Liwayway

May Manok Sa Ulo Ni Niknok

- KC Daniel Concepcion

UNANG narinig ni Niknok ang pagputak ng manok noong matuto siyang magbasa. Hindi mabura sa isip niya ang unang kuwentong nabasa niya. Habang paulit-ulit niyang iniisip ang kuwento, paulit-ulit ding pumuputak ang manok sa pandinig niya.

Natuklasan ni Niknok na marami siyang natututuha­n kapag nagbabasa. Kaya mula noon, lahat ng mga babasahing makita niya ay binabasa niya. Binabasa niya ang mga aklat niya sa paaralan. Binabasa niya ang mga komiks ng Ate niya. Binabasa niya ang diyaryo ng Nanay niya sa umaga. Binabasa niya ang mga nakasulat sa pader at karatula. Pati pambalot ng tinapa ay hindi nakaligtas sa kanya.

Nang labing-isang taong gulang na siya, maramingma­raming-marami na siyang nabasang mga aklat, komiks, diyaryo, karatula, at pambalot ng tinapa. Kaya naman lalong lumakas ang pagputak ng manok na naririnig niya.

Minsan, bago siya matulog ay iniisip niya ang mga kuwento at mga bagong kaalaman na kanyang nabasa. Saka naman sasabay ang malakas na malakas na putak ng manok habang nag-iisip siya.

Put-put-put-put-putaaaaaaa­aaakkk! Tinakpan ni Niknok ng kanyang mga palad ang mga tainga niya.

Put-put-put-put-putaaaaaaa­aaakkk! Siniksik ni Niknok ang ulo niya sa mga unan.

Put-put-put-put-putaaaaaaa­aaakkk! Sinuot ni Niknok ang mga hintuturo niya sa mga butas ng kanyang tainga. Pero kahit anong gawin niya, hindi nawawala o humihina ang putaaaaaaa­aaakkk ng manok na naririnig niya.

Isang araw, natuklasan ni Niknok na sa loob ng ulo niya nanggagali­ng ang putak ng manok, nang alog-alugin niya ang kanyang ulo at may pumutak-putak sa loob nito.

“May manok sa loob ng ulo ko?” nagtataka at natatakot na tanong ni Niknok. “P-pa-paano nangyari iyon?”

Tumatakbo siyang nagsumbong sa kanyang Nanay. Alalang-alala naman ito nang malaman ang tungkol sa manok sa loob ng ulo niya. Kaya dali-daling dinala si Niknok sa bayan para ipatingin sa doktor.

“Ano po ang sakit ng anak ko, dok?” tanong ng Nanay ni Niknok sa doktor.

Itinapat ng doktor ang istetoskop sa dibdib, sa likod, at sa ulo ni Niknok. Tiningnan din ng doktor kung mayroon siyang lagnat. Tinanong din siya kung masakit ang kanyang ulo.

“Wala pong masakit sa akin,” ang sagot ni Niknok. “Pero may napakainga­y pong manok sa loob ng ulo ko, kapag iniisip

ko ang mga bagay na nababasa ko.”

“Misis, walang sakit ang anak ninyo. Normal lang po sa batang mahilig magbasa ang naririnig niya,” ang sabi ng doktor.

Pero ayaw maniwala ng Nanay ni Niknok sa doktor. “Baka naengkanto ang anak ko,” at dali-dali niyang dinala si Niknok sa kilalang albularyo sa bayan.

“Pinaglalar­uan po ba ng engkanto ang anak ko, Tiyoy Ambo?” tanong ng Nanay ni Niknok sa albularyo.

Nagsindi ng insenso at bumulong-bulong ang albularyo. Nagsindi rin ito ng kandila at pinatak ito sa palanggana­ng may tubig. Pinahiran din nito ng langis si Niknok at dinasalan.

“Hindi po ako naengkanto,” sabat ni Niknok. “Pero ang ingay po ng manok sa loob ng ulo ko, pagkatapos kong magbasa.”

“Naku, ineng, hindi naengkanto ang anak mo. Normal lang sa batang mahilig magbasa ang naririnig niya,” ang sabi ng albularyo.

Hindi rin naniwala ang Nanay ni Niknok sa albularyo. “Naku, baka may sakit sa pag-iisip ang anak ko,” at dali-dali niyang dinala si Niknok sa sikayatris sa bayan.

“May sakit po ba sa pag-iisip ang anak ko, dok?” tanong ng Nanay ni Niknok sa sikayatris.

Maraming tanong ang sikayatris kay Niknok. Binigyan siya ng pagsusulit. Binigyan din siya ng lapis, papel, at mga pangkulay. Pinaguhit sa kanya ang mga bagay na naiisip niya. Gumuhit siya ng mga aklat – mga aklat na nakasalans­an, patong-patong, nakasara, at nakabukas. Gumuhit din siya ng matabang manok na putak nang putak.

“Misis, wala pong sakit ang anak ninyo. Normal lang po sa batang mahilig magbasa ang naririnig niya,” ang sabi ng sikayatris.

Panatag na umuwi si Niknok at ang Nanay niya. Naniwala na sila sa sinabi ng sikayatris. Ipinagluto si Niknok ng Nanay niya ng paborito niyang pinakbet para sa hapunan. Maaga rin siyang pinatulog, para makapaghin­ga sa isang nakakapago­d na araw.

Kinabukasa­n, isa na namang napakainga­y na putak ang gumising kay Niknok.

Put-put-put-put-putaaaaaaa­aaakkk! biglang bumangon si Niknok sa kanyang katre. Laking gulat niya nang makitang may sampung itlog sa kanyang unan. Nangitlog na pala ang manok na nakatira sa loob ng ulo niya!

Pagkalakas-lakas na tumili ang nanay ni Niknok nang makita ang mga itlog. Nag-alala na naman ito sa kanya. Dalidali siyang dinala ulit sa bayan para ipatingin sa doktor, sa albularyo, at sa sikayatris.

Pero ganoon pa rin ang sinabi ng mga manggagamo­t sa kaniya. “Wala pong sakit ang anak ninyo. Normal lang pong mangitlog ang manok sa ulo ng batang mahilig magbasa.”

Simula noon, naging tampulan ng tukso si Niknok sa lugar nila. Sinusundan kasi siya ng mga itlog ng manok na nasa loob ng ulo niya. Gumugulong-gulong ang mga itlog sa kalsada papunta sa paaralan, sa palaruan, sa panaderya, sa barberya, at kahit saan siya magpunta.

“Hoy, Niknok! Tigilan mo na ang pagbabasa para hindi ka na sundan ng mga itlog!”

“Hoy, Niknok! Itapon mo na ang mga aklat mo para tumahimik na ang manok sa ulo mo!”

“Hoy, Niknok! Gawin nating tokneneng ang mga itlog para mapakinaba­ngan!” kantiyaw sa kanya ng mga tao.

Pero kahit ano pang panunukso ang marinig ni Niknok ay hindi niya itinigil ang pagbabasa. Nagbabasa siya pagkagisin­g sa umaga. Nagbabasa siya bago pumasok sa eskuwela. Nagbabasa siya sa oras ng kanilang recess. Nagbabasa siya pagkauwi niya sa bahay. Nagbabasa siya habang naghuhugas ng mga plato. Nagbabasa siya bago matulog. At kahit sa panaginip niya ay nagbabasa si Niknok!

Dahil hindi na mabilang ang mga aklat, komiks, diyaryo, karatula, at iba pang babasahing nabasa niya, nangitlog nang nangitlog nang nangitlog ang manok sa unan ni Niknok. Hanggang sa mapuno na ang bahay nila ng mga itlog!

Punong-puno rin ng mga gumugulong na itlog ang kalsada sa tuwing lumalabas siya ng bahay. Dahil dito, maraming nainis at nagalit sa kanya.

“Hay naku! Ang sikip ng daan! Nandito na naman ang batang perwisyo!”

“Ano ba ‘yan! Nagpapapan­sin na naman si Niknok at ang mga itlog sa daan!”

“Nakakainis! Itapon mo na nga sa basurahan ang mga itlog na iyan!”

Pati ang mga kalaro at mga kaklase niya ay iniiwasan na rin siya. “Ayan na si Niknok, umalis na tayo.” “Oo nga, baka mahawa pa tayo at magkaroon din tayo ng manok sa ulo.” “Ayokong maging nakakatawa tulad niya.” “Ako rin. Huwag na natin siyang isali sa laro,” ang sabi ng mga batang gaya niya.

Nakaramdam ng lungkot si Niknok dahil iniwasan siya ng lahat ng tao sa lugar nila. Sa sobrang lungkot, nag-isip siya ng paraan kung paano itataboy ang mga itlog na sunod nang sunod sa kanya.

Una, tumigil siya sa pagbabasa. Itinago niya ang lahat ng mga aklat, komiks, diyaryo, at pambalot ng tinapa na makita niya. Hindi na rin siya tumitingin sa mga karatula. Pero kahit ganoon ay sunod pa rin nang sunod ang mga itlog sa kanya.

Pangalawa, iniligaw niya ang mga itlog sa madilim na kakahuyan malapit sa kanila. Pero nang makauwi siya sa bahay nila, ay nasundan pa rin siya ng mga itlog na niligaw niya.

At pangatlo, naligo siya sa ilog. Ang akala niya ay lulubog ang mga itlog sa tubig. Pero nang umahon siya ay umahon din ang mga ito at gumulong-gulong pabalik sa bahay nila.

Gusto nang mawala ni Niknok ang mga itlog at ang manok sa ulo niya para maging karaniwang bata siya. Ayaw na niyang iniiwasan siya ng mga tao dahil kakaiba ang tingin sa kanya. Pero kahit anong gawin niya, hindi na siya iniwan ng mga itlog at ng manok sa ulo niya.

Dahil doon, naisip niyang magkulong sa bahay nila. Hindi na siya pumapasok sa paaralan. Hindi na siya pumupunta sa palaruan. Hindi na siya bumibili ng pandesal sa panaderya. Hindi na siya nagpapagup­it sa barberya kahit mahaba na ang buhok niya. Inilabas niya ang mga babasahin niya at nagbasa nang nagbasa nang nagbasa.

“Balang araw, magkakaroo­n po ng silbi ang mga itlog at ang manok sa loob ng ulo ko, ‘Nay,” ang sabi niya habang yakap siya ng kanyang Nanay na awang-awa sa kanya.

Isang araw, hindi inaasahang may dumating na pagkalakil­aki at pagkalakas-lakas na bagyo sa bayan nina Niknok.

Humihip ang napakalaka­s na hangin. Itinumba nito ang

Umaasa si Niknok na balang araw ay magkakaroo­n din ng silbi ang mga itlog ng manok na nakatira sa kanyang ulo…

mga poste ng ilaw at kuryente. Binunot nito ang mga puno at halaman sa paligid. Tinangay nito ang mga bubong ng mga bahay. Pagkatapos ay bumuhos naman ang napakalaka­s na ulan. Hinampas nito ang nag-iisang tulay sa kanilang bayan. Inanod ng baha ang mga sasakyang nakaparada sa mga kalsada. Tinibag ng baha ang mga haligi at pader ng mga gusali.

Nang tumila ang bagyo, kitang-kita ng lahat ang mga sirang bahay, tulay, paaralan, at mga gusali. Walang natirang kahit anong maayos na bagay. Mabuti na lamang at nakaligtas ang lahat ng mga tao.

Ganoon pa man, hindi nila alam kung kailan dadating ang tulong para sa kanila. Lalo na at nasira ang nag-iisang tulay na daanan papunta sa ibang bayan.

“Baka po makatulong ang mga itlog na ito,” lumingon ang mga tao nang marinig ang boses ni Niknok.

“Napakalaki ng problema natin, paano tayo tutulungan ng mga itlog?”

“Maibabalik ba ng mga iyan ang dating hitsura ng lugar natin?”

“Ilaga na lang natin at kainin ang mga iyan para mabusog tayo!”

Alam ni Niknok na ito na ang hinihintay niyang araw para patunayan na may silbi ang mga itlog ng manok na nakatira sa ulo niya. Alam niyang hindi masasayang ang ginawa niyang pagbabasa.

Mayamaya, isa-isang napisa ang mga itlog na sunod nang sunod sa kanya. Mula sa mga iyon ay lumabas ang mga tauhan sa mga kuwentong nabasa niya. Lumabas din doon ang mga kakaibang bagay at ang mga pambihiran­g kaalamang natutuhan niya sa pagbabasa.

Napanganga ang mga tao nang makita ang isang higanteng pugita na inaayos ang nasira nilang tulay.

Nanlaki ang mga mata nila nang makita ang gintong barko na may kargang materyales para sa itatayong mga gusali at bahay.

Napahiyaw sila nang makita ang diwatang nagsaboy ng mahiwagang alikabok sa buong bayan para mabilis na maitayo ang mga bagong gusali at bahay.

Napapalakp­ak sila nang magbigay ang mahiwagang kaserola ng napakarami­ng pagkain at tubig para sa kanilang lahat.

Napatalon sila sa tuwa nang biglang tumubo ang mahiwagang mga buto at nagkaroon ulit ng mga puno at halaman sa buong paligid. Sa isang iglap, naging maayos at maganda ulit ang bayan nina Niknok.

Dahil doon, hindi matapos-tapos ang pasasalama­t ng mga tao sa kanya. Hindi rin sila maawat sa paghingi ng paumanhin sa kanya. Bilang pasasalama­t kay Niknok, nagtayo ang mga tao ng malaking aklatan sa gitna ng bayan. Hinikayat nila ang isa’t isa na magbasa nang magbasa tulad ng kanilang batang bayani.

Naging masaya si Niknok dahil napatunaya­n niyang may silbi ang mga itlog ng manok sa ulo niya. Naging masaya siya dahil hindi na siya iniiwasan ng mga tao. Nagkaroon pa siya ng maraming kaibigang mahilig ding magbasa tulad niya. Napanatag din ang Nanay niya nang makita siyang masaya.

Mula noon, nakilala ang bayan nina Niknok bilang bayan ng mga taong may manok sa loob ng kanilang ulo. Napuno ng mga putak ang bawat bahay sa lugar nila at napuno rin ang kanilang mga kalsada ng mga gumugulong na itlog. At iyon ang ipinagmama­laki ng kanilang bayan!

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines