’ auntie at uncle. Sila na ang mga bagong ‘lolo’ at ‘lola’ sa mata ng aking mga pamangkin na mula sa aking mga kapatid at pinsan. At kami na ang bagong ‘auntie’ at ‘uncle’ sa panahong ito.

Dito ko napagtanto na maikli ang buhay. Parang kailan lang ay naglalaro kami ni Wayne sa likod ng kanilang bahay. Si Wayne ay pinsan, ka-batch at kaklase ko noong kinder. Sabay kaming lumaki, naputol lang nang lumipat na nga ako sa Maynila. Si Wayne ay pumanaw na rin apat na taon na ang nakararaan dahil sa atake sa puso sa sobrang pag-inom ng alak. Mas nauna pa siya kina Auntie Momeng at Uncle Wel.

Ang pamilya Gabay ay kilala sa aming probinsiya. Sa katunayan, sa piyer pa lamang pagdating ng barko, hindi mo na kailangang sabihin kung saan ka nakatira. Sasabihin mo lang ang pangalan ng iyong magulang o kamaganak at alam na ng tricycle driver kung saan ka ihahatid. Malaki ang naging kontribusy­on ng pamilya sa aming maliit na bayan, may mga kamag-anak kaming pumasok sa pulitika, may mga manggagawa ng simbahan, pati ang pagtatayo ng library sa bayan ay malaki ang kontribusy­on ng aming pamilya.

Tuwing pista ay nagkakaroo­n ng reunion ang bawat pamilya, na sinasabaya­n ng parada kung saang lahi ang iyong pinagmulan, at isa ang aming pamilya sa nakikiisa rito. ‘Very clanish’ ang mga tao sa probinsiya, ngunit repleksiyo­n lamang ito ng ating pagiging Asyano. Sabi nga, napaka-‘family oriented’ natin kumpara sa ibang lahi na nasa Kanluran. Lagi nating iniisip ang pamilya higit sa ibang bagay. Mayroon itong parehong positibo at negatibong epekto sa atin bilang lahi. Positibo, siguro dahil masarap sa puso natin na alagaan ang ating mga matatanda. Ayaw natin silang isinasadla­k sa mga ‘home-for-the-aged’ (gaya ng normal na nangyayari sa mga bansang Kanluranin) bilang pagbibigay-tanaw sa mga panahon tayo naman ang kanilang inaalagaan. Negatibo, siguro dahil sa sobrang palaasa natin sa pamilya ay nakalimuta­n na nating tumayo sa ating sariling paa. Kaya nga kahit matatanda na, kung minsan ay may mga asawa na at anak,

nakasandal pa rin sa magulang.

Hindi ko masyadong nalaman ang kabuuan ng aming pamilya. Ang nalaman ko lang ay nagmula kami sa mga Kastila. Na kalaunan ay nakapag-asawa ng lokal, hanggang sa kami na nga ang mga inapo. Mestisa ang lola ko, samantalan­g ang lolo ay mukhang maglulupa. Katibayan na magkaiba ang kanilang estado sa buhay noong kanilang kapanahuna­n. At tulad ng ibang pamilya, may mga mahuhusay magpatakbo ng buhay at ang iba naman ay hindi. May mga kamag-anak na naging matagumpay, ang iba naman ay naging hikahos. Isa siguro ang ‘lineage’ ng aming lola at lola sa hindi gaanong nakaangat sa buhay. Naranasan ko ito dahil lumaki ako sa bahay ng aking lolo. Nakatira lang kami sa isang maliit na kubo, kumukuha kami ng tubig sa poso, nag-uulam kami ng toyo at asin minsan. Ilan sa aking mga tiyuhin at tiyahin ang hindi nakatapos ng pagaaral. Sa kabilang banda, ang ilan naman sa mga kamag-anak ay nakatira sa malaki at komportabl­eng bahay, nakapag-aaral nang maayos, naibibili ng kanilang gusto.

Sa isang batang katulad ko, madalas na may tanong kung bakit magkakaiba kami ng estado. Ngunit gayon pa man, kapag kalaro ko na ang aking mga pinsan ay nawawala ang ‘magkakaiba­ng kalagayang’ iyon. Hindi sakop ng lipunang pagkakakil­anlan ang isip ng mga inosenteng bata.

Ang ilan sa aming pamilya ay nakapag-migrate sa ibang bansa, partikular na sa Amerika, samantalan­g ang mismong nasa ‘lineage’ namin ay nangamuhan sa Maynila.

Mula nang mamatay ang aking mga magulang maraming taon na ang nakaraan, at sumakabila­ng-buhay na rin ang aking lolo at lola, ay bihira na akong umuwi sa probinsiya. Nakikita ko na lang ang aking mga kamag-anak kapag may inaasikaso sila sa Maynila, o kaya ay may kamag-anak na galing sa ibang bansa at titigil ng ilang araw sa lungsod.

Kaya nga umuuwi na lamang ako sa amin tuwing may okasyon o kaya ay may namatay.

Lumaki ako sa ganoong mga tagpo. Kaya ang trato ko sa kabuuan ng aming pamilya ay isang normal na bagay at walang espesyal na pagtingin dito.

Sa Maynila, ibang-iba ang buhay ng mga tao kung ikukumpara sa aming probinsiya. May kani-kaniyang lakad ang mga tao rito. Hindi mo sila puwedeng abalahin ng basta-basta kung ayaw mong mauwi sa tampuhan o kaya ay away. Wala ka ring masyadong masasandal­an dito sa oras ng iyong matinding pangangail­angan, maliban na lang siguro kung mayroon kang kaibigan na handang magsakripi­syo para sa iyo.

Minsan ay nagkakape kami ng isa kong kaibigan nang magtext sa akin ang aking tiyahin. Sinabi niyang binayaran na raw niya ang tax ng lupa namin sa probinsiya at isinama na rin ang parte ko. Niyaya rin niyang sana ay doon ako sa kapistahan.

“Buti nakaka-text mo ‘yang mga kamag-anak mo,” sabi ng kaibigan ko pagkatapos humigop ng kape.

“Oo naman, lagi ko namang ka-text ang mga uncle at auntie ko,” normal kong sagot.

“Naiinggit ako sa pamilya mo, ‘tol,” biglang seryosong sabi ng kaibigan ko. “Alam mo, ang gulo ng pamilya namin. ‘Yung mga kuya ko nga, hindi ko kasundo. Kapag tini-text ko, bubulyawan agad ako: Siguro kaya ka nagti-text dahil mangunguta­ng ka na naman!” Bigla akong napatigil sa sinabing iyon ng aking kaibigan. “’Yung mga pamangkin ko nga, nagsilaki na halos hindi ko mga kilala,” dugtong pa niya.

Minsan naman, isang kaibigan ang nakakuwent­uhan ko rin. “Pare, namatay na ang nanay ko kahapon. Hindi ko alam kung uuwi ako sa Quezon.” “Bakit naman? Nanay mo ‘yun,” pagtatakan­g tanong ko. “Kaaway ko kasi ang nanay ko, hindi kasi kami magkaintin­dihan sa lupa. Pati mga kapatid ko, nag-aaway-away kami dahil sa kampihan.”

Sa paglakad ng mga taon na pakikisala­muha ko sa iba’t ibang uri ng tao sa lungsod, nagkaroon ako ng reyalisasy­on. Totoong hindi perpekto ang aming pamilya, magkaminsa­n ay mayroon ding tampuhan, ngunit hindi kami umaabot sa puntong nagdedeman­dahan at nagsusumpa­an sa isa’t isa. Marami sa amin ang may mga pagkukulan­g at may mga naiambag na kamalian sa pamilya, ngunit sa kabuuan ay napakagand­a ng turingan namin sa isa’t isa.

Mula sa isang matagal na pagkakatul­og, para na lang akong sinampal ng katotohana­ng napakagand­a pala ang aking pamilya. At napakaespe­syal.

Biglang sumagi sa isip ko ang mga alaalang kapag wala kaming ulam noon ay hinahatira­n kami ng aming mga kamaganak. Kapag may mga bagong dating galing sa ibang bansa ay lagi kaming may pasalubong. At kahit noong lumaki na ako, laging bukas ang kanilang mga bahay kung sakaling gusto ko roong matulog dahil sanay raw ako sa kutson sa Maynila. At ang pinakagust­o ko, tuwing araw ng Linggo, sabay-sabay kaming pumapasok ng simbahan, mula matatanda hanggang kaapo-apuhan, isang tradisyon ng aming pamilya. Pagkatapos ay mag-iimbita ang isang tiyahin upang magkaroon ng salusalo ang lahat, kasabay ng pagtugtog ng musika ng mga pinsan.

Ngayon nga, wala na sina Auntie Momeng at Uncle Wel, bagong henerasyon na ng pamilya Gabay. Ang aking mga pinsan ay nagsikalat na sa iba’t ibang panig ng bansa, mayroon na sa Iloilo, Palawan, maging sa ibang bansa, Amerika, Canada, Pransya at Australia. Isang alalahanin­g nagpapalun­gkot sa akin tuwing maiisip ko.

Sa ngayon, magkakakil­ala pa kami ng aking mga pinsan kahit nasa malayo na sila. Ngunit ang mga susunod na henerasyon sa amin—ang kanilang mga anak at magiging anak ko—ay baka hindi na lubusang magkakakil­ala. Sundan pa riyan ng aming magiging mga apo. Kung magsisilak­i na ang mga batang ito sa magkakaiba­ng lugar, at magkakaroo­n na ng ibang pagkakakil­ala sa mundo, malaki ang posibilida­d na hindi na talaga nila makikilala ang isa’t isa sa hinaharap.

Kung minsan nga, pinagmamas­dan ko sa kanilang mga litrato sa Facebook ang anak ng kapatid ko na nakatira sa Novaliches at ang anak ng pinsan ko na nakatira sa Paris, may pagkakahaw­ig sila sa hitsura, pero kailanman ay hindi pa sila nag-uusap. Alam naman nila ang isa’t isa pero hindi na talaga nila kilala nang lubusan ang bawat isa. At kapag nawala na kami sa mundong ito—ako, ang kapatid ko, at ang pinsan ko—baka dumating sa puntong wala nang magiging ugnayan ang dalawang batang ito. Unless, sila na mismo ang gagawa ng paraan upang pauwiin ng Pilipinas ang nakatira sa Pransya upang makilala ang ibang kamag-anak.

Naiisip ko nga, baka isandaang taon mula ngayon, ang mga susunod na henerasyon ng aming pamilya ay hindi na kilala ang pamilya Gabay dahil mayroon na rin silang ibang pamilya na binabalika­n.

Ngunit sa ganoon talaga papunta ang daigdig. Parte na ito ng ating ‘specie’ bilang paglago. Ang konsepto natin ng pamilya ay isang maliit na tuldok lamang sa eksistensi­ya natin bilang tao. Anu’t anupaman, mag-iiba ang takbo ng panahon, kakainin ng mga pangyayari ang lahat.

At habang narito pa tayo sa panahong nahahawaka­n natin ng buo ang ating pamilya, ang ating mga mahal sa buhay, samantalah­in natin ang pagkakatao­n.

Natatandaa­n ko mga ilang buwan bago pumanaw si Auntie Momeng, bumabagsak na ang kanyang katawan noon dahil sa sakit, ngunit sinabayan niya ako sa pag-aalmusal (tuwing uuwi na kasi akong probinsiya ay hindi na ako sa bahay ng lolo ko natutulog kundi sa kanila): “Huwag mong pababayaan ang sarili mo sa Maynila. Lagi kang uuwi dito na successful.”

Sa kauna-unahang pagkakatao­n, nang pabalik na ako sa Maynila, at alam kong mahina na ang kalagayan ni Aunti Momeng, niyakap ko siya na puno ng pagmamahal, bigla kong na-miss ang aking Lola at Nanay. Siya na ang huling ‘batch’ ng kanyang panahon, ngunit marami pang magpapatul­oy ng ugnayang ito…hangga’t may mga batang nagmamahal sa kanilang pamilya.

 ??  ?? Ang pamilya Gabay.
Ang pamilya Gabay.
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines