Buklat/Mulat
PINAKABAGONG nagwagi ng Lampara Prize para sa kuwento at ilustrasyon ang Ang Lumang Makina ni Lola Mina (Lampara, 2018) nina Mary Grace Borja at Kring Demetrio (ilustrador). Isa ako sa naging hurado ng patimpalak para sa kuwento bago pa man ito maging batayan para sa isang paligsahan sa pagguhit.
Namukod-tangi ang kuwentong ito sa lahat ng mga lahok dahil sa simpleng pagkakasulat na may simpleng tunggalian. Walang pretensiyon ang awtor na sumulat ng isang “pampanitikang” kuwentong pambata. Nais niyang ihatid ang isang kuwento ng pagmamahalang apo at lola na walang gaanong burloloy sa kaniyang prosa. Nakatulong ang paggamit ng pananaw ng isang bata sa unang panauhan upang mailapit ang paksa ng lumang kagamitan at kaugalian sa mga bata ng kasalukuyan.
Mainam ang pagkakapili ng awtor ng makinang pantahi bilang sentral na imahen sa kuwento. Maaaring basahin ang lumang makina bilang talinghaga at simbolo ng katawan o kalusugan ng isang lola. Napahalagahan din namin pagpaksa sa makina dahil bibihira itong paksain sa mga aklat pambata ng bansa. Maraming bata sa aking henerasyon ang may maririkit na alaala sa makinang pantahi. Hanggang ngayon, batid ko pa ang tunog nito habang pinapadyak. Naalala ko ang munting kabinet nito na sisidlan ng mga sinulid, pangmarka sa tela, ilang retaso, at gunting. Batid ko pa ang amoy nito kapag nilalangisan. May damit din ang aming lumang makina sa probinsiya kapag hindi ginagamit. Kapag walang bantay,
nagiging laruan ko ito— nagiging eroplano, taguan, o munting tahanan. Ito siguro ang dahilan kung bakit malapit sa mga hurado ang kuwento. Maraming alaalang binuhay ang kuwento ni Borja.
Kaugnay nito, isang rikit na taglay ng aklat ang pagkakaroon nito ng tonong tradisyonal o old-fashioned. Idagdag pa ang paggamit ng dalisay na wika. Maaaring isipin na ang aklat na ito ay naisulat noong dekada 1960 dahil walang banggit sa anumang gadgets gaya ng cellphone o kompyuter. Ang ligaya ng bata ay hindi nakasalalay sa anumang abanteng teknolohiya kundi sa mga bagay na malikhaing nilikha ng lola sa tulong ng makina.
Mainam na sangkap sa kuwento ang isang naratibo ng sorpresa sa kaarawan. Kahit na marami nang gumamit nito, nananatili itong mabisa kung maingat ang pagkakasulat. Kung hindi, magiging predictable ang kuwento at magiging kabagot-bagot.
Idagdag pa rito ang estratehiya ng enumerasyon na nakatutulong upang kilitiin ang imahinasyon ng mambabasa. Ganito ang ginamit ng kuwentista: “Noong nakaraan kong kaarawan ay niregaluhan ako ni Lola ng lilang bestida na may malaking laso sa harapan. Naregaluhan (sic) n’ya rin ako ng berdeng bestida na may disenyo ng iba’t ibang prutas. Mayroon na rin akong kahel na bestida na may disenyong mga dahon at puting bestida na may disenyong mga bituin, araw at buwan.” Ang ganitong paraan ay maaalala rin sa aklat na Sandosenang Sapatos ni Luis Gatmaitan na inilarawan at inisa-isa ang mga uri ng sapatos na natanggap ng batang tauhan mula sa kaniyang yumaong ama na isang sapatero.
May hatid na bago ang mga guhit ni Kring Demetrio na nagmula sa Cebu. Nakatulong na malayo siya sa sentro o sa Maynila kaya kakaiba ang kaniyang estilo sa pagguhit. Ito ang kaniyang unang nalimbag na aklat. Ang pagpili niya ng kulay ay hindi ang karaniwang makukulay at matitingkad. Pinili niya ang abuhing kulay na nagpapahiwatig ng katandaan ng isang lola. Sopistikado ang mga larawan. Masinsin at madetalye ang pagkakaguhit. Inaasahan kong magpapatuloy siya sa pagguhit ng mga aklat pambata. Nababagay ang kaniyang estilo sa mga ilustrasyon para sa mga kuwentong pantasya, katatakutan, fairytales, at mga kuwentong-bayan. May
rikit sa malalagim niyang imahen.
Sa kanilang aklat, mapapansin ang paggamit ng mga gasgas (scratches) at mga umaalong linya sa mga pahina. Hindi lamang ito ginawa upang maging palamuti. Ang mga gasgas ay nagpapahiwatig ng katandaan ng isang bagay gaya ng makikita sa ibabaw ng isang bagay. Maaari rin itong maihalintulad sa pileges sa mukha. Ang mga umaalong linya, na makikita sa title page at copyright page, ay pahiwatig naman sa trabaho ng isang tauhan sa kuwento.
Sa unang tingin, ang mga ilustrasyon ni Kring Demetrio ay aakalain mong gumamit ng pinong colored pencils. Ngunit kung susuriing mabuti, may mga imahen sa kaniyang ilustrasyon ang nilikha rin sa tulong ng computer. Sa aking pananaliksik sa kaniyang website, nabanggit niyang ang kaniyang mga likha ay yari sa graphite, soft pastel, and digital. Tinutukoy ng graphite ang “metallic grey writing and drawing material most commonly used in pencil form.” Karaniwang anyo ang pastel ang soft pastel na maaaring nasa anyo ng stick o matabang krayola. Madali itong masira kung mariin ang pagkakahawak ngunit may matindi itong kulay kapag inilapat sa papel. Kung gayon, kailangan ng ingat sa pagkakagamit nito dahil sa taglay na mataas na konsentrasyon ng pigment.
May ilang suliranin akong napansin sa aklat. Una, ang teksto ng kuwento ay kompleto na. Binasa namin ito ng mga kapwa ko hurado bilang kuwentong kayang tumayo nang walang lakip o alalay na ilustrasyon. Maaari itong malathala sa mga textbook at antolohiya. Ngunit ibang kaso na kapag ito’y gagawing picture book o illustrated book. Makikinabang ang aklat kung dadaan ito sa editing o pagbabawas ng teksto. Sa pamamagitan ng pagkakaltas ng teksto, nabibigyan ng kalayaan ang ilustrador na makapagkuwento rin.
Nanghihinayang ako sa aklat dahil batid kong maaari pang maipamalas ng ilustrador sa kaniyang husay. Lamang, nalilimitahan siya ng espasyo na sinasakop ng teksto ng kuwento (kasama ang salin sa Ingles). Kung mapapansin, halos kalahati ng spread ay nailalaan sa teksto ng kuwento. Masyadong masikip ang mga pahina. Matutugunan sana ang problemang ito kung dinagdagan ng mga pahina upang maitampok ang drama o ang paglalantad ng sorpresa sa pagbuklat ng mga pahina ng aklat.
Muli kong ipinapaalala na ang anyo ng picture book ay kailangang tambalan ng manunulat at ilustrador. May mga detalye sa kuwento ang kailangan nang burahin dahil magagawa naman ito ng ilustrador. Kailangang magtipid sa prosa upang makapaglaan ng espasyo sa sining-biswal. Batayan ang kuwento ng mga ilustrasyon ngunit hindi ito ang tanging bukal o sandigan ng kuwento.