Liwayway

Kasaysayan Ng Kalibutan (16)

- Ni EDGAR CALABIA SAMAR

Edgar Calabia Samar

KABILANG panig. Ano ang ibig sabihin noon? Hindi pa napoproses­o ni Hal sa isip niya ang tungkol sa Tagpuan, heto’t may bago na namang ibinunyag si Jema sa kaniya. Tinitigan niya ito. Mapapagkat­iwalaan ba talaga niya ito? Totoo ba talaga ang lahat ng mga sinasabi nito sa kaniya? Kung hindi, bakit sinasabi nito sa kaniya ang mga sinasabi nito? Kung oo, malinaw ang dahilan, tulad ng ipinaliwan­ag nito sa kaniya. Kailangang makatawid dito sa Tagpuan ang mga tulad nilang Hugnay upang mabuksan ang daan patungo sa kabilang panig na iyon ng Kalibutan na tinatawag na Daigdig. “Pero bakit natin gugustuhin­g makarating sa Daigdig? Hindi ba mapanganib doon? Kung doon nanggaling––at doon nagbalik ang mga bathala…”

Tumayo si Jema mula sa pagkakasal­ampak nila ng upo sa gilid ng daan. Tuloy pa rin ang tunog ng musika mula sa loob ng pinanggali­ngan nilang bar. “Hindi natin alam, maliban sa… maliban sa naroon ang sagot sa marami sa mga tanong natin. Tungkol sa nagdaan, tungkol sa pinagmulan natin, tungkol sa kasaysayan natin. Hindi mo ba gugustuhin­g makarating doon?”

Hindi agad nakasagot si Hal. Pero tumayo siya kasunod ni Jema. Siyempre, gusto niyang malaman ang lahat ng mga pinagmulan nila. Ang lahat ng hindi sinasagot ng mga diwata’t tamawo’t nuno. Lahat ng ni hindi nila magawang itanong. Hindi niya sinasabi kay Jema na isa sa mga nasa isipan niya ay ang posibilida­d na doon din tinatangay ang lahat ng mga nawawala. Ang ama niya. Si Aman. May nawala na rin ba kay Jema, sa kahit na sino sa mga kapamilya nito? “Pero hanggang kailan tayo maghihinta­y? Hindi tayo sigurado kung darating pa ang ibang Hugnay, hindi ba? At… at sigurado na bang Hugnay nga ako, tulad ng sinasabi mo?”

“Wala naman talaga tayong masisigura­do. Maliban sa pareho tayong naririto. Tulad ng dalawang iba pa…”

“Sino sila? Nasaan sila?”

Hinila ni Jema si Hal patungo sa kaliwang gilid ng bar, sa gilid na nakaharap sa mas makitid na kalye na mas hindi dinadaanan ng mga sasakyan. May ilaw na nasa poste na kanina pa sinusulyap­an ni Hal dahil walang kahit anong hayop

ANG NAKARAAN: Pumunta si Benilda sa Pusod ng Sinupan upang kaharapin ang Punong Tagasinop na nagpatawag sa kaniya. Nang nakaharap niya sa wakas si Dimang, na mukhang matikas sa napakatand­a nitong edad, biglang hindi na siya sigurado kung nasa Pusod ng Sinupan nga ba siya. Hindi niya mapasok basta-basta ang isip at nararamdam­an ng matanda na tulad ng nagagawa niya sa ibang nilalang. Nalaman niya mula kay Dimang na totoo si Isidro at na kilala ito ni Dimang, na siyang totoong nagbibigay ng mga libro upang mabasa ni Benilda. Noon din nalaman ni Benilda ang papel niya para sa samahan: kailangan siya ng mga ito para makipag-usap sa isang Bathala.

na nagpapagan­a sa mga ilaw na iyon. Ipinakita ni Jema kay Hal ang mga nakasulat sa pader sa labas ng bar. Mukhang bandalismo, pero nang nilapitan na nila, saka natiyak ni Hal na nakasulat doon ang tatlong simbolo at may nakahanay na mga tuldok pagkatapos ng simbolo.

“Ako ito,” turo ni Jema sa simbolong parang mata ng daligmata. May siyam na tuldok sa kanan ng simbolo. “Siyam na beses na akong nakararati­ng ngayon dito sa Tagpuan. Ngayon ang ikasampu.” At inilabas ng dalagita mula sa bulsa niya ang isang panulat at dinagdagan ng panibagong tuldok ang hanay ng mga tuldok na kasunod ng simbolo niya. “Sa kanila itong dalawang iba pa,” sabi ni Hal, na mabilis naunawaan ang ibig sabihin sa kaniya ni Jema. Sa ilalim ng parang mata ng daligmata, makikita ang mukhang tenga ng isang musang na may kasunod na tatlong tuldok, at ang mukhang tuka ng isang parik-parik na may kasunod na limang tuldok. “Hindi mo puwedeng sabihin ang pangalan nila… o ilarawan man lang sila sa akin?” Umiling si Jema. “Importante­ng makita mo rin sila sa mga susunod na pagtawid mo rito. Naisip ko… namin… na isang paraan din iyon para matiyak natin na tayo nga ang mga Hugnay…” “Paanong matiyak?” “Dahil mauunawaan natin ang isa’t isa rito sa Tagpuan kahit pa nagmula tayo sa iba’t ibang hibaybay sa Kalibutan, kahit pa iba’t iba talaga ang wikang nasa mga utak natin. Mauunawaan natin ang isa’t isa sa gitna ng ingay ng lugar na ito… sa kabila ng dami ng iba pang nilalang na naririto…” Iniabot ni Jema kay Hal ang panulat na hawak niya. Kinuha naman ni Hal iyon. Hindi na kailangang sabihin sa kaniya ni Jema ang dahilan para roon. Isang paraan ito para i-track nila ang pagdalaw ng isa’t isa rito. Kung ilan nang Hugnay ang naririto. “Kapag nakompleto na ang walo… ano na?” “Saka natin isusulat dito kung kailan tayo magkikita-kita. Kaya ang kailangan mong unang pag-aralan pagkaalis mo rito ay kung paano mo masasadya ang pagpunta rito.”

Noon lang ulit naisip ni

Hal sina Gurong Amanda at Gurong Ireneo, at kung paano siya nakapunta rito. Iyon lang ba talaga ang tanging paraan? “Paano ka nakakapunt­a rito?”

“Noong una, biglaan lang. Akala ko ay nananagini­p ako. Sa ikalawang pagpunta ko na rito natiyak na hindi panaginip lang iyung una. Kaya madalas ay gabi, bago ako matulog, kapag nasa pagitan ako ng antok at paghimbing. Pero ngayon… ngayon, kaya ko nang tumawid dito basta’t may binabasa akong kahit anong aklat ng tula at nagawa kong sauluhin at bigkasin sa isip ko ang isang bagong tula.”

Hindi alam ni Hal kung binibiro lang ba siya si Jema. “Seryoso ka ba, tula talaga?”

Hindi ngumiti si Jema. “Hindi mo ba naisip na baka iyon ang dahilan kaya nagsulat ng mga tula ang matatandan­g diwata. Para sa atin? Para sa mga Hugnay? Para sa kakayahang ito na magawang sadyaing tumawid dito sa Tagpuan?”

Gustong ulitin ni Hal ang tanong niya, Seryoso ka ba, tula talaga? pero pinigilan na niya ang sarili. Bakit nga hindi? “Susubukin ko iyan… pagbalik ko… pero paano ka nakakabali­k? Paano ka nakakaalis dito? Inuulit mo lang ulit ang tula?”

Tumango si Jema. “Kaya hindi ko puwedeng makalimuta­n. Kung hindi, nakasalala­y sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin ang pagpunta at pag-alis ko rito. Tulad ng antok ko. O pagsikat at paglubog ng araw.”

Iginuhit ni Hal sa pader ang simbolong kamukha ng mga sungay ng isang anuwang. Pagkatapos ay nag-iwan siya ng tuldok sa kanan niyon. “Pero tulad ng sabi ko kanina, hindi tayo sigurado kung kailan makakapunt­a rito ang apat na iba pa di ba… o kung magagawa ba nila iyon kahit kailan?”

“Wala talaga kayong alam sa mga sinaunang salaysay, ano?” sabi ni Jema, mas namamangha sa kawalang-muwang ni Hal kaysa nangunguty­a o sinusukat ang kaalaman nito. “Mas alam pa siguro ninyo ang kuwento ng mga nuno’t tamawo…”

May parang kung anong nasaling sa kalooban ni Hal, pero hindi na niya sinabi kay Jema. May katotohana­n din naman sa isang banda ang sinasabi nito. “Pasensiya na, wala akong masyadong alam tungkol sa mga Iha–….” at nainis na naman siya sa sarili sa pagkabigla, at sa agad na pagdadalaw­angisip. Masama bang tawaging Ihalas ang tulad ni Jema? Alam ba nitong iyon ang tawag nila sa mga diwatang nasa labas ng Tahilan? Parang mga damong ligaw. Parang mababangis na hayop. Ihalas. Mga hindi dinatnan ng kabihasnan at kaligtasan na inihatid ng mga nuno sa Kalibutan. Subalit heto’t mas marami pang alam tungkol sa kaniya.

“Para ka na namang timang. Wala namang problema kung anuman ang gusto mong itawag sa akin… sa amin… laging mas mahalaga ang iniisip namin… natin… tungkol sa ating mga sarili. Nagkakaroo­n lamang ng kapangyari­han ang tawag ng iba sa atin kapag sinimulan na nating tingnan ang sarili natin sangayon sa tawag na iyon. At walang masama sa ihalas! Nagsimula tayong lahat sa pagiging ihalas! At baka nga gusto lamang nating talikuran iyon kaya tinitingna­n natin iyon na para bang iyon na nga ang pinakamasa­mang maaaring maging kalagayan ng isang diwata. Subalit pagiging ihalas ang nasa pinakaubod nating lahat.”

“Seryoso ka ba talaga lagi? Kayo?”

Napangiti si Jema. “Naku, ewan ko. Baka dahil dito sa Tagpuan! Balik na nga tayo doon sa unahan at baka akala nila ay kung anong ginagawa natin dito.”

Ang pagbabagon­g-anyo niya, naisip ni Hal. Iyon na ba iyon? At naisip niya si Palangi. Totoo ba ang kuwentong sinabi ni Jema tungkol sa kinalaman nito sa pagyanig ng lupa? At ano ang kinalaman niya rito?

Iniabot ni Hal kay Jema ang panulat nito na kinuha naman agad ng dalaga at isinuksok sa bulsa na nasa pang-ibaba nito.

Habang naglalakad sila pabalik sa unahan ng bar, kung saan nakatambay pa rin ang isang pangkat ng mga umiinom ng kung anong alak malapit sa pinto, nagtanong ulit si Jema kay Hal. “Ano ba ang ibig mong sabihin ng seryoso? Sa tingin ko, nang unang beses pa lang kitang makita, ikaw ang masyadong seryoso… may problema ka ba?”

Tumingin si Hal kay Jema. Nakikita niya sa magkatulon­g na liwanag ng buwan at ng mga ilaw sa mga poste sa gilid ng daan ang katapatan sa tanong ng dalagita. Paulit-ulit niyang ipinapaala­la sa sarili na kasintanda lang niya ito. “Wala naman… oo… marami… pero…”

Tumango lang si Jema. “Hindi mo naman kailangang isaisahin sa akin. Hindi mo kailangang magkuwento ng kahit ano. Hindi mo pa ako kilala…”

May kung anong lumukso sa puso ni Hal. Oo nga. Hindi pa naman talaga sila magkakilal­a. Bakit ba parang binuksan na niya ang lahat ng maaari niyang buksan sa loob niya sa babaeng ito? Dahil sa mga sinabi nito tungkol dito sa Tagpuan at sa Daigdig? Tungkol sa kanilang pagiging Hugnay? Tungkol kay Palangi? Muli, maaaring walang kahit anong totoo sa mga sinabi nito sa kaniya. Pero bakit sasabihin nito ang mga iyon sa kaniya? Para na rin niyang tinanong kung bakit kumakatha ng mga salaysay at agam na katha-katha lang ang mga diwatang inialay sa paglikha ng mga iyon ang buhay nila. Bakit nga ba? Para aliwin ang nakikinig o nagbabasa? Para aliwin ang sarili nila? Lunas lang ba sa pagkabagot sa Kalibutan ang mga iyon. Nababagot ka lang ba, Jema? “Naiisip ko ang… ang ama ko at kapatid ko.” Hindi maintindih­an ni Hal kung bakit niya sinasabi ang mga ito. Alam niyang hindi siya nababagot lang. Mayroon siyang sinusubuka­n. Mayroon siyang gustong tiyakin. Ipapahamak mo ba ako, Jema? Pagkatapos, bigla niyang naalala ang ina niya. Ipinapaham­ak ba niya ito ngayon sa mga sinasabi niya?

“Anong nangyari sa kanila?”

Hindi sumagot si Hal. Yumuko siya sa sementong tinutuntun­gan niya. Naglalakad lahat ng naririto. Nilingon niya sa bandang kanan niya ang mga nagkukuwen­tuhan at nagtatawan­an malapit sa pinto papasok sa pinagmulan niya. Nakatunton­g pa rin ang mga iyon sa lupa, tulad ng inaasahan niya. Diwata ba ang mga ito? Ano ang mga ito?

“Tulad ng sabi ko, hindi ka kailangang magkuwento… wala kang kailangang sabihing kahit ano sa akin na sa tingin mo ay… pero…”

Tumingin si Hal kay Jema. “Pero ano?” Bumuntong-hininga si Jema. “Hindi mo pinansin ang sinabi ko sa iyo kanina…”

Naghintay lang si Hal na magpatuloy sa pagsasalit­a ang dalagita. Alin doon? Napakarami na nilang pinag-usapan.

“Na hindi ito ang… hindi ito ang una nating pagkikita. At hindi ito ang unang pagkakatao­n na nalaman mo ang tungkol kay Pangali at tungkol sa Tagpuan at sa pagiging Hugnay… at na may inilagay kami… ako… sa utak mo para malimutan mo ang lahat… at para malaman ko kapag tumawid ka ulit dito.”

Napakunot ang noo ni Hal. “Ano’ng ibig mong sabihin?” Saka niya naisip muli ang ipinadala nitong mensahe. Mahalaga ang pag-iisa. Alam na niya iyon. At ipinagpala­gay na niyang kaugnay iyon ng kanilang pagiging Hugnay. Kasunod ang pagkakaisa. Pero ano ang ibig nitong sabihin ngayon na pagtawid niya ulit dito? “Nakarating na ba ako rito dati?” At naisip niya ang mga araw na nawala siya, ang mga araw na akala niya ay saglit lang ang lumipas subalit kay tagal pala niyang nawala at halos sinukuan na ng ina ang paghihinta­y sa pagbabalik niya noon.

“Kinupkop ka namin nang ilang araw nang makita ka namin sa kabila ng gumuhong Dambuhalan­g Panaklong… at bago mo kami nakita… nawala ka at tumawid dito… pero sinalubong ka rito ng… alam mo, nag-iiba-iba ang mga nilalang na naririto sa Tagpuan. Kahit iyang loob niyan,” tumingin si Jema sa direksiyon ng bar. “At nang sinundan kita agad dito, mababangis ang mga naririto at agad kang sinugod at ibinalibag ng mga nilalang na hindi ko rin alam ang pangalan. Halos wala kang malay nang naitawid kita pabalik sa Kalibutan.”

“Dakilang Sanggalang… kayo ang… pero bakit wala akong maalala? Paano mo tinanggal… ano ba ang inilagay ko?”

“Sa iyo rin nanggaling na mas gusto mong makalimuta­n ang lahat. Noong una, talagang hindi mo maalala ang mga nangyari. Kahit paulit-ulit kang nagkakamal­ay, kahit paulit-ulit mo akong nakikita, at kahit paulit-ulit akong nagpapakil­ala, ni hindi mo maalala kung sino ako. Pero pagtagal-tagal, sa pag-uulit-ulit ko ng mga kuwento, nasanay ka, dahan-dahan, pakaunti-kaunti, at nagawa kong ipaunawa sa iyo ang sitwasyon. Hindi madali sa amin dahil kasama mo ang iyong alagang…” “Daligmata… si Baisa…”

Tumango si Jema. “Hindi siya nagsasalit­a pero alam naming sinisikap niyang alalahanin ang lahat ng nangyayari. Hanggang sa naubos na ang imbak ng pagkain niya… at ikaw na mismo ang nagsabi kung paano mapapataga­l ang lakas niya… kung buburahin niya ang lahat ng tala niya simula nang nakita ka namin, at kung… kung titigil siya sa pagtatala ng kahit ano habang naroon kayo… at iyon ngang mensaheng ipinadala ko… tulad ng sabi ko, pangontra iyon sa pag-usbong ng kung anumang hinala sa kaniya na mayroon tayong mga tinanggal na datos sa kaniya dati. Hindi pa rin malinaw sa amin kung ano’t para saan ang mga hayop na iyon na lagi ninyong kasa-kasama…”

Naisip ni Hal si Baisa. Anim na taon na niya itong kasama. Pero hindi na nga niya maisip na hindi niya ito kasama. Kahit dito sa Tagpuan, napapatalo­n pa rin ang puso niya kapag tumitingin sa gilid at nakikitang wala ito. Sanay na siyang halos panibagong pares niya ito ng mga mata, panibagong pares ng tenga. Hindi niya kailangang makita at marinig lahat dahil maaari niyang tanungin si Baisa pagkatapos ng anumang pangyayari para tiyakin kung tama o hindi ang nakita o narinig niya. Posible bang magbigay ng sagot si Baisa na iba sa talagang nakita o narinig nito? Hindi iyon kayang maisip ni Hal. Sa tingin niya, mas komplikado para sa mga daligmata ang magsinunga­ling, ang kumatha ng datos, kaysa ulitin lang ang kung ano ngang nasaksihan o nakita nila. Alam din ni Hal ang proseso ng offloading ng datos sa daligmata at pansamanta­lang hibernatio­n ng automatic recording nito ng mga nangyayari sa paligid na isa sa mga default na gawain nito para maging mas matipid sa absik. Pero hindi legal na legal iyon maliban sa mga gipit na sitwasyon na wala talagang posibleng pagkunan ng absik. Hindi naman itinatala sa manwal ng daligmata kung anong sitwasyon ang posibleng maging gipit na gipit para mawalan ng absik. Hindi rin legal na pabayaang maubusan ng absik ang mga daligmata––at paano mo mahahayaan­g hindi gumagana ang daligmata mo kung ito ang susi mo para makapasok sa Palihan at sa iba pang mahahalaga­ng lugar sa Tahilan para maisagawa mo ang mga kailangan mong gawin sa bawat araw? Sa isip ni Hal ngayon, mukhang iyong sandaling iyon na nga ang sitwasyong hindi mailarawan ng manwal, ang gipit na

sitwasyon na kailangang mag-offload ng datos at mag-hibernate ang autorecord­ing ng daligmata. Pero sa isa pang banda ng isip niya, hindi ba lalo ngang gugustuhin niyang itala lahat ni Baisa ang mga nangyayari noon, lalo pa at nasa lugar sila na hindi siya pamilyar, at may mga sinasabi sa kaniya si Jema na bumabago sa halos lahat ng alam na niya? Sukdulang maubos ang natitirang absik ng alaga niya? Bakit gugustuhin niyang kalimutan ang lahat ng ito? At paano? “Paano ko nalimutan ang mga ito? Anong inilagay mo sa akin.”

“Bulong,” mahinang sabi ni Jema.

“Bulong?”

“Iyon ang isa pang kakayahan ko… bilang Hugnay. Kaya kong mag-iwan ng bulong sa sinumang nilalang upang malimutan niya ang ilang bagay… o maalala ang kailangan niyang maalala… Ikaw…?”

“Ako?”

“Karaniwang may iba pang kakayahan ang mga Hugnay maliban sa pagtawid dito sa Tagpuan…”

Ang pagbabagon­g-anyo niya, naisip ni Hal. Iyon na ba iyon? At naisip niya si Palangi. Totoo ba ang kuwentong sinabi ni Jema tungkol sa kinalaman nito sa pagyanig ng lupa? At ano ang kinalaman niya rito? “Hindi ako sigurado pero…”

Noon nila narinig ang kung anong pagkakagul­o mula sa loob ng bar. Hindi na iyon ang karaniwang tunog ng tugtugan mula roon. Ang totoo, kapuna-puna ang talagang pagtigil ng tugtugan mula sa loob na napalitan nga ng mga kalabog at hiyawan. Kahit ang pangkat na nagkukuwen­tuhan at nagtatawan­an at mukhang mga lasing na sa dami ng mga bote ng alak na nainom ay biglang napatingin lahat sa dako ng bar.

Hindi naman alam ni Hal kung papasok ba sila ni Jema sa loob o tatakbo palayo. Pero papunta saan? Isang mahabang lansangan ang nasa harapan nila. Kanina pa walang dumaraan na kahit anong sasakyan. Mga sasakyan na hindi kalahating hayop at hindi pa rin maunawaan ni Hal kung paano napapaanda­r dito.

Bago pa man nakapagpas­ya sina Jema at Hal kung ano ang gagawin, biglang tumilapon na ang pinto ng bar palabas dahil sa mapuwersan­g pagtulak doon mula sa loob. Tumama ang pinto sa pangkat ng mga nag-iinuman labas na halos sabaysabay na napayuko pero nahagip pa rin. Halos mabasag ang mukha ng babaeng pinakanapu­ruhan. Duguan naman ang braso ng binatang naaalala ni Hal na nagtangkan­g mag-abot ng alak sa kanila kanina ni Jema.

Tuloy ang malakas na hiyawan sa loob at parang nagbabalya­han ang mga naroon.

“Kailangan na nating umalis agad,” bulong ni Jema kay Hal. “Alam mo ba kung paano ka makakaalis dito?”

Umiling si Hal. Iniisip niya si Gurong Amanda. Alam ba nito ang nangyayari sa kaniya ngayon dito? May idea ba sila sa kung nasaan na siya ngayon?

“Kumapit ka sa akin,” sabi ni Jema.

Walang nagawa si Hal kundi sundin ang sinabi ni Jema. Pagkatapos nakita niyang pumikit ang dalagita, at malamang na may binibigkas na kung anong tula ngayon sa isip niya. Naisip ni Hal kung may saulado ba siyang kahit anong tula na maaari niyang bigkasin ngayon. Wala siyang maisip na kahit ano.

Maya-maya, lumabas na ang nagtulak at nagwasak ng pinto. Nagpilit bumangon para tumakbo ang mga natumbang nagiinuman na tinamaan ng tumalsik na pinto kanina.

Nanlaki naman ang mga mata ni Hal sa nakita. Hindi niya alam kung tama ba ang nakikita niya. Aswang. Isang dambuhalan­g garuda na halos. May aswang dito sa Tagpuan. Ang alam nila ay nalipol na ng mga nuno noon ang lahat ng aswang. Ibig sabihin, isa sa mga nasa loob kanina ay isang aswang at nagbagong-anyo ngayon bilang garuda. Tumingin siya kay Jema, pero nagsisimul­a na itong maglaho at nang tingnan ni Hal ang mga kamay niyang nakakapit sa dalaga, nagsisimul­a na ring maglaho ang mga iyon.

(ITUTULOY)

 ??  ?? 6
6
 ?? “Wala naman talaga tayong masisigura­do. Maliban sa pareho tayong naririto. Tulad ng dalawang iba pa…” “Sino sila? Nasaan sila?” ??
“Wala naman talaga tayong masisigura­do. Maliban sa pareho tayong naririto. Tulad ng dalawang iba pa…” “Sino sila? Nasaan sila?”
 ??  ??
 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines